CHAPTER 6

Chapter 6: Rebelasyon at Pagtakas

KUNG hindi niya sasabihin ay hindi na lang ako sasama at bahala siya sa misyon na ibinigay sa kaniya ni Mamu.

Kapag hindi niya nagawa iyon nang maayos ay siya na rin ang bahala na magdahilan at wala na akong pakialam pa. Sa paglalakad ko ay mabilis niya akong hinarangan.

“Umalis ka riyan. Huwag mo akong harangan,” mariin na utos ko. Hindi siya umimik at bigla siyang lumuhod sa harapan ko. Nagulat pa ako nang hawakan niya ang binti ko at namimilog na ang mga mata ko dahil binuhat niya ako. Parang ang gaan-gaan ko kung isasampay niya lang ako sa balikat niya.

“Ano ba?! Ibaba mo nga ako!” sigaw ko at malakas kong hinampas ang likuran niya. Hindi niya man lang ininda iyon, sa halip ay dumulas ang katawan ko sa balikat niya at napakapit ako nang mahigpit sa damit niya. “L-Leon,” nauutal na sambit ko sa pangalan niya.

“Sige. Hampasin mo pa ako dahil ikaw ang malalaglag,” babala pa niya at inayos ang pagkarga sa akin na tila isa lamang akong sakong bigas. Lintik na lalaki ’to!

“Maglalakad na lamang ako kaya ibaba mo na ako,” mas mahinahon na usal ko. Hindi na naman niya ako pinansin at kinabahan pa ako dahil paakyat na kami ng barko. Takot akong mahulog sa totoo lang.

Wala naman sigurong matutuwa kapag nahulog ka, ’di ba? Ikaw pa rin ang masasaktan.

Tunay nga na malakas sa pisikal ang lalaking ito dahil nang ibinaba niya ako ay hindi man lang siya pinagpawisan. Malamig ang mga matang tinitigan niya lamang ako. Naibigay na rin niya ang tiket naming dalawa at inirapan ko siya pagkatapos. Lumapit ako sa upuan at nanahimik na lamang ako roon.

Hindi ko rin naman maiwasan ang tingnan siya at nakita kong hindi pa rin siya umaalis sa tabi ng lalaki. May hawak si Leon na isang bagay na hindi ako sigurado pero nalaman ko lang iyon nang itinapat niya ito sa tainga niya at saka siya nagsalita. Isa iyong telepono.

Mayamaya lang ay nilapitan na niya ako at saka siya umupo sa tabi ko. “Kung magugutom ka o nauuhaw ay magsabi ka lang,” sabi niya. Nagkibit-balikat na lamang ako. May dala naman akong pera. Bibili na lamang ako ng makakain ko kaysa ang abalahin siya. Psh.

“Sabihin mo na—” Naiwan sa ere ang salitang binigkas ko dahil sa pagtayo niya at umalis na lamang bigla. “Bastos kausap,” nakaismid na sabi ko.

Kinakausap na naman niya ang pinagbigyan niya kanina ng tiket at napapansin ko na tinatagalan niya talaga roon. Kaya naman ay hindi ako nakapagtimpi. Tumayo na rin ako at lumapit sa may hagdanan. Bago pa lamang akong makababa ay may humigit na sa braso ko kasabay niyon na nakarinig kami nang malakas na pagkasabog sa kung saan.

Ngunit alam ko kung saan nanggaling ang tunog na ’yon hanggang sa sumunod ang mga putok ng baril. Humigpit ang hawak ko sa braso niyang nasa baywang ko na at nakapuwesto siya sa aking likuran.

Naalarma rin ang mga tao at natakot sa narinig hanggang sa nakarinig na lamang ako nang usap-usapan na kung saan na nanggaling ang mga paputok na ’yon.

“S-Si Mamu. . .” nanginginig ang mga labing sambit ko. Naalala ko rin si Richie at ang mga batang kasama ko pa. Binalot ako ng takot at kaba sa aking dibdib sa kaalaman na baka mapapahamak sila.

“Paalis na ang barko!” sigaw ng isang lalaki at nagpupumiglas ako mula sa pagkakahawak sa ’kin ni Leon. Natuwa ang iba dahil makalalayo sila sa panganib kung mayroon man.

“Bitaw!” sigaw ko. “Bitawan mo ako! K-Kailangan kong. . . Kailangan kong puntahan ang mga bata!” sigaw ko. Nag-iinit ang sulok ng mga mata ko pero pinipigilan ko pa rin ang mapaiyak.

“Huminahon ka muna,” sabi niya at inilayo niya ako roon.

“Hindi! Si Mamu! Ang mga batang nasa bahay namin. . . Kailangan ko silang puntahan!” sigaw ko pa rin at ayaw niya akong bitawan. Sa sobrang higpit nang yakap niya ay hindi man lang ako makawala.

Dinala niya lang uli ako sa upuan ko kanina at ikinulong ng malaking palad niya ang mukha ko. Matiim niya akong tinitigan.

“Makinig ka. Sasabihin ko na sa ’yo ang totoong plano ni Cynthia Ortega. Wala siyang misyon na ibinigay sa ’yo dahil sa halip ay ako ang nakatanggap no’n. Ako at ang mga kasamahan ko ay galing sa Manila. Nakatanggap na lamang kami ng mensahe na humihingi ng tulong. Si Cynthia ang pinagkukunan namin ng impormasyon dahil may koneksyon ang isang druglord sa Manila at kasapi siya roon. Nakipag-cooperate siya sa mga pulis kapalit ng pagsuplong niya sa mga kasamahan niya. Isinuko niya rin ang sarili niya. Ilang linggo rin kaming dumadayo sa lugar ninyo dahil kailangan pa rin naming pag-aralan ang nasa paligid nito. Tumutupad kami sa usapan at ang gagawin namin ay poprotektahan siya pero sa halip ay ibinigay niya sa iba ang proteksyon na dapat para sa kaniya. Ikaw iyon. . .” mahabang paliwanag niya. Mahina lang ang tinig niya na tila ako lamang ang gusto niyang makarinig.

Ang bilis nang pintig ng puso ko. “B-Bakit ako? Bakit ako ang gusto niyang protektahan ninyo?” naguguluhan kong tanong dahil hindi ko mawari ang tumatakbo sa isipan ni Mamu at ako pa ang nais niyang protektahan. Inaamin ko na iba rin ang pagtrato ni Mamu sa akin, pero hindi ko naman inaasahan ang ginawa niya.

“Wala rin akong ideya noon dahil nasabi kong espesyal ka sa lahat ng mga batang inaalagaan niya at nalaman ko lang kanina kung bakit kailangan mo ng proteksyon sa oras na itutuloy namin ang plano. Hindi malinaw ang pagbibigay niya sa amin ng impormasyon. Pangalan mo lang, kami ang dapat na kumilala sa ’yo. Huwag kang mag-alala. Sinigurado ng kasama ko na dinala nila sa ligtas na lugar ang mga bata at ang iilan na tauhan niya pati na ang mga babae nang hindi naman sila napapansin,” pahayag pa niya at natulala lamang ako sa mga pinagsasabi niya.

“B-Bakit? Hindi ko maintindihan. K-Kung isusuko niya rin naman ang sarili niya ay bakit wala siyang sinabi sa akin? At bakit gusto pa niya akong lumayo kung puwede naman akong sumama sa mga bata? Bakit ikaw pa ang gusto niyang magprotekta sa ’kin?” naguguluhan ko pa ring tanong kay Leon.

Nagpalinga-linga pa siya sa paligid at hinubad niya ang dyaket niya. Isinuot niya iyon sa katawan ko. Dahil sa amoy nito ay parang bumabalot na rin sa ’kin. Inayos pa niya ang sumbrero nito sa ulo ko.

“Ang mga magulang mo,” mariin na sabi niya.

“Wala na akong mga magulang,” sabi ko.

“Sangkot sila. Kaya ka nais bigyan ni Cynthia ng proteksyon ay dahil ikaw ang nag-iisa niyang anak at ni isa sa mga tauhan ay walang nakaaalam tungkol doon. Maliban lang sa akin. Si Cynthia Ortega ay siya ang biological mother mo at isa ring druglord ang biological father mo na si Alfonso Macaraeg.”

Parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa kaalaman na ’yon. May mga magulang ako, isang ina na matagal nang nasa tabi ko subalit ni minsan ay hindi siya nagpakilala. Mayroon din akong isang ama na minsan din ay hindi kami nagkita. Ngunit kilala ko ang taong ’yon.

Pamilyadong tao si Alfonso Macaraeg at isa siyang gobernador ng aming probinsya. Kaya paanong siya ang naging ama ko?

Kung ganoon. . . Naging kabit si Mamu? Kaya hindi niya rin ako ipinakilala sa taong iyon?

“Mas lalo lang akong naguluhan,” nanghihinang saad ko.

“Sa oras na mabubunyag ang lahat ng ito ay hindi magdadalawang isip na kunin ka ng ama mo at iyon ang hindi papayagan ni Cynthia dahil gagamitin ka lamang niya. Gusto niyang. . .tumakas ka at umalis sa lugar na ito. Magpakalayo-layo,” sambit pa niya at tumulo ang mga luha ko.

“Magpakalayo-layo? Hindi ko naman alam kung saan ako pupunta.”

“Kaya ako ang sumama sa ’yo. Dadalhin kita sa isang lugar, malayo rito sa Mindanao.” Umawang lang ang mga labi ko.

“B-Bakit?” nalilitong tanong ko.

“Pulis lang ako. Misyon ko ’to. Ginagawa ko lamang ang aking trabaho,” sagot niya at hindi na ako nakaimik pa.

Alam kong nagkagulo sa paligid ko at hawak ni Leon ang kamay ko. Hindi ko masyadong pinansin iyon dahil ang lahat nang sinabi niya ay saka lang nagproseso sa utak ko.

Anak ako ni Mamu at siya ang nanay ko pero hindi talaga niya sinubukan na magpakilala bilang aking ina. Masakit malaman ang tungkol doon. Kahit na ibinibigay naman siya ang mga gusto ko na kahit hindi ako humihiling. Kaya rin pala iba ang nararamdaman ko sa kaniya. Dahil ang laki ng papel niya sa buhay ko.

Isang ina na hindi man lang nagpakilala sa anak. Sapat na ba ang iparamdam na iba ako sa lahat? Na kakaiba rin ang pagtrato niya sa katulad ko?

Sumikip lang lalo ang dibdib ko dahil natatakot ako para kay Mamu. Paano kung siya nakaligtas? Ang mga bata?

“M-Mamu. . .” Mariin akong napapikit at hindi ko mapigilan ang umiyak nang tahimik. Bakit? Bakit hindi mo sinabi, Mamu? Bakit kailangang sa iba ko pa malalaman ang katotohanan na ’yon? Ni hindi man lang tayo nakapag-usap.

***

“Isang kuwarto na lamang ang bakante, Sir. Kukunin ninyo na po ba?” tanong ng kawani ng bahay-panuluyan.

Ilang oras ang biyahe namin sa barko at hindi agad kami didiretso sa pupuntahan namin dahil hihintayin pa niya raw ang dalawa niyang tauhan.

“Oo. Mas mabuti na ’to,” sagot pa niya at ibinigay ng babae ang susi saka niya ako inakay. Pagpasok namin sa isang malinis na silid ay agad akong umupo sa malambot na kaba. Wala pa rin ako sa sarili. “Darating ang mga tauhan ko. Alam kong may maganda silang balita. Magpahinga ka na muna. Magpapahatid na lamang ako ng makakain natin dito.”

Tinitigan ko pa siya at siya ang unang nag-iwas nang tingin. Bago pa man siya makaalis ay nagsalita ako.

“Hindi ako naniniwala na ginagawa mo lang ang trabaho mo. Puwedeng iba ang sasama sa akin pero bakit ikaw? Bakit tila malaki rin ang tiwala sa ’yo ni Mamu na ihabilin niya ako sa ’yo? Kilala ko si Mamu. Isa siya sa mga taong mahirap kunin ang loob. Hindi niya agad ibinibigay ang tiwala niya sa ibang tao,” makahulugang saad ko pa.

“Ikaw. Simpleng babae ka lang naman kung titingnan pero ang husay mo sa pag-oobserba ng mga bagay-bagay,” sabi niya at tumaas pa ang sulok ng mga labi niya.

Hindi ako batid ang mga pinagsasabi niya. Naaaliw ba siya dahil sa pagiging mahusay ko o ano? Ah, hindi ko siya maintindihan.

“Sabihin mo na lang ang totoo. Ang dami mo pang sinasabi,” supladang sabi ko.

“Kilala ko na si Cynthia noon pa man. Matagal na niyang binalak ang plano niya at ngayon lang siya nakakuha ng magandang timing. Dahil sa mga panahon na iyon ay bata ka pa lamang,” paliwanag pa niya at bumuntong-hininga ako. “Maiwan na kita,” paalam niya.

Si Mamu, ang dami nga niyang sikreto sa amin. Binalak na pala niyang sumuko noon. Hindi lang natutuloy dahil sa kapakanan ko.

Pero gusto kong makita si Mamu. Gusto ko siyang tanungin tungkol sa relasyon namin bilang mag-ina. Na kung bakit niya rin piniling manirahan ako sa labas. O marahil dahil sa kagustuhan niya ring protektahan ako?

Pagbagsak kong inihiga ang katawan ko at napatingin sa kisame ng silid. Ang dami kong tanong at si Mamu lang ang maaring makasagot ng lahat na ito. Hay, Mamu. Pinapahirapan mo ang kalooban ko.

Nakaiinis, ayokong mag-isip dahil sumasakit ang ulo ko. Nang ipikit ko ang mga mata ko ay hindi ko na rin namalayan pa na nakaidlip na ako. Nagising na lamang ako na may kumot na ako at hindi naman madilim sa loob.

Babangon pa lamang ako nang sumulpot na si Leon. “Gising ka na. Kumain na tayo,” kaswal na sabi niya lamang at binuhat niya ang mesa. Hindi niya ako hinayaan na makaalis sa kinauupuan ko.

Siya mismo ang nag-asikaso ng mga pagkain at umayos na lamang ako nang upo. Umupo na rin siya sa tapat ko.

Tumingin ako sa bintana na nakabukas lamang dahil sinasayaw ng hangin ang puting kurtina.

“Aalis na ba tayo rito bukas? Hindi ko ba puwedeng makita at makausap man lang si Mamu kahit sandali lamang?” tanong ko.

“Alam mo, Miss. Kumain ka muna bago mo ako tanungin niyan. Hindi ka ba nagugutom?” Sa tanong niya ay umiling ako.

“Wala akong gana.”

“Hindi puwede. Kumain ka. Kung ayaw mong subuan pa kita,” sabi niya at kumunot ang noo ko.

Sumunod na lamang ako sa inuutos niya pero ang bagal-bagal ko pa ring kumain dahil sa daming iniisip ko.

Nakarinig na lamang ako nang buntong-hininga kaya binalingan ko siya.

“Bakit ba nakasimangot ka kung kumain, ha?” tanong niya.

“Kumain ka na lang diyan at huwag mo na akong pansinin pa,” sabi ko. Umiling na lamang siya at nagpatuloy na siya sa pagkain.

“Bago ko gawin ko ang gusto mo ay kailangan muna nating lumayo at manatili nang ilang nga araw. We need to clear the area in case—nevermind. Rest assured na makikita mo siya pero pakikiusapan ko ang boss namin,” sabi niya. Aasahan ko ang mga sinabi niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top