Why Do We Always Run?

Pag-iibigan sa Dekada 80s

Romanceph's Writing Contest - Prompt 3

WHY DO WE ALWAYS RUN?

isinulat ni E. Mayari


"Umamin ka na," saad ni Pio bago kinagat ang hawak na ensaymada.

"Tama, huling taon na, e," dagdag pa ni Mara. "Wala namang masama sa nararamdaman mo."

"Alam ko. Pero.... paano ako aamin, kung ni pangalan ko 'di niya alam. Ano bang gagawin ko?"

"Sumugal ka, magpakilala, gano'n kasimple."

Simple ngunit ang hirap gawin. Paano niya magagawang magpapakilala kung simpleng paglapit lang ay hindi niya pa magawa?

"Sakto, ayan na sila," saad ni Mara habang nakatingin sa pinto ng canteen at saka tinawag sila.

Tatayo na sana siya para magtago ngunit biglang hinawakan ni Mara ang kaniyang kamay. "O, dito ka lang, iiwas ka na naman, e."

"Oo nga! Walang alisan, Esmi."

Wala na siyang nagawa nang pinagitnaan siya ng dalawang kasama, at habang papalapit ang kanilang mga senior, nakaramdam siya ng pagkabalisa. Kung maari lang tumakbo o maglaho na parang bula, ginawa niya na.

Ilang taon na ngunit ganito pa rin ang epekto nito sa kaniya. Kaba, mabilis na pagtibok ng puso, at panghihina na may halong galak sa tuwing magkikita sila.

Konti pa, mas umiikli na ang pagitan nila sa isa't isa.

Kasabay nito'y dumoble ang kaniyang kaba.

Ito na...

"Congrats, Esmi!" Bati ng isa sa kanilang mga senior, kapwa niya estudyanteng atleta. "Gil, si Esmi lower batch, kampyon sa track and field." Pagpapakilala nito, tumungo't ngumiti lamang si Gil bilang sagot.

Ilang taon niya na itong hinahangaan at nakakasama sa ilang mga sports event ngunit lagi na lang ganito ang nangyayari, simpleng batian.

"Ay, may sasabihin pala si Esmi!" saad ni Mara na siyang ikinagulat ng dalaga.

"Ha?"

"'Di ba may sasabihin ka kay G-"

"Ah, oo. Ano... ma- mauna na ako."

Hindi na niya hinintay ang kanilang sagot. Tumayo na siya't binilisan ang lakad, at nang makalayo, kumaripas ng takbo.

Simula first year hinahangaan na ni Esmi si Gilliana o mas kilala bilang Gil. Magaling din kasi itong atleta sa larangan ng basketball. Noong una, inakala niyang lalaki ito. Maiksi kasi ang buhok nito, matangkad, at makisig. Taliwas sa madalas na itsura at kilos ng mga babae. Kaya labis ang gulat niya nang makasalubong niya itong naka-palda sa pasilyo ng kanilang paaralan.

Sinubukan niyang iwasan ang kung anong nararamdaman niya dahil parang mali na sa kapwa babae siya humahanga, ngunit kay Gil lang siya nakakaramdam nang ganito. Sa tuwing makakasama niya ito sa training at pagtitipon ng mga estudyanteng atleta, lagi siyang nanghihina. Iniiwasan niya rin ito lagi kaya 'di na siya nagtaka nang hindi nito alam ang pangalan niya. Katulad ngayon, napangunahan na naman siya ng hiya kaya mas pinili niyang takasan ang lahat.

"Lagi na lang bang gano'n?" tanong ni Pio sa kaniya nang makaalis na ang kanilang guro.

"Nandun na e, papakilala ka lang naman," saad ni Mara.

"Hindi kasi ako handa." Pero kailan nga ba siya magiging handa?

"Alam mo, noong nakaraan nagpapatulong ka sa amin tapos ngayong may tiyansa, tinakbuhan mo."

"Tingnan mo, ginagalit mo si Mara!" pagbibiro ni Pio. "Pero tama naman kasi siya, walang mangyayari kung hindi mo sisimulan sa unang hakbang. Alam mo 'yan, atleta ka."

"Sige, bukas."

"Ha?" sabay na reaksyon ng dalawa niyang kaibigan. Hindi makapaniwala sa kaniyang sinabi.

"Handa na ako bukas," saad niya. Mensahe para sa mga kaibigan niya pero mas para sa sarili niya.

Bukas ang unang araw ng kanilang High School Fair. Matagal na nila itong planong magkakaibigan. Si Pio, magtatapat sa kaklase, si Mara naman ay magpapakasal sa nobyo niya sa marriage booth, at siya... magtatapat kay Gil o kahit makilala man lang siya. Kinakailangan niya lang ng lakas ng loob at suporta mula sa kaibigan, at sa tingin niya, ito na nga talaga ang tamang panahon dahil wala ng ibang pagkakataon.

At bilang suporta, maaga siyang pinuntahan ni Mara kinabukasan. Bitbit nito ang kaniyang pangkulot, make-up, bagong biling acid-wash na pantalon - na siyang usong-usong damit - at ilan pang burloloy. Wala siyang alam sa ganito, mabuti na lang talaga ay nandito si Mara para tulungan siya.

"Ayan! Ang ganda mo na lalo. Ano handa ka na ba?"

"Oo, siguradong-sigurado na."

Malas. Buong araw na nilang hinahanap si Gil, ngunit maski anino nito ay hindi nila makita. Na-basted na si Pio at bagong kasal na si Mara, ngunit ito pa rin siya, halos hulas na ang make up, straight na ang buhok, at ngalay na rin ang mga paa, pero wala pa ring nangyayari.

"Uwi na ako." Nakasimangot niyang paalam.

"Huwag ka nang malungkot," saad ni Mara.

"Sige," sarkastiko niyang sagot at ngumiti.

"Baliw! Sayang porma mo kung magmumukmok ka. Tara, horror house na lang!"

"Yabang, may nobyo kasi," sabi ni Pio, dama rin ang pagkalugmok.

"Kaya nga sagot niya na bayad sa horror house, 'di ba, mahal?"

"Oo, sagot ko na rin merienda pagkatapos."

Mabuti na lang talaga't nandito ang mga kaibigan niya, kahit papaano'y sumaya siya.

Puro sigawan, takbuhan, gulatan at gitgitan ang horror house. Mas nakakatakot na kasi ito kumpara noong nakaraang taon. Kung dati ay nilalakaran niya lamang ang mga naka-costume, ngayon ay tumatakbo na rin siya at napapasigaw.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, sa sobrang takot niya, nahatak niya ang damit ng isa sa mga multo. Patuloy pa rin ang takbuhan ng mga kasama nila, kaya naman maging sa paglabas ng horror house ay nakaladkad na rin ang multo.

"Sandali!" Sigaw niya nang patuloy pa ring nag gigitgitan ang mga kasama niya.

Hindi narinig ng mga ito ang kaniyang sigaw at patuloy pa rin ito sa pagtutulak, hanggang sa mas nagkadikit-dikit na sila, at nasubsob siya papalabas.

"Putek!" Sigaw niya ulit nang mawala siya sa balanse.

Pero sa hindi malamang dahilan, hindi matigas na semento ang kinabagsakan niya. Kundi isang... katawan!

"Hala!" Sigaw niya muli nang mapansing nakapatong na siya sa multo.

"Oy iba na 'yan!" Rinig niyang sigaw ng ilan.

Kung kanina ay puno ng tilian ang paligid, ngayon, napalitan na ito ng kantyawan. Ngunit ang ingay na ito ay mistulang nawala at ang tanging naririnig niya na lang ay ang mabilis na tibok ng kaniyang puso.

Si Gil ang multo!

"Okay ka lang ba, Esmi?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top