CHAPTER 11

Chapter 11: Fortalejo’s family

“ALAM mo na ba ang dapat mong bilhin, hija?” tanong sa akin ni Inang Yanel. Ako kasi ang nagboluntaryo na bumili ng mga sangkap pangluto sa kusina. Para lang iyon sa amin. Madalas din naman kasi na isinasama niya ako sa bayan. Doon sila namamalengke.

“Opo, Inang,” nakangiting sagot ko.

“Oh, siya. Mag-iingat ka lang, ha?” habilin niya na ikinatango ko.

Nagpaalam na rin ako at nagtungo sa bayan. May kalayuan pero alam kong ligtas naman ang lugar na ito. Walang masasamang tao ang nakatira dito dahil pagmamayari mismo ito ng pamilyang Fortalejo.

Maaga pa lamang at kitang-kita pa ang sikat ng araw. Hindi ko na alintana ang init na tumatama sa mukha ko. Dahil sa preskong hangin na tumatama rin mismo sa aking mukha.

Nang makarating ako sa maliit na bayan ay una kong hinanap ang pamilihan ng mga sangkap. Maraming tao at kaniya-kaniya silang sigawan para lang makakuha ng kustomer.

Mayroon akong dala na malaking bayong. Wala akong dalang listahan dahil isinaulo ko ang dapat kong bibilhin. Hanggang sa makuha ko na nga ang lahat ng iyon. Dahil nga mag-isa lamang ako ay nawiwili ako sa magandang paligid. May mga abubot akong nakikita, kahit na ang totoo ay hindi ako mahilig sa mga ganito.

Nagagandahan lamang ako at hindi agad ako umuwi. Nagtungo ako sa daungan dahil mayroon akong nakita rito na kainan. Pancit canton ang paborito ko.

Pagpasok ko sa loob ay iilan lamang ang kustomer dahil maaga pa naman na. Pero puro mangingisda sila. May balabal ako sa ulo at hindi ko tinanggal iyon kahit kumakain na ako.

Napansin ko na lamang ang sunod-sunod na pagpasok ng mga kalalakihan at ’saktong naubos ko na ang kinakain ko saka ako nagpasyang umalis na rin doon.

Kinuha ko na ang bayong na inilagay ko sa sahig at nang palabas na ako ay may pabiro pang humarang sa daraanan ko. Nang dadaan naman ako sa kabila ay haharang pa rin ang lalaki. Humugot ako nang malalim na hininga at nag-angat na ako nang tingin sa lalaki. Masama ang tingin ko sa kaniya. Pangisi-ngisi lang siya saka siya umalis sa harapan ko.

Doon ko na rin naisipan ang umuwi na pero napansin ko na may nakasunod sa likod ko. Kung kaya’t binilisan ko ang paglalakad ko para hindi na niya ako masundan pa. Hindi na rin naman ako nag-abalang tumingin pa sa aking likuran.

Ang plano ko ay liligawin ko muna siya kaya lumiko ako sa isang pasilyo at humalo ako sa maraming tao. Naramdaman ko na nawala naman ang presensiya nang sumusunod sa akin kaya nakahinga ako nang maluwag.

Diretso na akong umuwi pero nasa kalahati pa lamang ang aking paglalakad ay mayroon na namang nakasunod. Palapit siya nang palapit kaya naman hindi ako nag-aksaya nang oras. Asta kong hahampasin ang taong iyon ay mabilis niyang nasalag ang mga kamay ko at naagaw niya ang dala kong bayong.

Hingal na hingal pa ako sa ginawa ko dahil halos tumakbo na rin ako kanina pero nakilala ko kung sino ang kanina pang nakasunod.

“L-Leon?” sambit ko sa pangalan niya dahil siya nga ang lalaking nasa harapan ko ngayon. Nakaitim na damit siya at pantalon naman pababa. Medyo humaba na rin ang buhok niya.

“Magaling ang ginawa mo. Sa bilis mo ay magagawa mo ngang ligawin ang taong nakasunod sa ’yo at humahalo ka sa maraming tao,” sabi niya at dahil narinig ko ulit ang boses niya ay may kung ano akong nararamdaman sa dibdib ko.

Natutuwa ako na tila nawala na rin ang pananabik ko sa kaniya dahil nandito na siya. Nakikita ko na at walang masamang nangyari.

“Ano ba ang ginagawa mo?” kunot-noong tanong ko.

“Tara, umuwi na tayo,” pag-aaya niya at inayos pa niya ang balabal ko. Ang braso niya ay nasa likuran ko na para igiya niya akong maglakad. Magaan pa ang paghawak niya.

“Kanina ka pa ba nakasunod sa akin?”  tanong ko.

“Oo. Doon sa kainan. Nakita ko mismo ang pagharang-harang ng lalaking iyon sa harapan mo. Binigyan ko nga ng leksyon,” paliwanag niya at nagsisimula na nga kaming maglakad. Siya na ang nagdala ng bayong na dala ko kanina.

“Kailan ka naman dumating?” muling tanong ko.

“Kanina lang. Si Inang Yanel lang ang nadatnan ko sa bahay. Wala ka roon dahil nasa bayan ka raw. Nasanay ka nang lumabas ng ikaw lang?” tanong niya na may kuryusidad. Tumango ako.

“Ang sabi mo, ligtas naman ang islang ito pero marami pa ring mga siga-siga sa palengke,” pahayag ko pa. Ang kamay niya ay dahan-dahan na itong umakyat hanggang nasa balikat ko na na parang nakaakbay na rin siya. Bagamat hindi ko na iyon pinansin pa dahil natutuwa ako sa presensiya niya.

“Ligtas nga. Pero huwag kang lalabas ng mag-isa para lang magtungo ka roon sa palengke. Mas marami pa nga ang taong sakit ng ulo roon,” sermon pa niya.

“Pati ikaw. Sakit din sa ulo,” aniko at salubong ang kilay niya nang binalingan niya ako. Tumingin na lamang ako sa dinaraanan namin.

“Kumusta ka naman?” mayamaya ay tanong niya. Natahimik kasi siya kanina nang sinabi kong pati siya ay sakit din ng ulo.

“Nakita mo naman. Maayos ang lagay ko,” sagot ko at naramdaman ko ang pagtango niya.

“That’s good,” sabi niya at pareho na nga kaming nawalan nang imik pero ang puso ko ay kalmado ang tibok nito. Nasisiyahan pa rin talaga ako dahil nandito na si Leon. Ngunit hindi ko iyon ipinahalata. Baka kung ano pa ang isipin niya.

“Nandiyan na pala kayo.” Sinalubong naman kami ni Inang Yanel na malapad pa ang pagkakangiti niya. “Mabuti na lamang ay nakita mo siya roon, Leon,” aniya.

“Sa kainan ko na po siya nakita, Inang. Huwag niyo na po siyang hayaan na lumabas nang mag-isa. Kanina nga ay may lalaki ang humarang sa kaniya,” sumbong ni Leon kay Inang Yanel.

Nagkibit-balikat lamang ito. “Ayaw rin naman niyang magpasama. Ang gusto niya raw ay masanay siya na lumabas ng siya lang. Wala naman akong ikababahala sa kaniya, hijo. Mabilis siyang tumakbo,” ani pa ni Inang na ikinangiti ko.

Hinila ako ni Leon paupo. May mesa sa labas ng bahay ni Inang Yanel at dito rin ako madalas tumambay.

“Matigas po ba ang ulo niya?” tanong niya.

“Hindi naman, Leon. Mabait na bata si Dainara kahit tahimik lang siya. Halos wala na nga akong gawin dito sa bahay dahil palagi siya ang nagtatrabaho,” pahayag pa nito.

“Salamat po sa pagbabantay sa kaniya—” Nagawa kong sikuhin si Leon at natigilan naman siya sa pagsasalita.

“Parang bata naman ako kung pabantayan mo,” may inis na saad ko at nagkibit-balikat naman siya.

“Oh, siya. Maiwan ko na kayo rito. Pupunta na muna ako sa resort dahil baka hinahanap na ako ng isa nating guest natin doon,” paalam ni Inang Yanel kaya naman naiwan kaming dalawa ni Leon.

Sinundan ko pa siya nang tingin dahil pumasok siya sa loob ng kubo. Paglabas niya ay mayroon na siyang bitbit na malaking bag.

“Magtatagal ka ba rito sa isla?” agaran kong tanong nang umupo siya sa tabi ko at inilapag niya ang dala niyang bag.

“Hindi. Tatlong araw lamang ako rito at babalik din naman ako sa Manila,” sagot niya.

“Eh, ano lang ba ang ginagawa mo rito?” tanong ko na ikinalingon niya sa akin.

“Ayaw mo yatang binibisita ka,” nakataas ang kilay na sambit niya.

“Hindi naman. Wala naman akong sinabi. Ang tagal mo rin namang hindi bumalik dito. Kaya nagtataka lang naman ako,” sagot ko at napatango-tango siya.

“May dala ako sa ’yo. Mga damit ’yan,” sabi niya at itinuro niya ang laman no’n. Tapos isang maliit na bag naman ang inabot niya. “Gamit ’yan ng mga babae roon sa Manila. Alam kong alam mo na ang mga iyan pero hindi lang ako sigurado kung gusto mo bang gamitin,” paliwanag naman niya at sinilip ko ang laman.

“Mga beauty products ito,” sambit ko. Mayroon na akong alam tungkol sa mga ganito na habilin ni Mamu na huwag na huwag akong gumamit. Mayroon ding pabango at pulbos. “Salamat,” aniko.

“Mayroon pa,” aniya qt binalingan ko siya.

Isang malaking kahon naman ang kaniyang ibinaba sa mesang nasa harapan ko.

“Ano naman ’to?” nalilito kong tanong.

“Chocolate and candies. Baka gusto mong tikman. Huwag mo nang bigyan pa si Inang Yanel dahil may diabetes iyon,” pagpapaalala niya. Kumuha siya ng isa at ibinigay iyon sa ’kin. “Tikman mo,” marahan na saad niya at kukunin ko pa lang sana iyon sa kamay niya nang iniumang niyon sa bibig ko. Gusto niyang subuan niya ako kaya inilapit ko na lamang ang mukha ko sa kamay niya.

Nilasahan ko ang chocolate sa bibig ko at nakangiting tumango. “Masarap,” sambit ko na ikinangiti niya.

“May balita ako tungkol sa iyong ina.” Mabilis kong nginuya ang kinakain ko.

“A-Ano?” kinakabahan na tanong ko. “Kumusta naman siya?”

“Maayos ang kalagayan ng iyong ina at nababaan ang tiyansa niya. Limang taon lang siyang makukulong doon dahil wala kaming nahanap na pangalan niya sa isang malaking organisasyon ng sindikato,” paliwanag niya at nakahinga ako nang maluwag sa nalaman kong maayos naman ang lagay ni Mamu. Tapos limang taon lang siyang makukulong doon. Mayroon pa akong pagkakataon na makasama ko ang aking ina. Napakasaya ko naman kung ganoon. Natigilan naman ako nang maramdaman ko ang hinlalaking daliri niya sa pisngi ko. Tumulo ang mga luha ko nang hindi ko namalayan. “Ang gusto lang ng mama mo ay mabuhay kang masaya at alam kong pati siya ay nangangarap pa rin na muli kang makasama,” sabi niya at ngumiti pa siya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top