When the Bridge of Love Falls

NAKAUPO ang isang lalaki sa fountain na nasa gitna ng mall. Gwapo, kulot ang buhok at mayroong mapuputing pakpak. Sa kanang balikat ay nakasabit ang isang pana. Makikita ang labis na saya sa nakangiti niyang mukha at sa ginagawang pagsipol. Labis na saya dahil nalalapit na ang araw ng mga puso, at kapag natapos ang araw na iyon ay tuluyan nang matatapos ang trabaho niya sa mundong ito.

Siya si Pragma, itinuturing na tulay ng pag-ibig. Cupid ang tawag sa kanya ng nakararami. Ang trabaho niya ay panain ang puso ng dalawang taong nakatadhanang magmahalan. Limang dekada na siya sa kanyang trabaho at hindi na siya makapaghintay na matapos ang termino niya. Kaya naman ganoon na lang ang saya niya noong inanunsyo ang nalalapit na pagbaba niya sa pwesto.

Kinabukasan, masaya siyang nagtungo sa opisina ni Storge—ang kanyang pinuno. Tuwid siyang nakatayo, nasa likod ang mga kamay habang pinapakinggan ang sinasabi ng lalaki na nasa likod ng manipis na kurtina.

“Ikaw, Pragma, ay nagtagumpay sa limang dekada bilang Kupido. Maraming tao ang nagpapasalamat sa iyo dahil napagtagumpayan mo ang paghahanap sa nakatadhana para sa kanila. Nalalapit na ang iyong pagbaba sa pwesto ngunit,” mariing anito sa huling salita na nakapagpakaba sa kanya. Lalong tumuwid ang kanyang likod. Kahit hindi nakikita ay ramdam niya ang kilabot sa kanyang katawan. Ganoon siya tuwing naririnig ang baritono nitong boses. “Ngunit ikaw ay papayagan lamang makaalis sa iyong posisyon kapag nagawa mo ang huling misyon na aking ibibigay.”

Nalaglag ang balikat ni Pragma at nagsalubong ang mga kilay. Akala niya ay pararangalan na siya nito pero may misyon pa pala siya. Agad din siyang tumayo nang tuwid.

“Ano pong misyon, mahal na pinuno?”

“Kinakailangan mo lamang sanayin ang papalit sa’yo katulad ng ginawa ni Eros noong palitan mo ito sa pwesto.”

Iyon lang ba? Sisiw na sisiw iyon sa kanya. “Sino po ang aking sasanayin, mahal na pinuno?”

Ikinumpas ni Pinunong Storge ang kamay. Napalingon si Pragma sa kanyang likuran nang bumukas ang malaki at mataas na pinto. Nakita niya ang pagpasok ng isang nilalang na tulad niya ay kumikinang sa kaputian ang suot at pakpak na halos kasing laki na nito. Matangkad ito, matikas ang pangangatawan at magandang lalaki. Hanggang balikat ang kulot na buhok nito na bahagyang humaharang sa mapanga nitong mukha.

Nakaramdam siya ng kakaibang ritmo sa kanyang puso habang pinapanood ito sa paglalakad palapit sa pwesto niya. Tumigil ito sa kanyang tabi. Kinailangan niya pang tumingala dahil hanggang dibdib lang nito ang naaabot ng kanyang paningin. Malaki ang ngisi nito habang nakatitig sa kanya.

“Siya si Ludus, ang papalit sa’yo.”

Nakangiti siyang kinawayan ni Ludus. Humarap siyang muli sa unahan matapos gantihan ang ngiti nito. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa katabi. Sa ngiti pa lamang nito ay alam niyang may pagkapilyo ito. Pakiramdam niya tuloy ay mahihirapan siyang sanayin ito.

Matapos maipakilala si Ludus ng kanilang pinuno ay pinakawalan na sila nito. Yumukod sila bilang pagbibigay galang. Malalim na nagbuga ng hangin si Pragma habang naglalakad palabas ng silid na iyon. Ramdam niya ang pagsunod ni Ludus.

“Kailangan na nating magsimula sa lalong madaling panahon,” aniya pagkalabas na pagkalabas nila ng silid.

Malakas itong natawa. “Nagmamadali ka ba?”

Nagsimula siyang maglakad sa kahabaan ng pasilyo. Sumunod naman ito sa kanya.

“Totoong nagmamadali ako dahil hindi na ako makapaghintay na makababa sa pwesto ko.”

“Bakit ba ganoon na lang ang kagustuhan mong makababa agad?”

Sinulyapan niya ito. “Malalaman mo ang sagot kapag ikaw na ang nasa posisyon ko.”

Nakarating sila sa isang parke kung nasaan ang misyon nila. Inilibot nila ang paningin sa paligid. Abala ang mga tao. Ang iba ay mag-isa lamang, samantalang ang iba ay maraming kasama. Mayroong nakangiti, mayroong kita sa mga mata ang lungkot.

“Paano ko malalaman kung sino ang misyon ko?” tanong ni Ludus habang nakatayo sila sa gitna ng parke.

Bumunot si Pragma ng isang palaso at inilagay sa busig niyon. Itinaas niya iyon. Handa na sa gagawing pagpana. “Mga pana mo mismo ang magtuturo sa kanila kaya kung hindi mo kilala ang sarili mong pana doon ka na magkakaproblema.”

Gumalaw ang panang hawak niya at tumapat iyon sa isang dalaga na mag-isang nakaupo sa bench. Nakatungo ito at nakatutok ang paningin sa cellphone. Nakita nila ang nakangiti nitong labi nang mag-angat ng ulo.

“Ramdam niya ang malakas na tibok ng kanyang puso. Alam niyang nagmamahal siya,” ani Pragma. Binitaw ni Pragma ang palaso. Pinanood nila kung paano iyon mabilis na bumulusok patungo sa babae at tumusok sa kaliwang dibdib nito. Bumubunot siya ng panibagong palaso. Muli niya ‘yong inilagay sa busig at itinaas. Kusang tumutok ang pana sa isang lalaki na ilang dipa ang layo sa babae. Kabababa lamang nito ng kotse.

Binitawan niya ang palaso. Pinanood nila nang sundan nito ang lalaki na ngayon ay naglalakad na. Kasabay ng paglapit ng lalaki sa dalaga ay tumusok sa kaliwang dibdib nito ang palaso.

“Ganoon lang? Madali lang pala,” mayabang na ani Ludus.

Nakita nila nang nakangiting tumayo ang babae at hinarap ang lalaki. Nagkamayan ang dalawa habang nakatitig sa isa’t isa.

Hinarap ni Pragma si Ludus. “Hindi iyon ganoon lang dahil oras na pumalya ka mapaparusahan ka.”

“Paano ako papalya kung pana ko na mismo ang magtuturo sa dalawa?”

“Dahil kailangang ramdam mo rin sa puso mo ang pagmamahalan nila. Hindi mo dapat i-asa lang sa pana mo.” Nakanguso itong tumango-tango. “Naiintindihan mo ba ang dapat gawin? Palagay mo pwede ko nang ipagawa sa’yo ang susunod na misyon?”

Natawa si Ludus. “Hindi ba’t masaya ang pagiging kupido? Kaya bakit masyado kang nagmamadali na maipasa sa akin ang trabaho?”

“Hindi puro saya ang dulot ng pagiging kupido. Kapag nakita mong naghiwalay at nagkasakitan ang mga taong pinaglapit ng pana mo, pati ikaw masasaktan. Pakiramdam ko nagkamali ako sa nahanap na tao para sa kanila.”

Nagsalubong ang kilay ni Ludus pero naroon pa rin sa kanyang labi ang ngisi. “Hindi mo na kasalanan kung pipiliin nilang putulin ang nakatadhana sa kanila.”

Umiling si Pragma; seryosong seryoso ang mukha. Ramdam niya pa rin sa puso ang lungkot na ilang taon niyang dinadala.

“Masasabi mo bang sila ang nakatadhana kung nawawala ang pagmamahal nila sa isa’t isa? Ang itinadhana Niya ay mananatili ang pagmamahal sa puso kahit ano pa man ang mangyari.”

Nalipat ang tingin niya sa kanyang balikat nang hawakan iyon ni Ludus. Muli niyang naibalik ang tingin dito nang marinig itong magsalita.

“Wala kang kasalanan, Pragma. Ginagawa mo lamang ang iyong trabaho. Walang sumisisi sa’yo sa mga nangyayari sa mga taong iyon. Kung ano man ang nangyari sa kanila ay sigurado akong may dahilan. Isa ka lamang tulay, pero sila pa rin ang dadaan sa pagmamahalan. Sila pa rin ang may hawak ng sarili nilang puso kaya huwag mong isiping dahil iyon sa nagkamali ka.”

Tipid na napangiti si Pragma habang nakatitig sa mga mata ni Ludus. Ang ilang taong lungkot na nararamdaman niya ay parang nabigyan ng kagaanan dahil sa mga sinabi nito. Ito pa lang ang nakilala niyang labis niyang inayawan sa unang pagtatagpo pa lang ng mga mata nila, pero hindi niya alam na ito pa ang makakapagbigay ng gaan sa puso niya nang ganoong kabilis.

Ramdam niya ang malakas na tibok ng kanyang puso, lalo na ng hawakan ni Ludus ang kanyang kamay.

“Mukhang naging misyon tayo ng mahal na pinuno,” ani Ludus na simula noong unang beses na magtagpo ang mga mata nila ni Pragma ay nakakaramdam ng kakaibang tibok sa kanyang puso.

Sabay na napangiti ang dalawa. Alam nilang natamaan sila ng pana ni Storge. Magkahawak kamay nilang nilingon ang dalawang taong magkayakap na ngayon.

Muling tiningala ni Pragma si Ludus. Hindi niya akalaing ang pagbaba niya sa pwesto ang magiging tulay ng minamahal niya papunta sa kanya.

***

PASALAMPAK na naupo si Agape sa kanyang higaan. Hindi maipinta ang kanyang mukha. Naiinis pa rin siya kapag naaalala ang sinabi kanina ni Pinunong Ludus.

“Kinakailangan mong sanayin ang papalit sa’yo,” anito pero hindi roon kumulo ang dugo niya kung ‘di sa... “Mag-ingat ka, matinik iyon sa babae.” Malakas itong tumawa.

Kahit kailan ay napakapilyo ng pinuno niyang iyon. Hindi niya tuloy malaman kung ano’ng nakita rito ng kasintahan nitong si Pragma.

Tumayo siya nang makarinig ng katok sa pinto ng kanyang kwarto. Nang sabihin ni Ludus na matinik sa babae ang papalit sa kanya ay naisip niya agad ang gwapong lalaki, ngunit ang napagbuksan niya ay napakagandang babae. Ngayon ay alam niya na ang ibig sabihin ng kanyang pinuno.

“Ikaw ba si Agape?” nakangiti at mahinhin nitong tanong.

Isang beses siyang tumango. “Ako nga.”

Yumukod ito. Nakangiti pa rin nang mag-angat ng ulo. “Ako si Philia. Pinapunta ako rito ni Pinunong Ludus.”

“Ikaw ang papalit sa akin?”

“Ako nga.”

Lumabas si Agape at isinara ang pinto. Sabay silang naglakad palabas ng Cupid’s Mansion habang ipinapaliwanag kay Philia ang dapat gawin.

“Ngayon alam ko na ang kahalagahan ng pana nating mga Kupido.”

Tanging tipid na tango ang naisagot ni Agape bago ibinalik ang tingin sa unahan. Wala sa sariling napahawak siya sa kanyang kaliwang dibdib. Nabibingi siya sa lakas ng kabog niyon. Ginawa na niya ang misyon para mawala sa isip ang nararamdaman.

Hindi mahirap turuan si Philia dahil nakikinig ito nang maayos. Naging mahirap lang para kay Agape ang pag-eensayo nila dahil sa kakaibang tibok ng puso niya na naging mahirap balewalain noong mga sumunod na araw.

Para siyang nahihipnotismo kapag nakikita ang ngiti ni Philia. Kapag nagsasalita ito ay natutula siya at parang gusto na lamang niyang umupo sa isang tabi at pakinggan ito magdamag. Alam niya ang nararamdaman pero natatakot siya sa kahahantungan niyon lalo pa’t mabilis ‘yong dumating sa puso niya.

Naging malapit sila ni Philia sa loob ng tatlong linggong pag-eensayo. Itinuring siya nitong kaibigan at ganoon din siya rito. Alam niyang sa saglit na panahon ay nahawakan na nito ang puso niya. Lalo siyang nahulog dito nang makita kung paano ito mag-alaga ng isang kaibigan.

Ganoong kamisteryoso ang pag-ibig. Kahit simpleng ngiti ay mahuhulog ka. At minsan ay ganoon ding kamisteryoso manakit ang pag-ibig dahil sa simpleng ngiti ay kaya kang saktan niyon.

Bago tuluyang bumaba sa pwesto naisip ni Agape na magtapat kay Philia. Inipon niya nang ilang araw ang lakas ng loob para magawa iyon. Nang buo na ang loob ay nagtungo siya sa silid nito.

“Oh, Agape, naparito ka?” nakangiting ani Philia.

“Magandang gabi,” bati niya rito.

Mahinang natawa si Philia sa kaseryosohan ng mukha ni Agape. “Napakapormal mo naman.” Binuksan niya nang maayos ang pinto. “Pasok ka.”

“Hindi. Hindi na,” umiiling na ani Agape. “May kailangan lang sana akong sabihin.”

“Ano ‘yon? Tungkol ba sa pag-eensayo?”

“Hindi tungkol doon,” umiiling na anito.

Nakaramdam ng pagtataka si Philia lalo pa’t nakikita niya ang pagiging balisa ni Agape. “Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong niya.

Tumango siya habang nakatitig sa mga mata ni Philia. Ikinuyom niya ang mga kamay bago nagsalita, “May gusto sana akong ipagtapat.”

“Ano ‘yon, Agape?”

Tumungo siya at nagbuga ng hangin. Ilang ulit niyang ginawa iyon bago pa makayanan na bigkasin ang mga salitang dapat sabihin. “Gusto kita, Philia,” aniya habang nakatitig sa sahig.

Mariin siyang pumikit. Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay wala siyang narinig na sagot mula kay Philia. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin dito. Nakita niya ang lungkot sa mga mata nito. Doon pa lang kumirot na ang puso niya.

“Philia,” mahinang tawag niya rito. Gusto niyang marinig na magsalita ito dahil takot ang ibinibigay sa kanya ng pananahimik nito.

Nagbuga ng hangin si Philia. Aaminin niyang nagulat siya sa ipinagtapat ng kaibigan. Ayaw niyang saktan ito pero sa sagot na ibibigay niya ay mukhang hindi iyon maiiwasan.

“Magkaibigan tayo, Agape. Ayokong saktan ka pero...” Napatungo si Philia. “May minamahal na ako.”

Bahagyang bumuka ang bibig ni Agape at ilang ulit na napakurap. Pumatak ang luha sa kanyang mga mata. Inaasahan niyang tatanggihan nito ang nararamdaman niya dahil magkaibigan sila o dahil pareho sila ng kasarian, pero hindi niya inaasahang ang maririnig niya.

“Masaya akong naging kaibigan ka, sana ay hindi maputol iyon, Agape,” ani Philia na nananatiling nakatungo. Ayaw niyang makita ang pagkabigo sa itsura ng kaibigan.

Nasasaktan at pakiramdam niya pinupunit ang puso ni Agape. Sa ilang dekadang pagiging Kupido hindi lang isang libong beses siyang nakakita ng umiiyak dahil sa pag-ibig. Ramdam niya ang labis na pagmamahal sa mga taong pinaglalapit nila ng kanyang pana. Pero ni minsan hindi niya naramdaman ang sakit sa mga taong nakikita niyang nasasawi sa pag-ibig. Ngayong nararamdaman niya iyon gusto niyang humiling na sana lahat ng nasasawi ay maghilom agad ang mga puso.

Hindi niya alam kung paano nagtapos ang pag-uusap nila ni Philia. Nakita na lamang niya ang sarili sa labas ng templo ng pinuno nila. Mag-isang umiiyak dahil sa unang beses na umibig. Nabigo sa pag-ibig.

Naalala niya ang sinabi ni Ludus limang dekada na ang nakakaraan. Noong mga panahong ito ang nag-eensayo sa kanya.

“Nagmamahal ang mga tao kahit alam nilang maaari silang masaktan. Dahil ang pagmamahal ay hindi nila kayang pigilan. Mararamdaman at mararamdaman nila iyon kahit sabihin nilang ayaw na nilang magmahal. Kahit may takot na sa puso nila. Ganoong kalakas ang salitang pag-ibig. Ayawan mo man pilit susuksok sa puso mo.”

Ngayon, masasabi niyang totoo ngang ang pag-ibig ay hindi puro saya, madalas ay labis na pighati ang dala nito sa puso ng tao.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top