CHAPTER 16

Chapter 16: Libro

ISA-ISA kong binasa ang mga titulo ng librong binili niya. Iba’t ibang genre iyon pero isang genre lang naman ang gusto ko. Sampu ang bilang ng libro at sobrang kapal ng mga ito. Ito na yata ang kauna-unahang beses na nagkaroon ako ng babasahin na kuwento. Nagustuhan ko ito.

“Mas gusto ko ang kuwentong kinakatakutan, kaysa sa mga ganito.” Ipinakita ko ang love story na bigay niya at napahawak siya sa kaniyang batok.

“Mas mainam na sabay mo na lang basahin ’yan,” aniya at nagkibit-balikat pa siya.

“Bakit mo ako naisipan na bigyan nito, Leon?” tanong ko. Kasi mahilig akong magbasa ng mga ganito.

“Alam ko kasi na palagi mo akong hinihintay. Ayokong isipin na sa ganitong oras ay nasa tabing dagat ka.  Kaya naman kapag magpapalipas ka nang oras ay maganda kung may iba ka ring panlibangan,” mahabang sagot niya na ikinatango ko naman. Nag-aalala rin pala siya.

“Salamat dito, Leon. Sige na nga. Babasahin ko na siya. Mayroon naman siyang kapupulutan ng aral, ’di ba?” tanong ko at ngumiti siya.

“Lahat ng libro ay ganoon naman. Hindi iyan maisasalibro kung wala,” sabi pa niya. “Mayroon pa akong ibibigay sa ’yo, Dainara.” Mula sa mesang katabi ng kama ay kinuha niya ang dalawang cell phone at umupo siya sa tabi ko.

Magkapareho ang kulay niyon at nabigla na lamang ako nang akbayan niya ako saka iyon itinapat sa amin.

“Nakabibigla ka naman,” komento ko at ipinakita niya ang litratong kinuhanan niya. Hindi naman siya nakatingin sa camera nito. Kundi sa akin mismo. “Ang ganda. Puwede kayang makuha ko iyang litrato natin, Leon?” tanong ko at itinuro ko pa iyon.

“Siyempre naman. Ibinigay ko ang phone na ito sa iyo. Isang contact lang ang dapat na nandito at pangalan ko ang makikita mo.” Ipinakita niya mismo iyon at may nakapangalan nga na Leon. “Marunong kang gumamit nito, ’di ba?” Tumango ako dahil madalas kong nahahawakan ang cell phone noon ni mamu.

“Salamat. Ang ganda niyan,” nakangiting sambit ko pa at saka niya iyon ibinigay. Napitan na rin ang wallpaper at gustong-gusto ko ang litrato namin.

“Ang tungkol pala sa mama mo,” wika niya at muli kong naalala ang kalagayan ng aking ina.

“Hmm?” tugon ko. “Kumusta naman si Mamu roon?”

“Maayos siya, Dainara. Huwag kang mag-alala sa kaniya. Hangga’t alam niyang nasa maayos na kalagayan ka ay ayos na ayos na siya,” sabi pa niya. Natutuwa akong marinig iyon.

“Kailan siya puwedeng dalawin doon?” usisa ko pa.

“Ako ang magdadala roon sa iyo,” sagot niya lamang at tumango ako.

“Sana mabilis lang iyan, ha?” Sinapo niya lang ang pisngi ko at nanlaki ang mga mata ko nang pinatakan niya ng halik ang sentido ko. Nakagugulat naman kasi.

“Nangako ako sa mama mo na poprotektahan kita at ako ang magbabantay sa iyo hangga’t hindi pa siya nakalalabas sa kulungan pero pasensiya na ang mamu mo dahil nakuha ko na yata ang una mong halik,” nakangising sabi niya at kumindat pa siya.

Sa isang idlap ay nagbago agad ang samahan namin ni Leon at masaya ako sa pagbabagong ito. Na parang hindi ako mabibigo kapag nahulog ako nang husto sa kaniya. Hindi rin ako nagsisisi na sinabi ang tunay kong nararamdaman at mukha ring may puwang na ako sa puso niya. Sana nga rin.

***

“Hija, nobyo mo na ba si Leon?” Nabigla naman ako sa tanong ni Inang Yanel. Kasalukuyan kong inaayos ang sarili ko kasi inaya ako ni Leon na lumabas.

Doon lang daw kami maglalakad sa tabing dagat o magbabad doon kung gugustuhin namin.

“Bakit naman ho natanong niyo iyan sa akin, Inang? Hindi ko po nobyo si Leon,” pag-amin ko sa katotohanan.

“Kung titingnan kasi kayo ay parang isa na kayong magkasintahan pero bagay na bagay naman kayo, hija. Basta huwag lang kayo aabot sa puntong magkakasakitan kayo. Higit na nag-aalala lamang ako sa iyo kasi hindi naman nagtatagal dito nang matagal si Leon. Mapanganib din ang trabaho niya,” pahayag pa niya at ako naman ay napahinga nang malalim.

Tama siya, magkalayo kami ni Leon. Ngunit ang mahalaga naman ay kung ano ang nararamdaman namin para sa isa’t isa. Iyong pareho rin kaming kontento.

“Huwag ho kayong mag-alala, Inang. Basta po ba na bumibisita rito si Leon ay ayos na ako, kahit na nasa malayo siya sa susunod pang mga araw. Kontento na rin po ako,” nakangiting wika ko at inagaw niya ang suklay sa aking kamay.

Pumuwesto siya sa likuran ko at tumingin kami sa hindi kalakihan na salamin.

“Napakaganda mo nga talaga, Dainara. Kaya pala ayaw rin ni Leon na tanggalin ang titig niya sa iyo. Parang isa kang manika. Maliit ang mukha mo at napakatangos ng iyong ilong,” papuri ni Inang Yanel para lang mapanguso ako.

“Doon po sa amin, Inang. Si Mamu po ay lahat ng mga kalalakihan ay pinagbantaan niya po na huwag na huwag akong lapitan, ni dulo ng buhok at aking kuko. Hindi ko po siya maintindihan noong una, eh. Marami pong mga alaga niya na nagseselos sa pakikitungo sa akin ni Mamu. Maski po ako ay walang ideya-ideya,” mahabang kuwento ko naman at nakita ko ang pagngiti niya sa salamin.

“Nais ka lang naman niyang protektahan, hija. Sa tingin ko ay hindi naman siya nagkulang bilang isang ina. Kung mayroon man ay marahil iyong naglihim siya sa totoo niyang pagkatao. Na siya ang tunay mong ina,” sabi pa niya at marahan akong ngumiti.

“Nag-iingat din po si Mamu. Kasi palagi po yatang nakabantay sa kaniya ang totoo kong ama,” sabi ko naman at ibinigay na niya ulit ang suklay.

“Oh, siya. Tapos na. Lumabas ka na rin at baka kanina pa naiinip si Leon sa kahihintay sa ’yo sa labas,” aniya at napatingin ako sa labas ng bintana. Nandoon na nga siya sa labas at pabalik-balik lang kung maglakad.

“Bakit kaya hindi siya pumasok dito, ’no Inang?” Napailing pa ako saka ako tumayo.

Isang puting bestida ang suot ko na may nakaburdang bulaklak. Hindi gaano mahaba ang manggas niya pero ang neckline niya ay napakababa naman.

Isinuot ko na rin ang sandal ko. Bago ako lumabas. Nakalugay lang ang mahaba kong buhok at nagulat pa ako nang mabilis na nakalapit sa gawi ko si Leon. Hayan na naman ang paglalahad niya ng kamay. Naiiling na tinanggap ko naman iyon.

“Hayan, natuto ka rin, Miss,” sambit niya.

“Kaysa naman marami ka pang sinasabi. Na kesyo kapag ikaw ay kailangan na hindi ako magdadalawang isip,” aniko.

“Totoo naman iyan. Na dapat mo talagang tandaan,” aniya at mahina pa niyang pinitik ang noo ko. Mabilis ko namang hinimas iyon. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top