Chapter 20: On A Full Moon (Part 1)
Witch Hunt
Chapter 20- On A Full Moon (Part 1)
Charm's POV
"So maaari mo na bang sabihin sa'kin kung saan mo dinala ang iyong mga biktima?"
Matapos kong sabihin iyon ay kita kong napaiwas siya ng tingin sa'kin at tila nag-aalangan pang magsabi ng totoo pero kinalauna'y nagsalita rin ito.
"Dinadala ko sila sa isang tagong kweba rito na kung saan naninirahan ang isang dambuhalang Arachnid na tagong naninirahan sa isang liblib na parte ng syudad na siyang nadiskubre ko naman pagkarating ko rito."
"Tuwing kabilugan ng buwan lamang ito kung lumabas mula sa kanyang lungga at pumupunta sa kweba para maghanap ng kanyang makakakain..." paliwanag niya, ngunit bigla siyang napahinto nang makita ang naging reaksyon ko.
"May balak kang gawin silang pagkain, gano'n ba?!" gulat kong tanong. Agad naman itong tumango.
Napatingin ako sa kalangitan at natatanaw ang kabilugan ng buwan na siyang nagbibigay liwanag sa kasalukuyang gabi. Nakaramdam naman agad ako ng pagkabahala.
"Kung ganoon ay kailangan na nating magmadaling kumilos upang iligtas sila sa lalong madaling panahon! Sabihin mo sa'kin ang eksaktong lugar at nang makapag-teleport agad tayo roon. " saad ko.
Pagkasabi niya sa eksaktong lokasyon ay wala naman akong sinayang na oras. Pinatunaw ko muna 'yung bumabalot na yelo sa buong katawan ni Johanne na dulot naman kanina ng aksidenteng pagkakatama ng spell ni Aurora sa kanya.
Since hindi ako marunong magcounter ng spell para sa pampatulog ay tinipon na lang namin sina Lance at Aurora sa gilid malapit sa puno ng narra, pati na rin si Baal na hanggang ngayon ay wala pa ring malay.
Matapos iyon ay saka kami nagtipun-tipon nina Johanne at Lucas para maisama ko rin sila sa gagawin kong teleportation. Makalipas lang ang ilang segundo ay nakarating na rin kami sa sinasabi niyang kweba na pinagdalhan niya ng kanyang mga biktima.
Halos manlaki naman ang mga mata ko sa aming nadatnan. Lahat ng dinala ni Lucas dito, na sa bilang ko ay aabot sa sampung katao, ang ngayo'y balot na balot sa makapal na puting bagay- na kinalauna'y nadiskubre naming sapot no'ng hinawakan namin ito.
"H-hinahanda na sila para kakainin ng mga arachnid mamaya." sabi pa ni Lucas. Isinawalang bahala ko na lang ito at agad nang kumilos palapit sa mga biktima.
"Dali! Agad nating tanggalin ang mga nakabalot sa kanila! Maaaring buhay pa ang mga nasa loob!" sigaw ko.
Lumapit ako sa isang biktima at pinagbubunot ang mga hibla ng sapot na nakabalot dito. Sa kapal nga lang ng nakabalot na sapot ay inabot pa ng halos kalahating minuto bago ko nahila mula sa loob ang isang babaeng mortal na kasalukuyang walang malay.
Nabuhayan naman ako no'ng maramdaman ko pa siyang humihinga kaya dali-dali ko siyang pinainom ng gawa kong potion at agad naman itong nagkamalay.
"Umalis ka na rito, ngayon din!" sabi ko pagkatayo ng biktima. Walang pag-aatubili niya naman akong sinunod. Nagmadali naman akong lumipat sa sunod na biktima at pinaghihila ulit ang nakabalot sa kanyang sapot.
"TULUNGAN NIYO AKO!" paghingi ng saklolo ng isang matinis na boses na parang galing sa isang musmos na bata. Napatigil agad ako sa aking ginagawa at napagdesisyonang sundan kung saan ang boses na iyon.
"'Y-yun naman ang anak ng pinuno ng syudad na ito." saad ni Lucas. Aaminin kong medyo nainis ako ng bahagya sa parteng ito ng malaman kong pati pala bata ay idinamay niya sa kanyang paghihiganti.
Ipinasa ko sa kanya ang hawak kong biktima kanina at ibinigay na rin ang dalawang vial ng health potion ko sa kanya.
"Kayo na muna ang bahalang maglabas sa mga biktima, at ipainom niyo agad sa kanila itong health potion ko na ito upang bumalik agad ang lakas nila para makatakbo. May ililigtas lang ako sa bandang roon." paliwanag ko tsaka kumaripas na ng takbo.
Sinundan ko lang ang direksyon kung saan sa tingin ko nagmumula ang boses, at idinala ako no'n sa isa pang lagusan dito sa kweba na parang papunta sa kung saan. Walang pag-aalinlangan ko namang pinasok ang naturang lagusan.
Habang tinatahak ko ang daan ay palakas ng palakas ang sigaw ng batang babae. At nang tuluyan na akong makapasok ay naabutan ko naman ang isang scenario na kung saan nakalagay sa isang malaking sapot na binuo sa pagitan ng dalawang rock formation ang batang babaeng naririnig ko kaninang sumisigaw.
Pagtingin ko naman sa bandang kaliwa ay nakikita ko naman ang sinasabi ni Lucas kanina na isang dambuhalang Arachnid na naglalakad palapit sa kanyang biktima.
"AEROBLAST!"
Bago pa man tuluyang makalapit ang naturang arachnid ay minadali kong mangbanggit ng isang level 2 wind spell- isa sa mga natutunan ko agad mula sa isang foldable na spell book ni Deity Morrel na parati kong dala-dala sa aking sling bag na nakalimutan ko palang imention kay Aurora.
Ang naturang spell ay lumikha ng isang mahinang pagsabog pagkatama nito sa kaharap kong halimaw dahilan upang mapatingin ito sa aking direksyon. Sumugod naman ito papunta sa'kin.
Matyaga ko namang hinintay ang paglapit nito sa'kin. At nang makalkula ko na ang tamang distansya sa pagitan namin ng arachnid na ito ay nagsimula akong lumundag ng may kataasan at mabilis na nagbanggit ng isang level 3 wind spell.
"AIR SLASH!"
Hinawakan ko ang aking wand gamit ang dalawang magkabilang kamay ko at nag-ipon muna ng sapat na enerhiya mula sa hangin. Nang sa tingin ko'y sapat na ang naipon ko ay agad ko na itong pinakawalan papunta sa halimaw na ito at lumikha ng isang malaking linyang pahalang.
Pagtama nito sa target ay narinig ko pang umungol sa sakit ng tama ng aking spell na siya namang dahilan para mahati ang katawan nito sa dalawa sakto sa muli kong paglapag sa lupa. Nagsitalsikan pa sa bawat sulok ng lungga nito ang malapot niyang kulay berdeng dugo.
Pagkapatay ko sa halimaw ay agad naman akong tumakbo papunta sa biktima at agad siyang pinakawalan mula sa pagkaka-trap sa sapot.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ko do'n sa bata.
"Opo! Salamat po sa pagtulong." mangiyak-ngiyak pang sabi niya sabay yakap sa'kin. Niyakap ko rin ito pabalik.
Sa kalagitnaan ng yakapan namin ay nabigla naman ako no'ng agad siyang kumalas mula sa'ming pagkakayakap at nanginginig na itinuturo ang kung anumang nilalang na nasa likuran ko habang bahagya pang nanlalaki ang kanyang mga mata.
"Ate... tingnan mo!"
Sinundan ko naman ang direksyon kung saan siya nakaturo at nanlaki rin ang aking mga mata nong makita ko na ang akala kong pinaslang kong halimaw kanina ay unti-unting nagkakabuhay. Ang lahat ng laman at dugo na nagkawatak-watak kanina ay unti-unting nagsisibalikan hanggang sa mabuo ulit ang porma at itsura ng kaninang arachnid.
At dahil sa ginawa ko kaninang paghati, hindi lamang isang arachnid ang kakaharapin ko ngayon...
Kung hindi dalawa na...
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top