CHAPTER 8
Chapter 8: Pamamaalam
“WALA rin po sana akong balak na dalhin siya rito, pero mapilit po siya at saka kahapon pa ho talaga siya na hindi mapakali. Nag-aalala siya. Mas mabuti pong makapag-usap kayo,” sabi ni Leon at naramdaman ko ang pagsulyap niya sa gawi ko.
Napansin niya rin pala na sobra nga akong nag-aalala kahapon. Tanong nang tanong din kasi ako. Tinitigan ko lang si Mamu. Marami talaga akong katanungan na nais kong sagutin niya iyon lahat. Sana naman ay pagbigyan niya ako.
“Oh, siya. Maupo ka, Dainara pero Leon. Huwag kayong magtagal dito,” paalala na sambit pa ni Mamu. Nilingon ko naman si Leon. Tinanguan niya ako.
“Sige po. Sa labas na lang ako maghihintay,” sagot ni Leon.
Dahan-dahan naman akong umupo sa tapat ni Mamu at ngayon na nasa harapan ko na siya ay hindi ko naman alam ang sasabihin ko. Hindi ko alam kung saan ba ako magsisimula.
Napahinga ako nang malalim hanggang sa inabot ni Mamu ang aking mga kamay at saka niya ’yon hinawakan. May kung ano na naman sa loob ko ang tila naging masaya dahil sa mainit niyang kamay na parang humahaplos na rin sa puso ko.
“Alam kong nabigla ka sa pangyayari, hija,” sabi niya. Sino naman po ang hindi mabibigla?
“Kumusta po kayo, Mamu?” Iyon ang katagang lumabas sa bibig ko. Sa kadahilanan na gusto ko ring malaman kung kumusta ba siya.
“Ako ang dapat na magtanong niyan sa ’yo, Dainara. Sa nakikita ko, mukhang alam mo na kung sino ako. Kung sino ako sa buhay mo,” nakangiting sabi niya. Base pa lang sa kaniyang mukha ay balewala na rin sa kaniya kung malalaman ko ang katotohanan.
Dahil ba sa kapalaran niya ngayon?
“Ako’y naguguluhan, Mamu. Maraming katanungan ang nabubuo sa aking utak. Hindi ko po talaga maintindihan. Ang dami ninyong sikreto sa akin. Isa na roon ang itinago ninyo kung sino ba talaga kayo. Napakaimportante po iyon,” sambit ko at pinisil niya ang kamay ko.
“Huwag mo sanang isipin na ayaw ko sa ’yo, Dainara. Masaya ako dahil dumating ka sa buhay ko. Malayo ka man sa poder ko ay masaya pa rin naman ako dahil alam kong ligtas ka. Ginagawa ko ang lahat ng ito para lang mailayo ka sa kapahamakan na dala-dala na ng pangalan ko noon pa man. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya nang makita na kita, na nasa bisig na kita at naririnig ko ang iyong munting pag-iyak. Na tila ba naghihintay ka na lamang na patahanin ka at bigyan ng gatas ng iyong ina. Subalit, anak. . . Naalala ko kung gaano kadelikado ng buhay na mayroon ako at natatakot akong madamay ka. Natatakot akong masaktan ka. Napakainosente mo, Dainara,” mahabang sambit niya at nang namula ang mga mata niya ay tumulo na rin ang kaniyang luha.
“M-Mamu. . . Alam ko po na minsan ay hindi naman ako nagtanong tungkol sa mga magulang ko. Pero sana ho. . . S-Sana ho bago nangyari ang lahat ng ito ay nagpakilala na po kayo sa akin bilang aking ina, Mamu,” may hinanakit na sabi ko. Mabilis na nag-init ang sulok ng mga mata ko.
“Mas mainam ang wala ka nang alam kaysa mayroon, Dainara. Kapag marami kang alam ay mas mapapahamak ka lamang. Okay na ang wala kang nalalaman na mga bagay-bagay at magiging ligtas ka pa,” paliwanag niya na ikinailing ko naman.
“Wala po akong pakialam sa tatay ko, Mamu. Kayo lang po ang gusto kong makilala, Mamu. . .” nagsusumamong sambit ko.
“Hindi ka niya puwedeng makilala, anak. Dahil kapag nakilala ka niya bilang anak ko ay alam kong kukunin ka niya. Pipilitin ka niyang maging parte ng sindikato at iyon ang iniiwasan kong mangyari. Ayokong mabahiran ng kasamaan ang iyong pagkatao. Kaya ka kasama ni Malia at siya ang nag-alaga sa ’yo ay para hindi nila mapansin na anak kita,” sambit pa niya.
“Mamu, hindi pa rin po iyon maiiwasan. Iba pa rin po ang trato ninyo sa ’kin. Marami pa rin po ang nakapansin doon,” saad ko naman at hindi na tumigil ang pagbuhos ng mga luha ni mamu.
“Anak, para mapanatag ako habang nandito ako. Sumama ka kay Leon. Dadalhin ka niya sa isang lugar at kilala ko kung sino ang makasasama mo roon,” mahinang sambit niya. Tiwalang-tiwala siya kay Leon.
Humugot ako nang malalim na hininga. “Magkikita pa ho ba tayo pagkatapos nito, Mamu?” tanong ko at dahan-dahan siyang tumango. Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya.
“Gagawin ko. Gagawin ko ang lahat para muli kitang makasasama. Sige na, anak. Hindi ka dapat magtagal dito.” Tumayo ako upang lumipat sa kabila at niyakap ko siya. Naramdaman ko ang paghalik niya sa gilid ng ulo ko.
“Magkikita po tayo ulit, M-Mama,” sambit ko at pumiyok na nga ang boses ko.
“Mag-iingat ka, anak. Mahal na mahal kita,” sambit niya at pinunasan na niya ang mga luha ko sa aking pisngi.
“Mahal din po kita,” wika ko at ngumiti muna ako sa kaniya bago ko tinungo ang pinto saka ako lumabas. Nasa labas na nga rin si Leon at naghihintay sa ’kin.
“Tubig?” Inalok ako ni Leon ng tubig at bago niya iyon ibinigay sa akin ay tinanggal niya muna ang takip nito.
Kahit papaano ay gumaan pa rin ang bigat sa aking dibdib dahil nakausap ko na si mamu. Sana lang ay muli ko pa siyang makauusap at makita uli.
Inalalayan na ako ni Leon dahil parang wala na akong lakas pa na maglakad.
Nang makabalik na kami sa bahay na tinutuluyan namin ng pansamantala ay pareho naming naabutan ang dalawa niyang kasama sa labas at mayroon din silang katabi na mga babae.
“Ipaalala ko lang sa inyo na misyon ang pinuntahan ninyo rito. Hindi babae,” malamig na sabi ni Leon sa mga ito.
Napatayo pa sila sa gulat nang makita nila kami at nagmamadali na silang nagpaalam sa mga babae. Mabilis din silang sumunod sa amin.
“Boss!” sabay na tawag pa nilang dalawa.
“Aalis na agad tayo,” pahayag pa ni Leon.
“Kumusta ang pag-uusap ninyo ni Madam Cynthia, Miss Dainara?” tanong ni Celco.
“Huwag mo silang kausapin,” nakakunot ang noo na saad naman ni Leon. Nilingon ko ang dalawa na naghihintay sa sagot ko.
“Maayos naman. Pero, Leon. Hindi ko ba puwedeng makita muna ang mga bata?” pakikiusap na tanong ko sa kaniya. Sana naman ay pagbigyan niya.
“Puwedeng-puwede!” sigaw ni Drake.
“Kami na ang magdadala sa ’yo, Miss Dairaa!” pagsegundo naman ni Cerco. Binatukan tuloy sila ni Leon.
***
Malaki ang bahay-ampunan at marami ring mga bata ang naglalaro sa playground. Hinanap ng mga mata ko si Richie. Siya ang mas malapit sa ’kin.
Hanggang sa marinig ko na lamang ang boses niya, na tinatawag ang aking pangalan.
“Ate Dainara!” Napangiti ako nang makita siya. Hindi siya mukhang madungis at maayos ang kasuotan niya. Lumuhod ako sa damuhan at hinintay ko ang makalapit siya sa direksyon ko. Nang yumakap siya ay umiiyak na siya. “Nag-aalala po ako sa inyo, Ate! A-Akala ko po. . . Akala ko po ay hindi ko na kayo makikita pa!” umiiyak na sigaw pa niya.
Natatawang humiwalay ako at tinitigan ko ang mukha niya. Pinunasan ko ang mga luha na sunod-sunod talaga ang pagpatak ng mga ito. Lumapit na rin ang mga batang nakasama ko noon sa bahay kasama si Nanay Malia.
“Ako rin naman. Wala kayong ideya kung gaano rin ako nag-alala sa inyo,” aniko at hinalikan ko ang noo niya. Tumayo ako at yumakap na si Richie sa binti ko. Umiiyak pa rin siya. “Nanay Malia,” tawag ko sa matandang kasa-kasama namin noon sa isang bahay. Ang pinagkakatiwalaan ni Mamu na alagaan ako.
“Wala rin talaga akong kaalam-alam sa nangyayari, Dainara. Maski nga ako ay nagulat pa. Binalak ko pang pumunta roon dahil sa ’yo pero ang sabi ng isang lalaki ay nasa maayos na kalagayan ka raw. Iyang si Cynthia ay pabigla-bigla rin siya ng desisyon, eh, ’no?” aniya at ngumiti na lamang ako.
“Masaya po akong makitang maayos kayong lahat, Nanay Malia. Alagaan ninyo ho sila nang mabuti. Lalong-lalo na po si Richie. Siya po ang pinakabata sa amin,” habilin ko pa.
“Huwag kang mag-alala. Mas maayos pala ang buhay namin dito. Wala akong poproblemahin. Ikaw, mag-iingat ka rin. Baka makilala ka ng iyong ama,” paalala niya at hindi na ako nagulat pa dahil talagang may nalalaman na siya tungkol sa aking pagkatao. Kung sabagay nga naman, mula pa pagkabata ko ay inalagaan na rin naman ako ni Nanay Malia.
“Salamat po, Nanay Malia,” sambit ko. Ilang minuto ko pa ang itinagal namin doon at hindi rin naman nagpumilit si Richie na manatili ako roon. Nangako rin ako sa bata na magkikita kami ulit at dadalaw pa rin naman ako kapag nagkaroon ako ng pagkakataon. Ito ang aking titiyakin.
“Masaya ka na ba?” tanong ni Leon nang naglalakad na kami. Paalis na rin kami.
Tumango ako at napatingala ako sa itaas ng langit na kumikilimlim na. “Masaya na natatakot ako. Paano ako mabubuhay nang mag-isa lang, Leon?” seryosong tanong ko sa kaniya at mabilis niya akong binalingan.
“Makakaya mo. Sa nakikita ko ay independent ka naman. Gawin mo ito alang-alang sa iyong ina. Wala siyang ibang gusto kundi ang maging ligtas ka lang at mailayo sa kapahamakan na ito,” sambit niya at parang sa mga salita niya lang ay nakukuha na niya agad ako.
“Sana kasama pa rin kita roon, Leon. Sa ngayon kasi. . . Wala akong ibang pinagkakaabalahan kundi ikaw lang,” wika ko at nakita ko pa ang pagkabigla niya sa sinabi ko. Ilang beses pa siyang napakurap.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top