Chapter 20: On A Full Moon (Part 2)

Witch Hunt
Chapter 2O- On A Full Moon (Part 2)

Charm's POV

Bahagyang nanlaki ang aking mga mata nang makita kong naging dalawa 'yong nakaharap ko kaninang dambuhalang arachnid.

Hala... ano'ng ginawa ko?!

"Tumakbo ka na palayo rito! May mga kilala ako sa labas na tutulong sa iyo para makatakas." sabi ko do'n sa bata. Sinunod niya rin agad ako at kumaripas na ng takbo palayo rito sa lungga ng halimaw.

Pagkaalis niya ay agad kong hinarap 'yong mga arachnid... na 'di ko namalayang sumusugod na pala papunta sa'kin! Itinama no'ng isa ang kanyang dambuhalang ulo at binigyan ako ng isang malupitang head butt dahilan para tumalsik ako palayo. Pero bago pa man tumama 'yong katawan ko sa isang malapit na rock formation ay naglabas na agad ako ng isang malakas na ihip ng hangin upang maitulak ako palayo sa bato at maayos naman akong nakalapag sa lupa.

Kaasar... Paano ko ba ito matatalo kung patuloy lang siyang dadami at mabubuhay lang ulit?

Sa kalagitnaan ng aking pag-iisip ay bahagyang nawala ang atensyon ko sa paparating na atake nila. Pero sa puntong ito ay sabay silang dumura ng sapot papunta sa aking direksyon. Nakalundag pa ako pakaliwa at naiwasan 'yong isa, pero tinamaan pa rin ako ng pangalawang pag-atake at agad naman nitong binalot sa makapal na sapot ang aking buong katawan. Nabitawan ko pa ang aking wand ng mangyari ito.

Kahit ano'ng pagpupumiglas ko ay hindi pa rin ako makawala mula sa sapot na bumabalot sa'kin. Pero mas nabahala pa ako nang makita kong papalapit ulit sa'kin ang mga halimaw na ito.

Sinubukan ko namang inilabas ang enerhiya ng apoy na nasa loob ng aking buong sistema kahit hindi ko hawak-hawak ang aking wand. Ilang ulit din akong napa-inhale at exhale para mai-concentrate ang enerhiya kong ito.

Makalipas ang ilang segundo ay nakita kong nag-uusok na ang sapot na nakabalot sa'kin, kaya naman sa tulong ng elementong apoy ay pwersahan kong natanggal ang nakabalot sa'kin at agad ding pinulot ang aking wand. Nagliliyab pang bumagsak sa lupa ang bawat hibla ng sapot na naalis sa katawan ko.

Pansin ko namang napaatras ang dalawang arachnid pagkakita nila sa nagliliyab na mga hibla. Teka... takot ba sila sa apoy?

"Charm? Ayos ka lang-- woah, ano'ng nangyari rito?! " Nabaling naman ang atensyon ko rito sa kakapasok pa lang na si Lucas na nanlaki naman agad ang mga mata ng makitang naging dalawa na ang arachnid.

"Oo ayos lang ako. Nasaan na si Johanne at ang mga biktima?" natanong ko nang hindi ko nakitang kasama niya ito.

"Sinamahan niya ang mga biktima pabalik sa syudad." sagot naman niya.

"Mabuti naman." saad ko.

"Nakalimutan ko pa lang sabihin sa iyo na hindi mo ito basta- bastang mapapatay, lalo na ang hatiin 'yong katawan nito dahil dodoble ang kanyang bilang, na kita ko ngang ginawa mo na kaya ayan naging dalawa na sila. Pero alam ko kung ano ang kahinaan nito." pahayag naman niya.

Sana sinabi niya naman sa'kin' yan kanina ng mas maaga para mabalaan naman ako!

Bigla namang naputol ang pag-uusap namin ng sugurin ulit kami ng dalawang arachnid dahilan upang magkaroon ng distansya sa pagitan namin ni Lucas no'ng sabay kaming umilag sa magkabilang direksyon.

"Sa tingin ko ay alam ko na rin ang kahinaan nito! Apoy ba?!" pasigaw kong sabi para marinig niya ako.

"Hindi lang basta apoy! Kundi sinag ng araw!" pasigaw din niyang sabi.

Bigla namang nagflashback sa'kin ang sinabi niya kaninang tuwing gabi ng full moon lang ito kung lumabas. Baka nga siguro takot ito sa sinag ng araw kaya gano'n!

Sakto! Ang alam ko ay magbubukang-liwayway na rin maya-maya at pasikat na ang araw. Kailangan lang namin mapasunod sa labas ang mga halimaw na ito para ma-expose sila sa sinag ng araw.

At para mapasunod nga sila ay napagdesisyonan ko ngang asarin ang mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng tigda-dalawang fireballs sa mga mukha nila.

"Habulin niyo kami kung kaya niyo!" pang-aasar ko pa lalo sa kanila tas dali-daling tumakbo palabas. Sumunod naman sa'kin itong si Lucas na inaamin kong may kabagalan ng kaunti kung tumakbo.

Tinangka pa kaming pigilan ng mga arachnid nang dumura ang isa sa kanila ng isang sapot na siyang nagsilbing harang sa lagusan kung saan sana kami lalabas. Agad kaming natigil ni Lucas sa pagtakbo. Pinatabi ko muna siya bago ko banggitin ang isang level 5 na fire spell.

"FLAME THROWER!"

Itinutok ko ang aking wand paharap sa nakaharang na sapot at nagpalabas ng isang matinding apoy dahilan upang masunog ang mga hibla nito at kinalauna'y nagkaroon na ng isang malaking butas na siyang sapat na para makalabas kami.

Lumusot kami sa butas na iyon at hawak-kamay kong hinila si Lucas palabas para hindi siya mahuli sa'kin.

Nararamdaman ko naman ang mahinang pagyanig ng lupa habang sinusundan kami ng mga dambuhalang halimaw na ito sa'ming likuran. Pagtanaw ko sa labas ay mahihinuha kong anumang oras ay magbubukang-liwayway na.

No'ng pare-parehas na kaming nasa labas ay saka ko na binitawan ang kamay ni Lucas at isinigawa ang aking plano. Nagbanggit ulit ako ng isang level 5 flamethrower spell at paikot kong tinakbo ang kinaroroonan ng mga halimaw para palibutan sila ng nagliliyab na apoy nang sa gayon ay wala silang takas habang inaantay namin ang pagsikat ng araw.

Narinig naman namin ang mga malalakas na ingay ng mga halimaw pagkakita nila sa pumapalibot sa kanilang apoy. Nagkukumahog silang lumabas mula rito pero sa tuwing lalapit sila sa apoy ay agad din silang umaatras palayo.

Hindi rin nagtagal ay dumating na ang aming pinakahihintay na sandali. Sumikat na sa wakas ang araw na siyang dahilan naman para lalo pang mag-ingay ang mga arachnid na ito. Pansin ko namang unti-unting nagiging abo ang bawat parte ng kanilang katawan pagkatama ng sinag ng araw sa bawat isa sa kanila na siyang nililipad naman agad ng hangin. Patuloy lang ang ganitong kaganapan habang patagal sila ng patagal sa ilalim ng sinag ng araw.

Nakahinga naman ako ng maluwag nang tuluyan na silang mawala sa aming paningin, at tanging mga abo na lang ang natira na siyang sumusunod sa ihip ng hangin. Agad ko ring pinawalang-bisa ang spell na iki-nast ko kanina.

"Hay salamat natapos na rin." sambit ko sabay buntung-hininga. Napaupo pa ako sa damuhan ng 'di oras dahil sa sobrang pagod na unti-unti ko nang nararamdaman ngayon.

"Hala, ayos ka lang?" nag-aalala namang tanong sa'kin ni Lucas na siyang nakatayo naman sa harapan ko ngayon.

"Ayos lang ako. Medyo napagod lang dahil wala pa akong pahinga mula kahapon." sagot ko naman. Nararamdaman ko na nga ring papikit-pikit na ang mga mata ko dahil sa antok.

Nakita ko namang napaiwas siya sa'kin bigla ng tingin...

"Uhm, pasensya ka na ulit sa'king nagawa." tila nahihiya pa niyang sambit.

"'Wag mo nang alalahanin 'yon. Naiintindihan naman kita eh. Ang mahalaga ay 'yong naitama mo ang iyong pagkakamali." sabi ko.

Ilang segundong katahimikan din ang namagitan sa'min matapos iyon. Tanging ang huni lang ng umiihip na hangin ang maririnig sa buong kapaligiran, at sumasabay sa bawat pag-ihip nito ang aming mga buhok.

Nagulat naman ako ng biglang tumingin ulit sa'kin ang binatang kaharap ko ngayon at inilahad ang kanyang kanang palad. Sa gulat ko ay napatingin pa ako sa palad niya ng ilang segundo tsaka napatingin sa kanyang mukha.

"Tara na't magpahinga na tayong lahat sa bahay." Nakangiti niya na ngayong pahayag. 'Yung genuine na klase ng ngiti.

"S-sige." sambit ko.

Napahawak naman ako sa kanyang kanang kamay at tinulungan niya naman akong makatayong muli.

"Aray!"

Pagkahila niya sa kanang braso ko upang tulungan akong makatayo ay napangiwi naman ako sa sakit dahil sa hapding dulot nito. At do'n ko lang naalala ang sugat na natamo ko mula sa espada ni Lance kanina na ngayo'y 'di ko namalayang dumudugo pa rin pala.

"Akin na 'yang braso mo." sabi naman ni Lucas pagkakita niya rin sa sugat ko.

Nagtataka ko namang inilapit sa kanya 'yung parte ng braso kong nasugatan. Makalipas ang ilang segundo ay itinutok niya ang kanyang kanang palad sa ibabaw ng sugat ko habang ang isang kamay naman ay nakahawak sa'king braso bilang suporta. Umilaw naman ng kulay dilaw ang kanyang palad at kita kong unti-unting naghihilom ang sugat kong iyon hanggang sa mawala na ang bakas nito. Namangha naman ako sa'king nasaksihan.

"Kung 'di mo pala naitatanong, isa lamang akong hamak na healer na walang ibang alam na battle type skills kundi ang magpagaling lang ng ibang tao... 'Yan, wala na ang sugat mo." pahayag niya sabay bitaw na sa aking braso.

"Wow! Laking tulong kaya ng gano'ng kapangyarihan lalo na sa'ming paglalakbay.... well, kung papayag kang sumama sa'min." sabi ko naman na bahagyang nahiya pa sa biglaan kong pag-imbita sa kanya.

"Sige, pag-iisipan ko 'yan mamaya. Sa ngayon ay hanapin na natin ang mga kasama mo at nang makapagpahinga ka na." sabi naman niya. Napatango naman ako at nagsimula na kaming maglakad pabalik sa syudad.

Sana nga ay pumayag siyang maging parte ng aming paglalakbay...

-TO BE CONTINUED-

❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️

Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. 'Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.

Salamat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top