Chapter 19

Emilia

"Nak..." tawag ko kay Rowan na abala sa pagkukulay ng kaniyang drawing book. Binili niya ito noong magpunta kami sa mall kasama ni Roman.

Tumingala ito sa akin mula sa pagkakadala sa sahid. May hawak siyang pangkulay sa kaniyang kamay.

"Bakit po, momma?" Ngumiti siya sa akin at ramdam ko ang sayang nararamdaman niya.

Lumunok muna ako bago ako naglakas nang loob magtanong.

"K-Kapag naghiwalay ba kami ng Papa mo, ayos lang sa 'yo?" Nakita ko ang pagbabago sa kaniyang ekspresiyon.

Hindi ko alam kung bakit ko ito itinatanong sa kaniya. Ang alam ko lang, karapatan niyang malaman ang mga 'to. Magsasampong taon na ang anak ko sa susunod na buwan at kahit minsan, nagiging makulit ito, alam kong maiintindihan niya pa rin ang lahat.

"Why are you asking me that question? Aren't you happy with Papa?" Umiling ako at tumabi sa kaniya. Nakaupo na kasi ito kaya hinawakan ko ang mga kamay niya.

"M-Masaya ako p-pero hindi ko alam kung hanggang kailan." Tumingin ako nang diretso sa kaniyang mga mata.

Mabilis niya akong niyakap kaya biglang bumuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Niyakap ko siya nang mahigpit at dinama ko iyon. Hindi ko alam kung ano ang magiging buhay ko kapag wala si Rowan sa tabi ko.

"Huwag ka pong mag-aalala, momma. Everything will be alright. Trust me," aniya. Hinawakan ko ang buhok niya at hinaplos. Hindi na ako sumagot at mas lalo ko lang hinigpitan ang pagkakayakap sa anak ko.

Kumalas ako sa pagkakayapos kay Rowan nang may mag-doorbell sa labas. Kaya agad akong nagpaaalam sa kaniya. Tumayo na ako at bumalik naman ito sa kaniyang ginagawa. Lumabas ako ng bahay. Pinuntahan ko kung sino man itong taong hindi naman namin inaasahang pumunta.

Bumungad si nanay Asunta sa akin nang buksan ko ang gate. Kasama nito sa Alyana na may nakasabit na bag sa kaniyang balikat.

"Nay, naparito ho kayo?" tanong ko nang ibaling ko ang tingin sa kaniya.

"Kasi itatanong lang namin kung hindi mo ba paaaralin ang anak mo?" tanong niya pabalik.

Kaya bigla akong napaisip. Malapit na pala ang pasukan at hindi puwedeng tumigil ang anak ko sa pag-aaral. Pinapapasok ko naman ito noong nasa syudad pa kami dahil ayaw kong matulad ito sa akin. Ngunit natigil lang ito nang pumunta kami rito. Magsasampong taon na ito at nasa ikalawang baitang pa lang.

Noon kasi na dapat ay paaralin ko na siya. Ipinaalam ko ito kay Roman ngunit hindi siya pumayag. Aniya'y hindi kakasya sa budget para pag-aralin pa ang bata. Kaya wala akong nagawa kun'di ang maging guro ng sarili kong anak. Itinuturo ko lang naman kung ano ang mga nalalaman ko. Dahil maging ako'y hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral.

Ngunit nang tumuntong ito sa walo. Hindi ko na ipinaaalam kay Roman. Kusa kong ipinasok ito sa isang public school na malapit sa saloon ni Andoy dahil gusto rin nitong bantayan ang anak ko. Nalaman din naman iyon ni Roman at akala ko magagalit siya sa akin pero wala akong narinig sa kaniya.

"P-Paaralin ko po," sagot ko kay nanay Asunta.

"Osiya, kung gano'n ay sumama na kayo sa amin. Mamimili kami ngayon ng mga gamit sa skwela at ipapa-enroll ko na rin itong si Alyana. Mas mabuti nang masamahan ko kayo para hindi kayo mawala."

Ngumiti lang ako at saka pinapasok na muna silang dalawa. Dumiretso kami sa sala kung saan naabutan namin si Rowan na inililigpit ang mga gamit niya.

"Alyana! Nanay!" Mabilis itong tumayo at tumabi sa akin. "What are you guys doing here?"

Tumawa si nanay Asunta at tumingin sa akin. Tila ba sinasabi nito na ako na ang magsasabi sa bata nang magandang balita. Kaya tumingin ako kay Rowan at pinantayan ko ito.

"Gusto mo ba mag-aral ulit?" tanong ko rito kaya nakita ko ang biglang pagkislap sa mga mata niya.

"Yes po, momma! P-Pero I don't knos how am I going to go to school."

"Sasamahan kita. Kaya magpalit ka roon ng damit at mamimili tayo ng mga gamit mo," sabi ko rito.

"Really?"

"Yes." Tumango ako kaya dali-dali itong umalis sa harapan ko at tumakbo papaakyat sa kaniyang kuwarto. Tumayo naman ako at tinignan sina nanay Asunta at ang apo niya. "Maupo ho muna kayo, 'Nay. Magpapalit din po muna ako ng damit."

Inalalayan ko naman silang maupo sa sofa at dali-dali rin akong pumasok sa kusina. Kumuha ako ng juice at cookies. Inilapag ko iyon sa mesang nasa harapan nila.

"Naku, Emilia. Hindi mo naman kailangan mag-"

"Ano ho ba kayo, 'Nay. Bisita kayo at saka matatagalan iyon si Rowan sa pagligo." Tumawa pa ako kaya nakita ko ang biglang pagbabago sa mga mata nito.

"Ang ganda niyo po kapag nakangiti." Napatingin ako kay Alyana nang magsalita ito.

"Salamat." Naramdaman ko ang pamumula ng pisngi ko. "S-Sige po. Magpapalit na muna ako." Umalis na ako nang hindi hinihintay ang kanilang sagot.


Nang makapagpalit kami ni Rowan. Agad din kaming umalis ng bahay.

"Malapit lang po ba ang Elementary dito, 'nay?" tanong ko habang nasa tricycle kami. Tricycle ito na minamaneho ni Agatep, iyong pangalawang anak ni nanay Asunta.

Nakasakay kami sa loob at magkatabi kami ni Nanay sa harapan habang nasa likod naman ang dalawang bata. Hindi naman sila mahuhulog dahil may harang din ito at saka sinabihan ko si Rowan na huwag malikot.

"Na sa palengke rin. Isang sakayan lang naman papunta roon at saka huwag kang mag-aalala, ihahatid naman ni Atep ang mga bata papunta roon."

"Hindi ho ba nakakahiya sa anak niyo, 'Nay? Naaabala pa po namin siya," sabi ko dahil totoong nahihiya ako. Marami na silang naitulong sa amin at hindi ko na siguro hahayaan pa na pati ang paghatid sa anak ko ay iaasa ko pa sa kanila.

"Huwag ka mag-aalala. Hindi iyon nakakahiya," sagot ni Agatep na abala sa pagmamaneho. Tumawa pa ito kaya natawa rin si nanay Asunta.

Hindi naman nagtagal ang byahe namin at ilang sandali lang ay narating namin ang pamilihan dito. Bigla kong naalala ang palengke kung saan ako nagtitinda sa syudad. Ang mga naging suki ko at si King na hindi ko na alam kung kumusta na ba siya?

"May alam po ba kayong trabaho na malapit sa eskwelahan, 'nay? Para kahit papaano ay may dagdag kita rin ako."

"Bakit ka pa magtatrabaho? Kita ko naman na maganda ang trabaho ng asawa mo," sagot nito. Nakababa na kami ng tricycle at hawak-hawak ko sa kanyang kamay si Rowan.

"Ah-eh, marami po kasi kaming kailangan gastusan," pagdadahilan ko. Alam kong hindi totoo iyon. Gusto ko lang naman magtrabaho dahil unang-una ay hindi dapat ako umasa kay Roman.

Maraming pangangailan si Rowan na hindi ko puwedeng iasa na lang sa kaniya. Mabuti na nga dahil may sapat akong pera para sa mga gamit na bibilhin namin ngayon. Ipon ko ito noong nagtitinda pa ako sa palengke at ilang Linggo lang ang itatagal nito kung sa tutuusin.

"Sige. Susubukan kong itanong sa babae kong anak kung may alam siyang trabaho na bagay sa 'yo. Rito rin kasi iyo nagtatrabaho. Sa isang restaurant malapit dito," anito. Ngumiti ako't nagpasalamat sa sagot niya.

Agad kaming naghanap ng mga school supplies nang makapasok kami sa loob. Marami ang mga nandito dahil siguro sa susunod na Linggo ay pasukan na ng mga bata. Kaya ang karamihan ay mga bumibili ng mga gamit.

"Rowan, h'wag kang bibitaw sa kamay ko."

"Yes, momma," sagot nito. Kaya mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak sa kaniya. Nakahinga lang ako nang maluwag nang marating namin ang isang tindahan ng mga gamit sa skwela.

-

Tumagal kami ng halos isang oras sa pamimili ng mga gamit. Nakahinga lang kami nang maluwag nang makalabas kami sa pelengke bitbit ang mga pinamili namin. Tuwang-tuwa ang mga bata sa mga gamit nila sa eskwela at maging ako rin ay natutuwa. Ito kasi ang kauna-uanahang masasamahan ko si Rowan sa pamimili ng mga gamit niya. Noon kasi ay minsan si Andoy lang ang bumibili at sa kaniyang saloon lang namin ito kinukuha.

Kaya laking pasasalamat ko sa kaniya. Dahil kahit magkaibigang lang kaming dalawa, marami siyang naitutulong sa akin.

"M-Magmeryenda na muna tayo," hinihingal na sabi ni nanay Asunta. Pinagpapawisan na rin ito habang bitbit sa kaniyang mga kamay ang dalawang supot.

"A-Ayos lang kayo, 'nay?" tanong ko. Nilapitan ko pa ito at tinulungang punasan ang mga pawis sa kaniyang noo.

"Ayos lang ako, 'Nak. Medyo napagod lang ako. Saan n'yo gustong magmeryenda?" Bumuntonghininga ako. Kinabahan kasi ako dahil halos hindi na siya makahinga pa kanina.

"Papaano po ang enrollment ng mga bata?" tanong ko. Tumayo ito nang maayos.

"Tapos na!" Napatingin ako rito at nakita si Agatep na may hawak na mga folder sa kaniyang kamay. Hindi pala namin ito kasama kanina at hindi ko alam kung saan nagpunta.

"Nandiyan na pala si Atep. Inutusan ko kasi siya na kumuha ng mga forms sa school. Fill up lang tapos ihahatid lang natin bukas," sagot ni nanay Asunta kaya nakuha ko naman ito kaagad.

Kaya napagdesisyunan namin na magmeryenda sa isang kilalang halo-halo restaurant dito sa kanilang lugar. Doon din daw kasi nagtatrabaho ang anak ni nanay Asunta na babae at baka puwede naming itanong kung ano ang puwede kong maging trabaho.

Nakarating din kami kaagad at pumuwesto kami malapit sa isang wall fan dahil mainit sa labas kanina. Naupo kaming lahat na agad ding lumapit sa amin ang isang babaeng kasing tangkad ko lang, may morenang balat at maganda ang hugis ng kaniyang mukha.

"Nay, ano'ng ginagawa niyo rito?" tanong nito kay nanay Asunta. Nagpalipat-lipat pa ang kaniyang tingin.

"Magmemeryenda kami. Sinamahan kasi namin ang mga bata sa pamimili ng mga gamit nila sa eskwela at siya nga pala, si Emilia, nakatira iyan sa magandang bahay sa bario natin. Emilia-"

"Rehannah pero tawagin mo na lang akong Hannah," anito. Nakipagkamay naman ako at ipinakilala ko rin ang anak ko sa kaniya.

"Tatlong halo-halo sa amin at dalawang mais con yelo naman para sa mga bata," sabi ni nanay Asunta. Kaya agad na nagpaalam si Hannah para kunin ang mga order namin.

"Momma... Is that papa?" biglang sabi ng anak ko at gamit ang kaniyang hintuturo ay sinundan ko ng tingin ang kamay nito. Hanggang sa makita ko kung sino ang itinuturo niya.

Kahit nakatalikod ito sa puwesto namin ay kilalang-kilala ko pa rin kung sino siya. Hindi ako puwedeng magkamali. Kabisadong-kabisado ko na ang bulto ni Roman at maging ang suot nitong polo ay alam na alam ko.

Pero ang nakakapagtaka ay mag-isa lang siya. Ngunit akala ko lang pala dahil agad na dumating ang isang babaeng mukhang kanina pa niya hinihintay.

Kristina.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top