Chapter 21
Emilia
Dalawang araw ang lumipas at wala namang nagbago sa amin. Minsan, hindi ko na maintindihan ang takbo ng isip ni Roman. Tuluyan na kasi itong bumabalik sa dati, sa kung papaano ko s'ya nakilala noon sa bar. Iyong Roman na mapagbiro, madaldal at higit sa lahat ay palagi na siyang nakangiti.
Tuwing umaga, mas maaga pa itong nagigising sa akin at naabutan ko na lang siya sa kusina. Minsan ay siya na rin ang nagdidilig sa mga halaman ko sa labas at naglilinis sa bahay.
"Sa Lunes na ang pasok ni Rowan. Gusto mo bang ihatid ko siya bago ako pumunta sa trabaho?"
Ito pa ang isa sa mga nakakapanibago sa kaniya. Sa tuwing may gusto ito, tinatanong na muna niya ako bago siya gagawa ng desisyon. Kaya ang kaba ko noong nakaraang araw ay hindi na mawala-wala. Maging ang isip ko ay naguguluhan na rin sa ipinapakita niyang pakikitungo sa amin, sa akin.
Nalaman na rin niya ang pagpapa-enroll ko kay Rowan sa isang public school. Akala ko ay magagalit ito at pipigilan ako ngunit aniya'y sabihin ko lang sa kaniya kung kailangan namin ng pera para sa mga gastusin. Natuwa rin ito dahil pag-aaralin ko ang bata.
"Huwag ka nang mag-abala pa. I-Ihahatid siya ni Agatep," sagot ko at nagbago naman ang timpla ng mukha nito.
"Who's Agatep?" mariin niyang tanong.
"Iyong anak ni nanay Asunta."
"I don't like his name," mabilis niyang sagot. Umiwas ako ng tingin nang masama itong tumingin sa akin. "Stay away from him, Emilia."
"M-Mabait naman s'ya. At saka, ihahatid lang naman si Rowan."
"Kasama ka?" Tumango ako. Hindi ko puwedeng iwan ang anak ko lalo pa't bago lang kami sa bayan na 'to. Baka kung mapano pa ito kapag hinayaan ko siyang mag-isa. Kahit na kasama pa nito si Alyana, hindi pa rin ako kampante dahil mga bata lang iyon.
"H-Hindi ko puwedeng iwan si Rowan," sagot ko pa. Humarap ako sa kaniya ngunit siya naman ang umiwas ng tingin.
"J-Just don't let other guy near you."
"Hah?" naguguluhan ko na sabi. Dahil hindi ko siya marinig. Mahina ang boses nito at parang bumubulong lang.
"N-Nothing... Kumain ka na, aalis na ako. Take care," sabi nito at kumunot ang noo ko nang mabilis itong umalis sa harapan ng hapag. Nakakapagtaka dahil kakaibang Roman ata ang kasama namin sa bahay. Gustuhin ko mang itanong kung bakit siya nagbago ngunit hinayaan ko na lang.
Kahit papaano ay nakikita ko ang unti-unting pagbabago niya. Pakiramdam ko'y unti-unti ring nawawala ang galit sa kaniyang puso. Ipinapanalangin ko na lang na balang araw, tuluyan nang maglaho kung ano mang galit ang mayroon siya sa akin.
Inabala ko na ang sarili ko sa paglilinis. May pasok ngayon si Roman kaya ako na lang ang mag-isang naiwan sa bahay. Si Rowan naman ay pagkatapos nitong kumain ay agad na pumunta sa kina nanay Asunta. Pupunta raw kasi sila sa bukid para manguha ng prutas. Gusto ko sanang sumama ngunit mas marami pa pala akong gagawin sa bahay.
Kaya nang matapos ako sa pagwawalis sa sala ay umakyat naman ako at pumasok sa kuwarto namin ni Roman. Hindi naman makalat dito pero marami na kaming damit na hindi na nalalabhan. Lumapit ako sa basket na naglalaman ng mga maruruming dumit ngunit natigilan ako nang mag-vibrate ang cellphone ko sa bulsa.
"Hello?" sagot ko nang hindi tinitignan kung sino ang tumatawag.
"Shit! Emilia?" Agad kong nabosesan ang nasa kabilang linya.
"R-Roman?" mahina kong sagot. Hindi ko alam kung bakit pero nagulat ako. Nagulat ako kung papaano niya nakuha ang number ko at kung bakit ito napatawag sa akin. Noon kasi ay kahit minsan lang, hindi ako nakakatanggap ng tawag mula sa kaniya o 'di kaya'y text message.
"Yes. It's me. M-May iuutos ako, naiwan ko kasi iyong papers sa study table ko. P-Puwede bang ihatid mo sa akin 'yan dito?"
Nagsalubong ang kilay ko, kakaiba ang boses nito at parang kinakabahan siya habang kausap ko. Tumingin naman ako sa mesang tinutukoy nito, malapit ito sa bintana at nakita ko ang isang brown folder doon. Baka iyon ang tinutukoy niya kaya agad ko itong nilapita.
"I-Ito bang final reports ang nakasulat?" tanong ko. Binuklat ko pa para tignan ang nilalaman ngunit hindi ko maintindihan.
"That's it. Please, take it to the office. I'll send you the address." Agad akong pumayag sa gusto nito. Baka kaya ito kinakabahan ay importante ang mga pepeles na 'to.
Kaya nang ibinaba nito ang tawag ay agad akong nagpalit ng damit. Siguro'y mamaya na lang ako maglalaba. Nakatanggap din naman ako ng mensahe mula sa kaniya. Kaya nang lumabas ako ng bahay ay saktong may dumaang tricycle. Sumakay ako roon at sinabi ang address.
"Sure, ma'am!" Napatingin ako sa nagmamaneho at nakitang nakangiting si Agatep habang pinapaandar na ang motor.
"Baliw!" bigla kong nasabi at natawa lang ito. Hindi ko alam na namamasada pala ito.
"Kumusta naman kayo ng asawa mo?" bigla nitong tanong sa kalagitnaan ng byahe namin. "Ay, sorry. Masyado ba akong tsimoso?" Tumawa pa siya.
"H-Hindi naman pero parang gano'ng na nga." Tumawa muna ako bago ko sinagot ang tanong niya. "Wala naman kaming problema. S'ya ang may problema dahil naiwan n'ya itong mga pepeles niya," sabi ko at ipinakita ko pa ang folder na hawak ko.
Tumawa ito. "May humor ka rin pala sa katawan. Akala ko kasi ay puro seryosong mukha lang ang ipapakita mo o 'di naman kaya'y iyong nakangiti ngunit malungkot naman ang mga mata."
Hindi ako sumagot hanggang sa makarating kami sa isang kompanya. Hindi naman mataas ang building na 'to dahil hindi naman syudad itong lugar pero nakakapagtaka dahil may building dito sa lugar. Dahil siguro iyon sa mga hotels at iilang beach resorts dito.
"Magkano?" tanong ko kay Agatep at iniabot ko na rin ang bayad ko sa kaniya ngunit tinanggihan nito.
"Number mo na lang." Kumunot ang noo ko. "Ang ibig ko sabihin, number mo para tawagan mo na lang ako kung gusto mo sumabay sa akin papauwi mamaya."
Nakahinga ako nang maluwag dahil akala ko ay kung ano ang ibig niyang sabibin. Ibinigay ko naman ang number ko at ang bayad ko na mabuti na lang ay tinaggap niya. Ipinilit ko kasi dahil nakakahiya na sa kaniya.
Umalis na rin naman ito nang sabihin kong tatawagan ko na lang siya kapag uuwi na ako. Pero huli na nang maalala kong wala pala akong pantawag.
Mabilis lang akong nakapasok sa loob ng lobby. Akala ko ay haharangan ako sa pinto ngunit hindi nila ako pinansin. Kaya dumiretso ako sa parang receptionist at nagtanong.
"Miss, kilala niyo si Roman Garces?" tanong ko sa babaeng nagtitipa sa kaniyang computer. Agad itong humarap sa akin at ngumiti.
"Ano pong kailangan niyo sa kaniya, ma'am?" tanong niya.
Ipinakita ko naman ang hawak ko. "Naiwan niya kasi ito sa bahay. Mukhang importante kaya inihatid ko rito?" Tumango naman ito at agad na ibinalik ang tingin sa kaniyang computer.
Sandali lang siyang tumingin doon at agad na humarap sa akin. "Nasa meeting pa po siya, ma'am. Sa waiting area po muna kayo maghintay. We'll notify him na nandito po kayo," aniya.
Ngumiti lang ako at umalis na sa harapan niya. Agad naman akong pumunta sa waiting area nila rito sa lobby. May iilang napapatingin sa akin ngunit hindi ko na lang sila pinansin. Alam ko kasing ibang-iba ang ayos ko sa mga ayos nila, ano'ng magagawa ko? Ito lang ang nahanap kong damit kanina nang umalis ako. Isang puting t-shirt at pantaloon. Nakalimutan ko nga lang magsuot ng sandals dahil sa pagmamadali.
Naupo ako sa isang upuan at tumingin-tingin sa paligid. Pinapangarap ko noon na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral ay sa isang malaking kompanya ko gustong magtrabaho. Dahil naririnig ko kasi na malaki ang sinasahod nila. Lalo na kapag ka na-promote ka.
Pero ang lahat ng iyon ay pangarap lang. Ni hindi ko nga natapos ang high school dahil maaga akong nabuntis. Kawalan din ng pera dahil sa hirap ng buhay.
Labing-pito ako noong magdalang tao. At ngayo'y nasa dalawampu't pito na ako. Kaya impossibleng maabot ko pa ang pangarap kong iyon.
Bilib nga ako kay Roman. Dahil sa kahit gaano ang hirap nang buhay namin noon ay nakaya pa rin niyang mag-aral. Kung alam ko lang na ito pala ang pinagkakaabalahan niya noon ay sana nasuportahan ko siya.
Abala ako sa pagtingin-tingin sa paligid nang may tumigil sa harapan ko. Kaya roon ako napatingin at bigla akong kinabahan nang makita ko ito sa harapan ko.
"Hi, Emilia, right?" tanong niya at malawak ang pagkakangiti nito sa akin.
"K-Kristina?" sabi ko. Mas lalo siyang napangiti at tumango.
"You recognized me," aniya. Naupo ito sa tabi ko. "Ano'ng ginagawa mo rito?"
Kinakabahan ako kung bakit ganito niya ako pakitunguhan. Alam ko kasi na dahil sa akin ay nasira ko ang relasyon nilang dalawa. Kaya siguro ganito ako makaramdam ng kaba, na para bang may masama siyang binabalak sa 'kin.
Mabait naman siya noon. Nakikita ko iyon. Pero hindi ko na alam kung iyong Kristina na kilala ko noong mga panahong iyon ay gano'n pa rin hanggang ngayon.
"I-Ihahatid ko lang itong mga papeles ni Roman," sagot ko sa kaniya. Umiwas ako ng tingin at sa paa ko na lang iyon itinuon.
"You must be really in love with Romano," aniya bigla. Kaya napaangat ako ng tingin. Nakangiti pa rin siya pero kakaibang ngiti na ang ipinapakita niya.
"A-Ano'ng ibig mong sabihib? A-Alam mo kung ano ang nangyari noon." Nilakasan ko ang loob kong sagutin siya. Hindi naman kami napapansin ng mga tao dahil hindi naman kami nagsisigawang dalawa.
"Nothing..." Tumingin siya sa ibaba ngunit agad ding nag-angat ng tingin. "Gusto ko lang sabihin na, habang maaga pa. You should know the truth behind your marriage. This is just a warning Emilia. I know, I'm not in the right position to tell you this but-"
"Emilia!" Hindi natapos ni Kristina ang sasabihin niya nang may tumawag sa pangalan ko. Kaya sabay kaming napalingon doon. Nakita ko si Roman na dali-daling lumapit sa amin. "Where's the papers?"
Tumingin muna ako kay Kristina bago ko inabot kay Roman ang mga folder. Agad nitong tinignan ang laman.
"Thank you but I have to go. Tara na, Tina. They're waiting for us," sabi niya lang at hinawakan sa braso si Kristina.
Nagkatinginan muna kami ni Kristina bago sila umalis dalawa. Bumuntonghininga ako. Akala ko, nagbabago na. Akala ko, ibang Roman na ang kasama namin sa bahay. Ngunit sa bahay lang pala iyon, ibang Roman pala siya sa labas. Siguro, dahil maraming nakakakita? O dahil sa suot ko ngayon na malayo sa suot nilang pareho?
Isa pang gumugulo sa isipan ko ay ang sinabi ni Kristina sa akin. Hindi ko alam kung ano pang nalalaman niya. Hindi ko alam kung bakit niya sinasabi iyon sa akin. Kung gusto niya kaming sirain ni Roman, madali lang niya itong magagawa dahil alam kong kusang sasama si Roman sa kaniya pero tila ba hindi. Tila ba may gusto pa siyang iparating bukod pa roon.
Kaya bago pa man ako mabaliw sa kakaisip ay umalis na ako roon. Iisipin ko na lang kung papaano ko malalaman ang lahat ng 'to.
*****
Konte na lang talaga! Makakalaya na s'ya. Abangaaan!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top