Chapter 11: Deity Roku's Blessing
Witch Hunt
Chapter 11- Deity Roku's Blessing
Charm's POV
Eksaktong alas kwatro ng madaling araw ay bumangon na ako pati na rin si Mang Kanor na siyang maghahatid sa'kin patungo sa templo ni Deity Roku. Medyo antok pa ako sa totoo lang pero mas mabuti nang maging maaga dahil hindi namin alam ang eksaktong oras ng paglusob ng mga taga Vavelia City dito sa village ng Ziv.
...
"So heto ang plano..." nasabi ko kagabi kina Aurora at Mang Kanor bago kami matulog. Pati sina Baal at Failur ay nakisali na din sa usapan.
"Dalawa lang kami ni Mang Kanor ang pupunta sa templo bukas, habang ikaw naman Aurora ay mag-aabang sa North Coast ng mga paparating na mga barko ng Vavelia City. Sakaling hindi ako makabalik agad, gawin mo ang lahat ng makakaya mo para idelay ng konti ang pagpunta nila rito sa village. Maaari ba iyon? " paliwanag ko.
Narinig ko namang napabuntung-hininga ang kasama kong deity.
"Anhirap naman ng gagawin ko, pero sige na nga! " pagpayag niya na rin kahit na nag-aalangan.
"Basta 'wag kang masyadong magpahuhuli ha! " dagdag pa niya.
"Oo na, susubukan kong makabalik agad." nasabi ko na lang para kahit papa'no ay maibsan ang kanyang pag-aalala.
"At kayong dalawa, " sabi ko sabay turo kina Failur at Baal.
"Manatili lang kayo rito sa bahay ni Mang Kanor." utos ko. Tila nalungkot naman itong si Failur dahil sa pagbagsak ng kanyang dalawang nakataas na tenga kanina.
"Ibalik niyo na lang kasi ako sa dati kong anyo!" angal naman ni Baal na parang may balak pang mangalmot.
"Ganyan ka na lang muna para hindi matakot sa'yo ang mga residente rito." suhestyon ko. Inismiran na lang ako ng supladong kuting na ito.
...
At 'yon na nga ang binuo naming plano kagabi. Kung iisipin niyo ng mabuti, dehado kami dahil sa dalawa lang kami ni Aurora ang haharap laban sa paparating na isang batalyon na mga kawal ng Vavelian Empire. Pero sana, sapat na ang blessing ni Deity Roku para matalo namin sila.
Matapos ang saglit naming agahan ay umalis na kami ni Mang Kanor at sinimulan na namin ang paglalakad patungong templo.
"Medyo malayu-layo rin ang ating lalakarin bago tayo makarating ng templo." nasabi niya sa kalagitnaan ng aming paglalakad.
"Ayos lang po 'yon." tugon ko naman.
Akala ko ang ibig lang niyang sabihin ay ilang minuto, or isang oras lang ang aabutin namin pero lumipas ang dalawang oras ay hindi pa rin kami nakarating sa aming destinasyon! Hindi nga siya nagbibiro sa kanyang sinabi kanina.
Pero bilib din ako rito sa kasama ko. Kahit na may edad na siya ay 'di nya iniinda ang pagod bagkus ay pasipol-sipol pa siyang naglalakad ngayon.
"Mabuti naman po at hindi ka gano'n katakot sa'ming mga deities, hindi gaya ng ibang taga-Ziv." sabi ko. May kaunting kurba ang namuo sa'king mga labi. Siya lang kasi ang bukod-tanging residente na nagboluntaryong magpapasok sa'min ni Aurora sa kanyang munting tahanan.
"Malaking tulong ang idinulot ng mga kagaya niyo sa aming angkan. Kaya naman mula sa mga ninuno ko hanggang sa kasalukuyan ay nagsisilbi pa rin kami sa inyo. Pumupunta ako sa templo kada linggo para linisin ito, umaasa na balang araw ay mapuntahan ulit ito ng isang deity na gaya mo. " tuwang-tuwa niya pang pagkakasabi saka siya huminto saglit sa pagsasalita at nakangiting tumingin sakin.
"At tingnan mo nga naman, hindi nasayang ang pagod ko!" nagagalak niya pang pahayag.
Nakakatuwa namang isipin na parami ng parami ang mga nakakasalamuha kong tao na patuloy pa ring naniniwala sa mga kagaya namin. Una, si Jade. Ngayon naman ay si Mang Kanor.
"Andito na tayo..."
Nabalik naman ako sa realidad nang marinig ko ulit ang boses ni Mang Kanor. Napaangat naman ako ng tingin at bumungad sa'kin ang lumang istraktura ng templo. Walang pag-aalinlangan ko namang binuksan ang pinto at sabay kaming pumasok sa loob.
Kadiliman agad ang sumalubong sa'min pagkapasok namin sa loob. Pero salamat sa maliit na lampara na dala-dala ng kasama ko ay napansin ko ang mga walang apoy na torches sa bawat sulok ng templo. Kaya naman nagpalabas ako ng kaunting mahika at pinailaw ang lahat ng torches sa templong ito sa isang kumpas ng aking kanang kamay at agad na lumiwanag sa loob.
Agad ko namang hinanap ang eksaktong silid na kahawig do'n sa templo ni Deity Morrel kung saan alam kong matatagpuan ang pakay kong spring. At matapos nga ang ilang minutong paghahanap, natagpuan ko na rin sa wakas ang pakay kong silid.
"Dito ka lang po muna sa labas habang susubukan kong makipag-usap kay Deity Roku." sabi ko rito kay Mang Kanor.
"Walang problema. Maghihintay lang ako rito sa labas." Walang pag-aalinlangan niya namang tugon.
Humakbang na ako paharap at nakita ang eksaktong simbolo na nakaukit sa malawak na pintuan ng sagradong silid do'n sa templo ni Deity Morrel, pero ngayon ay mukha naman ni Deity Roku ang nakaukit dito.
Akmang hahawakan ko pa lang sana ito, katulad ng naaalala kong ginawa ni Baal noon, pero nagulat ako nang kusa na lang itong bumukas. Ibinalik ko agad sa pwesto ang aking kanang kamay, huminga ng malalim, at nagsimulang maglakad papasok. Nang tuluyan na akong makapasok sa loob ay kusa ring nagsara ang pinto, at saktong may narinig akong boses lalaki na nagsalita.
"Kanina pa kita hinihintay... Charm." ani nito sa kanyang malumanay na boses.
Agad ko namang nalaman kung kaninong boses iyon...
"Deity Roku!"
-TO BE CONTINUED-
❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️--❤️
Hi! Sana nagustuhan niyo ang chapter na ito. Wag kalimutan mag vote at magcomment kung gusto niyo.
Salamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top