Chapter 18: Lance As My Enemy
Witch Hunt
Chapter 18- Lance As My Enemy
Charm's POV
Si Lucas ang puppet master at nasa panganib ngayon sina Lance at Johanne!
Kusa na akong humakbang palapit sa kanila pero tinangka akong pigilan ni Baal.
"'Wag Charm. Alamin muna natin kung saan niya sila dadalhin nang sa gano'n ay malaman natin ang kinaroroonan ng iba pang nawawalang residente." paliwanag niya.
"Pa'no kung tutuluyan niya sila ngayon din mismo? Pwede rin natin hanapin ang mga residente matapos natin siyang talunin. Sa ngayon ay kailangan natin sila agad mailigtas." katwiran ko naman.
Wala rin siyang nagawa nang tuluyan na akong pumasok sa eksena. Sumama na rin sa'kin si Aurora.
"Itigil mo na 'yan, ngayon din! " paasik kong pahayag kay Lucas.
Sa puntong ito ay naglaho na ang epekto ng invisibility spell kaya naman agad niya kaming nakita. Pagkalingon niya sa direksyon namin ay nakita ko pa siyang napasmirk kahit na bahagyang natatabunan ng manto ang kanyang mukha.
"Ohh... Tingnan mo nga naman kung sinu-sino ang mga naparito. Mga kapwa ko pa deities." sabi niya pagkakita sa'min. Nagulat pa kami ng bahagya sa sinabi niya. So sa simula pa lang alam na niya ang tunay naming pagkatao?
"Nagtataka ba kayo kung pa'no ko nalaman? Well, kaninang umaga sinubukan ko kayong kontrolin, at no'ng nakita kong 'di gumana ay do'n ko na nalaman kung sino talaga kayo. Alam naman natin na hindi tatablan ng ganitong skill ang mga deities na gaya natin." paliwanag pa niya.
Ahh... So kaya pala gano'n na lang siya kung makatitig sa'kin kanina.
"CHARM?! "
Nabaling naman ang atensyon ko rito kay Lance na bahagyang nagulat pa no'ng makita ako.
"So, magkakilala pala kayo nito ha? Mukhang magiging masaya ito." nagagalak niya pang saad. Ibang-iba talaga siya sa Lucas na iniharap niya sa'min kaninang umaga.
"Lucas, kung anuman ang binabalak mo... pakiusap, tigilan mo na ito! Sa kada gamit mo ng itim na salamangka ay unti-unti ka rin nitong kokontrolin!" pakiusap ko naman sa binata.
Pero ipinagsawalang-bahala niya lamang ang aking mga sinabi at sinimulan niya na ulit igalaw ang kanyang mga kamay. Pansin naman naming dahil sa kanyang ginawa ay kusang inilabas nila Lance at Johanne ang kani-kanilang mga espada mula sa mga lalagyanan nito na nakasukbit sa kanilang tagiliran.
"Tara na't maglaro!"
Sa isang kumpas ni Lucas ng kanyang kanang kamay ay sumugod papunta sa'kin si Lance bitbit ang kanyang espadang nakatutok pa ang talim sa'kin ngunit mabilis din naman akong nakailag do'n. 'Di nagtagal ay mabilis ulit ginalaw ni Lucas ang kanyang mga kamay dahilan para sumugod papunta sa'kin ang naturang binata. Naging alerto naman ako kaya agad din akong nakaiwas sa kanyang pag-atake.
"FROST BITE!"
No'ng nakitang abala si Lucas sa pagmanipula kay Lance ay nagcast naman ng spell itong si Aurora at balak sana niyang patamaan ito. Pero sa kasamaang palad ay naging alerto rin ang kalaban namin at mabilis niyang minanipula si Johanne at ipinuwesto sa kanyang harapan para gawin itong pananggalang mula sa kaniyang pag-atake. Pagkatama ng spell sa kanya ay agad namang nanigas itong si Johanne.
"Oops, pasensya na!" sabi pa ni Aurora sabay peace sign.
"O-okay lang ako!" saad naman ng binata.
Sa isang banda naman ay nahagip ng mga mata ko ang paparating ulit na si Lance at ang kanyang espada kaya naman mabilis akong umilag pakanan.
"Pasensya na Charm! Hindi ko gustong saktan ka, ngunit hindi ko magawang labanan ang kung anumang kapangyarihang kumokontrol sa'kin...." rinig ko namang sambit ni Lance.
Kita ko ngang pilit niyang nilalabanan ang kanyang sarili ngunit walang habas niya pa ring pinapatama sa'kin ang kanyang espada sa direksyon ko na mabilis ko rin namang naiilagan.
Sa kalagitnaan ng ginagawang pag-ilag sa mga atake niya ay naisipan ko naman itong patamaan ng isang spell na pampatulog para pansamantala siyang pahintuin sa kanyang ginagawa. Sa isang kumpas ng hawak-hawak kong wand ay nagcast na ako ng naturang spell.
Ngunit...
Sa sobrang bilis ng pagmanipula ni Lucas sa kaharap kong binata ay agad din itong nakailag at aksidenteng tumama iyon kay Aurora, na siyang abala naman kasalukuyan sa pagtulong kay Johanne na makaalis sa pagkaka-freeze ng 'di oras. Pagkatama sa kanya ng spell ay agad siyang bumagsak sa sahig.
"Hmmm... Chocolates..." nasabi pa niya bago bumagsak at agad na nakatulog.
Oopss... Pasensya na!
Kita ko naman sa isang banda ang ngayo'y maliit na aso na si Baal na biglang sinugod itong si Lucas at kinagat ang laylayan ng suot nitong robe. Napatingin naman amg naturang binata sa kanya at sa isang sipa lang nito ay agad tumilapon ang kasama ko. Tumama ito sa isang puno at agad nawalan ng malay.
Hindi... Pati ba naman si Baal. Kaasar!
Masyado yatang napokus ang atensyon ko sa aking mga kasama na hindi ko nabantayan ang muling pag-atake ni Lance. Nagawa ko namang makailag, ngunit napangiwi ako sa sakit no'ng maramdaman kong bahagyang tumama ang matulis na dulo ng espada nito sa braso ko.
"CHARM!" sigaw niya na may halo ring pag-aalala sa boses nito.
"Ayos lang ako, maliit na sugat lang ito." kalmado ko namang sabi pero 'di ko pa rin maiwasang mapangiwi sa hapding dulot ng naturang sugat.
"Oh, ano'ng problema? At some point kailangan mo ring labanan ang iyong kaibigan. Or else... baka ikaw ang mapapatay nito." pang-aasar pa nitong si Lucas. Tsk!
Kailangan ko na talagang makaisip ng paraan kung papaano ko matatalo ang puppet master na ito!
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top