CHAPTER 4

Chapter 4: Tagapagbantay

BILANG pasasalamat ay nagluto ako ng bibingka para kay Mamu. Kung kaya’t bumalik ako sa kaniyang tahanan. Maayos ko nang binalot ang niluto kong bibingka. Naligo muna ako at nag-ayos ng aking sarili.

Isinuot ko ang puting bestida na lagpas sa tuhod ko. Napatingin pa ako sa sapatos ko na binili ng estrangherong nakilala ko kanina. Kumuha na lamang ako ng ibang maisusuot ko at itinago ko iyon nang maayos.

Nababahala rin talaga ako sa kanila kapag nalaman ng mga kakampi ni Mamu na nagkaroon ng espiya sa aming lugar. Ayaw ko man mapahamak si Mamu ngunit kailangan pa rin niyang ihinto ang trabaho niyang ilegal.

“Ate Nana, pupunta ka po ba kay Mamu?” tanong sa akin ni Richie. Tumango ako.

“Bakit?” tanong ko naman sa kaniya.

“Sasamahan lang po kita,” nakangiting sabi niya. Lumabas tuloy ang maliliit niyang mga ngipin. Pinunasan ko ang duming nasa pisngi niya.

Pitong taong gulang na si Richie, lalaki siya pero ganoon ang kaniyang pangalan. Siya ang pinakabata rito sa amin at palaging sumasama sa akin kung saan man ako magpunta.

Nginitian ko lamang siya at naglahad ng kamay. Masayang humawak naman siya saka kami umalis. Nagpaalam kami kay Nanay Malia na kumaway lamang sa amin. Abala siya sa manicure niya. Nagdala kami ng payong ni Richie kasi mainit sa labas.

Nang makarating na nga kami sa bahay ni Mamu ay napansin ko na may munting kaguluhan sa isang sulok ng bahay. Wala sana akong balak na tingnan iyon pero pati ang mga kababaihan ay parang tumitili pa.

Inakay ko palapit doon si Richie para tingnan kung ano ang nangyayari doon. Nakiusyoso ako at sumiksik pa kami. Nasa likuran ako ni Richie para hindi siya magawang itulak ng iba.

Nanlaki naman ang mga mata ko sa gulat dahil mayroong hand wristling nagaganap. Ang mas ikinagulat ko kasi ay kung sino ang kalaban ni Ferdie.

Ang lalaking nakilala ko kahapon. Ano naman kaya ang ginagawa ng lalaking ito rito? Nagsisimula na ba siyang mag-imbestiga kay Mamu? Kahit na mayroon na silang ideya?

“Ferdie! Ferdie!” sigawan ng iba.

Malaking tao si Ferdie pero hindi rin siya katangkaran. Wala pa ni isa ang nakatalo sa kaniya na mag-hand wristling. Dahil malakas din siya. Siya palagi ang pambato. Wala siyang saplot pang itaas. Itim na t-shirt din iyong suot ng isa.

Subalit nagtataka lamang ako kung ano ang ginagawa ng isa rito at saan siya kumuha nang lakas ng loob na pumasok sa teritoryo ni Mamu? Kung sabagay ay isa nga siyang pulis. Hindi na nakapagtataka iyon. Wala siyang kinakatakutan.

“Leon! Leon!” sigaw naman ng mga kababaihan. Napailing ako dahil nakakita sila ng bagong mukha sa probinsya namin ay talagang boto sila sa bagong salta na ito.

“Aray! Naaapakan ang paa ko, Ate Nana!” sigaw ni Richie at napatingin ako sa kaniya. Tinulak ko si Carlia dahil siya ang umaapak sa paa ng bata at hindi na niya pinansin pa ang pagtulak sa kaniya. Nakatutok kasi ang atensyon niya sa lalaki.

“Oh! Nakita ninyo iyon?! Nakatingin sa atin si Leon!” sigaw pa niya na ikinakunot lang ng noo ko.

“Hindi sa ’yo! Sa akin!” sigaw naman ni Marceda. Napailing na lamang ako at binalingan ko ulit ang mga ito.

Sumalubong sa ’kin ang malamig at malalim na mga mata nito dahilan nang pagbilis nang tibok ng puso ko. Hindi ko pinutol ang pakikipagtitigan sa kaniya at kasabay niyon ay natalo niya nang walang kahirap-hirap si Ferdie.

Napasigaw ang mga kakampi niya. Tanggap naman ni Ferdie ang pagkatalo niya dahil nagkamayan pa sila ng lalaki.

“Ano na? Ang prize ng nanalo?!”

“Puwede bang babae?” Sa sinagot nito ay napahiyaw ang mga tao. Lalo na ang alagang babae ni Mamu. Maski ako ay nagulat sa kahilingan niya.

“Pagbigyan na natin ang bagong salta ng lugar natin! Sige na, Leon. Pumili ka na ng babae at puwede mo siyang iuwi kahit isang gabi lang!” sigaw ni Mang Poyong.

Inaya ko nang umalis doon si Richie subalit mo akong napahinto nang sumagot ang lalaki.

“Iyong babaeng nakaputing bestida.” Pakiramdam ko ay nabuhusan ako ng malamig na tubig at hindi ko magawang gumalaw mula sa kinakatayuan ko. Humigpit pa nga ang paghawak ko sa kamay ni Richie.

Pero sandali lang. Hindi naman siguro ako ang nakaputing bestida, ’di ba? Bakit naman ako kakabahan?

I-Iyong ano, Leon? N-Nakaputing bestida?”

“Oo. Iyong mahaba ang buhok at mayroon siyang batang kasama.” Mariin akong napapikit.

“Si Dainara ba? Hala, hindi puwedeng si Nana. Lagot tayo kay Mamu!”

“Bakit?”

“Bakit ang alaga kong si Dainara ang gusto mo, Leon?” Boses iyon ni Mamu kaya lumingon ako sa pinanggalingan niya. Nandoon nga si mamu at nagsisindi siya ng sigarilyo.

“Hindi ba ang sabi ninyo ay pumili ako ng babaeng gusto ko?” Nahihibang na ba ang lalaking iyan? Naririnig ba niya ang sarili niya? Mukha ba akong bayaran na babae o ginagamit lang ng mga kalalakihan?

Parang gusto ko tuloy siyang sampalin. Ang kapal ng mukha niya.

“Pero bakit siya? Bakit si Dainara?” tanong ni Mamu at nasa boses niya ang kuryusidad.

“Dahil siya ang pinakamagandang babae sa lugar ninyo,” mabilis na sagot nito. Nagtatakang tiningnan ko siya.

Kahit alam kong nagbibiro lang siya ay hindi ko pa rin napigilan na pang-initan ng pisngi. Nakahuthot ba siya ng katol?

“Subalit hijo. Hindi ko pinapahiram ng basta-basta ang alaga ko at hindi siya katulad ng ibang babae,” pangangatwiran na sambit ni Mamu.

Sumeryoso ang ekspresyon ng mukha ng nagngangalan na Leon. “Kung ganoon ay espesyal siya?” tanong pa nito.

Naalala kong hinahanap pala niya ako at nagkaroon din ako ng interes kung bakit niya ako kilala. Mayroon kaya siyang sasabihin?

Tumingin ako nang diretso kay Mamu at sa paraan nang pagtitig niya ay agad kong naintindihan iyon. Sumasang-ayon na siya.

Nauna na akong umalis doon at pumanhik na kami ni Richie sa bahay ni Mamu.

“Ate, kilala ka ba ng lalaking iyon?” ang pagtatanong ni Richie. Pati siya ay nakiusyoso na rin.

“Hindi ko alam, Richie. Nagugutom ka ba?” tanong ko sa kaniya at binabaliwala ko ang kaganapan kanina.

“Puwede tayong pumuslit ng cake ni Mamu?” Tinanguan ko siya at bitbit ko pa rin ang supot na naglalaman ng bibingka.

Nagtungo na nga kami sa kusina at kumuha ako ng kapirasong cake para sa bata. Isa ito sa dahilan kung bakit gustong-gusto niyang sumama. Kasi alam niyang hindi kami pagagalitan ni Mamu. Kumuha na rin ako ng juice para sa kaniya.

“Dito ka na lang muna, ha? Ubusin mo ang kinakain mo. Lalabas lang ako. Hindi ka nila gagawin dahil kasama mo ako,” sabi ko kay Richie at tumango lamang siya kasi nilalantakan na rin niya ang cake na kahilingan niya.

Dala-dala ko pa rin ang bibingka dahil ibibigay ko ito kay Mamu. Sinadya ko naman talaga itong iluto para sa kaniya.

Nasa sala na rin niya si Mamu at ang lalaking naglakas nang loob na piliin ako sa harapan pa ng maraming tao. Alam naman kasi ng mga ito na iniingatan ako.

“Dainara, hija. Halika rito. Ipakikilala kita kay Leon.” Napako ang tingin nito sa akin kung kaya’t naglakad na ako palapit sa kanila. Umupo ako sa tabi ni Mamu at seryoso kong tinitigan si Leon.

Bakat na bakat ang ugat sa mga braso at kamay niya. Ang kamay na ’yan ang siyang tumalo kay Ferdie. Kakaiba ang lakas niya.

“Ano po ang ginagawa niya rito, Mamu?” ang aking katanungan. Ngumiti si Mamu at hinaplos ang pisngi ko. Ramdam ko ang dalawang pares ng mga mata ng lalaki.

“Siya si Leon, hija. Bagong salta nga siya rito at naghahanap siya ng trabaho kahit na ano’ng posisyon daw ay tatanggapin niya. Pumayag ako kasi bagay siya sa trabahong iaalok ko sa kaniya. Nakita mo naman kanina kung gaano siya kalakas at natalo niya si Ferdie na pinakamalakas na kung sa hand wristling mong ilalaban,” paliwanag pa niya.

Ngunit ano’ng klaseng trabaho naman ang iaalok niya sa lalaki? Hindi naman sila nagkukulangan sa mga tauhan niya at saka hindi ito ordinaryong tao. Isa itong pulis, Mamu. Kung alam mo lang po.

“Mayroon akong trabaho na ipagagawa sa iyo at si Leon ang makasasama mo. Siya ang pansamantalang magbabantay sa ’yo.” Nagulat ako ngunit hindi ko na lamang ipinahalata pa ’yon. Pero hindi niya puwedeng ipasama si Leon dahil tiyak akong hahadlang ito.

“Mamu, magagawa ko naman siguro ang trabahong iyan nang mag-isa lang, hindi ba? Hindi ninyo na po siya kailangang ipasama sa ’kin. Kaya ko na po nang mag-isa,” saad ko para lang hindi makasama si Leon.

“Kailangan mo siya, Dainara,” giit na usal pa rin ni Mamu. Umiling ako.

“Subalit, Mamu—”

“Sabado nang umaga ay dapat nakaalis na kayo. Maaga rin ang kliyente natin,” makahulugang saad niya. Wala akong nagawa kundi ang tumango na lamang bilang tugon.

“Oo nga po pala. Bibingka po, Mamu. Ako ho ang nagluto nito,” aniko at ibinigay ko iyon sa kaniya.

“Salamat,” sambit niya at inalok pa niya si Leon. Kumuha lang ito ng isa.

“Maaari ba kitang kausapin?” tanong ko sa lalaki. Tumango siya.

Dinala ko siya sa veranda ng bahay ni Mamu at umupo ako roon. Sinasayaw ng hangin ang buhok ko.

“Ikaw si Dainara Ortega. You’re special then,” aniya.

“Ano naman ang ibig mong sabihin doon?” mariin kong tanong.

“Nalaman kasi namin na iba ang tingin sa iyo nang tinatawag ninyong Mamu. Nakatira ka man sa labas pero ang pagtrato niya sa ’yo ay hindi pa rin nagbabago. Ikaw ang bukod tanging naiiba,” paliwanag pa niya.

“Hindi ko pa rin makuha ang punto mo. Ano ba talaga ang plano mo?” walang emosyon na tanong ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top