CHAPTER 22
Chapter 22: Unlucky faith
MASUWERTE pa rin kami dahil nagawa naming makatakas doon sa resort. Iyon nga lang naiwan na naman si Inang Yanel. Kahit ayoko rin siyang iwan ay wala na akong nagawa pa. Si Jam ay iyak nang iyak.
Ngayon ay wala na rin kaming kasiguraduhan kung buhay pa ba ngayon si inang. Ngunit malaki pa rin ang pasasalamat namin sa kaniya.
Hindi ko rin nadala ang cell phone na bigay sa akin ni Leon, baka kasi tama na naman ang hula namin na may kinalaman ang asawa ni Jam. Pero gusto ko ring magtiwal kay Leon. Ayokong pangunahan agad ako ng negatibo.
Natigil ang pag-iisip ko nang makita ko ang maraming pulis sa daungan. Nakapila na rin kami para makasakay na sa barko. Ewan ko kung saan ito patungo, basta ang importante ay makaalis kami rito ni Jam. Kailangan naming makaligtas.
“A-Ano’ng nangyari?”
“Hindi ko alam. Ano ba ang nangyayari?” Hinarap ko si Jam at inayos ko ang sumbrero ng kaniyang suot na hoodie.
“H-Hindi tayo sigurado kung safe ba ang makita ka ng mga pulis, Jam,” sabi ko. Halata pa rin ang pamumutla niya.
“Dainara,” sambit niya sa pangalan ko. Nanginginig siya sa takot.
“Diyan ka lang. Magtatanong ako kung ano ang nangyayari,” sabi ko pero hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko. Parang ayaw niyang makaalis ako.
Umiling siya at talagang hindi niya ako paaalisin. “D-Dito ka lang, Dainara. Hindi ka aalis sa tabi ko.”
“Sa pagkakataong ito, Jam... Hindi tayo dapat magsamang dalawa. Mauna ka at susunod ako,” seryosong sabi ko lamang.
“Dainara...” Ibinigay ko sa kaniya ang isang ticket.
“Sige na, Jam... Susunod ako sa ’yo,” wika ko. Sinulyapan ko pa ang barko na marami na ring pasahero ang umaakyat.
“D-Dainara, please... Dito ka lang,” nagsusumamong wika niya. Paiyak na naman siya.
“Magtiwala ka sa akin, Jam. Susunod ako, pangako...” paninigurado ko sa kaniya. Nakita ko lang ang pagtulo ng mga luha niya.
Iniisip na naman kasi niya na may magsasakripisyo na naman sa kaniya.
Makakaya ko naman ito, kaya ko pang lagpasan ang problemang ito.
“S-Sa akin ka makinig, Dainara. Sumama ka na, please. S-Sumama ka na ngayon sa akin... Puwede naman tayong magsabay,” pakiusap niya. Kailangan ko lang talagang iligaw ang mga pulis na halatang may hinahanap sila.
“Jam, kailangan kong gawin ito. Alam nila na nagpalit ka ng damit. Kaya paghihinalaan nila ang kasuotan natin. Ang hindi lamang nila alam...ay may kasama ka pang isang babae,” paliwanag ko para naman makunbinsi ko na rin siya.
Wala naman silang gagawin sa akin kapag ako ang nahuli nila. Hindi nila ako kilala.
“D-Dainara... A-Ayokong magsakripisyo ka na naman. Kung m-mahuhuli ka. Sasama na lamang ako. Sabay-sabay tayo, tayong dalawa na lamang,” umiiyak na saad pa niya.
Ayoko rin na masayang ang pagsasakripisyo ni Inang Yanel para lang sa amin. Kaya ako naman ang gagawa ngayon ng paraan.
“Ako ang pakinggan mo. Jam, sige na, ang gagawin ko ay magpapahuli sa kanila. Kung kailangan kong tumakbo at makipaghabulan ay gagawin ko para lamang makaalis ka agad at makasakay ng barko. Sa akin matutuon ang kanilang atensyon.” Sa ganitong klaseng sitwasyon ay alam ko na ang gagawin ko.
Hinubad ko ang sumbrero niya at nagpalit kami ng jacket. Inayos ko ang kaniya para hindi siya makilala ng mga taong humahabol ngayon sa kaniya.
“Dainara,” tawag niya sa akin at ilang beses na siyang umiling.
“Magiging ligtas kayo ng anak mo, Jam... Susunod ako, pangako ’yan.”
Nang umatras ako ay parang lalapitan pa niya ako, ngunit humalo na ako sa dagat ng mga tao para hindi na niya ako masundan pa.
Nang huli ko siyang tiningnan ay pulang-pula ang mukha niya, hanggang sa tuluyan na rin siyang nawala sa paningin ko. Tumakbo na rin ako palayo roon.
Alam kong makukuha ko ang kanilang atensyon. Dahil kahina-hinala nga naman ang biglaan mong pagtakbo at paalis ka na ng daungan.
Nakarinig na ako nang mga sunod-sunod na yabag. Hindi ako huminto sa pagtakbo, mas humalo pa ako sa karamihan. Narating ko ang palengke kaya hingal na hingal na ako.
Marami na rin akong nababangga at nagrereklamo ang mga ito. Malayo-layo na rin ang tinakbo ko. Bumalik lang ako nang makita ko sila na napapalayo na rin sila.
Sa pagbalik ko ay iilan na lang ang mga taong nakapila. Hahanapin ko pa lang sana si Jam nang mapako na ako sa kinatatayuan ko.
Nasa baba na siya, wala na siya rito sa barko. Nasa baba na talaga siya. Nag-init ang sulok ng mga mata ko. Umaandar na ang barko. Umaandar na ito palayo.
Sa pagtawag ko sa kaniya ay napatingin na rin siya sa kinaroroonan ko.
“Jam! J-Jam, bakit ka bumaba?!” sigaw ko. Tiningnan ko ang mga crew para sana humingi ng tulong.
“Dainara! Dainara!” sigaw rin ni Jam sa baba.
“Pakiusap! P-Pakibalik po sa daungan ang barko. Naiwan ang kapatid ko! Naiwan po ang kapatid ko roon!” sabi ko sa mga crew pero parang wala silang naririnig. “Parang awa niyo na po! Naiwan po ang kapatid ko roon! P-Pakibalik po ito! P-Pakibalik po! Jam!”
Kahit magwala pa ako ay hindi ako pinakinggan ng mga taong ito.
“Dainara! A-Ako na lamang ang susunod sa ’yo! S-Sumama ka na!” sigaw niya pabalik pero umiling ako. Ayoko. Ayoko siyang iwan dito. Dapat sabay kami, sabay kaming aalis sa isla na ito.
“H-Hindi! H-Hindi, Jam! S-Sabay tayong aalis sa islang ito! W-Walang susunod kundi magsabay tayo! Jam! N-Nakikiusap po ako sa inyo, Manong! Ibaba niyo na lamang po ako! I-Ibaba niyo na lamang po ako kung ayaw niyong pahintuin ang barko at ibalik sa daungan! A-Ang kapatid ko po!”
Ngunit wala talagang nangyari. Sa huli ay naiwan pa rin si Jam. Kahit noong nginitian pa niya ako at nangakong susunod siya ay umiyak pa rin ako, sa kadahilanan na naiwan ko siya roon.
Sa buong biyahe ay iyak nang iyak lang ako. May matandang babae pa ang lumapit sa akin para bigyan ako ng kakanin baka raw kasi nagugutom na ako kasi wala akong tigil sa pag-iyak.
Hindi ko magawang matulog, nag-aalala na ako. Natigil lang ako noong nakita kong malapit na kami sa daungan. Hilam ng mga luha ang pisngi ko, ang bigat ng dibdib ko. Alam ko rin na mugtong-mugto na ang mga mata ko.
Parang isa rin akong bata na nawawala nang magsimula nang bumaba ang mga pasaherong kasabay ko. Bumaba na rin ako kahit hindi ko alam kung saan ako pupunta pero sadyang ayaw rin akong hayaan na mag-isa.
Kasi sa hindi kalayuan ay nakita ko si Leon. Doon lang ako nakahinga nang maluwag. Napangiti ako at nagsimula na rin akong maglakad. Nang gumanti rin siya ng ngiti ay mas napatunayan ko na hindi ang matalik niyang kaibigan ang salarin.
Naglaho lang ang ngiti niya nang mapatingin siya sa bandang dibdib ko. Lumakas ang kabog sa dibdib ko nang patakbo na siyang lumapit sa kinaroroonan ko.
Hindi ako umalis mula sa kinatatayuan ko. Natigilan lang ako nang maramdaman ko na parang may bumaon sa dibdib ko. Halos mawalan ako nang ulirat sa sakit. Napaubo ako kasabay nang paglabas ng dugo sa dibdib ko.
Noong una ay litong-lito ako sa nangyayari pero nawawalan na rin ako nang lakas at bumagal na ang pagkurap ng mga mata ko. Bumagsak ako sa sahig na habol-habol ang paghinga ko. Napahawak ako sa aking dibdib at napuno ito ng dugo.
Hindi ko inaasahan ang mangyayari sa akin ngayon. Nagawa ko ngang matakasan ang kamatayan sa isla pero hindi sa puntong ito. Isang munting anghel din ang nawala sa akin.
Bago ako tuluyang nawalan nang malay ay ang malakas na pag-iyak ni Leon ang huli kong narinig. Tinatawag ang pangalan ko at unti-unting nawala ang boses niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top