CHAPTER 30
Chapter 30: Richie’s new family
“NOBYO mo na ba ang binatang ’yan, Nana?” tanong sa akin ni Nanay Malia, habang pinagmamasdan namin pareho ang pakikipaglaro ni Leon sa mga bata. Si Richie, nang malaman nito na magiging kuya niya si Leon ay hindi na siya humiwalay pa rito.
Sa tingin ko ay magiging close na rin sila. Okay na iyon, para mapalagay rin ang loob nila sa isa’t isa.
“Opo, Nanay Malia. Pasado ho ba siya sa inyo? Mabait po siya, maalalahanin at maasikaso rin,” nakangiting pagbibida ko, para naman matanggap agad niya ang boyfriend ko.
Maski nga ako ay hindi pa rin makapaniwala na magiging nobyo ko siya. Kung sabagay mas naunang may nangyari sa amin.
“Sapat na sa akin ang malaman na inaalagaan ka niya, Nana. Huwag mo na kaming alalahanin pa rito. Siya nga pala, nagkita na ba kayo ni Cynthia?” Tumango ako.
“Nakakulong pa ho siya sa ngayon. Binibisita po siya lagi ni Leon at nitong nakaraang araw ko rin siyang binisita,” pahayag ko at napatango-tango naman siya.
“Kumusta naman siya?”
“Maayos po ang lagay niya,” sagot ko at napapatingin ako sa direksyon ng mga bata. Ang iingay kasi nila. Maririnig ang tawanan nila.
Na-miss ko rin silang kasama at si Richie, kahit ano’ng oras kong gugustuhin ay mapupuntahan ko na siya.
“O siya, maging okay lang ang buhay mo ay ayos na rin sa akin, Nana. Alam ko naman na wala akong naambag sa buhay mo. Kahit alam kong bawal ay hindi pa rin kita pinigilan. Tapos kapag wala na tayong makain ay ako palagi ang nagsasabi sa iyo na humingi ka ng bigas kay Cynthia,” mahabang saad niya at tahimik ko lang tinititigan ang ekspresyon ng kaniyang mukha.
“Alam niyo ho kasi na hindi ako tatanggihan ni Mamu kapag nanghingi ako. Pero Nanay Malia, inalagaan mo naman ho ako dati,” marahan na saad ko. Naging mailap ang mga mata niya, na tila iniiwasan niyang salubungin ang aking mata. “Alagaan niyo ho sana ang mga bata.”
“Siyempre naman, ’no. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa amin ng pamilya ng nobyo mo. O sige na, mukhang aalis na rin kayo,” wika niya. Tumayo naman ako para yakapin siya.
“Mag-iingat ho kayo rito, Nanay Malia. Bibisita po kami palagi,” nakangiting sambit ko. Matamis na ngumiti rin siya kahit kumikislap ang kaniyang mata, na dulot ng luha niya.
Patakbong lumapit sa akin si Richie at humawak siya sa aking kamay. Nagngitian pa kami sa isa’t isa.
“Aalis na raw po tayo sabi ni Kuya Leon, ate,” masayang inporma niya. Tumango ako.
“Aalis na po kami, Nanay Malia,” paalam naman ni Leon at nagmano rin siya rito.
Nakasukbit sa kaniyang balikat ang bag ng bata at pinili niyang lumapit sa ’kin. Ang braso niya ay nasa likod ko.
“Ate Nana, mababait ho ba ang mama at papa ni Kuya Leon?” inosenteng tanong sa akin ni Richie. Pinisil ko ang matambok niyang pisngi.
Nagkatinginan pa kaming dalawa ni Leon. Ngumiti lang siya at pasimpleng hinalikan ang gilid ng aking noo.
“Oo. Huwag kang mag-alala masyado, Richie. Kung ano ang nakikita mo sa Kuya Leon mo ay ganoon din ang ugali nila,” paliwanag ko sa kaniya. Inayos ko pa ang nagulo niyang buhok sa kalalaro niya kanina.
“Kuya Leon, hindi ba namamalo ang mama at papa mo kapag gusto ko nang kumain ng cake?” Ang tinutukoy niyang namamalo ay ang mga babaeng inaampon ng aking ina.
Wala na rin sila rito. Kasi may mga kamag-anak naman sila, kaya nagsiuwian na sila sa kanilang pamilya.
“Kahit ubusin mo pa ang cake sa ref namin ay walang magagalit sa iyo at hindi puwedeng mamalo ng bata ang matatanda. Child abuse iyon,” mahinahon na paliwanag ni Leon.
Tapos ay binalingan niya ako. Nagtatanong ang kaniyang mga mata. Siguro ay nagtataka siya kung ano ang tinutukoy ng bata na pinapalo siya kapag kumakain siya ng cake.
“Sumasama kasi siya sa bahay ni mama noon. Para lang talaga makakain siya ng cake. Pinapagalitan siya ng mga babaeng may crush sa iyo,” sabi ko naman sa kaniya. Tumaas pa ang sulok ng mga labi niya.
“Hmm, yeah?” Napairap ako sa reaksyon niya. Natutuwa pa talaga siya. Kasi hindi ko nagustuhan iyon. Kahit na wala pa akong gusto sa kaniya sa mga oras na iyon. “Anyway, Richie. Baka magsawa ka sa cake roon.” Napasimangot ako nang guluhin niya ang buhok nito. Kaya kinurot ko ang braso niya.
Napahalakhak lang siya. “Huwag mong guluhin ang buhok niya,” sita ko sa kaniya. Muli kong inayos ang buhok ni Richie.
“Ang sungit naman ng miss na ’yan,” komento pa niya. Siniko ko siya hanggang sa naglalambing na yumakap sa baywang ko.
Mabilis din kaming nakabalik sa Manila at diretso na kami sa mansyon ng mga magulang ni Leon. Sa front door pa lang ay nakaabang na sila sa amin. Halatang kami nga ang kanilang hinihintay.
“Mom, nandito na po ang bunso niyo,” ani Leon. Matamis ang ngiti ni tita at sa magandang uri ng mga mata niya ay mababasa roon ang kasiyahan.
“Ano na, Richie? Lapitan mo na ang bago mong mga magulang,” sabi ko naman sa bata. Nahihiya pa siyang lumapit at pabalik-balik ang tingin sa amin.
“Mahiyain po siya Mom, Dad,” ani Leon.
“Come here, we don’t bite kid,” usal ni Tito Leorando at lumuhod pa siya, tapos ibinuka niya ang kaniyang mga braso.
Minsan pang tumingin sa akin si Richie. Nang tinanguan ko siya at nginitian ay saka lang siya dahan-dahan na naglakad palapit sa mag-asawa.
Nang makalapit na siya roon ay agad siyang niyakap ni tito at sumunod na rin si Tita Charlendia.
“Hi, Richie. Ako si Charlendia Corteza. Mommy ako ni Kuya Leon mo. Heto naman ang daddy niya, si Leorando,” malambing na sabi ng ginang.
Hinawakan ni Richie ang kamay nito at hinalikan niya iyon, kaya mas natuwa sa kaniya ang mommy ni Leon.
“Now, ikaw na si Richie Cortezo. Legally adopted ka na namin. Ang tawag mo sa akin ay daddy, tapos sa asawa ko naman ay mommy. Sige nga, tawagin mo kaming ganoon,” marahan na utos nito.
“Uhm.” Nahihiya talaga siya.
“Just call them mommy and daddy, Richie. Sige ka, kapag hindi mo sila tinawag nang ganoon ay hindi ka nila pakakainin ng cake,” pananakot ni Leon sa bata. Kinurot ko nang mariin ang braso niya. Lumakas ang kaniyang tawa dahil sa aking ginawa.
“So, favorite mo ang cake?” malambing na tanong ni tita. Nahihiya man ay tumango si Richie.
“Noong nasa Mindanao pa po kami. Sumasama po ako kay Ate Nana sa bahay ni Mamu. Para po kumain ng cake, kapag kasama ko po kasi si Ate Nana ay walang magagalit sa akin.” Napangiti ako sa kadaldalan niya. Tapos mas naaliw lang sa kaniya ang mag-asawa.
“Bakit walang magagalit sa Ate Nana mo?” tanong ni Tito Leorando. Hinaplos niya ang buhok nito.
“Takot po silang magalit sa kanila si Mamu. Kasi po paboritong alaga ni Mamu si Ate Nana,” sagot nito. Natural na tumutulis ang labi niya, habang nagpapaliwanag siya.
“Ah, talaga? Ang cool naman ng Ate Nana mo. O siya sige, dito ka muna sa Daddy Leorando mo. Kukuha lang ako ng cake sa ref. May gusto ka pa bang kainin?”
“Much better na sumama na lang siya, hon,” suhestiyon ni tito. Hinawakan niya sa kamay si Richie at ganoon din ang ginawa ni Tita Charlendia. Tapos sabay na nga silang umalis.
“Bahala na kayo riyan, son,” sabi ni tita at naiwan na nga kami ni Leon.
Binalingan naman niya ako. Nakangiti na siya. “Gusto mong lumabas na muna tayo?”
“Inaaya mo ba akong mag-date, Leon?” tanong ko sa kaniya. Ang ngiti niya ay nauwi sa pagngisi.
“Yup, hindi mo pa naman mabibisita sa ngayon si Jam. So?” pag-aaya pa niya. Napatango ako at nagpahila na lang sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top