Chapter 14: Friendship and Betrayal
Witch Hunt
Chapter 14- Friendship and Betrayal
Charm's POV
"Buti na lang at wala akong kargang mga paninda ngayon kaya kasyang-kasya kayong tatlo diyan."
Masigasig na pahayag ni Jade habang pinapatakbo niya ang kanyang kabayo.
Kasalukuyan na kaming nakasakay sa wagon ni Jade habang binabagtas namin ang daan papuntang Belmont City. Ayon nga sa sinabi ni Baal kanina, dito namin matatagpuan ang pangatlong spring ni Deity Ishmael- ang sinasamba dating Dyos ng Oras.
Ayon din sa kanya, siya ang tagapag-kontrol ng oras sa mundo pati ang pagsikat at paglubog ng araw ay sakop din ng kanyang kapangyarihan. Sa pagkawala niya sa mundong ito, mapapansing mas napahaba ng kaunti ang umaga kaysa sa gabi.
"Kamusta ka naman Jade? Hindi ka na ba ginugulo no'ng tatlong tukmol-este nang tatlong black assasins na 'yun?" natanong ko rito.
Agad naman siyang natawa pagkabanggit ko sa tatlong siraulong nanggipit sa kanya no'ng unang araw ng pagkikita namin.
"Ahh 'yon ba? Hindi na kami nagkita ng mga 'yon! Malamang tinakot mo ba naman sila ng husto, hahaha!" natatawa niya pa ring saad.
Kita ko namang nabaling sa'kin ang tingin nitong si Aurora na nakaupo katapat ko nang may mapanghusgang mga tingin na parang nagsasabing "Akala ko ba ako lang ang nananakot ng mga mortal dito?"
"Ha? Para 'yun sa panggugulo nila kay Jade noh!" depensa ko naman sa kanya.
Medyo malayu-layo pa raw 'yong destinasyon namin ayon dito sa kasama naming mangangalakal. Habang nasa byahe ay napiling umidlip muna nina Baal at Aurora samantalang ako ay nakikipag-usap pa rin kay Jade.
Bigla ko na naman ulit naalala ang kwento niya dati tungkol sa'ming mga deities. Kaya naman minarapat ko siyang tanungin patungkol sa dati naming pinag-usapan.
"Sinabi mo sa'kin no'ng huli nating pagkikita na kekwentuhan mo ako tungkol sa ugat ng witch hunt na ito. Maaari mo na ba akong kwentuhan ngayon?" curious kong tanong. Nakalimutan ko rin itong itanong kay Baal dati.
"Oh, oo nga pala! Sige sige, sasabihin ko sa'yo." sabi niya.
Iniba ko naman ang posisyon ng pagkakaupo ko para hindi madaling mangalay ang mga paa ko, tsaka ako masigasig na nakinig sa kanyang ikekwento.
...
"Ilang dekada na rin ang nakalipas, no'ng mga panahong matibay pa ang pagsasamahan ng mga mortal at ng mga deities, magkasabay na pinamumunuan ng sinaunang hari na si Haring Nicholas II at ng pinaka-lider ng mga deities na si Deity Apollo ang buong Derkarr at ang buong Vavelian Empire. Simula pagkabata kasi, sabay silang lumaki at naging matalik na magkaibigan. At no'ng pareho na silang lumaki at nagkaisip, sabay nilang tinanggap ang kanilang mga tungkulin at ang kanya-kanya nilang mga tauhan. Pareho nilang napagkasunduang sabay na pamunuan ang mga bansang sakop ng kanilang empire. "
"No'ng una ay naging maayos naman ang kanilang pamamalakad. Ilang taon ding namuhay ng mapayapa ang mga bansang ito sa ilalim ng kanilang pamumuno. Ngunit 'di nagtagal... sumibol ang inggit sa puso ni Haring Nicholas nang makita niyang ang babaeng kanyang iniirog ay nagugustuhan ang kaibigan niyang deity. Mas lalo pa itong lumalim ng mapagtanto niyang mas sinasamba ng kanyang mga nasasakupan ang kanyang kaibigan kaysa sa kanya dahil sa mahika niyang taglay. Pakiramdam niya ay may kinikilala pa itong hari kaysa sa kanya. "
"At dahil sa inggit niyang ito ay nagawa niyang traydurin ang kanyang matalik na kaibigan. Una, plinano niyang kunin muna ang loob ng kanyang nasasakupan upang mag-alsa laban kay Deity Apollo. Nagawa niyang paslangin ang pareho nilang iniirog na babae, at pinalabas na ang kanyang kaibigan ang gumawa sa krimeng ito. Sinimulan niyang pasiklabin ang galit sa bawat puso ng mga mortal upang sila'y mag-alsa din laban sa iba pang mga deities. "
"Matapos niyang gawin ito, gamit ang sarili niyang espada ay nagawang paslangin ni Haring Nicholas ang mismong matalik niyang kaibigan- na siyang nagsisilbing wakas sa ilang taon din nilang mabuting samahan. "
"Sa pagkawala ni Deity Apollo sa mundong ito ay siya ring pagsibol ng galit sa puso ng bawat deities at siyang pagsisimula ng gyera sa pagitan ng mga mortal at ng mga kagaya niyong deities. Kinalaunan din ng taong iyon ay siyang pagsisimula rin ng sistema ng witch hunt sa bansa." Pagtatapos ni Jade sa kanyang mahaba-habang kwento.
Natulala ako ng ilang saglit, sinusubukang isaisip ang lahat ng impormasyong nakuha ko mula sa kanyang kwento.
"Wow. Ang galing ng pagkakasalaysay mo, 'yong tipong parang ando'n ka nga sa mismong mga pangyayari." pagpuna ko.
"Ahhhh... Gawa lang ito siguro ng isinagawa kong pagsasaliksik sa nakatagong katotohanan mula sa aming mga mortal. Alam kong '
di magagawang manakit ng mga deities ng mga mortal ng walang dahilan eh. " paliwanag niya.
"Kaya naman mahigpit ng ipinagbabawal ang kahit na anumang ugnayan sa pagitan ng mga deities at ng mga mortal. " Halos mapatalon naman ako sa gulat nang bigla kong narinig na sumingit sa usapan itong si Baal.
Napaisip naman ako sa sinabi niya. Muntik ko na kasing suwayin ang naturang batas nang makilala ko si Lance...
"Anyway, andito na tayo. "
Nabalik naman ako sa realidad nang marinig ko ulit magsalita si Jade kaya napaangat naman ako ng tingin. Tumambad sa'min ang may kalakihan nitong gate na gawa rin sa bakal. 'Di gaya ng sa Vavelia City, maluwag ang kanilang seguridad dito. Walang gamit na mga magic detectors ang kanilang mga kawal na nagbabantay.
Nakakapagtaka naman, pero baka hindi lang talaga sila interesado sa nagaganap ngayong witch hunt.
Bago tuluyang pumasok, saglit naman naming pinag-usapan ang tungkol sa anyo ni Baal. Kung ayaw namin agad mabisto ng mga residente dito na kami ay mga 'witches', gaya nga ng kadalasan nilang tawag sa'min, ay kailangan naming baguhin ang kanyang anyo.
Wala rin namang normal na mortal ang naglalakad sa daan kasama ang isang nagsasalitang tigre, 'di ba?
"Kailangan ko ba talagang magbagong-anyo kada lilipat tayo ng lugar?" reklamo pa niya.
"Siyempre naman! Kaya tigilan mo na ang kakareklamo diyan at maging isang mabait at masunuring tigre ka na lang." tuwang-tuwa namang pang-aasar nitong si Aurora na ngayon ay gising na at nabuhayan ng loob pagkarinig na kailangang magbagong anyo ni Baal.
"Sige na, payag na'ko. Pero wag lang unggoy ha!" pagpayag na rin ng kasama naming tigre.
"So gusto mo ba maging isda? De biro lang." pang-aasar pa ni Aurora, pero agad ding binawi ng nakita niyang sinamaan siya ng tingin ng kasama naming tigre.
Sa isang kumpas ng kanyang kamay ay naging isang aso si Baal. Kahit halata kong asar na asar siya sa naging resulta, kasi ginawa ba naman siyang isang maiit na klase ng aso na sobrang cute tingnan, ay napili na lang nitong manahimik. Pagkatapos ay nagtuluy-tuloy na kaming pumasok sa loob ng syudad.
"Welcome sa syudad ng Belmont, kung saan ikalawa ito sa nangunguna sa kalakalan sa buong bansa." pahayag ni Jade. Sa mga oras na ito ay tumigil na ang wagon at nagsibabaan na kami mula rito.
"Pero mag-iingat pa rin kayo rito kahit na hindi masyadong mahigpit ang seguridad. May nagkalat kasing mga usap-usapan na may naninirahan daw ditong tinatawag nilang 'Puppet Master' tuwing hatinggabi. Totoo man 'yon o hindi ay parati kayong maging mapagmatyag sa inyong paligid. " dagdag pa niya. Napakunot naman ang noo ko sa'king narinig.
Ha? Puppet master?
Hindi man lang siya nagbigay ng kumpletong detalye tungkol rito sa tinawag niyang 'Puppet Master' at sa halip ay nagpaalam ito para umalis dahil may kukunin siyang supplies sa karatig na syudad. No'ng nawala na siya sa paningin namin ay agad na rin kaming kumilos para hanapin ang kinaroroonan ng templo ni Deity Ishmael.
'Yun din naman ang ipinunta namin dito in the first place.
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top