Chapter 21: First Lunch With Friends

Witch Hunt
Chapter 21- First Lunch With Friends

Charm's POV

*Tick tock... tick tock*

Pagkamulat ng aking mga mata ay 'yong huni agad ng orasan ang aking narinig . Agad naman akong napaupo sa'king higaan habang iginala-gala ko ang aking mga mata. Mukhang nakabalik na yata ako sa bahay ni Lucas.

Maya't-maya pa'y may narinig akong nilalang na parang nag-uunat ng kanyang mga kamay sa kaparehong silid kung nasaan ako ngayon. Pagkatingin ko sa may kanan kung saan nakapwesto ang sofa ay nagulat ako ng makita ko si Lance mula sa kanyang pagkakahiga.

No'ng napatingin siya sa may direksyon ko ay agad na nagtagpo ang kulay kahel nitong mga mata sa kulay rosas ko namang mga mata.

"L-LANCE?! Bakit ka andito?! Tsaka kailan ka pa nandyan ha?!" gulat kong sambit sabay iwas agad ng tingin.

Tila nararamdaman ko ang pag-init ng aking magkabilang pisngi pagkakita ko sa kanya rito.

"Relax Charm. Kada makikita mo ako, 'yan parati ang sinasabi mo." natatawa niyang sabi. Parang binabalik niya lang din 'yong sinabi ko sa kanya dati.

"Hinintay lang kitang magising habang abala naman silang lahat sa baba sa paghahanda ng tanghalian natin. Kaso nakaidlip naman ako sa paghihintay, hahaha!" dagdag pa niya.

Agad namang nalipat ang tingin ko sa orasan...

"HA? Hapon na?!" gulat kong pahayag. Napasarap naman yata masyado ang tulog ko.

"Oo gano'n ka katagal na natulog. Pero ayos lang 'yon, at least nakatulog ka ng matagal." sabi naman niya.

Matapos no'n ay hindi agad ako nakaimik kaya binalot kami ng ilang segundong katahimikan. Hindi rin nagtagal ay narinig ko ulit magsalita itong si Lance.

"Hindi mo kailangang mailang sa'kin Charm. Sabi ko nga, tanggap ko kung ano ka. Kaya pakiusap naman oh... balik na ulit tayo sa dati. Kausapin mo na ako." sabi niya. Para siyang bata ngayong nakikiusap sa mga magulang niyang ibili siya ng laruan.

Hindi ko naman namalayan na natatawa na pala ako sa pinag-iisip ko kaya no'ng napagtanto ko ito'y agad din akong tumikhim.

"Bagay pala sa'yong tumawa... Mas lalo kang gumaganda." casual niyang sabi, pero iba ang dating sa'kin. Agad na kumabog ang puso ko pagkarinig ko no'n.

"Anyway, kaya pala ako andito kasi nakapagdesisyon na akong tulungan ka sa kung anumang misyon ang gagawin mo. Nakwento kasi sa'kin no'ng kaibigan mong si Aurora ang tungkol sa pagbuhay mo sa mga springs." paliwanag niya bigla.

Kahit kailan talaga, ang daldal ni Aurora!

"Bilang susunod na tagapagmana ng trono, tutulungan kitang wakasan ang witch hunt na ito. Ipinapangako ko na... gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang gumawa ng isang panibagong mundo na kung saan hindi mo na kailangang magtago." dagdag pa niya sabay ngiti sa akin ng sinsero.

*Dugdug... Dugdug..*

Napatingin ulit ako sa kanya at naramdaman ko na naman ang pagkabog ng puso ko. Pansin kong seryoso siya sa kanyang sinabi... kaya natigilan ako saglit.

*BOOGSH! *

Halos mapatalon naman ako sa gulat no'ng biglang nagbukas ang pinto ng kwarto nang may kalakasan dahilan para mapatingin kaming pareho ni Lance sa may pinto. Kita ko namang magkasabay na pumasok sina Lucas at Aurora.

"Grabe, may galit ka ba sa sarili mong pinto?!" bulyaw naman ni Aurora sa kasama niya. Hindi naman siya pinansin ni Lucas at sa halip ay naglakad ito palapit sakin.

"Magandang hapon Charm. Buti at nagising ka na. Halika, sabay-sabay na tayong mananghalian sa baba. Naghihintay na sa hapag ang iba." pahayag niya.

"Hmp, kanina pa'ko gutom tapos ngayon lang tayo kakain!" naiinis namang saad ni Aurora.

...

Wala na kaming sinayang na oras at agad na rin kaming bumaba papunta sa hapag-kainan ni Lucas. Kita ko ngang andidito na si Johanne na abala ngayong nilalaro ang manika kong si Failur, at si Baal na nasa sahig ay may pagkain ding nakahanda para sa kanya. Namangha naman ako sa dami ng pagkain na nakahanda sa mesa. Isa-isa na kaming naupo at nagsimulang kumain.

Hindi ko naman mapigilang matuwa sa kasalukuyang nangyayari. Parang kailan lang, dalawa lang kami ni Baal ang magkasamang kumakain. Ngayon, andami ko nang kasalo sa hapag.

At kung dati-rati'y nag-e-effort pa akong gumawa ng isang manika para man lang may makausap ako, ngayon may mga maituturing na akong mga kaibigan...

Sana ganito na lang kasaya parati...

"Charm? May problema ba?"

Nabalik naman ako sa realidad no'ng tinawag ako ni Lucas na nakaupo sa bandang harapan ko. Pati tuloy 'yong iba ay napahinto sa pagkain saglit at napatingin sa'kin.

"Ah eh, wala naman! Ano... masaya lang ako kasi mahigit limang taon din akong walang kasalo sa hapag." pahayag ko.

"Naku! 'Wag mo nang problemahin 'yon! Ang importante ay kasama mo na kaming lahat!" nakangisi namang sabi ni Aurora na katabi ko sa'king kanan.

"Tama siya!" pagsang-ayon naman ni Lance na nasa kaliwa ko naman nakaupo.

"Salamat sa inyong lahat." nakangiti kong sambit. At bumalik naman kaming lahat sa pagkain.

And again, sana ganito na lang kami kasaya parati.

...

Ilang oras pa ang nakalipas ay natapos na kaming lahat sa pagkain at sabay naming natapos hugasan ni Aurora ang aming mga pinagkainan.

Kasalukuyan akong nakaupo sa sofa sa may salas ni Lucas habang nagbabasa sa aking spell book habang 'yong iba ay magkapares na nag-uusap sa kada sulok ng salas.

"Spell book ba 'yang binabasa mo?'"

Napaangat naman ang tingin ko nang marinig ko ang boses ni Lucas. Pumwesto na rin siya sa inuupuan kong sofa pero buti nama'y nilagyan niya ng konting distansya sa pagitan namin.

"Ahh oo. Pinag-aaralan ko pa ang iba't-ibang spells na hindi pa pamilyar sa'kin para sa muling paglalakbay namin maya-maya." sagot ko naman. Palihim naman akong napasulyap sa kanya para tingnan ang magiging reaksyon niya.

Umaasa talaga ako na sana ay sumama siya sa'mimg paglalakbay.

" Well... Tungkol pala diyan--" panimula niya. Aabangan ko pa naman sana ang kanyang sasabihin pero biglang naputol ang pag-uusap namin dahil sa pagsingit ni Aurora.

"Uhm, ayoko sana putulin ang moment niyo ano... pero kasi may isang kawal kanina sa labas ng bahay na nagpabigay nitong scroll at nitong malaki at mabigat na supot, pero agad din naman siyang umalis." sabi niya, sabay pakita sa mga sinabi niyang scroll at supot.

Agad ko naman kinuha ang scroll at binuksan ito. Pagkabukas ko ay agad nagtipun-tipon ang iba pa naming kasama sa kinaroroonan ko para makita rin nila ang nabanggit na scroll. Malakas ko namang binasa ang nilalaman nito para marinig ng lahat...

Maligayang araw!

Lubos ko kayong pinasasalamatan sa pagligtas sa aking kaisa-isang anak at sa mga residente ng Belmont City. Bilang gantimpala sa inyong kabayanihan, tanggapin niyo ang isandaang gintong barya na nasa supot.

Saglit akong nahinto sa pagbabasa para tingnan 'yong nabanggit na supot na kasalukuyang hawak-hawak ni Aurora.

"Kaya pala ang bigat nito! Sabi na eh naglalaman ito ng pera, nyahaha!" komento pa niya na puno ng kagalakan habang inaalog ang hawak na supot.

"Bitawan mo 'yan. Hindi ka dapat gantimpalaan dahil natulog ka lang kagabi." saad naman ni Baal. Inirapan lang siya no'ng kausap niya.

Napailing na lang ako at ipinagpatuloy ang pagbabasa sa liham...

Bukod sa pasasalamat, nais ko rin kayong balaan at himukin na kung maaari ay umalis na kayo rito bago magdapithapon. May nakaplanong pangt-a-ambush sa inyong grupo ng mga taga- Vavelia City at inaamin kong naging parte ako ro'n. Pakiusap umalis na kayo sa lalong madaling panahon.

-Duke Francis.

Nagulat kaming lahat sa pagtatapos ng liham.. Wala naman kaming sinayang na oras at agad kaming nagsitayuan at agad na nagligpit ng mga gamit para sa aming paglalakbay.

No'ng natapos na kami makalipas ang isang oras ay agad na akong lumapit kay Lucas para pormal na magpaalam.

"Sasama ako, kaya 'di mo kailangang magpaalam." medyo natatawa niya namang sabi. Namula tuloy ako sa hiya.

"'Di mo naman agad sinabi!" sabi ko naman.

"Sasabihin ko naman dapat, kaso nga naputol ang usapan natin kanina." depensa niya naman.

Matapos ang saglit naming usapan ay nakita ko namang lumapit sa'kin si Baal, na nasa totoong anyo na pala.

"Saan pala ang sunod nating pupuntahan Baal?" tanong ko.

"Charm... ang susunod nating pupuntahan ay ang sentro ng bansang Derkarr. Dito namuno dati ang makapangyarihang si Deity Apollo kaya sa syudad na ito rin mismo ipinatayo ang kanyang templo." sagot naman niya.

Nanlaki naman ang mga mata ko no'ng mapagtanto ko kung ano'ng syudad ang kanyang tinutukoy...

No way...

Sa Vavelia City?!

-TO BE CONTINUED-

❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️

Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.

Salamat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top