Chapter 16: Kauri
Pangarap niya’y mahalin,
pangarap niya’y tanggapin
puro pangarap, ngunit sadyang pangarap na lang
Siya’y nagtatanong, ito ba'y matutupad,
ngunit tanging sagot, hindi ko alam
Kahit anong gawin, walang tumanggap,
'pagkat tanging pakialam, serbisyong kakailanganin
Kauri'ng maituturing, ngunit kailanma'y,
'di inaring ganap
Kaya nagtatanong, ano kaniyang kasalanan
'pagkat 'di alam, paanong nagkaganyan
Gumawa ng mabuti, ngunit walang may pakialam,
'pagkat tanging alam, kamaliang nagawang panandalian
Sa mundong ito, tunay siyang mahina
'Pagkat mundong ibabaw, 'di maintindihan
Tao'y marupok, mapanlinlang nga naman,
nais makaisa, sa kapwa taong nilalang
Masamang gawa'y, nililinis nang mainam,
Ngunit kapwa nilalang, sinisirang tuluyan
'Pagkat bungangang malaki,
ginagamit sa kalukuhan,
mapanirang kaugalian, siyang pinag-iinam
Naging alipin sa malaking tahanan,
upang maging karapat-dapat na ka-anakan
Taga-hugas ng plato, sa malaking lababo,
taga-linis ng kuwarto, sa maalikabok na kapaligiran
Mabahong basura'y, nililinis niyang mainam
upang kasambahay, 'di marungisan man lamang
Sa hirap at pagod, 'di nangatwiran,
'pagkat siyang kailangan,
pagmamahal sa aliping nariyan
Ngunit ang masaklap, gawa’y hindi sapat,
upang kagustuhan nila ay matupad
Kulang pa ba, kaniyang paghihirap,
kung kaya't pagkain, kakarampot,
nakahandang tuwiran sa mangkok na katamtaman,
sa loob-loob, umiiyak nang labis
'pagkat katanungan, bakit niya ito nararanasan
Tumangis at dumaing sa harapan,
ngunit walang nakinig, ni kaibigan man lamang
Panginginig sagad, 'pagkat gutom-pawis, damang-damang tuluyan
Walang makain, ni tutong man lamang
Sa kalderong itim, walang makitang butil man lamang
Kaniyang sikmura, dumadagundong sa gutom
ngunit walang magawa, 'pagkat walang maluto man lamang
Nawa'y mapansin, iyong abang lingkod
Pagkain at inumin, siyang nais makamit
Iyo nawang ibigay, sa iyong alipin,
kapalit ng serbisyong, kaniyang hinain
Siya’y hindi iba, 'pagkat siya’y iyong kadugo
Inalipin mo man, ngunit 'di nanambitan
'Pagkat para sa kaniya, kauri ka pa ring kinabibilangan
Nawa'y tao'y magising, sa pagkakamaling nagawa
Itratong mainam, iyong kamag-anakan
'Pagkat darating ang panahon,
Ika'y tatanda rin naman
Kahirapan sa pagtanda, iyong mararanasan
Kaya maging mabuti, upang 'di masumpa
'Pagkat masamang gawa, ibabalik sa 'yo ng nasa kaitaasan
Siya’y hindi nanunumbat, 'pagkat siya’y masayang gumagawa sa katungkulan
Ngunit isang hinaing, itrato sa tama lamang,
'Pagkat nais lamang, mahalin, tanggapin at maging malaya
Sa kabila ng hamak na kalagayan,
walang maipagmamalaki man lamang
Ngunit respeto't pag-unawa,
siyang kaniyang kailangan
Upang makapamuhay, nang nasa tamang katwiran.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top