CHAPTER 12

Chapter 12: Gusto kita

DAHIL sa sinabi niya ay sunod-sunod na pumatak ang mga luha ko. Sobrang bilis nang tibok ng puso ko. Sa boses pa lang ni Leon ay nagawa niyang palambutin ang aking puso. Sari’t samong emosyon ang nararamdaman ko sa aking dibdib.

Dalawang kamay na niya ang ginamit para lang punasan ang mga luha ko hanggang sa kinabig niya ang ulo ko at dinala sa kaniyang dibdib. Nalanghap ko pa ang matapang niyang pabango.

“Everything is gonna be alright, Dainara. I promise you, kapag nakakuha na ako ng pagkakataon ay dadalhin ulit kita sa mama mo. Hush now,” pag-aalo niya at mahigpit pa niya akong niyakap. Hinagod pa niya ang likod ko.

Sumubsob na lamang ako sa dibdib niya at dinama ang mainit niyang pagyakap. Naramdaman ko rin ang kamay niyang humahaplos sa buhok ko.

Ilang minuto bago ako nahimasmasan. Inayos ko ang sarili ko at tumikhim. Hinarap ko siya at matamis akong ngumiti.

“Salamat, Leon. Malaki ang utang ng loob ko sa ’yo,” sabi ko at sumilay rin ang matamis niyang ngiti. Naglahad siya ng kamay at nagtatakang tumingin naman ako roon.

Siya talaga ang tipong lalaki na walang pagdadalawang-isip na maglahad ng kamay. Hindi ko pa nga iyon natatanggap ay siya na ang humawak sa kamay ko.

Isa-isa niyang kinuha ang mga dala niyang pasalubong sa akin at dahil hawak niya nga ang kamay ko ay napasunod din ako sa kaniya. Itinago niya iyon sa loob at muli niya akong hinila.

Nagtataka ako kung saan niya ako dadalhin. Kaya nang mapansin niya ako ay ngumiti na naman siya. Akala ko ay madamot siya sa mga ngiti niya. Iyon pala ay hindi naman.

“Tumambay tayo roon sa resort. Baka may gusto kang kainin doon,” sabi niya at naglalakad na kaming dalawa patungo sa resort.

“Eh, kumain na ako kanina,” sabi ko.

“Ako ay hindi pa,” aniya.

Dinala niya nga ako sa cottage at nagpaalam siya saglit para lang kumuha ng pagkain niya. Hinintay ko na lamang ang pagbalik niya.

Nilibang ko na muna ang sarili ko sa panonood ko sa mga tao na ngayon ay nagsasaya sila kasama ang pamilya nila. Ni minsan ay hindi ako nakaramdam nang inggit sa ibang tao dahil may kompletong pamilya sila at maayos ang buhay nila.

Nakontento naman ako sa buhay na mayroon ako pero ngayon na nakilala ko na ang tunay kong ina ay nagsimula na rin akong mangarap na sana ako rin.

Na sana ako rin ay makaranas ng isang masaya at buong pamilya. Na hindi lang iisipin ko na ulilang lubos ako, gayong may ina at ama nga ako. Hindi nga lang ako puwedeng magpakilala sa totoo kong ama. Dahil magiging delikado ang buhay ko. Masasayang ang sakripisyo ng aking ina para lang mailayo ako sa lugar na iyon.

Si Mamu lang ang kailangan ko. Siya lang ang gusto kong makasama at wala ng iba.

“Ang lalim naman nang iniisip mo at ang hirap sumisid,” narinig kong sambit ni Leon. Nakabalik na pala siya at hindi ko man lang namalayan.

Napatitig pa ako sa mukha niya at naramdaman ko na naman ang pamilyar na pintig ng puso ko. Bukod pala kay Mamu ay may isang tao rin ako na nais kong makasama at iyon ay walang iba kundi si Leon.

Ewan ko ba kung saan ko nakuha ang ideyang iyon. Basta gusto ko rin siyang makasama nang matagal.

Tumayo ako para tulungan siyang maghain ng mga dala niya. “Sina Cerco at Drake pala? Kumusta naman sila? Bakit hindi mo sila kasamang pumunta rito?” tanong ko at naramdaman ko ang pagdikit ng mga braso namin.

“Ayokong makasama sila. Hindi nga nila alam na nagpunta ako rito,” malalim ang boses na sagot niya at nagtaka naman ako sa sinabi niya.

“Bakit naman?” kunot-noong tanong ko. Hinila niya lang ako at pinaupo.

“Basta,” tipid na sagot niya lamang at napatingin na ako sa mga pagkain na dala niya. Iba’t ibang klaseng putahe ng halamang dagat. Kung sabagay ganito naman palagi ang kinakain namin sa isla. “Kumain na lang tayo,” pag-aaya niya at naghugas pa siya ng kamay.

“Pero tapos na akong kumain, ’di ba?” Umiling naman siya.

“Sige na. Sabayan mo na akong kumain,” giit niya at napasinghap pa ako nang nilublob niya ang kamay ko sa maliit na palanggana na may laman na tubig, para lang makapaghugas ako ng kamay.

Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod sa kaniya dahil mapilit din siya, eh. Ang eksperto niyang kumain gamit lang ang kamay niya.

Base pa lamang sa magagandang katangian ni Leon ay alam kong hindi lang siya ordinaryong lalaki. Alam kong hindi lang siya isang pulis. Anak mayaman din siya, halata iyon sa kutis niya. Mestizo siya.

“Leon?” tawag ko sa kaniya sa gitna nang pagkain namin. Naramdaman ko ang mabilis niyang pagsulyap.

“Bakit?” tanong niya.

“Wala ka bang kasintahan?” agaran kong tanong at binalingan ko siya nang bigla na lamang siyang napaubo na tila hindi niya nagawang lunukin ang kinakain niya.

Nagsalin ako ng tubig sa baso at ibinigay iyon sa kaniya. Magkatapat kaming nakaupo.

Kahit nasa cottage kami ay may kalakasan pa rin ang hangin at parehong nililipad ng hangin ang aming buhok ko kaya nahihirapan din akong kumain.

Nang mahimasmasan siya ay napahaplos siya sa dibdib niya. Matiim ang titig niya sa mukha ko.

“Bakit mo naman naitanong ’yan sa akin, Dainara?” salubong ang kilay na tanong niya. Sumubo na muna ako ng halimango saka ko siya sinagot.

“Kasi hindi magandang tingnan na may kasama kang ibang babae, gayong may nobya ka na pala,” sagot ko.

Hindi nawala ang pagsasalubong ng kilay niya at napahilot siya sa tungki ng ilong niya saka siya dahan-dahan na umiling.

“Wala ako rito kung may girlfriend na ako, Dainara,” sambit naman niya at hindi ko alam kung bakit natuwa ang puso ko sa nalaman na wala pa siyang kasintahan.

“Ngunit puwede rin naman, binibisita mo lang ako rito para lang malaman mo kung maayos na ba ako sa bagong buhay na ibinigay mo para sa akin,” saad ko at higit na lumalim ang gatla sa noo niya.

“Yeah,” sabi niya lamang at nilagyan niya ng ulam ang plato ko. “Sige na. Kumain ka na lang,” aniya. Nilagyan pa niya ng maraming kanin kaya napanguso ako.

“Hindi ko naman iyan mauubos agad, Leon,” mahinang reklamo ko at ibinalik ko iyon sa plato niya.

Ilang sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan namin ni Leon at muli ko itong binasag.

“Leon?”

“Ano na naman, Dainara?” tanong niya. Hindi ko naman nababakasan nang inis ang boses niya dahil tila naaaliw lamang siya.

“Gusto kita,” mabilis na sagot ko at ganoon lang. Sa ganoon lang ay muli siyang napaubo nang sunod-sunod at ilang beses niyang tinapik ang dibdib niya. Hindi ako gumalaw mula sa kinauupuan ko at pinagmamasdan ko lang siya. Namula ang mata, tainga at leeg niya. Kinuha niya ang basong hawak ko at ininom niya ito. “Gusto ko ang ugali mo, Leon. Iyon ang nais kong iparating sa ’yo. Mabuting tao ka, mabait at maalalahanin din. Kahit na kung titingnan ka ay parang ang hirap mong basahin at tahimik ka lamang,” paliwanag ko para malinawan naman siya.

“G-Gusto mo ako?” nauutal na tanong niya na ikinatango ko.

“Gusto kitang maging kaibigan,” sabi ko pa at umawang ang labi niya. Parang nagulat siya sa sinabi ko. “May problema ba, Leon?” tanong ko.

“W-Wala,” nauutal pa ring sagot niya at bumuntong-hininga. Nagpatuloy ako sa pagkain at panaka-naka ang pagtingin niya sa gawi ko. “Akala ko kung ano na, Dainara,” wika niya at sinabayan pa niya nang pag-iling.

Nginitian ko rin siya. Siyempre, higit pa roon ang nararamdaman ko kay Leon. Hindi lang pagkagusto sa kaniya bilang kaibigan. Dahil nakikita ko ang sarili ko na nagkakagusto sa kaniya bilang lalaki.

Hindi ko lang sasabihin sa kaniya ang bagay na iyon dahil ayokong tanggihan niya ako. Sapat na ang ganito na lamang kami. Kontento na ako pagkakaibigan naming dalawa.

Kung may pagkakataon man na maging kami ay siguro magiging masaya pa rin naman ako. Hindi ko lang alam kung magkakaroon siya ng nobya at makalilimutan niya rin ako balang araw.

“Bakit? May inaasahan ka ba na sasabihin ko, Leon?” nakataas ang kilay na tanong ko at napailing siya. Mukha siyang. . .uhm, guilty.

“Ano naman ang aasahan kong sasabihin mo? Kumain ka na nga lang diyan. Ang daldal mo,” naaasar na sabi niya at muli niyang ibinalik ang kanin sa aking plato.

“Leon naman. Busog na nga ako kanina at hindi ko na iyan mauubos, eh,” reklamo ko at inilayo ko na ang plato ko. Sinamaan ko pa siya nang tingin.

Tumaas lang ang sulok ng mga labi niya. Masayang kasama si Leon at sana bigyan pa ako nang maraming pagkakataon na makasama siya.

Ang dali lang niya makapasok sa puso ko at kapag tuluyan na talaga akong nahulog sa kaniya ay tatanggapin ko pa rin iyon. Hinding-hindi ko pagsisihan ang mahalin siya dahil kung hindi ko siya nakilala ay hindi ako magiging masaya ngayon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top