CHAPTER 27

Chapter 27: Pagbisita kay Mamu

“KUMUSTA naman si Jam? Ligtas ba siya?” tanong ko kay Leon.

Kaming dalawa na lamang ang naiwan dito sa pribadong silid ng ospital. Umuwi na rin ang mga magulang niya. Mataman ko pang tinitigan ang mukha niya.

Parang ang laki yata ng pinayat niya, halatang puyat dahil may itim sa ilalim ng mga mata niya. Humahaba na rin ang kaniyang buhok. Gayunpaman, guwapo pa rin naman siya at hindi naman yata mababawasan iyon.

“Ligtas na si Jam. Alam namin na magkasama kayo habang tumatakas sa isla at naiwan mo lang siya roon. Pero isang barko pa ang nakasunod sa barkong sinasakyan niyo, doon siya nakasakay. Tapos nawala siya nang ilang araw dahil sinadya niyang magtago. Hindi agad siya nakita ni Alked,” paliwanag niya sa marahan na boses. Napatango ako nang malaman ko na ang tungkol doon.

Ang mahalaga ay ligtas ang unang naging kaibigan ko. Panatag na ang kalooban ko sa kaalaman na maayos na ang lagay nito.

“Hindi ang kaibigan ko ang may gawa no’n, ’di ba?”

“Of course not. Masyadong mahal ng kaibigan ko ang asawa niya at hindi niya magagawa iyon,” umiiling na sagot niya.

“Ikaw ba? Hindi mo ba gusto si Jam?” tanong ko naman sa mahinang boses.

“Nagpapaniwala ka sa sarili mo na may gusto ako sa asawa ni Alked? God, baby. Kung alam mo lang talaga kung sino ang gustong-gusto ko ay baka magulat ka.” Napangiti ako. Kahit hindi niya sabihin ay alam ko na. “At alam mo ba? Buntis din siya.”

Sukat do’n ay hinawakan niya ang kamay ko. Dinala niya ito sa labi niya upang halikan. Sumikip ang dibdib ko sa naalala ko noong nawalan na ako nang malay.

“S-Sorry. Sorry, Leon. Hindi ko alam na buntis na pala ako sa mga panahon na iyon. Eh, ’di sana naging mas maingat ako,” aniko na punong-puno ng pagsisisi ang boses ko. Nanginig ang mga labi ko at ang kanina pang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko ay unti-unti na ring tumulo ang mga luha ko.

“Shh, walang may kasalanan. Don’t blame yourself, Dainara.” Tumayo siya mula sa pagkakaupo niya sa tool at umupo siya sa tabi ko. Ikinulong niya ako sa mga bisig niya at hinagod ang likod ko. “Hindi para sa atin si baby. Mas gusto niyang maging angel, e. Ayos lang iyon. Para may guardian angel tayo.”

Mas lalo akong napahikbi sa sinabi niya at bumigat lang ang aking dibdib, ramdam ko ang paghapdi nito, na tila naging sariwa na naman ang sugat ko.

“H-Hindi ko alam. . . Hindi ko talaga alam na nasa tiyan ko na siya, Leon,” umiiyak na sambit ko. Humigpit ang pagyakap niya sa akin at ilang beses niyang hinalikan ang tuktok ng ulo ko.

“Tahan na, okay? Kung may dapat man na sisihin ay ako iyon. Because I failed to protect you, Dainara. I’m so sorry.” Ibinaon ko na lang ang mukha ko sa dibdib niya at doon ako umiyak.

Pinunasan niya rin ang mga luha ko sa aking pisngi. “Alam mo ba na sabay pa kaming kumain ni Jam ng sampalok?” Naramdaman ko rin ang panginginig ng katawan niya, ngunit humigpit lang ang yakap niya. Ang baba niya ay nasa ibabaw na ng ulo ko.

“It’s okay.”

“M-Mahal ko siya kahit nawala agad siya sa atin, Leon,” mahinang usal ko.

“Ako rin. Mahal ko rin siya,” aniya.

“Mahal ko ang baby natin,” sabi ko pa at tumango-tango siya.

Matagal akong nahimasmasan sa pag-iyak ko. Pinainom pa niya ako ng tubig saka niya ako pinahiga sa kama.

“Do you want to visit your mother, Dainara?” tanong niya, na nasa boses ang lambing.

“Alam ni mamu ang nangyari sa akin?” Tumango siya bilang tugon.

“Bumisita siya rito at isang gabi ka rin niyang binantayan. Hindi siya natulog na kahit kumain ay hindi rin siya nagutom. Umiiyak lang siya pero alam niya na gigising at gagaling ka pa rin,” nakangiting kuwento niya at nahawa na rin ako.

“Puwede natin siyang bisitahin doon?” Inabot ko ang panga niya at marahan kong hinaplos iyon. Napapikit pa siya. Ang mukha niya ay nakahilig sa akin.

“Yes, we can do that. Hindi pa namin nasasabi sa kaniya na gising ka na. Kapag okay na at sinabi na ng doktor mo na puwede ka nang ma-discharge ay saka natin siya bisitahin,” pahayag niya. Wala pa man ay nakaramdam na ako ng pananabik.

Gusto ko nang makita si mamu, matagal na rin kasi noong huli kaming nagkita. Para na rin alam ko kung maayos ang lagay niya sa kulungan. Kung hindi ba siya nangangayat doon o ’di kaya naman ay masaya pa rin siya kahit ganoon ang naging sitwasyon niya.

Limang araw akong nagtagal sa ospital. May mga test pa kasi ang ginawa sa akin, sinuri nila nang mabuti ang puso ko at kung ano-ano pa. Maayos na ang lagay ko, iyon ang natitiyak ng doktor na tumingin sa kalusugan ko.

“Mainit sa labas pero mas mainam na ganito ang isuot mo,” sabi ni Leon. Kulay asul na bestida ang ipinasuot niya sa ’kin. Hanggang tuhod ang haba nito, tapos mahaba ang manggas.

Siya ang nagsuklay ng buhok ko, kahit kaya ko namang gawin iyon. Iyong mommy niya ang bumili ng mga gamit ko. Bumili rin siya ng kolerete, pabango at iba pa. Nakahihiya man pero ang hirap ding tanggihan. Kasi baka sumama ang loob niya.

Inilabas ko ang pendant ng kuwintas na bigay ni Leon. Kahapon lang ito ibinalik sa akin. Tinago niya dahil naoperahan ako.

“Tama na ’yan? Umalis na tayo, Leon,” pag-aaya ko. Masyadong nagtatagal ang pagsuklay niya. Nakaupo kami sa kama at nasa gitna naman ako ng mga hita niya.

“Sige, tara na.” Tumayo na rin ako. Nginitian pa namin ang isa’t isa. Masuyong halik sa noo ang iginawad niya, saka tuluyan na kaming umalis.

Iyong mga gamit namin ay dinala na kanina ng daddy niya. Habang nasa biyahe na kami, binabaybay ang daan ay nasa labas ng bintana. Ang ganda nga rito sa Manila. Matataas at matatayog ang mga gusali. Kahit tirik na tirik pa ang araw ay marami pa ring mga tao ang makikita mong naglalakad sa gilid ng kalsada.

“Hindi ko puwedeng ibaba ang salamin ng bintana, Nana. Baka kasi makalanghap ka ng usok o alikabok,” sabi niya, nang mapansin kung saan ako nakatutok. Hawak niya rin ang kaliwang kamay ko.

Binalingan ko siya at ginawaran ng matamis na ngiti. “Ayos lang, ano? Nakikita ko naman,” aniko.

“Don’t worry, ipapasyal naman kita. Kung gusto mo ay sa ibang bansa pa.” Inirapan ko siya at mahinang humalakhak lang siya.

Ilang minuto lang ang biyahe ay nakarating na kami. Pumasok kami sa malaking gusali na lahat ng mga pulis na naroon ay binabati siya. Magkahawak ang aming kamay at mabagal ang paglalakad.

Nararamdaman ko na naman ang sabik na makita ang aking ina. Oo nga pala, bago kami pumunta rito ay bumili ng makakain si Leon.

Naghintay kami sa visitor’s area at dahil nga masyado pang maaga ang pagbisita namin ay kami lang ang nasa loob niyon. May mga bantay rin naman.

Hinugot niya ang isang upuan at inalalayan niya akong makaupo. Umupo rin siya agad. Nasa mesa na ang paperbag na dala namin. Si Leon naman ay hindi siya tumitigil sa paghalik sa likod ng aking kamay. Sa pisngi ko madalas at sa sentido ko.

Simula nang mabaril ako at tatlong buwan na walang malay ay bantay sarado na niya ako. Nagiging showy na rin siya sa nararamdaman niya. Walang araw na lumipas na hindi niya sinasabi sa ’kin kung gaano niya ako kamahal. Ganoon din naman ako sa kaniya.

“Tiyak na masusurpresa si Ma’am Cynthia kapag nakita ka niya,” aniya. Maski ako ay hindi na makapaghintay pa na makita ang reaksyon ni mamu.

Mayroon pang kinausap si Leon, tapos ilang sandali lang ay nakita ko na si mamu. Nasa likuran nito ang babaeng pulis.

Nang maghinang ang aming mata ay natigilan siya. Nahinto na rin siya sa paglalakad. Ngumiti ako kay mamu. Nakaawang na ang mga labi niya, dahil sa gulat. Kaya nang maglakad na ulit siya ay napatayo na ako.

“T-Totoo ba itong nakikita ko?” nauutal ang boses na tanong niya. Huminto siya mismo sa tapat ko na tila sinusuri kung totoo bang nakatayo ako ngayon sa kaniyang harapan.

“Mamu,” sambit ko. Sunod-sunod na ang pagpatak ng mga luha niya, hanggang sa inabot niya ang magkabilang pisngi ko.

Marahan niyang hinaplos ang pisngi ko. Kahit ako ay naiiyak na rin. Pumayat nga si mamu, pero nakikita kong hindi naman niya napapabayaan ang sarili niya.

“Leon, h-hindi ba ako binibiro lang ng mga mata ko? Ang anak ko na ba ang nakikita ko ngayon?” Pumiyok pa ang boses niya. Hinihintay ko na lang na yakapin niya ako. Nag-iinit na rin kasi ang sulok ng mga mata ko.

“Hindi po, Ma’am Cynthia. Totoo po ang nakikita niyo. Nagising po siya five days ago,” sagot ni Leon sa aking ina. Napahagulgol na lamang siya at ako na rin mismo ang yumakap.

“Anak ko. Gising na nga ang anak ko, Dainara,” umiiyak na sambit niya. Umaalog ang kaniyang balikat at dinig na rinig ang boses niya sa loob.

Hinagod ko ang likod niya. Hinayaan ko na rin na bumagsak ang mga luha ko. “Sorry, Mamu. Pinag-alala po kita.”

Malambing na tinitigan niya ang mukha ko nang bahagya siyang humiwalay sa yakapan namin.

“Ang importante sa akin ngayon ay gising ka na. Magaling na ang Nana ko,” naluluhang sabi pa rin niya. Pinunasan ko ang mga luha niya.

“Siyempre po, Mamu. Hindi puwedeng tulog lang ako. Hindi ba babawi pa kayo sa akin?” Napatango-tango siya sa aking sinabi.

Natawa na ako nang pinugpog niya ng halik ang pisngi ko at ilang beses niya rin akong niyakap.

Kung hindi pa kami inaya ni Leon na umupo ay baka maubos lang ang oras namin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top