Kabanata II

"Patay na ata?"

"Luh buhay pa yan!"

"Oo nga, lasing lang siguro. Ganyan din itsura ni mama 'pag lasing."

"Ang pangit hahahaha"

"Teh! Gising na teh!"

Naalimpungatan si Adelia mula sa pagkakatulog. Pagkamulat niya ng mata, nakita niya ang mga batang magkakumpulan na nakatingin sa kanya. Sa gitna ng mga ulong nakapalibot sa kanya, kita ang unti-unti pagliwanag ng langit. Umaga na pala.

"AAAHHHHH! Multo hahahaha!!!"

Nagsitakbuhan ang mga bata nang bumangon siya para umupo, halatang namumugto pa ang mga mata niya dahil sa nangyari kagabi.

Huminga siya nang malalim para sulitin ang sariwang hangin na naging mailap sa kanya kahapon. Guminhawa ang pakiramdam niya, pero naglaho rin ito nang sumagi sa isip niyang hindi ito ang huling pagkakataon na pagdadaanan niya ang sakit na naranasan kagabi.

Darating ulit ito sa susunod na buwan na parang bang isang sumpa. Babalik ulit ito dahil hindi naman siya tuluyang nawala, naisantabi lang. Pero kahit ilang ulit na 'tong dumaan, hindi pa rin siya sanay. Nakakatakot pa rin ang lungkot.

Bago pa siya tuluyang maligaw sa kung anu-anong palaisipan, biglang may kumalabit sa balikat ni Adelia.

Isa siya sa mga batang nakita niya kanina. Nakasuot siya ng puting kamisong nadikitan ng buhangin, at bakas ang lagi niyang pagkabilad niya sa araw dahil sa mga gintong marka nito sa buhok.

"Pasensya na po sa mga kalaro ko kanina," sabi nito.

"Kailangan ko na palang umalis," biglaan 'tong nabalik sa ulirat at agarang tumayo. Nagpagpag ng buhanging dumikit sa damit at nag-ayos ng buhok, para bang di narinig ang sinabi ng bata.

Maglalakad na sana siya paalis ng maisipang magtanong sa bata, wala namang mawawala kung sakali.

"May alam ka bang bundok na malapit sa islang 'to?"

"Wala po eh..."

"Pero baka may alam po ng lola ko. 'Di lang Hulaynon ang kabisado niya, pati ibang bayan din. Alam 'yan ng lola ko!" Pagmamalaki ng bata habang nakangiti.

"Halika ate, dalhin kita sa kanya," sabay hatak sa kamay ni Adelia bago ito makatanggi.

Naglakad sila papalayo sa baybayin hanggang sa ilang grupo ng kabahayan. Tumigil sila sa tapat ng isang bahay kubo. Maliit man, maganda itong tignan. Napapalibutan ang harapan ng mga paso ng halaman. Bahagya ding nakaangat ang bahay kaya may maliit na hagdan papunta sa pintuan at may espasyo para sa mga tsinelas.

"Lola Mina! Andito na ako, may dala po akong kasama."

"Nako Kaloy yan na namang mga kalaro m—"

Napatigil ito sa pagsasalita ng makitang ang kasama ni Kaloy. Biglaan siyang sumimangot at napahawak ng kamay sa ulo.

"Jusko, sino na naman 'yan?" Napasapo siya sa noo.

"Nakita po kasi namin si ate sa may dagat. May hinahanap daw eh di ba lagi po kayong lumilibot sa bayan noon?"

Pumunta siya sa harapan ni Lola Mina at hinawakan ang kamay niya, nakapanguso ito habang nakikiusap.

"Oh siya, ano bang hanap mo?" Binaling ng lola ni Kaloy ang tingin kay Adelia.

"Bundok Palan... po."

"Mukhang naligaw ka ata, kahit sa karatig bayan wala akong alam na bundok na ganyan ang pangalan."

"Sige po, aalis na ako," sagot ng dalaga.

"Ate! Teka lang, dito ka muna."

"HA??" Nabigla si lola sa sinabi ng bata.

"Sige na po. Kawawa naman siya, napagdisketahan pa ng mga kalaro ko kanina. Mukhang wala siyang kaibigan, hindi niya pa alam kung saan siya pupunta," bulong nito sa matanda.

"Apo, di ka pwedeng magpapasok dito ng kung sinu-sino lang. Maraming mapagsamantala ngayon."

"Pero, yung sabi ni nanay..." sagot ni Kaloy.

Napabuntong-hininga ang lola ni Kaloy bago ito napilitang tumango.

"Sige. Payag na ako, pero aalis na siya pagkabalik ko mamaya."

"Yehey! Salamat po!" Yinakap niya si Lola Mina sa tuwa.

"Sige, aalis na muna ako papuntang bayan. Bantayan mo ang bahay, ha" payo ni Lola Mina sa apo.

"Siyempre naman po, ako bahala."

Linapitan naman niya si Adelia pagkatapos at hinawakan ang braso nito.

"Hindi ko matitiis ang batang yan, pero siguraduhin mo lang na wala kang plinaplanong masama dahil sa akin ka mananagot," pabulong na banta niya kay Adelia.

Pagkatapos, lumingon siya kay Kaloy at kumaway para magpaalam bago tuluyang umalis.

"Tara po!" Sumunod si Adelia sa bata na nasa bukana na ng pintuan nila.

Pagkapasok, pumunta muna si Kaloy sa isa pang kuwarto para kumuha ng damit. Pumwesto muna si Adelia sa de-kahoy na upuan sa sala. Sa harap niya, may maliit na TV at gawa din sa kahoy. May hapag-kainan din sa kabilang banda na katapat ng daanan papunta sa kuwarto ng mag-lola.

Ang daming bagay dito na unang beses pa lang nakita ng dalaga, pero pinigilan niya ang sariling tignan ang mga ito ng malapitan. Baka matiyempuhan siya ng lola ni Kaloy at magpagkamalang pa siyang magnanakaw.

Bumalik si Kaloy bitbit ang dilaw na palda at puting pantaas na inabot niya kay Adelia, at tinuro kung saan ang banyong nakahiwalay sa isang sulok sa likos ng kubo.

Pagkatapos maligo, nadatnan niyang nakaupo sa may hagdan sa labas ng bahay si Kaloy. May hawak itong dyaryo na sinusubukang niyang basahin.

"Ba...li...to? Ba...li? Balita!" Abot-tenga ang ngiti niya nang mabasa ang nakasulat ng maayos.

"Magiging first honor na ako sa pasukan!"

Habang abala siya sa pagbabasa, may isang grupo ng mga batang huminto sa tapat ng bahay.

"Kaloy! Tara, punta tayo sa dagat!"

"Kayo na lang, umalis kasi si lola, walang magbabantay." Tinaas niya ang dyaryong nasa kamay. "Mag-aaral ako ngayon!"

"Nge hindi naman yan libro!"

"Kahit na, may nakasulat pa rin dito."

Dahil mukhang hindi talaga mapipilit si Kaloy, umalis na lang ang mga kalaro nito habang nagtatawanan. Pagkatapos ay umupo si Adelia sa tabi niya.

"Wow ate, maganda ka pala!" Napangiti si Kaloy pagkalingon nito sa kanya.

"Ano po bang meron sa lugar na 'yun? Marami ka po bang kaibigan 'dun? May mga laruan po ba?" Tuloy-tuloy sa pagtatanong ang bata kay Adelia ng walang preno.

"Naliligaw ka ba?"

"Ako si Kaloy, ano pong pangalan mo?"

Napangiti si Adelia sa dami ng tanong ng bata, halatang kanina pa niya gustong magtanong. Kaso lang, hindi niya pwedeng sagutin ang lahat ng 'to.

"May kailangan akong tapusin doon."

"Bakit kailangang doon?"

Nagkibit-balikat na lang si Adelia at nagpatuloy sa pagbabasa si Kaloy na parang nalimutan na ang sarili niyang tanong. Akala ni Adelia ay magpapatuloy na ang katahimikan na 'yun nang biglang magsalita ulit ang bata.

"Pagpasensyahan mo na po si lola, alam kong hindi ka masamang tao."

"Paano mo naman nasabi?" Tanong ni Adelia sa kanya.

"Hindi ka nagalit sa mga kalaro ko kanina... saka wala, alam ko lang," sagot ni Kaloy.

"Ikaw rin. Pinagkatiwalaan mo ako."

"Siyempre naman, pangako ko 'yun kay nanay. Pangako namin ni lola, kaso parang gusto na niyang kalimutan." Biglang sumimangot si Kaloy at nagpatuloy na lang ulit sa pagbabasa. Si Adelia naman, hindi alam kung ano ang dapat sabihin o itanong.

Nalimutan na ni Adelia kung kailan siya huling nakipag-usap ng matino. Matagal na palang bundok lang ang bukambibig niya, misyon lang ang nasa isip niya simula ng ibaon niya ang sarili sa paghahanap. Ito lang, maliban sa pangungulilang pilit niyang nilalabanan.

"Oo nga pala... Adelia," turo ng dalaga sa sarili pagkatapos ng ilang minutong katahimikan.

"po?"

"Sagot sa tanong mo kanina. 'Yun yung pangalan ko. Adelia."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top