CHAPTER 9

Chapter 9: Isla Hari & Inang Yanel

“SANA kasama pa rin kita roon, Leon. Sa ngayon kasi. . . Wala akong ibang pinagkakaabalahan kundi ikaw lang.”

Nanahimik si Leon pagkatapos kong sabihin iyon. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya. Totoo ang sinabi ko. Wala akong ibang pinagkakatiwalaan at mahirap din ibigay iyon sa isang taong hindi ko pa kilala. Pero si Leon, nakuha niya agad ang tiwala ko dahil nararamdaman ko na sensiridad ang pagtulong niya sa akin.

Ngayon ko lang ito naramdaman, ang pinoprotektahan ng isang lalaki. Ilang araw ko pa lang siyang nakikilala pero panatag ang kalooban ko kapag siya ang kasama ko.

Barko ang sasakyan namin paalis sa Mindanao at dahil sa isang lugar lang naman ako nananatili ay hindi na ako pamilyar pa.

Malakas ang loob ko at balewala naman sa akin ang lahat pero iba ito. Hindi umalis sa tabi ko si Leon kaya nawala ang agam-agam ko at pangamba sa dibdib.

Dahil sa haba ng biyahe namin ay nakatulog ako at nakahilig na ako sa balikat niya. Kaya pala hindi ako nakaramdam ng lamig dahil sa jacket niya. Kahit suot ko pa naman ang isa niyang jacket.

Tiningnan ko naman ang mukha ni Leon. Nakapikit siya at hindi ko alam kung tulog ba siya o ano. Pero nang gumalaw ako ay nagulat ako nang hawakan niya ang braso ko. Umawang ang labi ko sa gulat. Parang aalis kasi ako at pinipigilan niya ako.

“Saan ka pupunta?” tanong niya at ang lalim ng boses niya. Gising pa pala siya. Akala ko ay tulog na rin siya.

“Dito lang naman ako. Hindi ako aalis,” sagot ko at saka niya lang pinakawalan ang kamay ko. Nagtataka pa rin ako hanggang ngayon. Na kung bakit may boltahe ng kuryente ang nagmumula sa kamay niya.

“Nagugutom ka ba?” Umiling ako sa kaniyang tanong. “Nasaan ang kasama natin?” muling tanong niya at tumingin ako sa paligid. Iilan lang ang pasahero sa barko pero pinili pa rin ng dalawang iyon na umupo malayo sa amin. Padilim na rin at puro dagat na lang ang makikita.

“Hindi ko sila napansin,” sagot ko lang at tumayo siya. Sinukbit niya ang backpack na dala niya at naglahad ng kamay sa ’kin. Tinanggap ko ’yon at hindi na niya pinakawalan pa ang kamay ko.

Kahit nakararamdam ako

Naglakad kami para hanapin sina Drake at Cerco. Hanggang sa makita namin sila sa cafeteria ng barko at mayroon silang kinakain. Napatingin agad sila sa amin at tumayo mula sa kinauupuan nila.

“Boss,” sabay na tawag nila kay Leon.

“Kumakain pala kayo rito at hindi man lang kayo nagsabi?” tanong ni Leon.

“Paano kasi, boss. Tulog si Miss Dainara. Hindi ka na namin inaya pa,” paliwanag ni Cerco.

Pinaupo ako ni Leon. “Malayo pa ba tayo, Drake?” tanong niya.

“Malapit na tayo, boss,” sagot ni Cerco. Tumango-tango si Leon at muli niya akong hinarap.

“Ano’ng gusto mong kainin?” tanong niya. Napatingin naman ako sa kinakain ng kasama namin at itinaas ni Drake ang hawak niya.

“Noodles, Miss Dainara,” sabi niya. Pero bakit naman kaya namumula ang pisngi nilang dalawa? Pati na ang mga labi nila. Maanghang yata ang kinakain nila dahil sumisinghot din sila na tila sinisipon.

“Iyon na lang din ang kakainin ko,” sagot ko naman kay Leon. Bumili nga ng dalawa si Leon at nilagyan pa iyon ng mainit na tubig.

Nanatili siyang nakatayo sa gilid ko at kahit noong naluto na ang noodles ay kumakain siyang nakatayo lang din. Masarap siya at mainit-init. Hindi rin naman siya maanghang at iba rin ang noodles na kinakain nila.

“Miss Dainara, ilang taon ka na pala?” mayamaya ay tanong ni Drake. Nagkaroon na rin siya ng interes sa edad ko.

Naramdaman ko rin ang pagtingin sa akin ni Leon at maski si Cerco. “Hindi ba mga pulis kayo? Kilala ninyo na si Mamu at alam kong may nakakalap na kayong impormasyon tungkol sa pagkatao ko,” paliwanag ko at bumaling ako sa katabi kong nakatayo lang din. Kaya mo ako hinahanap, ’di ba Leon?” Hindi nag-iwas nang tingin si Leon. Seryoso pa rin ang bukas ng mukha niya. Hindi na siya nagulat sa tanong ko.

“Ako lang nakaaalam niyon. May 15 ang araw ng kapanganakan mo and you’re twenty-three years old. Pero ang mukha mo lang ay wala akong idea kaya tinanong kita kung kilala mo si Dianara Ortega. Ang sabi lang ng iyong ina ay mapapansin ko rin kung sino ka dahil iba ka sa lahat at totoo ngang naiiba ka,” paliwanag pa niya parang may nakita pa nga siya sa akin kung sabihin niya rin na naiiba ako. Ngunit hindi naman ako mausisa kung kaya’t hinayaan ko na lamang iyon at hindi na ako nagtanong pa.

“Tama si boss, Miss Dainara. Sumusunod lang din kami sa inuutos sa amin ni boss at siya lang din ang nakaaalam niyon,” pagpapaliwanag ni Drake. Tumango na lamang ako at hindi na ako nagsalita pa. Kumain na lang din kami at pagkatapos ay bumalik sa puwesto namin kanina.

Isang oras pa yata ang lumipas bago kami nakarating sa destinasyon namin. Malamig na dahil gabi na nga siya. Ipinagpabukas na namin iyon pero maaga pa rin kaming nagising para bumiyahe na rin sa isla na pupuntahan namin.

’Saktong pasikat na rin ang araw at napakagandang tingnan ang tanawin na ito.

“Welcome sa Isla Hari, Miss Dainara,” sabi ni Drake. Isla Hari. Kakaiba rin ang pangalan ng islang ito.

“Mas ligtas ka sa lugar na ito. Malayo ka na sa Mindanao,” sambit naman ni Cerco.

“Malayo sa Mindanao?” nagtatakang tanong ko.

“Tama, higit na ligtas ka rito,” ani Leon.

“Payapa ang buhay mo rito. Parte na ito ng Visayas,” ani Drake. Visayas, pamilyar na ako sa lugar na ito. Ang lugar namin ay parte iyon ng Mindanao.

Kahit sa pagbaba ay nakaalalay pa rin si Leon. Binitawan niya lamang ang aking kamay nang makaapak na ako sa malinis at puting buhangin. Ang presko ng simoy ng hangin at gumagaan ang pakiramdam ko. Ang sarap panoorin ng tanawin na nasa aking harapan ngayon.

Nauna nang naglakad sina Cerco at Drake. Sumunod naman kami ni Leon. Madadaanan pa namin ang isang malaking bahay.

“Private resort ito ng Fortalejo family. Pag-aari ng matalik kong kaibigan. Si Inang Yanel ang makasasama mo at nasa likod lang ng resort na ’yan ang bahay niya. Isa rin siya sa caretaker at alam kong mabibigyan ka niya ng trabaho. Hindi problema ang pangkabuhayan,” paliwanag pa ni Leon at base lang sa mga salitang namutawi mula sa bibig niya ay tila gusto niya nga akong magtagal dito sa isla.

Tanging pagtango na lamang ang ginawa ko. Nadaanan namin ang sinasabi niyang resort at nakikita namin na dinadayo iyon ng maraming tao hanggang sa marating namin ang maliit na kubo pero isa iyon sa pinakamagandang posisyon dahil malapit lang din sa dagat.

“Tao po!” sigaw ni Cerco

“Inang Yanel! Nandito na po kami!” dugtong na pahayag naman ni Drake at mula nga sa maliit na tahanang iyon ay lumabas ang isang matandang babae na may simpleng kasuotan.

Mas maliit nga lang si Nanay Malia pero ang ginang na ito ay higit na matangkad pero payat din naman.

“Cerco, Drake at Leon. Masaya akong makita kayong nakabalik ng ligtas,” sabi nito at nagmano pa sila sa matanda.

Nanatili lang din ako sa kinatatayuan ko dahil hindi ko naman alam ang gagawin ko. Hindi ako sanay na bumabati sa ibang tao.

“Siya na ba ’yon, hijo?” tanong nito kay Leon.

“Opo, Inang Yanel. Siya na nga po si Dainara Ortega. Ang anak po ni Cynthia Ortega. Dainara, siya si Inang Yanel. Ang makasasama mo rito sa isla,” ani Leon at sumenyas pa siya na gayahin ko ang ginawa nila kanina.

Tumingin naman ako sa matanda na ngayon ay nakangiti na rin siya. Humakbang ako palapit sa matanda. Nagkano ako at bumati rito.

“Dainara, bata ka pa noong huli kitang nakita, hija. Isa ako sa nagserbisyo noon sa mama mong si Cynthia,” pahayag niya na ikinagulat ko.

Bukod pala kay Nanay Malia ay mayroon ding nakaaalam na mag-ina nga kami ni Mamu. Ako lang ito ang walang kaalam-alam sa katotohanan dahil sinadyang itago ’yon ng aking ina.

“Ikaw nga po ang tinutukoy ni Mamu na kakilala niya,” nakangiting sabi ko at napatango siya.

“Napakaganda mong bata. Tara sa loob. Tuloy kayo, Leon,” pag-aaya ng matanda at nangungunang pumasok sina Drake at Cerco.

Si Leon naman ay hinawakan pa ako sa likod ko para lang igiya ako papasok.

Naghanda ng agahan si Inang Yanel at nilantakan nga iyon agad ng dalawa. Maliit nga ang bahay ng matanda pero malinis ito at alam kong komportable pa ring matulog dito.

“Kumusta naman ang iyong ina, hija? Nagawa mo ba siyang kausapin bago kayo pumunta rito?” tanong nito sa akin. Tumango ako at ngumiti.

“Opo, maayos naman po ang kalagayan niya,” sagot ko na ikinangiti niya.

“Kayo na po ang bahala sa kaniya. Bigyan niyo po siya ng trabaho sa resort, Inang Yanel. Nasabi ko na ho ito sa matalik kong kaibigan,” sabi ni Leon.

“Si Alked, balak din nilang magbakasyon dito kasama ang mag-ina niya,” nakangiting sabi ni Inang Yanel.

“Siguro ho, Inang Yanel,” sagot ni Leon at binalingan na naman niya ako.

“Si Inang Yanel na ang bahala sa ’yo, Dainara. Hindi ka niya pababayaan dito,” aniya na tila nagpapaalam na rin siya.

“Saan ka naman pupunta?” tanong ko at siya naman ang nabigla sa aking tanong.

“Miss Dainara, si boss ay sa Manila siya nakatira at doon din siya sa nagtatrabaho,” paliwanag ni Cerco.

“Kung ganoon. . . A-Ako lang ang maiiwan dito?” gulat kong tanong.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top