Chapter 8: The Talk
Natahimik ang lahat at tiningnan lang ako na parang hindi ako dapat naroon sa lugar na 'yon—doon lang naman sa teacher's table. Ibinalik ko ang tingin sa phone kong kanina ko pang hawak. Tiningnan ko ang inbox. Puro qoutes, qoutes, qoutes at . . .
No way.
Napatakip na lang ako ng bibig dahil sa hindi ko malamang dahilan. Gusto kong sumigaw, magwala, at tumili. Pero siyempre, kailangan kong pigilan 'yon.
Shocks! Shocks talaga!
Nandito pa ang mga text ng senior crush ko dati. As in crush ko talaga siya na umabot pa sa point na naging stalker ako dahil sa kanya. Yung mga picture niya, talagang pinagpapantasyahan ko. Super fan niya 'ko kasi varsity player pa siya at two-time MVP ng basketball.
Alam ko, noong high school pa 'yon. Pero ngayong nakita ko ang mga text niya. Akala ko, wala na ang feelings pero nandoon pa rin. Bad trip, kinikilig tuloy ako.
Sino bang hindi nakaranas nito noong high school? Hindi pa nga trending ang Facebook nito, Friendster lang talaga at text. At kapag bibisita ka pa sa profile ng crush mo, makikita agad na ikaw ang last person visited his profile kaya ang awkward mag-stalk kaya asa ako sa phone.
Puro good morning, tulog na ko, gm's na walang kuwenta pero naka-save pa rin. Ultimo 'K' na reply, naka-save! E panapos ng conversation ito e! Ang lakas din ng tama ko noon at sine-save ko 'tong mga ganitong message.
Kung ito talaga e isang malupit na panaginip, grabe na! Sobra. Overtime na overtime na. 10 a.m. na, o—
"Aray! Letse! Sinong lapastangang—"
"Hahaha!" Biglang nagtawanan ang lahat habang pinandidilatan ko ang notebook na sumapol sa ulo ko.
Lumitaw naman sa may pintuan si Angelo. Ang bully na si Angelo!
Ngayon ko lang napansin na sobrang ironic ng name niya at character na pino-portray niya sa room. Wala naman kasing angelic sa ugali niya.
At itong ibinato niya? Kanino ba 'to?
Pinulot ko ang notebook na tumama sa ulo ko.
"Gelo!" sigaw ko. Lumingon siya sa 'kin at—
Ha-ha! Nakaganti rin.
"Sa 'yo yata 'yan!" sabi ko pa matapos kong ibato sa likod niya yung notebook. Hindi na 'ko ngumiti para hindi naman siya ma-offend nang sobra.
Tiningnan ko ang mga classmate ko. Ang iba, nagpipigil ng tawa. Ang iba, nakatingin sa 'kin at parang sinasabing 'Humanda ka na, ginising mo ang dragon!'
Lumapit si Angelo sa upuan ko at yumuko sa 'kin. Tumingala naman ako para makita siya nang maigi.
"Lakas ng loob, ha? Hinahamon mo ba 'ko" mahina niyang sinabi. Talagang ipinamumukha ang salita niya. Nakikita kong galit talaga siya. Pinatamaan ko ang ulo niya, pero iba talaga kapag ego ang pinuntirya—mas masakit.
"Hindi," sabi ko pa habang seryosong nakikipagtitigan sa kanya.
Ilang seconds din siyang nakatitig sa 'kin.
Ang daming naguguwapuhan sa kanya noon kaya nga nasali siya sa pagiging Mr. Valentine noong Foundation Day namin, pero hindi ko 'yon napapansin noon kasi nga lagi niya akong binu-bully. Hindi ko makita kung sa paanong paraan siya naging guwapo noon. Pero ngayon, habang tinititigan ko siya, parang alam ko na kung saang banda.
Ang haba ng pilik-mata niya tapos ang brown masyado ng mata niya. Mahilig siya sa messy look na ayos ng buhok na ngayon ko lang na-appreciate kasi bagay pala talaga sa kanya. Isa rin siyang matangos ang ilong at mestiso rin. Ang alam ko, taga-Zamboanga sila kaya malamang na may lahing Spanish siya. At ang pink ng labi niya—na alam kong hindi gawa ng lip tint o lipstick. Base sa pagkakakilala ko sa kanya, magkakamatayan muna bago siya malapatan ng kahit anino ng pulbo sa mukha. Pagbalik ko ng tingin sa mga mata niya . . .
"Ang guwapo mo pala talaga," sabi ko pa, at seryoso ako sa pagsabi n'on. Walang halong pag-iimbot kasi totoo naman. "Bakit ngayon ko lang napansin?"
Nagulat siya sa sinabi ko. Napansin kong napalunok siya at biglang namula. At sobrang obvious ng blush niya!
"So, makikipagtitigan ka lang ba sa 'kin maghapon?" tanong ko habang nakangiti nang kaunti. Ang kulit kasi ng mukha niya.
Iniwas niya agad ang tingin niya sa 'kin at bumalik na sa upuan niya sa tabi ni AJ.
"Gelo! Sorry sa pagbato ko ng notebook sa 'yo! Peace tayo, ha!" sigaw ko sa kanya habang nakangiti at naka-peace sign.
Nakatingin lang siya sa ibaba at sumusulyap-sulyap ng tingin sa 'kin. Masama ang tingin niya pero halatang nahiya siya. Mukhang hindi niya inasahan ang mga sinabi ko.
Hindi ko rin naman inaasahang ganoon lang pala siya kadaling patahimikin. Mukhang nag-expect ako nang mataas sa kanya dahil sa image na iniwan niya sa 'kin noon.
Feeling ko, mas malakas na 'ko sa kahit sino sa kanila ngayon. Nabara ko sa kauna-unahang pagkakataon si Mikael. Napahiya sina Chim dahil kumampi sa 'kin si AJ na soon-to-be boyfriend niya at si Jasper na soon-to-be-boyfriend ni Belle. At napaamo ko nang slight si Angelo na bully na yata since birth.
Wala pang bell pero alam kong puwede nang mag-recess anytime. Kinuha ko na ang wallet ko at lumabas ng room. Kinain ko na kasi ang ipinabaon ni Mama. At ang suwerte ko kasi kahit ano'ng bilhin ko, marami akong pera. Wala na 'kong pakialam kung ako ang mauunang bumaba sa kanila. Wala rin naman silang pakialam sa 'kin.
Dumiretso na 'ko sa canteen. Hiwalay ang canteen sa building kung nasaan ang room namin kaya mahaba-habang lakaran din.
Saka lang nag-bell pagkarating ko sa kantina. Naririnig ko na ang mga estudyanteng lumalabas sa mga room. Wala pang estudyante kaya wala akong kahaharaping pila. Bumili na 'ko ng makakain at umupo sa puwesto kung saan makikita ko ang langit.
Lumalakas na ang ingay ng mga estudyante. Sa isang iglap lang, napuno ang canteen ng mga grade school pupil at mga lower year. Mag-isa lang akong kumakain habang pinanonood ang ibang estudyanteng nagkakagulo kung ano ba'ng kakainin nila.
"Hi."
Napataas ang magkabilang kilay ko nang lumapit sa 'kin ang taong hindi ko inaasahang lalapit sa 'kin.
"AJ?"
Ngumiti lang siya at ibinaba ang dala niyang tray sa table kung nasaan ako.
"May kasama ka ba?" tanong niya. Umiling lang ako para sabihing wala. Naupo na rin siya sa kaharap kong upuan.
"Paano mo nalamang AJ ang nickname ko?" usisa niya kasi isa rin siya sa mga bagong estudyante.
"Um, ewan. Parang bagay ang nickname na AJ sa Arjohn mo," sabi ko na lang.
Si Arjohn Velasco. Siya ang boyfriend ni Chim, na soon-to-be pa lang ngayon. Siya rin ang isa sa mga sikat na campus crush sa school noong panahon namin. Isa sa mga varsity player ng basketball at player ng volleyball. Ang Salutatorian din namin. At compare sa ibang classmate naming lalaki, siya ang isang lingon pa lang namin, aminado na agad kami na ang guwapo niya. Smile niya ang pinakamaganda niyang asset kasi nakakahawa. Ang ganda pa ng ngipin niya kahit magsalita lang. Tapos ang mature pa niyang magsalita at mababa at panlalaki ang boses. Medyo singkit din siya at palaging neat and clean. Minsan ko na ring pinangarap na maging girlfriend niya pero hindi ko na p-in-ush pa ang idea kasi napakaimposibleng mangyari. Ang totoo, si Chim ang unang tumawag kay Arjohn na AJ sa room. Siya ang unang nilapitan ni AJ noon at . . .
Bakit ako ang nilapitan ni AJ ngayon?
"Wala ka bang balak kausapin si Chim?" tanong ko agad kasi hindi ako ang dapat niyang kinakausap. At mukhang hindi niya inaasahan ang tanong kong 'yon.
Natawa naman siya nang saglit. "Bakit ko naman siya kakausapin?" tanong agad niya sabay subo ng hamburger.
"Ewan. Kasi . . . maganda siya? Mas approachable siya kaysa sa 'kin? Mas madali siyang kausapin kaysa sa 'kin?"
Base sa expression ng mukha niya, mukhang nagsisimula na siyang ma-turn off sa 'kin.
"Okay, alam ko na kung bakit. 'Wag ka nang magsalita," sabi ko na lang at sumubo ng spaghetti bago ilipat ang tingin ko sa ibang bagay.
Ang malas lang kasi nahagip ng tingin ko sa kanan sina Chim na masama ang tingin sa 'kin. Inilayo ko agad ang paningin ko sa kanila at ibinalik ang tingin sa langit.
"Yung fireflies . . ." biglang salita ni AJ sabay subo ng hamburger. " . . . mashaya charaga panyoorin, n'yoh?"
"Arsharshar, ha? Sorry, bro, I can't understand alien language," biro ko sa kanya.
Nagtakip siya ng bibig habang lumulunok. Sinundan pa niya ng pag-inom ng tubig sa bottled water na dala niya.
"Sorry," paumanhin niya agad habang natatawa pa. Natawa na lang din ako nang mahina.
Ang totoo, hindi ako madalas na kinakausap noon ni AJ. Mas pipiliin pa niyang manahimik kaysa kausapin ako.
Sa katunayan, hindi lang siya. Lahat ng lalaki sa room, ayaw akong kausapin kasi fake daw ako. Lalapit lang sila kapag may kailangan sila. Pagkatapos n'on parang wala na 'ko.
Napaka-fake ko na talagang naging turn off na ang ugali ko sa kanilang lahat, hindi lang sa mga lalaki.
Ginaya ko ang hairstyle ni Arlene na puro clips. Lagi kasi siyang tinatawag na cute dahil doon. Sobrang creative niyang mag-ipit, as in.
Ginaya ko ang pananalita ni Belle na pa-conyo. Ang cool kasi pakinggan sabi ng lahat.
Ginaya ko ang porma ni Jane. Bagay na bagay kasi sa kanya ang pagiging fashionista niya.
Ginaya ko ang makeup ni Chim. Lagi kasi siyang nangingibabaw sa aming apat dahil doon.
Kaya ang lumabas?
Isang gagang Stella.
At ngayon, may pagkakataon akong ulitin ang lahat kahit pa panaginip lang 'to. Hindi ko na dapat palagpasin pa ang pagkakataon. Hinding-hindi ko na itatago ang totoong Stella sa anino ng apat na itinuring kong mga kaibigan.
"Gusto ko ang story mo about sa sunset saka sa fireflies," sabi ni AJ habang nakatingin sa silver ring niya sa kaliwang kamay. "Ang simple lang. Saka hindi 'yon ang inaasahan kong sasabihin mo."
Natawa ako nang mahina. "Talaga ba?"
Tiningnan niya sina Chim. "Pr-in-essure ka nila. Pinagtawanan ka pa. Kaya ang inaasahan ko, magbabanggit ka ng mas magandang lugar na talagang maipagyayabang."
Mas lalo akong natawa sa sinabi niya. "Mas may karapatan namang ipagyabang ang lugar na sinabi ko," pagyayabang ko agad. Napatingin tuloy siya sa 'kin.
"Tinawanan ka nila dahil doon," malungkot na sinabi niya. "Na-offend ka ba?"
Ngumiti ako nang simple at saka umiling. "Hindi ako na-o-offend sa mga bagay na hindi napag-iisipang mabuti bago sabihin," sabi ko bago sumubo ng spaghetti. Sumulyap muna ako kina Chim bago nagsalita ulit. "Siguro nga, mga bata pa talaga sila at hindi pa nila nararanasang mawalan. Kung ang definition ng kasiyahan sa kanila ay ang pagpunta sa mga ganong lugar, e di, sige. Hindi ko na ipagpipilitan pa ang akin. Pero sa point of view ko, hindi ko kailangang pumunta sa mga ganoong lugar para lang maging masaya. May mga happiness na kahit ang amusements parks e hindi maibibigay. Happiness na sana noon ko pang nalaman kung paano makikita. Tama nang nagsisi ako sa lumipas na taon ng buhay ko."
Tiningnan ko siya. Kulang na lang, sabihin ng expression niya, 'Bravo! Excellente! Pang-FAMAS!' O baka nga dapat, umiiyak na 'ko ngayon kasi na-bully ako. Ewan.
"Ilang taon ka na nga ulit?" takang tanong pa niya.
Natawa akong lalo. Masyado bang malalim ang sinabi ko para sa katorse anyos na na-bully?
"Alam ko, baduy pakinggan, pero hindi mo malalaman ang dahilan at pinaghuhugutan ko hangga't hindi mo pa nararanasan ang mawalan," katwiran ko na lang sa kanya. At dahil ang kaunti ng serving ng spaghetti, ang bilis tuloy maubos. Tumayo na 'ko. Tapos na kasi akong kumain.
"Aalis ka na?" tanong niya.
"Kailangan kong bumalik sa room, may naiwan akong importante," palusot ko.
"Sure ka?" Mukhang ayaw pa niya akong paalisin.
"Don't worry, magkikita pa naman tayo sa room."
Tumalikod na 'ko at lumabasng canteen. May gusto kasi akong bisitahing lugar bago matapos ang panaginipkong 'to.
-----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top