Philip (Part 3)


Hindi ako mapakali. Tumawag na ako sa baranggay para humingi ng tulong. Nakita ko siya sa ibaba, doon sa kanto ng sementong harang sa tubig. Inaanod ang katawan niya pero nahaharang ng bato. Hindi ako makababa roon. Masyadong malakas ang agos, hindi ko kakayaning mag-isa.

May katagalang dumating ang rumesponde. Shuttle lang ng purok leader ang nakita ko at ang iba, ilang mga tao ng baranggay. Nagtulong-tulong sila para kunin ang katawan ni Stella na bumabangga sa semento ng riprap.

Sabi ng purok, dadalhin daw nila sa ospital sa kabilang baranggay. Wala na akong pakialam kahit basang-basa na ako ng ulan, sumakay ako sa Hilux at sumunod sa shuttle na papunta sa ospital kung saan nagtatrabaho si Kuya Pat.

Tumawag na raw ng emergency, sabi ng purok leader. Pagbaba ko ng sasakyan, nailipat na sa stretcher si Stella at dinala sa emergency room.

Sumunod naman agad ako pero hinarang ako ng nurse. Maghintay na lang daw muna sa labas. Tatawagin na lang kapag kailangang kausapin ang guardian.

Pero wala nang ibang guardian si Stella. Kamamatay lang ng papa niya na hindi ko alam na buhay pa pala bago niya ibalitang wala na. Hindi ko rin alam kung may pakialam ba sa kanya ang mga kamag-anak niya. Hindi ko alam kung sino ang tatawagan.

May mga pinapirmahan at form na ibinigay ang nurse. Paikot-ikot lang ako sa operating room kung sana nila inilipat si Stella para gamutin.

Kinakabahan ako habang tumatagal. Sinasalubong na ng katawan ko ang patak ng tubig sa buhok at damit ko kada lakad ko sa hallway.

"Bakit . . . bakit kasi . . ." Nakagat ko ang kuko ko habang iniisip ang oras. Wala pang alas-nuwebe. Nakapaghatid pa ako ng ulam kaninang tanghali. Hindi ba binigay ng kapitbahay niya? Bakit nagnakaw yung pusa niya, hindi ba niya napakain? Pero palagi naman niyang pinakakain 'yon. Mas malusog pa nga 'yon kaysa sa kanya.

Siguro, kung maaga lang akong nakapunta, hindi siya makakatalon.

"Dapat inagahan ko e. Dapat binilisan ko e. Dapat hindi ko siya iniwan . . ."

"PJ."

Napalingon agad ako sa kanan nang may tumawag sa pangalan ko.

"Kuya?" Mabilis akong lumapit sa kanya. "Kuya! Ayos na si Stella?" Kinuyom ko agad ang kulay berdeng uniporme niya.

"Kritikal ang lagay niya. Maraming tubig ang nakapasok sa baga. Kailangan nang tawagan ang kamag-anak bago ituloy ang operasyon."

"Kuya, mabubuhay pa ba siya?"

"Kung lalaban siya para sa buhay niya, wala namang imposible. Ipagdasal na lang natin ang pagbuti ng lagay niya." Tinapik niya ako sa balikat. "Kumalma ka lang, tatawag muna ako sa nurse station."

Lalo akong nanghina sa sinabi ni Kuya.

"Kung lalaban siya para sa buhay niya, wala namang imposible."

Pero si Stella na mismo ang may ayaw sa buhay niya.

Ano'ng gagawin ko?



****



Ang hirap naman ng ganitong sitwasyon.

Paano ko nga ba ililigtas ang isang tao sa sarili niya? Kaya ko bang gawin 'yon? Na kahit mukhang huli na?

Para ko na ring sinabing buhayin ko ang matagal nang patay.

Umuwi ako sa bahay na nanlalagkit. Natuyo na lang ako sa lamig ng air con sa ospital. Sabi ni Kuya Pat, tatawag daw siya kapag may improvement na sa pasyente niya. Sana nga, may improvement.

Pagkatapos kong maligo, saka ko lang napansin na pasikat na pala ang araw paglingon ko sa bintana habang nagpupunas ako ng buhok.

Naabutan na ako ng umaga, wala pa akong tulog. Buhay na buhay pa ang diwa ko.

Pag-upo ko sa kama, nahagip agad ng tingin ko ang pocket watch sa side table. Hindi na talaga nagpakita ang nagbigay nitong orasan. Hindi ko rin naman masabi na mamahalin kasi luma na. Hindi ko rin mabebenta kasi hindi rin naman gumagana.

Kinuha ko ang pocket watch at tinitigan iyong mabuti. Pinindot ko ang itaas n'on at bumukas iyon saka ko nakita ang loob.

Wala namang kakaiba. Mas mahal pa ngang tingnan yung Rolex ko kaysa rito.

"Isipin mo kung kailan mo gustong bumalik. Isipin mo ang dahilan kung bakit ka nga ba babalik. Pihitin mo ang orasan at itapat sa ikalabindalawa. Ibabalik ka n'on sa panahon ng iyong pakay."

Natawa ako nang mahina. Bakit kaya may mga ganoong tao? Ano kayang topak sa buhay ng mga 'yon?

Wala naman akong dahilan para bumalik kahit pa mauso na ang time machine. Ang saya ng buhay ko, at tama nang napagdaanan ko 'yon kahit minsan. Hindi na masaya kung uulitin ko pa. Pero kung sakali mang posible, gusto kong bumalik sa araw na una kong nakita si Stella.

Siguro kung noong unang araw na iyon, nabigyan ko na siya ng dahilan para maging masaya sa buhay niya, hindi siguro siya magpapakamatay ngayon.

E di sana masaya siya.

Sana safe siya.

Sana hindi siya nag-aagaw-buhay ngayon dahil lang sawang-sawa na siya sa buhay niya bilang siya.

Pinihit ko ang orasan hanggang matapat sa twelve ang parehong kamay. Pinindot ko ang itaas, in case lang na hindi pala naka-set kaya hindi umaandar. Kaso kahit i-reset ko, wala e. Steady pa rin.

Ang alam ko, may kakilala si Kiko na watch repair sa simbahan. Kung mura lang ang pagawa, puwede kong magamit ito.

"Kiko!" Maaga ang gising n'on kasi may delivery ng bigas ngayong araw. Malamang gising na 'yon para bumili ng pandesal sa bakery. "Kiko, di ba, may kakilala kang . . . Diyos ko, nasaan ako?"

Pagbukas na pagbukas ko ng pinto ng kuwarto, napunta agad ako sa isang maruming paligid. May mga ginibang parte pa ng bahay kaliwa't kanan.

"Kiko?" Pagtingin ko sa likod, pati ang pinto ng kuwarto ko, nawala na. "Shit. Nasaan ako?"

Dali-dali akong naglakad papuntang kalsada sa harapan. Tumingala ako saka sumimangot. Ang taas na ng araw.

Madaling-araw pa lang, a?

"Tinay? Kiko?" Nilakad ko ang kahabaan ng kalsada. Pamilyar ang daan. Pero hindi ko matandaan kung saan ako eksaktong naroon. "Kuya Pat?"

Palingon-lingon ako sa paligid. Lumiko agad ako sa kaliwa ng crossing.

"Kiko—hwoy!" Sinalo ko agad ang nabunggo ko. "Sorry! Sorry po! Sorry po!"

Itinayo ko siya nang maayos at nakita kong nanlalaki ang mata niyang nakatingin sa akin habang puyos-puyos niya ng dibdib. Pagbaba ko ng tingin doon, may hawak siyang maliit na bagay. Pagbalik ko ng tingin sa mukha niya . . .

"Oh my God!" Mabilis ko siyang binitiwan habang gulat na gulat din ako nang makita siya. Nasapo ko agad ang bibig ko habang pinanlalakihan siya ng mata.

Tiningnan ko ang kabuuan niya. Ang haba ng buhok niya, nakakapanibago. At ang dami niyang . . . hairclips? At headband? At Sanrio? At butterflies?

Hindi kaya nagkakamali lang ako. Baka kamukha lang niya. Malusog din e. Baka nga kamukha.

"Sorry," sabi ko ulit.

"Sorry din po, Kuya," sabi niya habang nagba-bow.

Ang lambing ng boses, hindi nga siya. Walang buhay ang boses ni—

"Stella!"

"Opo, Ma! Saglit po!" Mabilis siyang tumakbo palampas sa akin.

Stella?

Matulin akong napalingon sa direksiyon na pinuntahan niya.

Si Stella? Siya?

"Hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo, nakakabunggo ka pa. Tigilan mo na 'yang kase-cellphone mo, ha. Ilalaga ko na 'yan, ipapainom ko ang sabaw sa 'yo."

"Kausap ko si Belle, Ma! Ano ba 'yan? Mag-e-enroll din daw sila ngayon. Sabi ko, kita na lang kami sa CNJ."

"CNJ?" Shit! Taga-CNJ siya?

Sinundan ko agad sila at tama nga ang narinig ko. Bumalik lang ako sa pinanggalingan ko kanina. Liko lang sa kanan n'on, yung dati ko nang school noong high school ako.

Nasaan ako? Kailan 'to?

Nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang tarpaulin sa labas.

Enrollment now going on.

For school year . . . shit. 17 years ago? Trese pa lang ako n'on, a!

Papasok pa lang ako ng gate para sumunod sa loob nang may humatak agad sa braso ko.

"Kuya Pat! Sabi ko, mag-text ka e!"

Halos lumuwa ang mata ko nang makita ko ang maliit na batang lalaking humatak sa braso ko.

Ako 'to, a! Ang liit ko naman!

Tumayo pa ako sa tabi niya at sinukat ang taas niya. Hanggang dibdib ko lang!

Hindi pa yata ako tuli nito.

Buti, mas guwapo na ako ngayon. Pero cute naman pala ako noong bata ako.

"Ba't di ka nag-text? I-enroll mo na 'ko! Sina Tom-tom, naka-enroll na! 'Pag ako, na-late ng enroll, susumbong talaga kita kay Mami."

"Ano'ng tawag mo sa 'kin?" tanong ko pa habang nakasimangot sa kanya.

"Kuya Pat naman e! Tara na kasi! Mamaya na yung gelpren mo, di naman kayo magbe-break n'on agad!"

Natutulala ako habang hinahatak ako ng . . . sarili ko?

Nananaginip ba 'ko? Ang wild ko namang managinip.

Di kaya gawa 'to ng puyat? Wala pa akong tulog.

Pumasok na kami sa loob. Tinangay ako ng batang ako sa admin office para nga raw mag-enroll.

Nakita roon ang mama ni Stella. Medyo bata pa. Hinanap ko siya pero wala siya sa loob. Sumilip ako sa labas at nakita kong naroon sa may puno ng makopa, may kausap sa phone.

Hinatak ko agad itong batang ako saka siya binulungan.

"Hoy, ikaw, tara dito."

Nakasilip kami sa glass door at itinuro ko agad si Stella na naroon sa ilalim ng puno at nakangiti.

Napapangiti na lang din ako. Maganda naman pala siya kapag ngumiti, pero bakit hindi niya magawa?

"Bakit, Kuya?"

"Nakita mo 'yon?"

"Yung babae?"

"Oo. Kilala mo?"

Umiling agad siya. "Hindi. Bakit, Kuya, kilala mo?"

"Oo. Ganito, kausapin mo. Magpakilala ka. Sabihin mo, gusto mong makipagkaibigan."

"Ha?" Kunot-noo akong tiningnan ng katabi kong bata. "Bakit?"

Tinampal ko agad siya sa noo. "Huwag ka nang magtanong, basta makinig ka na lang."

"Kuya, ba't nawala yung nunal mo sa mata?"

Napahawak agad ako sa mata ko. Wala naman akong nunal sa mata a.

Ay, shit! Si Kuya Pat, meron nga pala!

"Na-relocate sa batok, huwag ka nang mausisa!" Pinaharap ko ulit siya sa direksiyon ni Stella. "Basta ang gawin mo, sabihin mo sa kanya, gusto mong makipag-friends. At dapat pumayag siya."

"Paano kung hindi?"

"Pilitin mo! Kapag hindi, may konyat ka sa 'kin."

"Kuya, break na kayo ng gelpren mo? Bilis mo naman, may kapalit agad! Turuan mo naman ako niyan!"

Tinampal ko ulit siya sa noo. "Anong tuturuan? Konyat, gusto mo?"

"Kuya, susumbong na talaga kita kay Mami!" reklamo niya habang hawak ang noo.

"Sumbong ka pa, patay na si Mami."

Ay, sandali. Buhay pa pala si Mami ngayon!

"Susumbong kita talaga kay Mami, sasabihin ko, sinabi mo 'yan."

Tinampal ko ulit siya sa noo. "Ungas. Sumbong ka, sino'ng tinakot mo?" Tumayo na ako nang deretso at humawak sa handle bar ng glass door. "Pupuntahan ko, tapos kausapin mo, ha?"

"Bahala ka diyan, Kuya Pat. Nahihiya ako."

"Huwag kang mahiya, wala ka n'on." Binuksan ko na agad ang glass door at nilingon pa siya. "Kakausapin mo, ha?"

Pagtapak ko sa labas, napatingin-tingin agad ako sa paligid.

"O . . . kay?" nagtataka kong bulong.

"Kuya, pumunta ka raw kagabi sa ospital."

Napatingin ako sa kaliwa at nakita si Kiko na may dalang paper bag.

Hindi agad ako nakasagot. Nakanganga lang ako habang sinusundan ng tingin si Kiko na may dala-dalang pandesal.

Nag-sleepwalk ba 'ko?

Napatingin ako sa hawak ko. Nasa akin pa rin ang pocket watch. At umatras iyon papuntang eleven.

"Ano'ng oras na?" tanong ko kay Kiko.

"Alas-singko y medya na, Kuya. Mamaya pa yung deliver ng bigas, kakausapin mo ba ang pahinante?"

Umiling lang ako. "Hindi. Ikaw muna ang umasikaso. Patulong ka kay Tinay. May pupuntahan lang ako."


*****

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top