Chapter 7: The Experience

Parang akong ewan na nililibot ang room namin. Tipong noon lang nakapasok ng classroom. Nagbabasa-basa ako ng mga nakadikit doong kasabihan. Mga saying na "Experience is the best teacher. It gives the test, lesson afterwards." Totoo nga iyon. Matututo ka lang kapag naranasan mo na.

At sobra-sobra pa ang natutunan ko.

"Stella," narinig kong pagtawag ni Allen habang nagbabasa ako sa harapan. Tumingin naman ako sa kanya.

"Mas maganda ka 'pag walang"—itinuro niya ang mukha niya—"makeup saka walang"—itinuro niya ang ulo niya—"ipit."

Napangiti na lang ako sa sinabi niya habang dahan-dahang tumatango. Si Allen ang Corps Commander namin at hindi niya ugaling purihin ako kasi alam niyang wala akong ibang ginawa kundi i-please silang lahat. Nagkataon lang na hindi na ako ganoon ngayon.

Sinuklay ko gamit ng kamay ang buhok kong straight at hanggang baywang ang haba. Hindi na 'ko sanay. Sa katunayan, ang daming naiinggit sa buhok ko kasi ang ganda raw. Pero ang buhok ko simula noong namatay si Mama ay laging maikli at hindi na lumalagpas sa balikat. Para tipid sa shampoo at madaling patuyuin. Kailangan kong magtipid ng gastusin ko sa bahay.

Nakakatawa lang isiping pinagmukha kong tanga ang sarili ko noong high school.

Laging full makeup on ako. Tinalo ko pa ang Christmas clown dahil sa itsura ko. Makapal ang eyeshadow, hindi pa pantay ang eyeliner, makapal ang blush na kulay pink at orange na pinaghalo, makapal din ang lipstick na madalas ay kulay pink o violet. Laging puno ng clips ang buhok ko. Kadalasan, umaabot pa ng twenty pairs kasi nga masyadong mahaba.

Ang sabi nga nila, para sa isang katorse anyos na bata, masyado raw maaga para mag-makeup. At kung magme-makeup man, masyadong makapal para sa school. Para daw akong papasok sa KTV Bar. Inisip ko kasi, "friends" ko sina Chim kaya kailangang bumagay ako. At isang araw, nagising na lang ako sa katotohanang isa lang akong napakalaking trying hard copycat noong high school.

Kawawa ka pala noon, Stella. Nakakaawa talaga.

Inubos ko na ang pagkain ko at itinapon sa basurahang nasa likod lang ng pintong malapit lang sa 'kin. Bumalik ako sa upuan at kinalkal ang bag ko.

"Sayang at hindi pa uso ang tablet ngayon."

Kinuha ko ang cell phone kong mas luma pa kay Lola Basyang. Pero may camera naman. Maganda na ang quality nito sa panahong 'to. Nanibago ako. Maliit kumpara sa android phone. Mas malaki pa ang palad ko.

Sa bagay, ang gamit lang naman ng phone ko ay e-book reader at music player. Sinilip ko rin ang wallet ko.

Wow! Ang daming laman. One thousand pesos. Mas pleasant sa mata kaysa singkuwenta pesos. Alam kong si Mama ang nagbigay nito dahil tinitipid ako ni Papa sa baon.

Naisipan kong umupo sa teacher's table dahil may nakatutok doong wall fan at saka ko sinilip ang laman ng cell phone ko.

Walang kakaiba sa gallery. Good news dahil wala akong jejemon picture. Pero marami akong picture na kasama sina Chim. Noong "friends" pa kaming lima.

"Dalawang buwan ka lang naming hindi nakita, ang laki na ng ipinagbago mo," sabi sa 'kin ni Mikael. Tiningnan ko siya nang diretso dahil kanina pa niya 'ko pinapansin.

"Sa paanong paraan ako nagbago?" tanong ko pa habang palipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa hawak ko.

"Mahiyain ka, di ba? Dapat mukha kang clown na Christmas tree. Hindi ka dapat"—itinuro niya ako gamit ang hawak niyang ballpen—"ganyan."

Tiningnan ko naman ang sarili ko. "Ganito?" tanong ko, kasi sa pagkakaalam ko, ito naman na talaga 'ko, matagal na. O baka hindi lang siya sanay.

"Oo. Para kang . . . ibang tao."

"Ako pa rin naman si Stella, minus the clips and makeup and pagiging weak," sabi ko na lang. At nagpahabol pa ako ng huling pagbabago ko. "And minus Chim's company."

"'Yan!" Bigla na lang napalakas ng salita si Mikael. "'Yan ang tinutukoy ko! Kasi ang kilala kong Stella—ang kilala naming Stella—hindi nagsasalita nang ganyan! Lahat ng sinasabi niya, depende sa sasabihin nina Chim! Never magsasalita si Stella nang hindi hinihingi ang opinyon nina Chim! At ang weird kasi . . . hindi ka gano'n. At para kang matanda magsalita."

"O? Tapos?"

"Anong O? Tapos? First day na first day, inaway mo agad ang grupo mo! Ikaw na nga ang may sabi, hindi ka hihiwalay sa kanila! At wala kaming pakialam kung gawin mo ang lahat para hindi mawala sa grupo nila tapos ngayon—"

"At babaguhin ko ang sinabi kong 'yon. Wala kayong pakialam kung ano'ng gawin ko sa buhay ko." Sumandal agad ako sa monobloc na inuupuan ko. "Sina Chim? Ano'ng pakialam ko sa kanila? Dalawang buwan? Two months? Yung two months na 'yon, higit kalahating dekada na sa 'kin. At sa mga panahong 'yon, walang Belle, Jane, Arlene, Chim, at kung sino sa buhay ko." Siningkitan ko ng mata si Mikael na takang-taka sa ikinikilos ko. "Ngayon, kung nagtataka ka kung bakit nakakausap mo 'ko without any opinion of anybody sa grupong 'yon, siguro kasi, nagising na 'ko sa katotohanang hindi ko kailangan ng kahit sino para mabuhay ako. Hindi naman siguro masamang magbago."

Nagsisimula na namang dumami ang mga tao sa room. Nagsisimula na naman ang ingay. Bumalik na rin ako sa upuan ko bago pa ako maabutan ni Ma'am Amy.

Wala akong ibang naririnig kundi mga kuwentuhan tungkol sa mga ginawa nila noong summer. Nakakairita.

Ilang summer naman na kasi ang dumaan sa 'kin at tumambay lang ako sa bahay sa mga panahong iyon.

"Ikaw, Stella, ano'ng ginawa mo no'ng summer?" tanong ni Rima. Napansin yatang ako lang ang hindi belong sa kuwentuhan ng lahat.

Napakamot na lang ako ng batok sa tanong niya. Ano nga ba'ng ginawa ko maliban sa tumambay sa bahay?

"'Wag ka nang umasang may isasagot 'yang babaeng 'yan sa 'yo kasi wala siyang pinuntahan no'ng summer," sabad agad ni Chim habang tinitingnan ang kuko niyang bagong nail polish pa yata.

"Nasa bahay lang siya buong summer," dugtong ni Jane.

"Kaming barkada, nakapag-Star City," sabi ni Arlene.

"At galing ng Bora, na sure akong hindi pa niya napupuntahan," panapos ni Belle.

Dapat kapag magsasalita ang isa, nagsasalita ang lahat e. Lalo lang tuloy akong naiirita.

Gusto kong sabihin sa kanila, harap-harapan pa, na nakapunta na 'kong Boracay five years ago noong last vacation ko kasama si Mama. At, excuse me, sa Star City ang field trip this year at sumama ako. So, technically, been there.

Pero, siyempre, walang point ang patulan sila. Panaginip lang naman 'to. At hindi ko ibaba ang sarili ko sa kanila kahit pa panaginip lang 'to. Gusto ko silang ipahiya, pero hindi ko 'yon gagawin sa paraan nila.

"Ano? Wala kang masabi ngayon? Let me guess, gagawa ka na naman ng kuwento na galing ka na sa ganito o kaya sa ganyan para lang masabing you're one of us. Expected na 'yan kasi fake ka e, di ba? Kaya, sige, saan? Sa Mount Apo? Doon ka ba galing, ha, unggoy?" mataray na sinabi ni Chim.

Sabay-sabay silang tumawa kaya nakitawa na rin ang iba.

Siguro, kung ako ang Stella noon, hiyang-hiya na 'ko ngayon. Kung sakaling magkakaroon ako ng estudyante sa future na gaya ni Chim, napapaisip na 'ko kung anong disciplinary actions ang gagawin ko para maturuan siya ng leksyon. Bawal pa namang manampal ng bata.

Nakangiti lang din akong humarap sa kanila. "Tama si Jane. Buong summer, tumatambay lang ako gabi-gabi sa maliit na bakanteng lote sa likod ng bahay namin. Mayroon kasi doong punong sinasayawan ng alitaptap tuwing gabi."

Napahinto sila sa pagtawa.

"Ano namang maganda sa mga punong maraming insekto, ha?" tanong pa ni Belle.

"Oo nga!" maarteng sagot ni Arlene.

"Ang sabihin mo, wala ka lang pera para makapunta sa mga napuntahan namin kaya wala ka nang maisip na idahilan!" sabi pa ni Chim.

"Tama!" sabi ni Jane.

"Haha! Kawawa!"

Nagtawanan na naman ang lahat dahil tumatawa silang apat. Hindi ko na alam kung nakakahawa lang ba ang tawa nila o nakakaawa na ang sitwasyon ko para pagtawanan ng iba.

"O, baka naman galing talaga siya sa Mount Apo kaya 'yon ang nakita nya!" sabi ni Belle. "Di ba, girls?"

Nagtatawanan ang lahat. Nakaka-offend, oo. Pero naiintindihan ko kasi ganyan sila. Ganyan na sila simula pa noon. At dahil ako ang matanda, ako ang dapat magpasensiya.

Gusto kong maawa sa sarili ko pero mas naaawa ako sa kanila. Anong pagpapalaki kaya ang ginawa sa kanila at nagkaganyan ang mga 'yan?

"Ako, nakakita na! Marami kaming ganoon sa farm namin sa province!" matapang na pagsingit ni Jasper sa tawanan. Nakikita ko sa mukha niya na gusto niya 'kong iligtas sa kahihiyang dinaranas ko. "Ikaw, ano'ng kuwento mo sa mga puno ng alitaptap?"

Napahinto ang lahat sa pagtawa at napatingin kay Jasper. Hindi ko tuloy alam kung na-curious lang siya o gusto lang niya 'kong iahon sa mga kantiyaw ng mga classmate namin. Ugali niya kasi 'yan e. Ayaw niya ng may napapahiya sa harapan niya, lalo na kung feeling niya e kawawa talaga.

So, meaning, ganoon na ang estado ko sa mga oras na 'to: kawawa.

Ngumiti lang ako sa kanya at nagkuwento. Kunwari, kami na lang ang tao sa room.

"Kapag galing ako sa isang buong araw na walang magandang nangyari sa 'kin, pumupunta ako sa roof deck. Hinihintay ko ang paglubog ng araw na kitang-kita dahil sa location ng bahay namin. Panonoorin ko ang paglubog ng araw habang iniisip ang mga mali ko sa buhay.

"Iniisip ko, kung may babalikan ako sa nakaraan, malamang na magsisimula ako sa pinakabata dahil doon ang simula ng pagiging walang kuwenta kong tao. Iniisip ko, kung maiimbento ang time machine, handa akong magpapakamatay para lang magamit 'yon. Babalik ako sa mga oras na sana binago ko ang sarili ko at nagawa kong pigilan ang mga bagay na hindi sana nangyari.

"Pagkatapos kong pagsisihan ang lahat ng nangyari sa buhay ko, bababa ako at didiretso sa likod ng bahay para panoorin ang mga alitaptap na sumasayaw sa mga puno habang kasama yung pusa ko.

"Napapayapa ang utak ko sa kaiisip 'pag nakikita ko ang likod ng bahay namin. Alam kong parang tanga lang pakinggan pero 'pag nakakita ka ng ganoong view, alam mo yung feeling na . . ."

Napahinto ako at in-imagine ang likod ng bahay namin. Kapag nandoon na 'ko, wala akong ibang nagagawa kundi . . .

"Wala ka nang ibang gustong gawin kundi umupo, manood, at ngumiti," biglang singit ni AJ sa usapan namin. Naglingunan tuloy ang lahat sa kanya. Nasa likod siya nakaupo. Sa row kung nasaan ang mga maraming lalaking pulos matatalino pero hindi nagseseryoso.

"Nakakita ka na rin?" tanong ko agad kasi alam kong hindi si AJ ang tipo ng lalaking ma-a-amuse sa mga insektong umiilaw.

"Oo. Ganyan lagi ang pinanonood naming magpipinsan sa Tarlac kapag umuuwi ako sa province every summer. Napaka-serene lang ng view. At sure akong hindi 'yon makikita sa Star City kahit pa milyon ang ibayad mo para sa ticket," sabi niya sabay tingin kina Chim na akala mo, napaka-amazing ng sinabi niya para ipagmalaki.

"At sure din akong hindi malalaman ng mga taong hindi pa nakakakita ng view na 'yon ang totoong meaning ng saying na Best things in life . . ." dagdag pa ni Jasper.

"Are free." Sabay pa kaming tatlo sa pagtapos ng linya.

Ngumiti na lang ako sa kanilang dalawa at nag-two thumbs up. Ang guguwapo naman ng mga resbak ko.

It was really something. Hindi ko inaasahan ang ganitong pagkakataon sa first day of school. At kung panaginip 'to, this is the greatest dream ever!

Noong first day of school ko kasi noon, wala akong ibang ginawa kundi gumawa ng kuwento tungkol sa mga lugar na never ko pa talagang napuntahan pero kunwari napuntahan ko na. At obvious ang kasinungalingan ko kasi hindi nagma-match ang story ko sa kung ano ang totoo.

Ngayon, walang sense ang pagsisinungaling. Niloloko ko lang kasi ang sarili ko, hindi lang sila. Nag-mature din ako kahit paano.

Isang simpleng kuwento nawalang sense para sa ilan, pero naging isang masayang usapan para sa 'kin. Lalopa, dalawa sa soon-to-be pinakasikat na estudyante ang kumampi sa 'kin.


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top