CHAPTER 1
Chapter 1: Daina's first intro
DAINARA ORTEGA’S POV
NAPAHINGA ako nang malalim nang makita kong wala na akong sapat na bigas upang makapagsaing ng kanin para sa pananghalian namin mamaya. Isa lang din ang ibig sabihin nito. Kailangan na naman naming magbenta ng bawal na gamot.
Wala akong kinalakihan na mga magulang, walang ina’t ama ang magtuturo sa akin ng kabutihan o mali ang aking ginagawa.
Sapagkat sanggol pa lamang ako ng ibenta ako ng mga magulang ko sa sindikato. Isang matabang babae ang bumubuhay sa ’kin simula pa pagkabata at sa katunayan ay marami kaming mga ulilang musmos na inaalagaan niya. Dahil may pakinabang kami sa ilegal nilang negosyo.
Bilang pagtanaw ng utang na loob ay kailangan namin siyang sundin at gawin ang mga bagay na ipinag-uutos niya.
Sa katunayan din ay may kaniya-kaniyang mga gawain ang mga batang katulad ko. Pero higit na mas mabigat na trabaho ay ang mag-deliver ng droga.
Sa murang edad ko ay alam ko na ang mga bagay na hindi dapat ginagawa dahil nakasasama ito. Ngunit isa lamang kaming dukha at ito lang ang siyang hanap-buhay namin upang mabuhay rin sa mundo.
Isang lumang barong-barong ang aming tahanan, kasama ko rito si Nanay Malia. Ang ginang na may sisenta na ang kaniyang edad. Matanda na nga siya pero malakas pa rin naman. Siya naman ang pinagkakatiwalaan ni Mamu Cynthia, ang namamahala ng isang organisasyon ng sindikato.
Ako ang higit niyang inalagaan nang matagal dahil napalapit din ang loob ko sa kaniya.
“Oh, Nana? Bakit nakatunganga ka lamang diyan?” Sa pagmuni-muni ko ay narinig ko na ang boses ni Nanay Malia. Nilingon ko siya at ngumiti sa kaniya.
Nakasuot siya ng puting duster. Maliit na babae lang si Nanay Malia, na aakalain mong isang bata kung hindi lang puti ang kaniyang buhok.
Nana, ito ang aking palayaw at mas kilala akong tawagin na Nana. Ang buo kong pangalan ay Dainara Ortega. Nakuha ko ang pangalan na iyon dahil kay Mamu Cynthia. Ortega rin ang apelyido niya.
Pero mas marami akong natutuhan na mga bagay-bagay sa mundo, dahil iyon sa babaeng nagpalaki sa amin. Si Nanay Malia.
“Wala na po tayong bigas,” sagot ko at ipinakita ko sa kaniya ang malaking garapon na pinaglalagyan namin ng bigas. Napatango-tango siya at nagsuklay ng buhok.
“Humingi ka ng bigas kay Cynthia,” marahan na utos niya at sumimangot tuloy ako.
“Alam ninyo naman po ang kapalit ng aking gagawin, Nanay Malia,” malungkot na saad ko.
Gustuhin ko mang bumitaw sa samahan ng sindikato na pinamumunuan ni Mamu Cynthia ay hindi ko naman kayang gawin. Sapagkat wala akong alam na trabaho bukod sa ginagawa ko ngayon.
“Aba’y wala tayong magagawa para diyan. Magugutom din naman tayo kapag hindi tayo kikilos at gagawa ng masama,” pangangatwiran niya. Kahit alam niyang mali rin ang ginagawa namin, ni minsan ay hindi niya ako pinigilan at pinangaralan. Ganyan palagi ang katwiran niya.
Tumango na lamang ako at bumuntong-hininga. Pumanhik ako sa maliit kong silid, kasama ko rito ang limang batang babae. Na ngayon ay mahimbing pa rin ang tulog. Paano kasi rumaraket sila kahapon. Napailing na lamang ako at hindi ko na sila ginising pa.
Nagpalit ako ng asul na bestida na may mahabang manggas. Komportable naman kahit mukha akong supot sa aking kasuotan. Itinali ko ang mahaba kong buhok, kasing kulay ito ng kadiliman sa kalangitan, na kapareho ng buhok ni Mamu. Inabot ko sa sampayan ang itim kong balabal na palagi kong dala-dala upang takpan ang aking mukha.
Ito ang itinuro ni Mamu Cynthia, na kailangan ko raw takpan ang mukha ko. Hindi naman sa pagmamayabang ay talagang may angking kagandahan ako na puwede ko raw ipagmayabang, ika nila.
Isang lumang tsinelas ang suot ko at saka ako lumabas ng munting tahanan na ibinigay sa amin ni Mamu. Hindi naman siya mukhang sira kasi madalas naman itong inaayos.
Sa isang malayong probinsya kami nakatira, na malayo sa siyudad. Parte ito ng Mindanao. Mapayapa man kung titingnan mo pero may kalakip itong kadiliman at kasakiman. Maganda sana dahil buhay na buhay ang paligid pero dinudungisan na. Dahil ito sa ilegal na gawain ni Mamu. Siya rin mismo ang kapitana ng aming barangay at may koneksyon pa siya sa mga matataas na sindikato. Ito ang mundong kinalakihan ko.
Tinatahak ko na ang daan sa bahay ni Mamu Cynthia at hindi nagtagal ay nakarating din naman ako. Binati ako ng mga nagbabantay sa labas pero wala akong isinagot. Pumasok lamang ako at hinanap si Mamu.
Nadatnan ko nga siya sa sala at kasalukuyang nagkakape. Umuusok pa nga ito sa init at nang makita niya ako ay ibinaba niya agad ang tasa sa maliit niyang mesa.
“Ang pinakamaganda kong alaga sa lahat, Dainara,” nakangiting sambit niya at sumenyas pa siya upang lapitan ko siya.
Umupo ako sa sofa at tinanggal naman niya ang balabal ko. Gamit ang mga daliri niya ay sinuklay niya ang buhok ko.
“Abala ka, Mamu?” tanong ko sa mahinang boses at tumingin sa mesa. Nakita ko na marami siyang papeles na nakakalat doon.
Marunong akong bumasa dahil sa kaniya. Nakapag-aral ako pero hindi tumunton sa kolehiyo. Hanggang high school lamang ako.
“Hindi naman, bakit hija?” malambing na tanong niya.
“Manghihingi po ako ng bigas, Mamu,” mabilis na sagot ko at mahinang humalakhak siya.
“Oh siya. Maceda!” tawag niya sa kasambahay niya na kaedad ko lamang. Pero hindi lang naman iyon ang trabaho nito. Dahil ginagawa siyang babaeng bayaran. Mabuti na lamang ay hindi iyon ipinagawa sa akin ni Mamu.
Nagmamadali namang pumasok sa sala si Maceda. Kakaiba ang kasuotan niya.
“Bakit po, Mamu?” tanong nito na may paggalang.
“Samahan mo si Dainara sa bigasan natin at magpatulong kayo na magbuhat ng limang sakong bigas sa tirahan nila ni Malia. Samahan mo na rin ng iba pa niyang kakailanganin at saka pang-ulam nila,” mahabang sambit ni Mamu.
Kapag ganito ang kaniyang gagawin ay alam kong bibigyan niya ako nang mabigat na trabaho.
“Masusunod po, Mamu,” sambit naman ni Maceda sabay yuko. Inaya na niya ako patungo sa bigasan. Alam kong masama ang loob ni Maceda, dahil iba raw ang trato ni Mamu sa katulad ko. Hindi ko nga rin alam kung bakit at ano ang dahilan. “Mukha kang dukha sa lagay mo, Dainara. Pero masuwerte ka pa rin. Pasalamat na lang kami na hindi ka inampon ni Mamu, sa ibang paraan nga lang,” malditang saad niya at hindi na lamang ako kumibo pa.
Wala naman akong masasabi pa tungkol doon, kasi hindi ko hawak ang utak ni Mamu. Kaya hinding-hindi ko malalaman ang dahilan nito.
“Kukuha na rin ako ng asukal at kape, ha?” sambit ko at hindi ko na siya pinasagot pa. Kumuha na ako at inilagay iyon sa supot.
“Mas okay na siguro ang ganito. Hindi kami magugutom dahil may masarap kaming ulam araw-araw,” pangdadaldal na sabi pa niya. Oo nga, may masarap kayong ulam, Maceda. Pero kayo naman ang inuulam ng mga kliyente ni Mamu.
Iyon sana ang sasabihin ko kay Maceda. Ngunit huwag na lamang, dahil alam kong magagalit siya.
Hindi ko ugali ang makipagtalo at magsabi ng kung ano-ano. Kung may sinasabi man ako ay sa isip ko lamang inilalabas iyon.
“Dainara! Bago ka raw umalis ay pumunta ka sa silid ni Mamu!” sigaw naman ni Carlia. Ang kaibigan ni Maceda. Pinagtaasan pa niya ako ng kilay. Kumibot-kibot lang ang mga labi ko at hindi na nagsalita pa.
Tatlong tauhan nga ni Mamu ang maghahatid ng bigas na hiningi ko. Sinamahan ko na rin ng prutas. Lubos-lubusin ko na lamang dahil minsan lang ito.
Pagpasok ko sa malaking kuwarto ni mamu ay nakaupo siya sa kama at maraming mga damit na siyang sinusuri niya.
“Mamu, may kailangan ka pa ba?” tanong ko. Mabilis niya akong nilingon.
“Halika rito, Dainara. Pumili ka ng damit. Binili ko lamang ito sa ukay-ukay,” sambit niya.
Siya rin naman ang bumibili ng mga damit ko kaya pumasok na ako nang tuluyan at pumili na rin. Kulay asul, puti at pula ang mga kulay niya. Ayoko sa itim kasi hindi ko gusto ang kulay niya. Masyadong madilim, kahit ganito naman ang kulay ng buhok ko.
“Ito na lamang po, Mamu,” sabi ko at inagaw niya iyon para ilagay sa paperbag. Pero ipinasok pa rin niya ang isang itim na bestida.
“Bagay ito sa ’yo, Dainara. Kasi mestiza ang kutis mo,” nakangiting sambit niya at wala na akong nagawa pa. Tumango na lamang ako bilang tugon.
“Ano po ang kapalit nito, Mamu?” ang aking tanong.
“Wala naman. Maganda ang negosasyon namin kagabi at malaki-laki ang nakuha namin. Regalo ko na iyon para sa iyo, hija. Sige na, umuwi ka na at huwag ka nang pumunta pa sa kung saan-saan, maliwanag?” Muli akong tumango. Inayos pa niya ang balabal sa ulo ko at marahan na tapik ang ginawa niya sa pisngi ko. Ngumiti ako saka lumabas.
Sa tuwing kasama ko si Mamu ay parang may nararamdaman ako na hindi ko maipaliwanag. Na parang kakaibang saya? Ah, ewan ko. Hindi ko mawari.
“Dainara! Mas lalo ka yatang gumaganda!” Nagsalubong lang ang kilay ko sa narinig kong sinabi ng isa sa tauhan ni Mamu. Sa halip na pagtuunan ko nang pansin ay binalewala ko na lamang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top