CHAPTER 7
Chapter 7: Paghaharap
ABALA si Leon sa hawak niyang telepono at kanina pa siya nananahimik sa kinauupuan niya. Salubong pa ang kilay niya habang nakatutok siya roon. Ang seryoso niya. Parang ang lalim din nang iniisip niya.
Kanina pa ako nakaupo sa kama at hindi pa rin talaga ako mapakali hangga’t hindi pa dumarating ang mga taong hinihintay niya. Natataranta lamang ako.
“Leon, ano na ang balita?” tanong ko sa kaniya, nang hindi ko na napigilan pa ang magtanong. Ang tahimik din masyado sa loob at naiilang din ako.
Mabilis niya lang akong sinulyapan. Pero ibinalik niya lang ang tingin niya sa ginagawa niyang hindi ko alam. Nababagot na ako.
“Can you just rest? Mapapagod ka lang kapag ganyan ka.” Pinagtaasan ko siya ng kilay sa sinabi niya.
“Paano ako makatutulog kung nag-aalala ako sa mga batang nasa bahay namin? Kay Mamu?” mariin na tanong ko kay Leon. Bumuntong-hininga siya.
“You don’t need to worry about them, Dainara. May update na rin Cerco. Nasa bahay-ampunan na ang mga bata na malayo sa lugar na ’yon. Kasama na ang matandang babae na kasama niyo,” pahayag niya. Kahit papaano ay nakahinga na ako nang maluwag pero paano naman si Mamu?
“Eh, si Mamu? May balita na sa kaniya?” tanong ko ulit. Gusto kong malaman kung ano na ang nangyari kay Mamu. Na kung napahamak ba siya o nagawa pa rin niyang makaligtas, kahit alam kong makukulong pa rin siya. Sumuko na rin kasi siya.
“Hinihintay ko pa ang update nila tungkol kay Cynthia Ortega,” sagot niya. Napahinga ako nang malalim.
“May tanong ako sa ’yo, Dainara.” Napalingon naman ako sa kaniya.
“Ano ’yon?” tugon ko.
“Ni minsan ba ay hindi ka nagtaka kung bakit iba ang trato sa ’yo ng mama mo? Hindi mo ba naisip na posible siya ang iyong ina?” ang kaniyang sunod-sunod na tanong.
“Napansin ko na noon pa man ang kakaibang trato sa ’kin ni Mamu pero hindi ko naisip na siya ang aking ina. Subalit nararamdaman ko ang lukso ng damdamin. Sa tuwing nakikita ko siya ay may kakaiba akong nararamdaman. Masaya ako sa tuwing kasama ko siya at gustong-gusto ko iyong pagbibigay niya ng mga gamit ko. Kaya pala ang sabi ni Nanay Malia ay hindi galing sa ukay-ukay ang mga damit na ibinibigay sa akin. Alam niya raw na mamahalin ang mga iyon pero ayaw kong maniwala,” mahabang pahayag ko at napapisil ako sa palad ko.
Ngayon na alam ko na ang tungkol kay Mamu ay hindi ko rin maiwasan ang alalahanin ang mga panahon na kasa-kasama ko pa siya. Kahit nasa ibang bahay na ako nakatira ay palagi pa rin niya akong pinapatawag sa bahay niya. Marami siyang naituro sa ’kin tungkol sa mga bagay-bagay.
Si Mamu naman kasi ay hindi siya nagpakilala bilang ina ko at nais kong malaman ang kaniyang dahilan. Kung kaya’t gusto ko siyang makausap. Na parang mayroon siyang dahilan o maaari may kinalaman din dito ang totoo kong ama.
Sa paghihintay ko sa kasamahan ni Leon ay hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako. Nakahiga na ako sa kama at maayos ang kumot sa aking katawan. Tiningnan ko ang direksyon na kinauupuan ni Leon kanina pero wala na siya roon.
Bumangon na ako at inayos ko muna ang sarili ko. Nakahihiya naman kung haharap ako kay Leon na magulo ang buhok ko.
Magtutungo pa lamang ako nang bumukas na ang pinto at si Leon na nga iyon.
“Gising ka na pala,” sabi niya at nang pumasok siya ay dalawang lalaki ang sumunod sa likuran niya.
Sila iyong dalawang lalaking dumukot sa ’kin noong nakaraang araw lang. Nang makita nga nila ako ay ngumiti pa talaga sila na parang ang lapit-lapit namin sa isa’t isa o kaya naman ay wala silang naging atraso.
Simpleng puting damit pareho ang suot nila at maong na pantalon naman pababa. Hindi sila mukhang nahirapan sa misyon nila. Maayos ang kalagayan nila.
“Hi, Miss!” magkasabay na bati nila pero hindi ko sila pinansin. Nakatitig lamang ako sa kanila hanggang sa maingat akong hinila ni Leon. Hindi ako nakapagpumiglas.
Iniupo niya at tumabi siya. Doon ko lang din napansin na may dala siyang supot. Isa-isa niya itong inilabas at inilapag sa mesa.
“Ang tungkol sa mama mo ay wala ka nang dapat ipag-alala pa, Dainara. Nasa pangangalaga na siya ng batas at ang ama mo naman,” panimula niya at sinadya pa niyang ibitin ang sasabihin niya.
Hinintay ko na tapusin niya ang mga katagang sasabihin niya. Hinawakan niya ang kamay ko at nabibigla pa rin ako sa tila botlaheng kuryente na nagmumula sa palad niya. Saan kaya galing iyon? Bakit ganoon ang kamay niya? Binigyan niya ako ang kutsara at binuksan niya ang takip ng pack lunch.
“Tapos? Ano ang tungkol sa kaniya?” tanong ko pa.
“Kumain ka habang nag-uusap tayo. Baka ubusan tayo ng ulam ng dalawang iyan. Kadarating pa lamang nila,” aniya at hinarap ko uli ang dalawa. Nagsisimula na nga silang kumain. “Hindi nahuli ang ama mo.”
“Magandang balita ba ’yan?” ang aking tanong naman at sinundan ko lang nang tingin ang paglalagay niya ng mga ulam sa kanin ko.
“Hindi ko alam. Ikaw na ang humusga,” sabi niya at nagkibit-balikat.
PAGKATAPOS naming kumain ay pinaghanda na agad ako ni Leon. Binigyan niya uli ako ng dyaket niya dahil kailangan ko raw takpan ang mukha ko.
“Maiiwan na kami rito, boss. Napagod din po kami sa biyahe namin kagabi.” Si Cerco ang nagsalita. Nalaman ko lang ang pangalan nila kanina. Ang isa naman ay si Drake.
“Sige. Mabilis lang kami. Mamaya niyan ay maiwan kami,” ani Leon.
Napaatras naman ako nang humarap siya sa ’kin at isinuot niya ang hawak niyang helmet sa ulo ko.
“Diyan ba tayo sasakay?” tanong ko na nasa boses ang aking kuryusidad. Sapagkat hindi pa ako nakasasakay ng ganyan na klaseng sasakyan.
“Takot ka bang sumakay sa motor?” tanong niya. Umiling ako.
“Unang beses,” tipid kong sagot. Tumango-tango siya at naunang sumakay roon. “Gayahin mo lang—”
“Alam ko naman kung paano sumakay niyan. Hindi naman ako mangmang,” naiinis kong tanong.
Umigting pa ang panga niya. Halatang-halata iyon kahit na suot pa niya ang helmet niya.
“Wala naman akong sinasabi. Halika na. Dadalhin nakita sa iyong ina,” pag-aaya niya. Umangkas na ako sa likuran niya at dahil ayokong magkadikit ang aming katawan ay malayo ang pagkakaupo ko. Tapos ang dalawang kamay ko ay nasa likuran ko.
“Ay, Miss Dainara. Mahuhulog ka niyan kapag ganyan ang pagkakaupo mo,” komento ni Drake na nakakrus ang mga braso niya sa dibdib.
“Tama. Kumapit ka na lang kay boss, Miss. Ayos lang kung yumakap ka kay boss. Wala namang magagalit dahil single pa siya,” segundo naman ni Cerco. Kumunot ang aking noo.
“Tahimik. Ang daldal mo talaga, Cerco,” mariin na saad ni Leon at binalingan niya ako. Nag-iwas ako nang tingin hanggang sa patalikod niyang hinawakan ang mga braso ko at inikot iyon sa baywang niya. “Hindi kita masasalo kapag nahulog ka,” sabi niya at napabuntong-hininga na lamang ako.
Sumunod na ako sa utos nila pero hindi masyadong mahigpit ang pagkapit ko. Narinig ko pa ang paghinga niya nang malalim. Nagpaalam pa siya sa dalawa niya g kasama hanggang sa pinaharurot na lamang niya ito bigla.
Napahigpit na tuloy ang pagyakap ko sa baywang niya, sa takot na baka mahulog ako at maaari ko pang ikamatay. Hindi ko malalaman ang dahilan ni Mamu kung bakit niya ako pinaglihiman tungkol sa pagiging ina niya sa akin.
Hindi ko na pinansin pa ang pagdikit ng dibdib ko sa matigas niyang likod. Balewala naman yata iyon sa kaniya. Hindi ko magawang ipikit ang mga mata ko dahil tinitingnan ko ang lugar na nadadaanan namin. Halos hindi ko na nga makita nang malinaw sa bilis nang pagmamaneho niya.
Hanggang sa nakarating na rin kami. Ramdam ko ang pangangatog ng mga binti ko. Bago ko pa man matanggal ang helmet sa ulo ko ay naunahan na ako ni Leon.
Napatingin ako sa apat na gusaling nasa harapan namin. “Nandito ba si Mamu?” tanong ko sa kaniya.
“Oo, pero hindi pa rin siya magtatagal dito. Dadalhin siya sa Manila para sa interogasyon niya,” paliwanag niya. “Sumunod ka na lamang sa akin,” utos pa niya. Tumango ako.
Kinakabahan na ako, kinakabahan ako sa malalaman ko ngayon pero mas mainam na nga ang may malalaman ako.
May kinausap pa na isang pulis si Leon at pumasok na kami sa silid na sobrang higpit ang pagbabantay.
Nang makita ko na nang tuluyan si Mamu ay tila naging isang ulan na rumagasa ang kakaibang emosyon sa aking dibdib.
Naroon nga si Mamu, nakaupo siya at ang mga braso niya ay nakapatong sa itim na mesa. Walang kahit na ano’ng sugat o pasa sa mukha niya. Sa tingin ko rin ay maayos ang lagay niya.
“Miss Cynthia Ortega,” sambit ni Leon sa buong pangalan ni Mamu. Ngumiti ito nang tipid pero nang makita niya rin ako ay sumilay ang matamis niyang ngiti.
“Kasama mo pala ang paborito kong alaga, Leon. Pero hindi siya maaaring pumunta rito,” sabi niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top