Philip (Part 1)
This is a short prequel.
----
Naroon na naman siya sa may tulay. Nakatulala sa tubig. May pila naman pero mukhang nagpapahangin ulit. Mag-iisang taon ko na siyang napapansin doon. Siguro, may kalahating oras siyang tititig sa ibaba, bubuntonghininga, saka lang sasakay sa tricycle sa katabing terminal.
Wala naman akong makitang kakaiba sa ibaba ng tulay para titigan. Kahit anong hanap ko ng interesanteng bagay roon, wala akong mahagilap.
Basta, naroon siya, tutulala, saka aalis.
Madalas ko siyang makitang bumibili sa mart. Noodles o kaya de-lata. Hindi naman sa nagpapaka-stalker sa kanya, pero pansinin kasi siya.
O hindi naman talaga pansinin kasi ako lang ang pumapansin. Para kasing nakita ko na siya dati.
Walang pumapansin sa kanya maliban kung kakausapin niya. Ang lungkot ng mga mata, walang buhay. Teacher siya sa malapit na school sa bahay, pero hindi ko siya nakitang sumama sa ibang teacher doon.
Kabisado ko na nga ang schedule niya.
Alas-tres ng hapon kada Sabado, dadaan siya sa mart. Makakasalubong ko pa kapag pauwi ako galing sa kabilang store. Mamimili siya ng instant na pagkain o di kaya ilang personal na gamit. Maglalakad hanggang sa tulay na ilang metro ang layo sa mart. Tatambay roon nang kalahating oras. Tapos sasakay na sa tricycle na dumadaan sa Evergreen. Kada huling linggo ng buwan, tatawag siya para um-order ng gasul sa mart. Magde-deliver ako sa bahay nila. Babalik ulit sa nakasanayan.
Ang boring. Iniisip ko pa lang, ang boring na.
Naaawa ako. Kasi hindi ko makita ang sarili ko na mamumuhay nang ganoon. Na nililimitan ang sarili ko sa mga bagay na dapat nagpapasaya sana sa akin. Ayoko ng ganoon. Na parang tinatanggalan ko ang sarili ko ng karapatang maging masaya.
Nakikita ko siya, madalas. Pansinin kasi talaga siya. Maikli ang buhok. Gupit na nga ng lalaki. Malinis sa batok at nahahati na lang sa gitna ang hati. Lumampas lang nang kaunti sa tainga. Akala ko nga, tomboy, pero mukha namang hindi. Pambabae naman kasi ang mga sinusuot niya kadalasan.
Pansinin ang malungkot niyang mata. Maganda naman ang kulay—tsokolate na matingkad. Pero kapag tinitingnan ko siya, parang araw-araw siyang namamatayan. Parating balisa, parating walang buhay.
Ang payat niya. Kasinlapad lang yata ng braso niya ang lalagyanan ko ng salamin sa mata. Kapag nakikita ko siya, kung existing ang depression personified, puwede na siyang kandidata.
Sinubukan ko siyang kausapin—sinusubukan ko—pero hindi niya ako sinasagot. Ilang buwan. Ilang buwan din iyon. Pakiramdam ko nga, ang creepy ko na kasi talagang inaabangan ko pa siya sa tulay base sa alam kong schedule niya. At palagi ko rin naman siyang naaabutan doon. Gaya ngayon.
"Ang tagal naman ng tricycle!" parinig ko habang nagpapaypay ng mukha gamit ang isang pahina ng diyaryo.
Lumingon siya sa direksiyon ko, sunod sa likuran ko, bago ibinalik ang tingin sa akin. "May tricycle na."
Nilingon ko agad ang likod at nakitang may nagtutulak ng tricycle niya palapit sa terminal.
Shit.
"Ha? A, hindi 'yan yung suki kong tricycle. Kaskasero 'yan e." Pilit akong tumawa saka ngumiwi. Panira naman ng timing si Kuya Driver—kung sino man iyon.
Tumabi agad ako sa puwesto niya sa gitna ng tulay, sa lilim ng mga dahon ng santol. Tumingin din ako sa tinitingnan niya. Tuloy-tuloy lang ang agos ng tubig sa creek sa ibaba. Siguro, kung may lumulutang doong patay na katawan, talagang tititig nga ako roon.
"Di ka ba naiinitan?" tanong ko, at pasimple na siyang pinaypayan dahil nakikita kong namamawis na rin siya.
"Ang sabi ko, huwag mo 'kong kakausapin," sabi niya. At mahihiya ang hangin sa pagpaypay ko sa lamig ng pagkakasabi niya n'on sa akin.
Alam ko naman. Matagal na niyang sinabi. Pero kinakabahan kasi ako. Napapraning nga ako kapag walang kumakausap sa akin, siya pa kaya?
"Wala ka bang ibang friend sa school? Alam mo yung kasabihan na 'No man is an island?' Malungkot ang tao kapag wala siyang ibang nakakausap."
"Mukha ba 'kong malungkot?" walang emosyon niyang tugon habang nakatitig sa tubig sa ibaba.
Napalunok ako at ang lalim pa ng pagsagap ko ng hangin dahil sa tanong niya.
Gusto ko nang sagutin ng malaking oo. O hindi naman talaga siya mukhang malungkot. Mukha siyang . . . walang emosyon. Hindi siya masaya, hindi siya malungkot, hindi siya galit—wala.
Para ngang mas malungkot ang walang emosyon kaysa sa pagiging malungkot. Kasi kapag malungkot ang tao, ibig sabihin, may pinaghuhugutan pa rin para maglabas ng saloobin. Siya, wala.
"Nakabili ka na ng pagkain ng pusa mo?" pagbabago ko ng topic at sumilip sa mga plastic bag sa ibaba niya.
"Wala kang pakialam kung kumakain ang pusa ko o hindi."
"Concern lang ako, sobra ka naman sa walang pakialam."
"May sarili kang buhay, iyon ang pakialaman mo."
Dinampot na niya ang mga plastic bag na nasa ibaba at dali-daling pumunta sa nag-iisang tricycle na nasa terminal sa dulo ng tulay.
Gusto ko namang irespeto ang paghingi niya ng personal space, at aware naman akong pakialamero ako, pero hindi kasi ako komportableng nakikita siyang parang multo sa paligid. Walang pumapansin, walang kumakausap, walang lumalapit.
At ayoko ng ganoon.
Na parang humihinga ka na lang, pero hindi ka na nabubuhay talaga.
Pinilit kong kausapin siya kahit na ilang beses na niya akong pinagtatabuyan. Siguro, kung hindi siya ganito na parang parating may problema, hindi ko siya kakausapin.
Alam ko kung nasaan ang bahay niya. Sa address ng mga Daprisia, sa Camia. Patapos na naman ang buwan. Magde-deliver na naman ako ng tangke ng gas. Kabisado ko na ang schedule niya kaya may mga petsa talaga sa isang buwan na sinasabi kong hindi ako libre sa buong araw para lang masagot ang tawag niya. Kapag kasi hindi ako ang nakakasagot, tauhan ko ang nagde-deliver ng gas. E gusto ko siyempre na ako ang mag-deliver para makita ko siya at makausap.
Maganda naman siya. Kahit na ganoon, maganda siya. Kahit sinasabi ng mga kahera ko sa mart na mukha nga raw siyang patay. Siguro, mata lang nila ang may problema. Pero parang ganoon kasi talaga siya. Kaso wala naman ako sa lugar para utusan siyang mag-ayos ng sarili.
"Hi, hello, good morning!" masayang bati ko nang sagutin ang tawag sa telepono. Umayos ako ng pagsandal sa monobloc na nag-iinit na ang upuan dahil tatlong oras na akong naghihintay ng tawag mula sa kanya.
"Pa-deliver ng gas. Sa Ever, Camia."
"Sure, sure, suki! Ay, nga pala—" Hindi ko na natapos ang sinasabi ko kasi binabaan na ako ng tawag. "Okay!" malakas na sabi ko habang pilit na pilit ang ngiti sa phone. "Gas. Sabi ko nga, magde-deliver na. Eto na, tatayo na nga ako."
"Kuya, si Kiko na lang utusan mo! Gas lang naman e," sabi agad ni Tinay nang lingunin ako.
"Ako na," nakangiti kong sagot kay Tinay habang nagtataas-taas ako ng kilay.
"Kuya, sino 'yan? Lapad ng ngiti a."
"Yung suki natin ng noodles." Nagpagpag na ako ng jeans at itinuro ang labas. "Pakisabi kay Kiko, maglabas ng isang tangke. Sabihin mo, yung bago, ha? Ako ang maghahatid."
Ngingiti-ngiti lang si Tinay habang umiiling. "Kuya, ang pangit ng taste mo sa babae."
"Ang bibig, Tinay!" sermon ko agad. Manlalait pa e.
Ganitong araw, talagang nakaayos ako. Magsusuot ng polo, maayos na jeans, magpapabango. Ultimo magsuklay, ginagawa ko na rin kahit na kapag nahanginan sa biyahe, magugulo rin naman. Mas mahaba pa nga ang buhok ko kaysa sa paghahatiran ko ng gasul.
May ginagamit talagang pag-deliver ng gas na three-wheeler sa mart, pero kapag ako ang naghahatid, ginagamit ko yung Hilux.
"Si Kuya, maghahatid lang ng gas sa kabila, magto-Toyota pa."
"Ay, baka nga raw masira ang porma!" malakas na sabi ni Kiko habang sinasakay sa likod ng pickup ang gasul. "Si Tinay, naninira ng diskarte ng Kuyang e."
Pasakay na ako sa sasakyan nang magpasabi ulit. "Kapag may naghanap sa akin, sabihin n'yo, bumalik mamayang hapon."
"Sabihin ko, saka na, may ka-date si Kuya Philip." Biglang ngumisi si Tinay saka nag-peace sign. "Charot lang, Kuya! Ingat ka sa biyahe."
Napailing na lang ako sa sinabi ni Tinay. Mahilig makipagbiruan, palibhasa tinatawanan ko na lang parati ang biro. Linggo naman kaya wala siyang pasok sa school. Pero madalas, kahit nasa kolehiyo na, busy pa rin tuwing Linggo. Mabuti at hindi ganoon kahigpit ang professor ni Tinay kaya may tatao sa cashier habang wala ako.
Hindi naman sobrang layo ng Evergreen sa Cloverfield. Limang minutong biyahe nga lang gamit ang sasakyan. Hindi pa ako nag-iinit sa inuupuan ko, nasa bahay na niya ako.
"Tao po! Delivery ng gas!" sigaw ko mula sa kalawanging gate na hanggang dibdib ko lang ang taas.
"Bukas 'yan," sabi ng boses sa may bintana. At paglingon ko roon, gumagalaw na lang ang kurtina.
Bukas naman daw kaya kinuha ko na ang gasul sa likod ng sasakyan at ang pasalubong ko saka ipinasok sa loob.
Gusto ko siyang dinadalaw sa bahay buwan-buwan. Pero ayoko sa loob ng bahay niya. Para kasing may mabigat na atmosphere sa loob na nakakalungkot sa damdamin kapag nagtagal doon. Hindi ko ma-explain pero nakaka-depress. Walang bukas na ilaw sa araw kaya may-kadiliman sa buong bahay. Maliban kung hahawiin ang mga kurtina, malamang na makakapasok ang liwanag ng araw mula sa labas. Amoy pa ang noodles sa paligid. Malamang katatapos lang niyang mag-almusal. Pero alas-diyes na. Tanghali na nga. Duda ako kung tanghalian iyon. Baka brunch.
"May dala pala ako. Baka hindi ka pa kumakain," sabi ko, at nakangiting inabot sa kanya ang plastic bag na dala ko. May laman iyong lutong ulam—sinigang na bangus saka giniling. Para naman may nakakain siyang iba maliban sa noodles.
Mabuti nga't hindi pa siya nagkakasakit sa bato. Araw-araw naka-instant foods.
"Wala akong pambayad dito," aniya.
"Don't worry, libre ko na 'yan kasi suki ka naman ng mart," sabi ko, at nginitian siya ulit. "Ako naman ang nagluto niyan kaya ayos lang."
Kapag nagde-deliver ako ng gas, ako na rin ang nag-aayos sa kusina para kunin ang dati nang tangke na ubos na ang laman para ibalik sa mart.
Sabi nga ni Tinay, bakit nga naman daw ang owner ng mart ang gumagawa n'on e hindi naman daw kasama sa bayad ang pag-install ng gas.
Alangan namang siya pa ang gumawa n'on e mag-isa lang siya sa bahay.
"Ito yung bayad." Inilapag niya sa tabi ng kalan ang pambayad sa gasul. Paglingon ko sa kanya, isinasalin na niya ang ulam na bigay ko sa isang mangko. Pinanood ko siyang magsalin sa isa pang maliit na mangko ng ilang kutsara ng giniling. Hinaluan pa niya iyon ng kanin at pagkatapos ay pumunta sa sulok. Isinalin na naman ang laman ng mangko sa maliit na metal bowl bago pumunta roon ang alaga niyang pusa.
Tumalungko siya roon habang hinihimas ang katawan ng pusa niyang kulay itim.
"Kumain ka nang mabuti, Miminggay."
Mabuti pa ang pusa, nasasabihan niyang kumain nang mabuti. Samantalang siyang amo, halatang hindi.
"Aalis na ako," paalam ko nang kunin ang bayad sa gasul.
Wala siyang sinabi. Umalis ako nang wala man lang thank you o kaya kahit "K" man lang.
Hindi naman na ako nanghingi ng sagot. Wala namang sama ng loob. Ang akin lang, basta makita ko siyang maayos naman kahit paano, okay na.
Pansinin man niya o hindi ang ginagawa ko, hindi naman iyon ang mahalaga sa akin. Pero kung sakali mang mapansin niya, e di maganda.
Sabi nga ni Tinay, sayang daw ang oras ko sa kanya. Para kasi akong kumakausap ng hangin. Depende naman siguro sa tao.
Hindi naman ako sagad-sagarang stalker. Hanggang tulay lang at bahay niya ang pinupuntahan ko. Ni hindi ko na dinadamay ang trabaho niya. Minsan, napapadaan siya sa mart nang naka-teacher's uniform, at ganoon lang. Wala akong balak lumampas sa privacy niya, maliban sa kailangan niya ng kausap.
Ilang buwan ding parang robot ang buhay niya at naging espesyal sa akin ang isang araw ng Sabado nitong Agosto. Maliban sa malalim pa rin naman ang iniisip niya, mukhang kailangan nga talaga niya ng kausap.
"Bakit ba lagi kang narito?" tanong niya habang nakatulala sa tubig.
Ako nga dapat ang nagtatanong n'on sa kanya. Kung wala naman kasi siya roon, magbabantay na lang ako ng mart.
Napakamot ako ng ulo habang nagpapaypay na naman gamit ang tinuping karton ng gatas. "Naghihintay ng tricycle?"
"Akala ko, may kotse ka."
"Coding e," katwiran ko na lang. Napatingin ako sa ayos niya. Pulos itim, wala pa siyang dala. Bihira ko siyang makitang mag-itim. Biniro ko tuloy. "May patay ba?"
"Papa ko."
Naputol ang akma ko sanang pagtawa at sumeryoso agad ako dahil sa sinabi niya. "Oh. Condolence." Ang lalim ng hugot ko ng hangin at umayos ng pagkakapatong ng braso sa tuloy. Pasulyap-sulyap ako sa kanya. At hindi ko makita ang kaibahan ng mukha niya tuwing normal na araw at kapag namatayan. Pareho lang kasi.
"Buhay pa pala ang papa mo," sabi ko, pero mabilis kong binawi. "Ibig kong sabihin, bago ito. Yeah." Pilit na pilit akong ngumiti sa kanya. Ang awkward.
Akala ko, mag-isa na lang talaga siya sa buhay. May kamag-anak pa pala siya. Pero bakit parang hindi naman siya dinadalaw? O baka kasi matanda na. Pero sana kasama na lang niya kaysa mag-isa siya.
"Doon sa bahay n'yo nakaburol?" usisa ko. Balak ko sanang dumalaw para makiramay.
"Sa babae niya."
Naputol sa hangin ang pag-Oh ko. Kaya pala hindi kasama. Nasa ibang bahay.
Lalo ko pang tinitigan ang mukha niya. Wala talaga siyang karea-reaksiyon. Kahit naman siguro nasa iba nang pamilya ang magulang ko, iiyak pa rin naman ako. Pero walang bakas na umiyak siya o nagdadalamhati siya. Kung gaano kablangko ang mata niya noong una ko siyang nakita rito sa tulay, ganoon pa rin kablangko ang tingin niya ngayon.
May lugar pa ba ang emosyon sa babaeng 'to?
Nagpaypay na ulit ako at tumingin sa tubig. Patay na rin naman ang parents ko. Matanda na e, kailangan nang magpahinga. Pero tinanggap ko naman na parte ng buhay ang kamatayan. At mas mabuti nang magpahinga sila kaysa mahirapan pa. Iniyakan ko rin naman 'yon. Ilang araw din. Pero kailangang magpatuloy sa buhay. Walang mangyayari kung dadaanin ang lahat sa mukmok. May panahon para malungkot, hindi ko naman ini-invalidate iyon. Pero paano na lang kung malungkot ka na lang sa habang panahon? Paano mo sasabihing nabubuhay ka pa kung ikaw na mismo ang pumapatay sa sarili mo mula sa loob?
Paglipat ko sa kanya ng pagpaypay, napansin kong umiiyak na siya. May sasabihin sana ako pero tulala pa rin siya sa tubig. Balisa pero umiiyak.
Ang bigat sa loob na tingnan siya. Hindi ko alam kung paano ko hahawakan. Parang kapag hinawakan ko, bigla siyang bibigay.
Lalo ko na lang siyang pinaypayan.
"Ilabas mo lang. Kung malungkot ka, iiyak mo lang para gumaan," sabi ko habang nakangiwing pasulyap-sulyap sa kanya at sa tubig.
"Alam mo kung paano babaguhin ang buhay kapag ayaw mo na?" tanong niya habang tulala pa rin sa ibaba.
"Ha?" Nagtaka naman ako. Babaguhin ang buhay? "Bakit? Gusto mong magbagong-buhay?"
"Kung bibigyan ako ng pagkakataon, babaguhin ko na ang buhay ko."
Pilit akong tumawa sa kanya. "Puwede naman. Marami pa namang pagkakataon. Bata ka pa naman. 30 pa lang ako, so baka magka-age lang tayo. Marami pang time, ano ka ba?"
"Paano mo babaguhin ang buhay mo kung hindi mo alam kung saan magsisimula?"
"E di simulan mo ulit sa umpisa. Hindi naman sa umpisa like noong bata ka pa. Ibig kong sabihin . . ." Tumingin pa ako sa kanang itaas para mag-isip ng ikakatwiran sa kanya. "Alam mo 'yon? Simulan mo na ngayon."
Nahirapan ako sa pagsagot. Saan nga naman kasi siya magsisimula e may trabaho naman siya. Nakakakain naman siya araw-araw. May bahay siyang sarili. May pusa pa nga roon.
Alukin ko kaya ng love life, baka mabago ang buhay niya?
"Gusto mo bang tulungan kitang mabago ang buhay mo?" nakangiting tanong ko. Baka lang naman pumayag, malay natin.
"May sasakyan ka?"
"Ha?" Saglit akong hindi nakasagot. May sasakyan ako? Siyempre, meron. Hindi naman siguro siya carnapper. Ilang taon ko ring hinulugan sa bangko yung Hilux ko.
Paano naman babaguhin ng sasakyan ang buhay niya?
"Oo, meron. Bakit?" tanong ko na lang.
"Dadaan ako sa sementeryo."
"Ay, gan'on ba? Sige, tara!"
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top