Kabanata IX

"Huwag muna! Manonood pa ako," sagot ni Raquel.

Agad pumunta ang dalaga sa gilid ng bakuran upang panoorin nang mas malapit ang seremonya samantalang napailing naman si Diego at sumandal sa pader malapit sa bukana. Ilang saglit lang ay naglakad ito palabas pero bigla rin itong huminto at bumalik sa kinalalagyan, tila kinukuwestiyon ang sarili.

Pumuwesto si Adelia sa tabi niya at pinilit ang sariling manood, gustuhin man ng dalawa niyang paa na maglakad papaalis ay pilit niya itong idinikit sa lupa. Hindi siya nagpunta rito para lamang hayaan ang sariling mapangunahan ng takot o pagdududa, pinaalalahanan niya ang sariling kailangan niyang manatili.

Kailangang may mapala siya rito kahit papaano, para na rin makabawi sa oras niyang nasayang. Mga oras na ilang taon na niyang sinayang.

Pagkatapos ni Raquel ay sumunod na rin sana ang lolo ni Diego paalis nang bigla siyang tinawag ni Adelia upang magtanong.

"Kailan ko po pwedeng makausap si Ka Tiago?"

"Abala siya ngayon," itinuro ng matanda ang pinuno na abala sa pag-aasikaso ng sigahan ng apoy, "pero huwag kang mag-alala, pagkatapos nito dadalhin ko siya papunta sa'yo." Nagpaalam ang lolo ni Diego at naglakad palayo upang asikasuhin ang susunod na bahagi ng pagtitipon.

Naiwan si Diego at Adelia sa katahimikan, maliban sa paulit-ulit na pagtapik ng paa ni Diego sa pader habang nagsimula nang kumalma ang mga tao sa bakuran. Nagsama-sama na ulit malapit sa rebulto at lumuhod sa palibot nito.

"Gusto mong sumama dito?" Pasimpleng itinuro ni Diego ang mga taong nagsisimula nang maghanda para sa susunod na bahagi ng seremonya. Nagtali ng puting bandana sa ulo ang pinuno, si Ka Tiago, at pumuwesto naman sa tabi nito ang lolo ni Diego. Pareho silang tumayo sa harapan ng nagbabagang apoy.

"Hindi," simpleng sagot ni Adelia nang hindi iniaalis ang paningin sa bakuran.

"Okay." Tumango na lang si Diego at ibinaling na rin ang atensiyon sa nagaganap.

Wala nang nagsalita sa kanilang dalawa nang magsimula ang susunod na bahagi ng seremonya. Nagsimula na ang pagsusunog ng mga dalang mga prutas, bulaklak at palay bilang alay sa diwata.

Sabay sa bawat tunog ng isang tambol ay isa-isa nila itong itinapon sa nagbabagang apoy, samantalang ang mga dalang pera kasamang sa mga inalay ay inilibing ng dalawang lalaki sa lupa malapit sa paanan ng diwata.

Nangibabaw ang huni ng ilang ibon na nagmamatyag din sa mga sanga ng mga puno sa palibot ng bahay, at sa kabilang banda ay mas lumiwanag ang apoy sa harap ng diwata at mas nagningning ang mukha nito. Nang maialay na ang pinakahuling regalo ay umatras ng ilang hakbang ang lahat at yumuko. Naging tahimik ang lugar, maliban sa pagpagaspas ng mga puno sa tuwing dumadaan ang hangin.

Pati si Adelia ay nagsimula ring tumawag sa diwata, umaasang maririnig nito ang mensaheng matagal na niyang nais iparating. Ipinikit niya ang mga mata at yumuko. Tinanggal niya ang suot na tsinelas at ipinatong ang dalawa nitong kamay sa lupa, naghihintay ng kahit anong sagot. Isang tapik, isang ugong, o siguro ay kahit isang bulong.

Malapit na ako. Magkakaroon ng bagong simula. Ito ang mensahe ng dalaga.

Pikit-mata niyang ipinadala ang panalanging ito nang paulit-ulit. Sana ay marinig. Baka sakaling marinig. Subalit, nanatiling tahimik ang lupa gaya ng kanyang inaasahan.

Pagkatayo ni Adelia ay binuksan ang ilang ilaw sa bakuran. Grupo-grupong nagkumpulan ang mga tao habang may inilabas na mahabang mesa mula sa loob ng bahay kung saan isa-isang nagpatong ng pagkain ang ilan sa kanila.

Nagsimula na ring maglatag ng mga tela ang mga tao sa palibot ng estatwa bago sila pumila para kumuha ng pagkain. Nasulyapan ni Adelia si Raquel na dali-daliang kumuha ng mga kubyertos at kumuha ng pagkain. Aalis na rin sana si Diego nang bigla siyang tinawag ng lolo niya papunta sa lamesa.

Sa gitna ng pagsasalo ay naglakad si Adelia papunta sa rebulto. Nang malapitan niya itong nakita ay tumambad sa kanya ang mga detalye sa pagkakaukit sa diwata. Maamo ang mga mata nitong tila ba pinagmamasdan ang mga taga-panalig. Manipis ang mga labi nito at matangos ang ilong, taliwas sa babaeng nakikita niya sa panaginip.

"Adelia!"

Nabali ang atensiyon ni Adelia nang marinig ang matinis na boses ni Raquel na papalapit sa kanya. Hinatak siya agad nito papunta sa grupo ng limang ale na nagtatawanan at pinaupo ito sa tabi niya.

"Si Adelia po," pagpapakilala ni Raquel sa kanya.

Masigla siya binati siya ng mga ito, at kasama rin sa grupo ang babaeng bumangga sa estatwa ni Danawi kanina na nagpakilala bilang Maricel. Sinuri siya mula sa ulo hanggang paa ng isa sa kanila habang nakalabas ang nguso at tumango.

"Nakatira ka kay Aling Mina 'di ba?" Ipinatong niya ang kamay sa baba at lumingon kay Maricel, "siya ba 'yong sinabi mong bali—"

Hinampas ni Maricel ang kaibigan at ngumiti kay Adelia. "HAHAHAHAH Kailan?"

Inabutan siya ni Raquel ng kutsara at nag-alok ito ng pagkain na tinanggihan ni Adelia na hindi pa iniaalis ang tingin sa diwata. Samantala, naging abala si Raquel sa pambobola sa mga ale na mukhang natutuwa rito.

"Akala ko thirty-nine ka pa lang, Ate Maricris!"

"Ano ka ba!" Maarteng tumawa ang ale at mahinang hinampas si Raquel. "Kuwarenta na ako."

Hindi nagtagal ay nabaling na ang usapan tungkol sa naranasang kababalaghan ni Maricel kanina. Mas nagkumpulan ang anim sa maliit na tela samantalang mas natulak sa gilid si Adelia.

"Hindi ko makontrol sarili ko kanina, parang may humahatak sa akin at wala na akong magawa..." Kasunod nito ay may mga kuwento rin ang ale tungkol sa mga aniyang pangitain na nakita niya. Isang malakas na daluyong raw ang darating at sa may mga nanlilisik na matang bughaw na nakatingin sa kanya habang nagaganap ito.

"Kinikilabutan din ako sa'yo kanina," wika ni Maricris. Niyakap nito ang sarili at inayos ang upo.

Sa gitna ng pag-uusap nila ay lumapit si Raquel kay Adelia at bumulong. "Naniniwala ka ba sa kanila?"

Umiling si Adelia at nagtanong. "Ano po bang pinapaniwalaan niyo tungkol kay... Raga?"

Parang mga patong sabay-sabay na napalingon ang mga ale sa kanya; nanlalaki ang mga mata at parang humaba ang leeg. Isang mahinang halakhak ang nakawala kay Raquel na agad niyang tinakpan ng sariling kamay.

"Hindi mo alam ang kuwento tungkol sa kapatid ni Danawi?" Sumingkit ang mga mata ni Aling Maricel bago ito magsalita ulit. "Ay sa bagay, bago ka nga pala dito."

"Siya yung kumidnap sa buwan tapos nagkagulo lahat," paliwanag ni Raquel habang patuloy pa ring kumakain. "Pwede naman sigurong ligawan, bakit naman niya kinulong kaagad," natatawang sagot ni Raquel.

"Oo. Buti na lang nagwagi ang diwata natin," dagdag ng isa sa kanila, "pero balang araw ay gigising ulit ang kapatid niya... at maghiganti."

Bumilis ang pagtibok ng puso ni Adelia hanggang sa naramdaman niya ang pagragasa ng dugo sa kanyang katawan, bawat pagpulso nito ay parang may dalang daluyong. Nagngingitngit ang mga panga nito na pilit niyang itinago.

"Kaya tayo, bilang alagad ni Danawi, kailangan nating magpasalamat at protektahan siya mula sa kampon ni--," lumunok ang ale at tumingin sa paligid. "Raga," pagpapatuloy niya.

Naglaho ang lahat at nakita ni Adelia ang kinamumuhian niyang panaginip. Nagsimulang lumuha ang diwata, lumitaw ang mabatong tanawin, at nagsimulang umulan ng apoy. Umalingawngaw ang tawanan ng mga tao sa ibang lamesa at ang masayang ingay sa mga tenga ni Adelia, salungat sa nakikita niyang tanawin.

Ipinikit ng dalaga ang mga mata pero patuloy pa rin ang delubyong paulit-ulit na nagaganap, at mas naging malinaw ito. Nagsimula na ang daluyong.

"Malapit na siyang dumating," sabi ng isang ale.

Isang malaking alon ang humampas kay Adelia at napunta siya sa gilid ng isang bangin, at mula sa taas nito ay nakita niya ang nagaganap sa bakuran. Sinubukan niyang magpumiglas pero hindi siya makawala o makagalaw sa kinatatayuan. Suot niya ang kasuotan ni Danawi.

Naramdaman niya ang paggalaw ni Raquel sa kanyang tabi pero hindi niya ito malapitan. "Kailan siya dadating?"

"Kapag nasa Hulaynon ang espiritu ng buwan," sagot ni Maricel. "Isang buwan mula ngayon."

Sa malayo ay nakita niya ang isang binatang nasa gitna ng digmaan, kulay pilak ang suot nitong sarong at ang mga suot nitong kuwintas at purselas ay ganito rin ang kulay. Nangibabaw rin ang mga puting marka na nakaukit sa kayumanggi nitong balat. Sinubukan siyang tawagin ni Adelia pero walang lumabas na tunog sa boses nito.

"Pero bago 'yon ay may ipapadala siyang sugo para gawin ang isang bagay na makakapagpanalo sa kanya, ang kunin 'yan." Itinuro ni Maricris ang dahong nasa kuwintas ng diwata. "Hindi siya pwedeng magtagumpay."

Nahulog ang gintong dahon mula sa kuwintas at nabalik si Adelia sa ulirat. Ipinatong niya ang dalawang kamay sa lupa upang suportahan ang sarili at tinignan niya ang paligid.

Masayang nag-uusap ang mga tao at abala ang iba sa pagliligpit ng mga kalat. Nasa Hulaynon pa rin siya, paninigurado ni Adelia sa sarili. Nakahinga siya nang maluwag nang makita ang kuwintas na nakaukit sa rebulto ni Danawi ngunit naglaho ulit ito kaagad nang maalala niya ang alamat.

Marahang nilagay ni Raquel ang kamay niya sa likod ni Adelia na nagulat dito. "Uy, ayos ka lang?"

"May pupuntahan lang ako," paalam agad ni Adelia. Dahan-dahan itong tumayo at umalis papunta sa daan palabas ng bakuran. Nasulyapan niya ang pag-aalala sa mukha ni Raquel pero kailangan niyang mapag-isa, at kailangan niyang unawain ang mga nakita at narinig nang hindi sumasabog.

Umupo siya sa gitna ng maliit na daanan, sinusubukang pigilan ang nagbabadyang galit. Ikinuyom niya ang mga kamao at isinandal ang ulo sa pader. Para na namang isang parusa ang makarinig nang kasinungalingan hindi niya pwedeng pabulaanan.

Bilang kabayaran sa mga kasalanan niya ay tinanggap ni Adelia ang kahit anong panlalait at paghihirap, bawat isa sa mga ito ng walang pagrereklamo. Tinanggap niya ang lupit ng mundo dahil alam niyang ito ang karapat-dapat para sa kanya, isang taksil. Pero ngayon ay hindi niya maiwasang magtanong. Hindi pa ba 'to sapat?

Tumayo siya sa kinalalagyan at huminga nang malalim bago siya naglakad pabalik sa salu-salo nang makasalubong niya ang lolo ni Diego kasama ang lalaking namuno sa seremonya kanina, si Ka Tiago.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita na niya ang taong ilang araw na naging mailap sa kanya. Mas maliit man kay Adelia ang pinuno ay matikas ito at bakas ang kumpiyansa nito sa sarili habang naglalakad na parang isang politiko. Kung tutuusin ay hindi naman ito nalalayo sa trabaho niya.

Nang magtapat ang mga mata nila ni Ka Tiago ay bahagyang itong ngumiwi bago labas-ngiping ngumiti sa kanya.

"Siya ba, Francisco?" Gamit ang kamay ay itinuro ni Ka Tiago si Adelia, at sumang-ayon naman ang lolo ni Diego na nanatili sa tabi ng pinuno.

Inalok siya ni Ka Tiago na makipagkamay pero bahagyang ngumiti si Adelia at pinagpag ang kamay sa damit niyang suot. Binawi agad ni Ka Tiago ang kamay at umubo rito. "Anong maitutulong ko sa'yo, iha?"

"Kailangan ko pong makausap ang diwata," sagot ni Adelia.

"Pasensya ka na," ngumiti si Ka Tiago, "hindi niya ipinapakita ang sarili sa kung sino-sino lang. Kailangan mo munang makuha ang tiwala niya."

"Pero—"

"Hindi mo na siya kailangang makita," sagot ni Ka Tiago. "Siya ang dahon, ang puno, ang lupang tinatapakan mo." Itinuro ng pinuno ang mga damo sa lupa. "Nakikita ka niya."

Sinasabi ko na nga ba.

"May koneksiyon siya sa lupa, iha."

Kasinungalingan.

"Naririnig ka niya ang tibok ng puso mo."

Direktang tumingin si Adelia kay Ka Tiago biglang nag-ayos ang kuwelyo ng suot at lumunok. Kumapit si Adelia sa suot niyang palda, nanlilisik ang mga mata nito.

"Sinungaling," malamig niyang wika kay Ka Tiago.

Bago pa niya makita ang reaksiyon ng dalawa ay naglakad na si Adelia paalis nang bahay. Nangako siya sa sariling hinding-hindi na siya babalik dito kahit na anong mangyari, ni hindi siya lumingon pabalik hanggang sa makalayo rito.

Hindi nagtagal ay tumambad sa kanya ang dalampasigan. Papalubog na ang araw nang umupo siya sa tapat ng dagat, pinagmamasdan ang mahinang hampas ng alon sa buhangin. Tahimik na ang paligid maliban sa ingay ng mga ibong papauwi sa kanilang tirahan.

Tinanggal ni Adelia ang kuwintas at inilagay ito sa kanan niyang kamay. Pinagmasdan niya ito nang maigi, ang kabibe na kalahati ng hinlalaki niya. Sa kuwintas nagsimula ang mga kasinungalingang nakita niya sa Hulaynon, at ipinangako ni Adelia na ito rin ang magwawakas dito.

Itinaas niya ito sa tapat ng kanyang mukha nang nagsimulang magliwanag ang bukana nito ng kulay ginto. Agad na kinuyom ni Adelia ang kuwintas sa kamay at mabilis na ibinulsa. Maingat niyang sinuri ang paligid mula sa kinalalagyan at nagdesisyong umuwi. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top