Philip (Part 2)


Pangit nga raw ang taste ko sa babae, sabi ni Tinay. Obssessed na raw ako sa babaeng iyon. Pero more of concern din ang dahilan kaya palagi ko siyang kinakausap. Hindi naman siguro iyon obssession na talagang hinahabol ko siya at kabisado ko ang schedule niya. Pansinin kasi talaga ang lungkot niya. At ang bigat lang sa pakiramdam na kapag tinitingnan ko siya, iwas ang mundo sa kanya.

Nakakaawa na nakalulungkot—na paano kung ako ang nasa ganoong kalagayan? Na ganoon na nga, tapos wala pang may pakialam sa akin? Kung non-existent ako sa mundo, paano ko pa masasabing may saysay ang buhay ko? Na kung sa bawat araw na dumaraan, parang humihinga na lang ako para masabing buhay pa pala ako. Pero walang may pakialam kung buhay nga ba talaga ako.

Obssession na ba kapag ang katwiran ko ay gusto ko lang iparamdam sa kanya na hindi siya mag-isa sa mundo kahit parang wala nang mundong may pakialam sa kanya? Na kahit ilang beses niya akong ipagtabuyan, titiyagain kong kausapin siya kasi gusto kong maisip niya na may taong concern sa kanya. Kahit bilang kaibigan na lang. O bilang kakilala.

Gaya ng hiling niya, dinala ko siya sementeryo. Alas-kuwatro na ng hapon, naabutan pa naming ibinababa ang kabaong sa lupa. Ang daming nag-iiyakan doon. Okupado ng mga taong nakaputi at itim ang isang parte ng sementeryo—malamang kamag-anak ng kasama ko. Naroon lang kami sa dulo, malayo sa kanila. Mainit at gusto ko na sanang sumilong sa may lilim ng puno sa kabilang kanto ng block kung nasaan kami, pero maiiwan ko kasi siya.

Yung karton ng gatas na pamaypay ko sana, pinampandong ko na lang sa ulo niya. Kamay ko na lang ang pinampandong ko sa ulo.

Gusto ko siyang umiyak, sa totoo lang. Yung hagulhol. Yung nagwawala. Yung naglulupasay. Kasi sa ganoong paraan, mararamdaman kong nasasaktan nga siya. Kaysa ganitong tutulala lang siya sa naglilibing habang tahimik na naghihintay matapos ang seremonya.

Mabigat sa damdamin ang ganitong eksenang may nag-iiyakan sa harapan ko, pero wala na yatang mas bibigat pa sa ginagawa nitong katabi ko. Sa dami ng paraan para ipakitang nagluluksa siya, mas pinili na lang niyang manahimik.

Ayoko ng ganoon. Na iipunin sa loob. Kasi kapag umapaw iyon, ang daming puwedeng mangyari.

"Puwede kang umiyak," alok ko. Tinapik ko pa ang balikat ko para sabihing libre iyon kung kailangan niya ng shoulder to cry on.

Pero wala e. Hindi natinag. Natapos ang seremonya at naubos ang tao pagsapit ng alas-singko. Pakiramdam ko, natusta ako sa init ng araw. Mahigit isang oras din kaming nakatayo at nanonood. Gumalaw lang siya noong nag-alisan na ang lahat at lumapit doon sa bagong tabon na lupa kung saan inilibing ang papa niya.

Hindi na ako nagtangkang lumapit. Dumoon na lang ako sa lilim na malapit sa Hilux para hintayin siya.

"May mga bagay tayong pinagsisisihan sa buhay, hindi ba?"

Napatingin agad ako sa kanang gilid dahil doon sa nagsalita. Hinagod ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Naka-amerikana, naka-itim. Baka kasama sa nakilamay kanina. Mukhang mas bata lang sa akin nang kaunti.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa nakaraan, ano ang gagawin mo?"

Saglit ko siyang sinulyapan bago ilipat ang tingin sa tinatanaw niya—doon sa kasama ko kanina pa.

"Wala, siyempre," puno ng kumpiyansa kong sagot. "Kapag nabago ko ang past ko, e di wala ako ngayon dito. Sayang achievements ko e." Tiningnan ko ulit siya. "Bakit mo pala naitanong?"

Embes na sumagot, iniladlad niya sa harapan ko ang isang pocket watch. Mukhang luma na. May mga number sa casing at kita rin ang loob. Pero naka-steady lang ang kamay ng relos.

"Anong meron diyan, p're?" tanong ko na lang nang tantiyahin siya ng tingin.

"Lahat tayo ay may pinagsisisihan. Mga panahong gustong ibalik. Mga pagkakataong nais baguhin." Akma niyang ilalaglag ang relos kaya sinalo ko agad bago pa mahulog.

"Ano 'to, huy?" sabi ko agad habang palipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa hawak ko.

"Isipin mo kung kailan mo gustong bumalik. Isipin mo ang dahilan kung bakit ka nga ba babalik. Pihitin mo ang orasan at itapat sa ikalabindalawa. Ibabalik ka n'on sa panahon ng iyong pakay."

"Ha?" Kumunot agad ang noo ko. "P're, naghihintay sa akin yung kasama ko—"

"Hindi ka ibabalik ng orasan hangga't hindi mo natatapos ang dahilan ng iyong pagbalik. Magtatagal iyon ng isang oras, isang araw, isang buwan, o kahit isang buong taon."

"Wala akong balak balikan at wala rin akong balak pumatol sa joke mo. Kung prank 'to, please, ayoko ng camera. Private akong tao. Respeto naman, nasa sementeryo tayo, o."

"Labindalawang oras, labindalawang pagkakataon. Sa iyong pagbalik, piliin mo ang tamang panahon. Ibabalik ka lang ng oras sa ganitong taon oras na matapos mo ang dahilan ng pagpunta roon."

Ang angas talaga, ngayon pa ako natiyempuhan. Tiningnan ko ang pocket watch. E kahit isangla ko ito, walang bibili rito e. "P're, alam mo—"

Hindi ko na natapos pa ang sinasabi ko. Nawala na kasi siya. Hala ka.

"Ano'ng gagawin ko rito?" tanong ko pa sa hawak ko.



***



Concern naman ako sa lahat ng kaibigan ko. Kapag may problema sila, one call away lang ako. At tatlong araw ko rin siyang binantayan para lang malaman kung okay lang ba siya. Kahit pa hindi kaibigan ang tingin niya sa akin, ayos lang. Kahit isang tao na lang na may pakialam sa kanya.

Sa tatlong araw na iyon, wala akong nakitang dumalaw sa kanya. Wala akong nakitang nagtanong kung ayos lang ba siya kasi namatayan siya ng tatay. Malay ko kung may nag-text o tumawag para sabihing magiging okay lang ang lahat para sa kanya.

Naaawa ako.

Parang mas masuwerte pa yung mga nasa sementeryo. Nadadalhan kahit paano ng bulaklak, napagtitirikan pa ng kandila.

Dinadalhan ko siya ng ulam sa tatlong araw na iyon. Pinalayas nga ako noong ikatlong araw. Sabi pa niya, huwag na akong babalik ulit. Ayaw na niya akong makita kahit na kailan.

Masakit siyempre. Para akong na-busted. Pero hindi ko tinanggap. Hindi naman dahil sa bitter ako na pinagtabuyan na naman ako. Mahigit isang taon na niya kasi akong pinagtatabuyan, kung hindi ba naman ako masanay. Pero wrong timing kasi.

Mas kailangan niya ng karamay sa ganitong panahon.

Pero nirerespeto ko naman ang personal space niya. Sa ikaapat na araw, hindi na ako pumunta. Pero dumaan ako sa tapat ng bahay nila. Tiningnan ko kung okay lang siya roon.

Mukha namang okay siya kasi nakakarinig ako ng tugtog sa second floor.

Ipinasusuyo ko na lang sa katapat nilang bahay na ibigay sa kanya ang mga ulam na dala ko. Kasi kung ako ang magbibigay, baka hindi tanggapin. At least, sa kapitbahay, maisip pa niyang may pakialam din sa kanya kahit mukhang wala.

Ilang araw na rin. Isang linggo na nga halos mula nang malaman kong patay na ang papa niya. Dumadaan ako sa kanila at tingin ko, ayos lang siya. Pero isang gabi, ang lakas ng kabog ng dibdib ko nang tumawag siya sa store habang nagi-inventory ako ng items.

Hindi siya tumatawag nang gabi. Inisip ko nga, baka ubos na yung gasul. Pero nagdadala naman ako ng dinner sa kanya kaya paanong mauubos?

"Malakas ba ang ulan diyan?" Mababa ang boses niya nang magtanong.

Malay ko na kung ano pa ang dahilan ng kabog ng dibdib ko. Kung dahil narinig ko ang boses niya makalipas ang ilang araw o dahil alam kong may iba pa siyang pakay na wala akong ideya.

Tumingin ako sa labas ng store. "Malakas. Bakit pala? Wala kang payong? Lalabas ka ba? Gusto mong sunduin kita?"

"Wala akong payong."

"Ah, sige, ganito—" Kabababa ko pa lang ng clipboard na hawak ko nang putulin niya ang sinasabi ko.

"Wala akong nabiling pagkain ni Miminggay."

"Oh! Gusto mong bumili ako? Saglit." Kinuha ko agad ang wallet ko sa drawer para pumunta sa bilihan ng feeds.

"Nagnakaw ng ulam sa kabila."

Natigilan ako at kumunot ang noo. Ano ngayon kung nagnakaw ng ulam? E di bilhan para hindi magnakaw.

"Pupunta ako sa tulay," sabi niya.

"Sabi mo, wala kang payong. Susunduin na lang kita tapos bibilhan natin ng pagkain si Miminggay."

"Patay na siya. Pinalo sa ulo, iniwan sa tapat ng gate."

Napasinghap ako at napasapo sa bibig dahil sa gulat.

"Diyos ko, bakit?" Biglang bumigat ang pakiramdam ko sa balita niya.

"Itatapon ko na lang siya sa tulay. Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa 'kin. Hindi ko malilimutan ang lahat ng 'yon. Sana sa susunod na pagkikita natin, hindi na ako ganito. Ayoko na ng buhay ko."

"Saglit, Stella—"

Dumoble ang lakas ng kalabog ng dibdib ko nang ibaba niya ang tawag. "Kiko, bantayan mo muna 'tong mart!" malakas na utos ko. Halos liparin ko ang parking lot ng mart dala ang dalawang payong.

Ayoko ng ganoong tono niya.

Na magpapasalamat siya nang ganitong oras, sa ganitong pagkakataon.

Kahit huwag na siyang magpasalamat, kahit huwag na niya akong kausapin kahit na kailan, basta huwag lang niyang gagawin ang iniisip kong plano niya.

Nahihirapan akong lumunok habang nasa biyahe. Pinipigilan kong kumalma kahit na pangiliran na ako ng luha sa mata. Nanunuyo ang labi ko. Ilang beses kong binulong na "Huwag naman sana."

Pagdating ko sa may tulay, naabutan ko pa siya.

"Stella!" sigaw ko nang makita siya sa itaas ng harang.

Diyos ko, bakit naman ganito?!

Mabilis kong kinuha ang payong sa kabilang upuan habang tinatawag siya.

"Stella, huwag kang tatalon!"

Hindi ko maiuurong ang sasakyan hanggang sa may tulay dahil maulan. Tinakbo ko na lang ang kalsada pababa.

"Stella!"

Kahit ayokong umiyak, naluha na lang ako habang tinatawag ang pangalan niya.

"Stella, sandali lang!"

Natigilan ako sa pagtakbo nang bigla siyang tumalon.

"Hindi . . ." Napailing ako. "Hindi. Hindi puwede." Tinakbo ko na ang harang kung saan siya galing. "Stella, hindi!"

Nasaan na siya?

Nasaan na?

Ang lakas ng agos ng tubig! Nasaan na siya!

Tumawid ako sa kabila, baka sakaling hindi pa siya naaanod.

Masyadong madilim, hindi ko na siya makita!

"Stella!" Tinakbo ko na ang patawid sa tulay para bumaba.

Baka hindi pa siya naaanod. Baka naroon lang siya sa ilalim.

Nabitiwan ko na ang payong ko para makatakbo ako nang maayos.

Sana ligtas pa siya. Sana buhay pa siya. Sana hindi pa siya nakakalayo.

Dapat pala umaalis na agad ako nang maaga. Dapat pala pinuntahan ko siya kaninang maaraw pa. E di sana walang ganito. Sana hindi umabot sa ganito.

"Stella!"


----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top