Kabanata VI
Tw // (mention of) police brutality
Naging blangko ang isip ni Adelia.
Sa bawat hakbang niya papalayo sa eksena kanina ay naging mas malinaw ang tunog ng bawat paghinga niya, hanggang sa tanging ito na lang ang naririnig niya. Nawala na rin ang ingay ng mga kuliglig, at napalitan ito nang malakas na pagtibok ng puso niya habang tumatakbo papaalis sa daan iyon.
Sa tabi niya naman ay hinihingal na si Raquel at ika-ika na itong naglalakad kasunod niya. Nilapitan ni Adelia para sabayan ito sa paglalakad.
"Kailangan nating makauwi," paalala ni Adelia. "Malapit na tayo, kaunti na lang."
Nang makita ni Adelia nang malapitan ang kasama ay namumutla na ang mga labi nito, at parang mas naging puti ang porselana niyang balat. Kumapit si Adelia sa braso ni Raquel para alalayan ito.
Hindi nagtagal ay nakarating na sila sa harap ng bahay ni Aling Mina. Nakapatay na ang mga ilaw rito kagaya ng mga kapitbahay. Tanging ang kalahating buwan at ang ilang mga bituin ang nagbibigay ng ilaw sa paligid.
Napaupo si Raquel harap ng bahay-kubo habang tumungtong si Adelia sa maliit na hagdan at malakas na kumatok sa pintuan pero walang sumasagot.
Kumatok ulit nang mas malakas si Adelia. "Aling Mina, ako po 'to," pagpapakilala ni Adelia sa sarili.
May narinig na kaluskos si Adelia sa loob ng bahay at biglang nagbukas ang mga ilaw nito. Dinig din ni Adelia ang mga pagrereklamo ng matanda kaya hinanda niya ang sarili. Matapos ang ilang segundo ay bumukas ang pinto, at napababa si Adelia mula sa kinalalagyan.
"Gabing-gabi na!" Nakakunot ang noo ni Aling Mina at halos nakapikit pa ito, pero nanlaki ang mga mata niya nang makita si Raquel na nakaupo at namumutla sa harap ng bahay. "Pasok," utos niya sa dalawa.
Hinatak ni Adelia ang dalawang kamay ni Raquel para tulungan itong tumayo at sabay silang pumasok sa loob, habang agad na sinara ni Aling Mina ang pintuan.
---
Pareho silang inabutan ni Aling Mina ng tig-iisang baso ng tubig at kasunod niyang pinatong sa lamesa ang isang buong pitchel. Ininom ito kaagad ni Raquel habang nagpunas muna ng pawis si Adelia gamit ang sariling damit bago uminom ng tubig.
Pagkatapos nito ay umupo si Aling Mina katapat ni Adelia sa kabilang banda ng lamesa. Sa tabi naman ni Adelia ay unti-unti nang nahihimasmasan si Raquel. Makalipas ang ilang minuto ay medyo nagbalik na ang dati niyang sigla.
"Anong nangyari?" Ipinatong ni Aling Mina ang dalawang braso niya sa lamesa at humarap siya kay Adelia, pagkatapos ay ibinaling niya ang tingin kay Raquel.
"Muntikan na po kaming ma-tegi," sagot ni Raquel na may kahinaan na ang boses.
Nilingon ulit ni Aling Mina si Adelia, para bang naghihintay ng sagot.
"May umatake po sa akin, buti na lang po at nakasunod sa akin si Raquel." Bahagyang ngumiti si Adelia kay Raquel pero agad niya itong tinanggal nang kinindatan siya ni Raquel.
Bigla ring nag-iba ang itsura ni Raquel at dinepensahan niya agad ang sarili. "Hindi kita sinusundan no! Sadyang... ano...ah basta!"
"Sige na nga... Pauwi na rin ako nung nakita kitang naglalakad mag-isa, baka mapahamak ka o kung ano," pag-amin ni Raquel. "Sabi sayo mabait ako."
Maarteng hinawi ni Raquel ang hanggang balikat niyang buhok. Napansin naman ni Adelia na para bang nakakain ng maasim si Aling Mina dahil sa nakita.
"Pero teh... 'di mo na pala kailangan ng bantay ang galing mo kanina," dagdag ni Raquel.
"Namukhaan mo ba? Ano raw dahilan?" Pinagkuyom ni Aling Mina dalawang niyang kamay at ipinatong ang kanyang baba dito. Isa na naman itong tanong na hindi alam ni Adelia kung dapat ba niyang sagutin ng totoo.
"Hindi ko po siya nakita masyado," iling ni Adelia. "Napagkamalan lang po siguro akong ibang tao... Pinapaalis niya ako dito sa isla at hindi ko po naintindihan ibig sabihin ng mga sinasabi niya."
Kalmadong nagpaliwanag si Adelia, pero sa likod ng isip nito ay parang sunod-sunod na alon ng tanong ang dumadating. Alam niyang siya talaga ang pakay ng taong dumakip sa kanya at mas lalong hindi ito baliw, pero hindi niya rin maintindihan ang takot na nakita niya sa mga mata nito. Hindi rin alam ni Adelia kung ano suspetiya ng taong 'yon sa kanya o kung tama ito.
Napakaraming bakit ang bumalot sa kanya ng kaba, hindi lamang para sa misyon kung hindi pati na rin sa mga taong kasama niya sa lamesa. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili, dahil tila isa na namang alaala ng nakaraan ang bumalik sa kanya.
Sa tuwing malapit nang dumating ang ligaya ay nagpapakita ulit na parang sumpa ang paghihirap, hindi lang sa kanya pero para na rin sa mga taong hindi niya maiwasang pahalagahan.
"Lola?" Biglang naputol ang pag-uusap nila nang makita nila si Kaloy sa labas ng pintuan sa kuwarto, namumugto pa ang mga mata nito at magulo pa ang buhok.
Kinuskos ni Kaloy ang mga mata niya gamit ang likod ng mga kamay nito. Humikab ang bata at halos nakapikit pa siya nang kumaway sa kanilang tatlo bago bumalik sa kuwarto.
Pinutol na ni Aling Mina ang usapan pagkatapos nito. Iniiusog ni Adelia ang maliit na lamesa sa sala at inilatag ang banig kung saan magkatabi silang humiga ni Raquel. Mabilis na nakatulog ang katabi niya, samantalang mas nagising ang diwa ni Adelia.
Para bang may namumuong mga luha sa mata niya pero hindi niya mailabas. Alam na niya kung ano ang kailangan niyang gawin. Kailangan niyang tahakin ang landas niya nang mag-isa, dahil para siyang may dalang sumpa sa mga taong napapalapit sa kanya.
--
Malapit nang magbukang-liwaway nang nakita ni Adelia na lumabas si Aling Mina sa kuwarto, sa puntong ito ay sinubukan ulit ni Adelia na makatulog pero naging imposible ito dahil sa mga hilik ng katabi niya.
Sinukuan na lang niya ang pagtulog at lumapit kay Aling Mina na nagkakape sa lamesa, nakapusod ang buhok nito at nakasuot ng simpleng pantaas at hanggang tuhod na pantalong maluwag. Ipinagtaka ito ni Adelia dahil Sabado ngayon, at walang pasok si Aling Mina sa karinderyang pinagtratrabahuan nito.
"Gusto mo?" Inalok ni Aling Mina ang dalaga ng pandesal pero hindi ito tinanggap ni Adelia. "Sige, akin na lang kung ayaw mo."
"Magpapaalam po sana ako," ipinatong ni Adelia ang mga siko sa lamesa. "Aalis na po ako dito, alam ko pong nakakaistorbo ako saka ayaw ko pong madamay kayo." Binilisan ni Adelia ang pagsasalita para hindi siya pahintuin.
Sarkastikong tumawa si Aling Mina at pinagkrus ang mga braso. "Bawal."
"Po?!" Sabay na tumaas ang kilay ni Adelia dahil sa narinig.
"Jusme sana nung isang linggo ka na lang nahiya! Huli na ngayon. Napalapit ka na sa apo ko saka... medyo may silbi ka naman na." Nagkibit-balikat si Aling Mina at uminom ulit ng kape.
"Sumama ka sa'kin ngayon," utos niya kay Adelia. "Pero kung gusto mo talagang umalis magbayad ka ng renta... kung may pambayad ka."
Napasapo ang dalaga sa noo habang naging mapang-asar ang ngiti sa labi ni Aling Mina. Napilitan na lang na pumayag si Adelia.
Pagkatapos nito ay nagpalit si Adelia ng puting pantaas at ng maikling pantalon na kagaya ng suot ni Aling Mina kung saan niya ibinulsa maliit na kabibe galing sa nasirang niyang kuwintas. Inayos niya rin ang magulo niyang buhok na hanggang baywang at hinawi itong nang maayos sa likod bago siya sumunod kay Aling Mina sa labas.
Pagkarating ni Adelia sa labas ay inabutan siya ni Aling Mina ng pamingwit na gawa sa kawayan. May puting tali ang nakapulupot dito na kahit manipis man ay mukhang matibay, at sa dulo naman nito ang kawit na bakal.
"Mangingisda tayo." Inabot din ni Aling Mina sa kanya ang hawakan ng isang kahon na gawa sa plastik at naunang maglakad paalis.
Makalipas ang mga limang minuto ay nakarating sila sa isang putol na daanang nakalawit patungo sa dagat. May mangilan-ngilan ding tao rito ang kasabay nila. Sabay silang umupo sa dulo nito ng daan nang nakalawit ang mga paa nila malapit sa tubig.
Mapayapa ang alon sa dagat at kasabay nito ang dahan-dahang pagsikat ng araw.
Inilabas ni Aling Mina ang lata na puno ng pain at nagsimulang na siyang mangisda. Sumunod naman si Adelia at itinapon din ang kawit sa tubig.
Naisipan ulit ni Adelia na magtanong habang naghihintay ng mahuhuli. "Hindi na po ba magbabago isip niyo?"
"Hindi," simpleng sagot ni Aling Mina.
"Hindi po ba kayo natatakot?" Ito ang tanong ni Adelia habang tinatanggal mula sa kawit ang nahuli niyang isda. Nagbalik kay Adelia ang takot nang makita niya ang pagbagsak ng sarili niyang kapatid ilang taon na ang nakalipas dahil sa kanya, pero pilit niya ulit itong binaon sa kanyang isipan. Hindi na niya hahayaang mangyari ito ulit, pero paano? Ito ang tanong niya sa sarili.
"Para kay Kaloy lang," sagot ni Aling Mina, "pero may pangakong kailangang tuparin para sa mga magulang niya." Hindi na maipinta ni Adelia ang ekspresyon ni Aling Mina, at biglang nagpaligoy-ligoy ang mga mata niya.
Nagkaroon na ng tapang si Adelia na itanong ang tungkol isang bagay na matagal nang namumuo sa isipan nang makahuli ulit siya ng isda.
"Nasa'n po yung mga magulang ni Kaloy?"
Ibinaling ni Aling Mina ang tingin sa hawak niyang pamingwit. Itinikom niya ang bibig at para bang dumilim ang kanya mga mata sa paraang sobrang pamilyar kay Adelia. Ito ang itsura minsan niyang nakikita sa repleksiyon ng salamin.
"Wala na sila," maikling sagot ni Aling Mina.
"Nagkasakit 'yung nanay niya nung isang taon. Kapangalan mo siya, si Adelia. Tapos yung tatay niya..." Lumunok si Aling Mina at naging mas lumalim ang pungay ng mga mata nito. "Pinatay."
Ginalaw ni Aling Mina ang pamingwit dahil sa inip at sinilip niya ang mga isdang nasa lalagyanan sa pagitan nilang dalawa. Itinuon na lang ni Adelia ang pansin sa pangingisda nang biglang itinuloy ni Aling Mina ang kuwento.
"Napagbintangan siyang kawatan ng pulis noong sanggol pa si Kaloy," wika ni Aling Mina. "Wala pa si Adelia noong oras na dumating sila. Walang tumulong sa amin dahil sa takot, wala man lang nagsalita o pumigil."
"Pero ano ba inaasahan ko," umiling si Aling Mina, "maski ako, 'di rin nagsalita agad dahil sa takot. Nung nalinis yung pangalan niya, huli na. Namatay yung may sala bago siya maparusahan."
"Ano pang silbi ng hustisya kung huli na." Bago pa pumatak ang isang luha ni Aling Mina ay agad na niya itong pinunasan.
Nang tumahimik ang paligid ay may kaakibat na itong dilim, salungat sa pagliwanag ng langit sa harapan ni Adelia. Nagkumpulan ang ilang isda sa kinalalagyan ng pamingwit at may nahuling isa rito si Aling Mina.
Umugong na naman ang mga alon sa pandinig ni Adelia. Hindi man niya ito ginusto ay may ugnay na siya sa iilang tao sa isla, at kung totoo mang sumpa ni Adelia ang maging kamalasan sa tuwing pinipili niyang mapalapit ay determinado siyang malampasan ito kahit ano pa ang mangyari. Kaso nga lang, sa likod nito ay nandoon pa rin ang takot niya sa pananatili.
Nagsalita ulit si Aling Mina na para bang narinig ang mga palaisipang tumatakbo kay Adelia.
"Ayaw ko nang matakot, sana ikaw rin."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top