Kabanata III

"Magkapangalan pala kayo ni nanay!"

"Ahh... ganun ba?"

Nagulat din si Adelia sa sinabi ni Kaloy, pero hindi niya alam kung ano ang isasagot kaya tumango na lang ito katulad ng lagi niyang ginagawa. Hindi naman siya ganito noon, pero parang naubusan na siya ng salitang sasabihin.

Maliban doon, kahit na espesyal ang kuwento sa likod ng pangalan niya, alam niyang hindi naman naiiba 'yun. Hindi malabong mayroon pa siyang ibang kapangalan sa islang 'to, o kung saan hindi na lang niya pinansin ito.

Lumipas ang maghapon sa mga kuwento ni Kaloy tungkol sa pangarap niya paglaki, tungkol sa kalaro niyang laging nangungupit, tungkol kay lola Mina, at tungkol kung anu-ano pang mga istoryang 'di niya naman natatapos dahil may panibago na naman siyang naiisip o gustong gawin. Laging siyang nakakahanap ng pagkakalibangan.

Palubog na ang araw nang makita nilang paparating na may dalang dalawang supot, puno ang bawat isa ng iba't ibang pinamili.

Tumakbo si Kaloy papunta sa kanya at nagmano bago tumulong sa pagdala ng mga bitbit nito. Sumunod din si Adelia na dahan-dahang naglakad papunta sa kanilang dalawa.

"Salamat po." Mahinang nagpasalamat ang dalaga habang nakayuko.

"Dalhin mo na muna ang isang 'to sa loob." Naunang pumasok si Kaloy sa loob ng bahay. Nabaling naman ang tingin ng lola kay Adelia na nakatungo pa rin, para bang naghahanap ng bibilangin sa lupa. Nagsalubong ang kilay nito nang makita ang itsura ng dalaga.

"Ikaw ba't di ka makatingin, may ginawa ka bang kasalanan?" Pagkasabi ni Mina nito ay napatigil sa paglalakad ang ilang grupo ng magkakaibigan na padaan na sa harap ng bahay. Napansin naman niya ito at agaran silang sinita.

"Sa kabilang barrio ka maghanap ng tsismis Maricel!"

Nagmamadaling hinatak ni Maricel ang kasama niyang mga kumare at sabay silang naglakad paalis.

Lumingon pa ito pabalik nang makalayo pero nagsalubong ang tingin nila ni Mina na tinaasan siya ng kilay ang grupo ni Maricel, kaya nagpatuloy na lang siya sa paglakad papalayo habang may binubulong sa mga kaibigan.

"Pagabi na, dito ka na lang muna magpagabi, delikado sa labas," malamig na paanyaya niya kay Adelia.

Tumango ang dalaga at sumunod papasok ng bahay kung saan tutok sa panonood si Kaloy ng teleserye. Kinilatis naman ni lola Mina ang paligid ng bahay bago pumunta sa kusinang nasa gilid ng kubo para magluto ng hapunan.

'Di kalaunan, sumunod si Kaloy para tumulong sa pagluluto habang inayos ni Adelia ang hapag-kainan. Pagkatapos ng ilang minuto ay sama-sama na sila sa lamesa para kumain.

"Lam mo ba 'la, kapangalan niya si mama! Saka kanina pumunta sil—"

"Kaloy, hindi ka dapat masyadong nagsasalita habang kumakain," suway sa kanya ni lola Mina.

"Pasensya na po."

Pagkatapos ng hapunan, sama-sama silang nagligpit bago maghanda sa pagtulog. Dahil wala ng natitirang espasyo sa kuwarto ng maglola, sa sala na lang inilatag ni Adelia ang binigay sa kanyang banig. Bumalik si Mina saglit para abutan siya ng kumot.

"Iha, nagtanong-tanong ako tungkol sa lugar na sinasabi mo pero mukhang wala talagang nakakaalam tungkol dun."

"Salamat po." Inasahan naman na niya iyon dahil sa matagal niyang paghahanap ay ganoon na rin lagi ang sagot sa kanya. Nagpasalamat na lang ulit si Adelia. Ito ang unang pagkakataon na may tumulong sa kanya sa paghahanap, kahit na wala rin nahanap na sagot si Mina.

"Sige, matulog ka na diyan." Ito ang unang beses na nakita niyang ngumiti si Mina, bago nito pinatay ang ilaw at bumalik sa loob ng kuwarto.

Sa labas ay sumikat na ang buwan, na magsisimula ulit ng panibagong siklo. Magdidilim na naman ito at maglalaho bago maging kasingliwanag ng anyo nito ngayon na nakikita ni Adelia sa bukana ng bintana. Para sa kanya, isa itong maganda at mapait na paalalang lilipas din ang lahat, mabuti man ito o masama.

Kailan? Ito ang tanong niya sa sarili, at sa nanunuksong buwan sa langit.

Inakala niyang sa Hulaynon na niya makikita ang matagal nang hinahanap. Malakas ang kutob niya sa unang pagtapak sa isla, pero kung mismong mga tao ay hindi alam kung ano ang lugar na 'yun.

Mukhang kailangan niyang tanggapin na wala dito ang bundok ng Palan. Kailangan niya magsimula ulit, ang tanong nga lang ay kung saan.

Nagpaikot-ikot ang mga palaisipang ito sa utak niya hanggang sa nakatulog siya nang mahimbing.

--

Nagising si Adelia sa mga tunog ng mga yapak. Nauna nang magising ang maglola at nagsimula nang mag-almusal. Niyaya siya ng dalawa para kumain at agad naman siyang sumunod.

Pagkatapos kumain, nagpasalamat siya at naglakad papaalis. Hindi pa siya nakalayo nang marinig ang boses ni Kaloy.

"Ate Ade! Teka lang po," sigaw nito habang tumatakbo papunta sa kanya.

"Pinapabigay po ni lola," sabay abot sa kanya ng isang bayong, "mag-iingat po kayo saka sana mahanap mo na po yung hinahanap mo."

"Salamat," napangiti si Adelia nang makita ang mga prutas sa loob ng bayong. Katulad ng pagpapatuloy sa kanya ay hindi niya rin ito inasahan dahil hindi naman naging maganda ang karamihan sa mga surpresang natatanggap niya sa buhay.

Hindi naging maganda lahat, maliban sa isa, kaya siguro binawi ito sa kanya.

"Mauuna na ako," kumaway siya kay Kaloy para magpaalam bago tinuloy ang paglalakad.

Hindi niya alam kung saan magsisimula ulit, kaya naisipan niya munang libutin ulit ang nayon bago maghanap ng bangkang pwedeng sakyan paalis ng isla. May kaunti pa rin siyang pagbabaka-sakali, dahil magiging mahirap at matagal na naman ang paglalakbay. Nakakapagod magsimula ulit.

Ilang minuto siyang naglakad hanggang sa makarating sa palengke na una niyang nadatnan pagkarating niya noon sa isla.

Katulad ng dati, pinagtitinginan ulit siya ng mga tao pero sa kadahilanang hindi niya alam. Ang pinagkaiba nga lang, nakangiti na ang lahat sa kanya.

Imbis na paalisin siya ay inaalok pa itong bumili ng kung anu-ano. Kung minsan ay binabati pa siya ng ilan sa mga lalaking nakakasalubong niya at sinusundan siya ng tingin. Kakaiba talaga mga tao.

Pinagtataka niya 'yun dahil alam naman niyang maayos ang pananamit niya ngayon at hindi naman siya marumi, pero naisipan na lang niyang umalis doon dahil hindi siya kumportable sa atensiyon ng tao. Naiilang din siya sa biglaang pagbabago sa pagtrato sa kanya,

Lumabas siya sa sentro kung saan bumungad sa kanya hanggang ang sementadong kalye na diretso niyang nilakad. Pagkalipas ng ilang oras, nag-iba na ang itsura ng paligid. Napalitan na ang buhangin ng malawak na sakahan, at iba't ibang uri ng puno ang nakita niya sa paligid.

Abala ang mga magsasaka sa pagbibilad ng bigas sa gilid ng daan na halos walang kotse o kahit anong sasakyan ang dumadaan. Sumilong muna si Adelia sa ilalim ng puno ng acacia dahil sa pagod.

"Wala nang makikita dito," sabi niya sa sarili habang hinihingal.

Sa gitna ng pagod, natanggap na niya na wala sa Hulaynon ang napakatagal na niyang hinahanap. Hindi tama ang naging kutob niya, at kakailanganin na naman niyang maglakbay nang napakatagal papunta sa kung saan man siya dadalhin ng tubig.

BAAAMMM!

BAAAMMM!

BAAAMMM!

Nabalik na naman siya sa ulirat dahil sa isang malakas na kalampog mula sa lupa. Nayanig siya sa kinauupuan at napakapit sa puno dahil sa puwersang dala nito.

Lumakas ang kalabog na parang tunog ng mabigat na tambol. Kasama nito ang sunod-sunod na pagbagsak sa lupa at ang malakas na pag-ugong sa ilalim nito.

Sa paligid, patuloy pa rin ang mga magsasaka sa gawain na para bang walang nararamdaman o naririnig na ugong. Wala ring bahay na nagigiba o kahit anong bitak sa lupa, kahit ang mga nakabilad na ani parang di naapektuhan.

Pinilit ni Adelia na tumayo sa kinalalagyan pero masyadong mabilis at malakas ang mga paghampas sa lupa hanggang sa tuluyan nang yumanig ang lupa na parang siya lang ang nakakaramdam. Pabilis ito nang pabilis.

Bumilis pa ito at lumakas hanggang sa napabitaw siya sa pagkakapit sa puno. Sa hudyat na 'yun ay biglaang tumigil ang pagyanig.

Naging tahimik ulit ang paligid, at dahan-dahang nakatayo si Adelia mula sa kinalalagyan at nagpagpag ng damit.

Ang pag-alog ng lupa. Ang yapak. Ito ang unang sumagi sa isip ni Adelia, ang mga malalakas na hakbang na rinig ilang kilometro mula sa pinagmulan nito. Ito ang mga hakbang na matagal niyang hinanap.

Naglaho ang pagod na nararamdaman niya at naging mas maluwag ang paghinga. Napalitan ito ng tuwang hindi niya maipaliwanag. Malapit na siya. Pagkatapos nang napakatagal na paghahanap ay malapit na siya, at bumalik ang pag-asang magagawa niya ang lahat ng plinaplano.

Hindi siya nagkamali.

Nasa Hulaynon ang hinahanap niya. Nasa Hulaynon ang Palan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top