Chapter 24: Fate and Misfortunes?
Witch Hunt
Chapter 24- Fate and Misfortunes?
Charm's POV
Kinabukasan, sa bahay pa rin ng lola ko ay nagising ako sa huni ng mga manok na nasa bakuran nina lola. For once ay nagkaroon din ako ng isang matiwasay na tulog.
Nabaling naman ang atensyon ko rito kay Aurora na katabi kong nakahiga at mahimbing pa ring natutulog.
Niligpit ko muna ang aking kumot bago tuluyang lumabas ng kwarto at pumunta sa labas ng bahay para magpahangin.
"Magandang umaga Charm."
Natigil naman ako sa paglalakad ng pareho kong nadatnan sina Lance at Lucas sa labas na nagsisibak ng kahoy. Magkasabay pa silang bumati sa'kin. Agad ko naman silang nilapitan.
"Magandang umaga rin sa inyo. Bakit kayo nagsisibak ng kahoy ng ganitong oras?" kunot-noo ko namang tanong sa kanila.
"Pareho silang dalawa na nag-alok ng tulong sa pagsisibak ng kahoy nang magamit ko mamaya sa pagluluto ng ating ihahanda imbes na ipadala ko ang mga kahoy na ito sa bayan para ipasibak sa iba."
Napalingon naman ako sa'king lola na hindi ko namalayang nakatayo na pala sa may likuran ko.
"Masaya po kaming tumulong lola!" masigasig namang sabi ni Lance.
"Sus kailangan pa kitang turuang magsibak ng kahoy eh. Palibhasa kasi laking palasyo." pang-aasar naman nitong si Lucas. Saglit na natigil sa kanyang ginagawa si Lance at sinamaan ito ng tingin.
"Ano'ng sabi mo? Hinahamon mo ba ako ha?!" asar niyang saad.
"Hay naku, masyado pang maaga para mag-away kayong dalawa diyan." pag-awat ko naman kaya pareho naman silang natahimik at humingi ng pasensya.
"Nakikita kong pareho niyong gusto ang aking apo."
Lahat kami ay nagulat sa biglang pag-imik ni lola dahilan para sabay kaming mapatingin sa kanya.
"Kita niyo na? Tama ako 'di ba?" dagdag pa ni lola.
Walang nagpasyang umimik sa'ming tatlo at isang nakakailang na katahimikan ang biglang bumalot sa'ming kinaroroonan.
"Good morning sa inyo--- Teka, ba't parang ang awkward nang atmosphere rito?!" sabi naman ng kakagising pa lang na si Aurora habang kinukusot-kusot pa ang mga mata nito na siyang bumasag sa katahimikan dito.
Agad naman ako lumapit sa kanya at hinawakan siya sa may braso.
"Lola, pwede po ba kaming mamasyal ni Aurora sa labas saglit?" pagpapaalam ko. Agad na tumingin sa'kin si Aurora na parang nagulat pa yata sa ginawa ko.
"Sige apo. Sigurado akong maagang naghahanda ang ibang residente rito para sa kapistahan. Baka may mga maabutan na kayong mga nakatayong mga tindahan sa gilid ng daan." pagpayag naman ni lola.
Bago kami tuluyang umalis ni Aurora ay kinuha ko muna 'yung aking sling bag mula sa loob ng kwarto at agad siyang binalikan saka kami naglakad palabas.
"Ehhhh...gusto ko ring mamasyal kasama si Charm! Siguro kaya mo na ito Lucas." rinig ko namang reklamo ni Lance.
"Manahimik ka at tumulong ka rito." tila naiinis namang sabi ni Lucas.
Palihim ko namang tiningnan ang kinaroroonan ni Lance na nadatnan kong nakanguso dahil sa inis.
Pfffttt..
...
"Wow! Ang ganda ng sinasabit nilang banderitas banda roon oh! Ngayon lang ako nakakita ng mga ganyan!"
Tila nagningning ang mga mata ni Aurora habang tumitingin sa kapaligiran. Kahit masyado pang maaga ay abala ang mga mortal sa kani-kanilang mga ginagawa. May mga abala sa paglalagay ng banderitas, may iba ring abala naman sa pagpapaganda ng kani-kanilang mga tindahan. Marami ring mga taong namamasyal dito ng gan'tong oras gaya namin.
Kagaya ng kasama ko, ngayon lang din ako nakakita ng banderitas sa loob ng limang taon.
"Tara do'n Charm!" nagagalak na sabi nitong kasama ko sabay hatak ng kamay ko.
Nang makarating na kami sa tapat ng tindahan na gusto niyang puntahan ay huminto na siya sa kakahila sa'kin at tiningnan ang mga naka-display na mga alahas.
"Wow, gusto ko ang kwintas na'to! Pwede ba nating bilhin ito pleaseeeeeee." pagsusumamo niya naman sa'kin sabay bigay ng isang nagpapa-awang tingin. Napailing na lang ako rito.
"Oo naman. Medyo malaki ring gantimpala ang nakuha natin kaya siguro ayos lang naman na bilhin natin 'yan." pagsang-ayon ko naman.
"Yeheeeeyyy! The best ka talaga Charm!" tuwang-tuwa namang saad niya.
Narinig ko pa ang pahabol niyang komento sa sarili na "Buti na lang hindi natin isinama 'yong kontrabidang tigre na 'yon" pero rinig na rinig ko pa rin mula rito sa kinatatayuan ko.
No'ng magbabayad na sana kami para sa kwintas dito sa babaeng nagbabantay ng tindahan, na sa tingin ko'y nasa kanyang mga trenta na, ay nagulat naman kami sa biglaang panlalaki ng kanyang mga mata pagkakita sa hawak ni Aurora na kwintas.
"Pasensya na kayo pero hindi namin ipinagbebenta ito. Maaaring nagkamali lang ang kasama ko sa pagdi-display nito." pahayag niya sabay hablot sa kwintas mula sa kasama ko.
"Ay! Sayang naman ate! Ang ganda pa naman sana!" pagmamaktol naman ni Aurora.
"Humanap ka na lang ng iba. Madami pa namang ibang magaganda diyan." sabi naman no'ng tagabantay. Nagpout naman 'yong kasama ko sa harapan ni ateng tagabantay ng tindahan.
"Ayoko nang tumingin sa iba eh. 'Yan talaga ang gusto ko. Bakit ba kasi ayaw niyong ibenta sa'kin 'yan ha?!" pagmamaktol niya lalo.
Tumahimik muna 'yong kausap naming tindera, na tila nag-aalangan pang sagutin ang kanyang katanungan, pero kinalauna'y nagdesisyon din itong magsalita sa pag-asang magbago ang isip nitong kaibigan ko.
"Ang kwintas na ito ay nagtataglay ng isang sumpa. Na kung sinuman ang may suot nito, ay nalalapit din siya sa kanyang kamatayan." seryoso nitong pahayag. Pero tinawanan lang siya ng siraulo kong kaibigan.
"Pasensya na pero hindi kasi ako naniniwala sa mga pamahiin. Kaya bibilhin ko pa rin 'yang kwintas." pagpupumilit niya.
Balak ko din sana siyang pigilan pero ayaw niya talagang magpaawat. Minsan hindi ring masamang maniwala tayo sa mga pamahiin.
Nagdesisyon pa rin siyang kunin ang kwintas sa kabila ng babala ng tindera. Habang nagbabayad siya ay may nahagip naman ang mga mata ko na isang kulay pilak na hair pin na kumikinang pa habang natatamaan ito ng sinag ng araw. Kasama ito sa mga hilera ng mga alahas na nakadisplay sa mesa.
Nilapitan ko naman ito at kinuha mula sa pagkakadisplay.
"Magkano ito?" tanong ko sa tindera.
"Maganda ang napili mong hair pin iha. Pinaniniwalaang maswerte ang pin na 'yan para sa mga naghahanap ng kanilang mapapangasawa. Dalawang gintong barya lang ang katumbas niyan" wika nito kaya nabitawan ko tuloy ito ng, 'di oras... na siyang dahilan naman para tumawa ng malakas itong kasama ko.
"W-wala pa akong balak mag-asawa!" nahihiyang sabi ko. Siguro nga ay namumula na rin ang mukha ko ngayon sa sobrang hiya.
"Hahahahaha! Sige na, kunin mo na ang pin Charm! Mukhang bagay naman sa'yo eh!" natatawa pa ring sabi ni Aurora.
Sa huli ay binili ko na rin ang hair pin na iyon dahil na rin sa pagpupumilit ng kasama ko. Paalis na sana kami mula sa tindahang ito pero muli naming narinig magsalita ang tindera.
"Since bumili kayo ng aming mga paninda, kung interesado kayo ay may libre kaming pahula ng inyong magiging kapalaran. Ang kapatid kong si Mel ang pinaka-mahusay na manghuhula sa village na ito." pagmamalaking paliwanag niya.
"Ako! Ako! Gusto kong malaman ang kapalaran ko sa pag-ibig!" Unang umimik itong si Aurora sabay taas pa ng kanyang kamay. Akala ko ba hindi ito naniniwala sa mga pamahiin?!
Inihatid naman no'ng babae si Aurora sa kalapit na tent na nakaset-up malapit lang sa tindahan. Pagkapasok ng kasama ko ay lumabas agad ang babae at matyaga naman akong naghintay dito sa labas.
Hindi rin nagtagal ay lumabas din siya na nakasimangot...
"Sabi ng manghuhula magiging single na'ko pang-habangbuhay, waaaahh!" sabi niya. Parang biglaan itong nawalan ng enerhiya sa katawan.
"Ah eh... 'di ba sabi mo nga hindi ka naniniwala dyan? 'Wag mo na lang masyadong dibdibin, hehe." sabi ko naman na sinusubukang pagaanin ang loob niya.
"Gusto mo rin bang sumubok na magpahula?" sabi ulit ng tagabantay, na ngayo'y nakatingin sa'kin.
"Hmm, sige. Wala namang mawawala eh." pagpayag ko na rin. Pumasok na rin ako sa kaparehong tent kung saan din pumasok si Aurora kanina.
Pagkapasok ko sa nasabing tent ay agad kong nakita ang sinasabi niyang manghuhula na medyo may kaedaran na. Nakaupo ito sa isang upuang gawa sa kahoy, at sa tapat nito ay isang maliit na mesa na gawa rin sa kahoy. Nakapatong naman mula rito ang isang nagliliwanag na bolang crystal.
"Maupo ka iha." ani nito sabay turo sa isa pang upuang kahoy katapat niya. Agad naman akong naupo roon.
Agad naman siyang napapikit at itinaas ang magkabila niyang kamay sa ibabaw ng bolang crystal na tila pinakikiramdaman ito. Napaisip tuloy ako saglit kung isa rin ba siyang deity gaya namin, pero wala naman akong nararamdamang mahika mula sa kanya.
Kaya sigurado akong isa lang siyang ordinaryong mortal...
"ALAS!"
Medyo nagulat pa ako sa bigla nitong pagsigaw sabay mulat ng kanyang mga mata. Nanlalaki itong tumingin sa'kin.
"Nakikita kong madilim ang kakaharapin mong kapalaran. Puno ito ng pagsubok at paghihirap, na siyang maglalapit sa iyo sa kamatayan." nababahala niyang pahayag.
Well... hindi na ako nagulat pa. Siguro nga normal na iyon para sa'kin na siyang itinakda na maging tagapagligtas ng sangkatauhan.
"Pero... may nakikita akong kaunting liwanag sa kabilang bahagi ng iyong kapalaran..." dagdag pa nito kaya agad akong napatingin ulit sa kanya para taimtim na makinig.
"Ikaw ay makakatagpo ng iyong tunay na pag-ibig mula sa isang binatang handang gawin ang lahat para sa iyo. Kung sino'ng unang lalaking magbibigay ng rosas sa iyo mamayang gabi, siya na ang aking tinutukoy sa'king pangitain." dagdag paliwanag pa niya.
H-ha?! T-tunay na pag-ibig?!
Hindi na ako nagtanong pa at agad na nagpasalamat dito sa kausap ko tsaka ako nagmadaling tumayo at umalis ng tent. Pagkakita ko naman kay Aurora ay agad na akong lumapit sa kanya.
"Ano ang sinabi sa'yo Charm?" tila excited namang sabi niya pagkakita sa'kin. Napailing na lang ako
"Hayaan mo na. Hindi rin naman ako naniniwala sa mga pamahiin eh." sabi ko na lang.
Nakaalis na rin kami mula sa tindahan na iyon pero patuloy pa rin ito sa pangungulit sa'kin tungkol sa sinabi ng manghuhula sa'kin kanina.
Pamahiin lang naman ang mga 'yun di ba?
Mga pangyayaring imposibleng mangyari sa hinaharap...
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top