Chapter 69: Reconcilliation

"Isipin mo ang panahon kung kailan mo nais bumalik. Isang panahon, isang pagkataon . . ."

Sa dami ng oras na gusto kong balikan pa, wala akong ibang naisip sa mga sandaling iyon kundi ang oras na nagsisi ako nang sobra.

"Stella?"

Doon lang luminaw sa akin ang lahat.

Nakatitig na ako sa isang puting kabaong sa harapan, amoy na amoy ang bulaklak at iba't ibang pabango sa paligid. Naririnig kong may mga nagsasalita pero sobrang dami nila. Hindi ko mapili kung alin ang dapat pakinggan.

Ang weird na sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon at parang magang-maga ang mukha ko. Nanlalagkit ako. Gawa ng pawis? Gawa ng luha? Hindi ko na alam. Pero alam ko naman ang dahilan.

"Stella, okay ka lang?"

Alanganin akong lumingon doon sa nagtanong. Pagtingin ko sa kaliwa, nakatingin sa akin si Jane. Hawak-hawak pala niya ako sa balikat. Bigla niyang binilisan ang paghagod at saka ako tinapik-tapik.

"Gusto mo ng tubig?" tanong niya na alanganin din akong tumango. Hindi naman para umoo pero para sana sabihing narinig ko siya. Tumayo lang siya tapos sinabi niyang saglit lang daw at kukuha siya.

Doon lang ako tumayo para tingnan silang lahat at ang paligid.

Ang bigat talaga ng pakiramdam ko. Parang sobrang pagod na pagod ako at ang katawan ko. Tipong gusto ko na lang matulog maghapon para mawala ang bigat at pagod.

Nasa funeral chapel pala kami. Noon, hindi ganito karaming tao sa chapel. Ilan lang ang pumunta. Mga kamag-anak lang ni Mama. Kahit nga si Papa, wala rin noon. Nagpakita lang noong burol na. Pero ngayon?

Nandito ang mga classmate ko. Pinanonood ko silang salubungin ang ibang pumupunta. Nahagip ng tingin ko sina Carlo na nag-aabot ng pagkain sa mga nakikiramay. Sina Belle, kinakausap ang ibang bisita. Si Papa, nakita kong kausap ang mga kamag-anak ni Mama.

Nandito sila . . . ang mga taong wala noon para damayan ako.

Naramdaman ko na lang na may tumulong luha sa mata kong biglang lumabas nang walang pasabi. Napasinghot ako at napapunas ng pisngi.

"Stella, o?" Nakabalik na si Jane at inabutan ako ng tubig. Ang hirap lumunok kaya nagpasalamat ako kasi nakainom din ako sa wakas.

"Ba't . . . ba't nandito kayong lahat . . . ?" mahina kong tanong kay Jane. Kahit pagsasalita, hirap na rin kasi paos na ako. "Hindi ba kayo busy?"

Matipid na ngumiti si Jane sa akin. Niyakap lang din niya ako at hinagod na naman ang likod ko. "Okay lang, Ste."

Inilapag ko sa inupuan ko ang tubig at saka sila nilapitan. Napansin kong nagulat silang papalapit ako.

"Stella!"

"Uy, Ste!"

"Ste, kumusta? Ano'ng pakiramdam mo?"

Nagsilapitan sila sa akin. Parang alaalang-alala sila.

"My loves, kaya mo na? Okay ka na?" Si Carlo, niyakap agad ako nang mahigpit habang hinahagod ako sa likod. "Dapat si Gelo yung nandito e," sabi pa niya. "Pakilabas nga yung private jet ko. Sunduin natin 'yon sa Italy."

"'Raulo ka talaga, Caloy," puna pa ni Jasper at hinampas nang mahina si Carlo sa balikat.

"My loves, pahinga ka naman. Dalawang araw ka nang walang tulog," sabi ni Carlo at hinagod-hagod na ang buhok ko pagkabitiw niya sa yakap. "Gusto mong samahan kita? Tabi tayo matulog."

"Palayasin n'yo nga 'to si Carlo!" inis na sinabi ni Belle at hinatak ako para siya naman ang umalo sa akin. "Girl, ano? Ano'ng pakiramdam mo?" Hinawakan niya ako sa pisngi tapos siya na ang nagpunas sa mukha kong basa ng luha. "Pero 'pag di mo pa kayang magsalita, 'wag na muna. Malat na malat ka na e."

Lalo akong naiyak noong yakapin niya ako.

Bawat yakap nila, bawat tanong kung napaano na ako, bawat salitang naririnig ko, lalo lang akong napapaiyak.

Ito ang wala ako noong nakaraang apat na taon.

Ang mga kaibigan . . .

Ang mga taong nagtatanong kung ayos lang ba ako . . .

Ang mga taong sasamahan ako sa malungkot na bahagi ng buhay ko.

Niyakap ko na lang din si Belle nang sobrang higpit at saka ngumiti.

"Thank you, Belle," bulong ko. Hindi ko na kayang lakasan ang boses ko kasi gumuguhit ang sakit sa lalamunan. "Thank you sa inyong lahat."

Nagbalik sila sa mga ginagawa nila at saglit akong lumabas ng chapel para makapagpahangin. May mahabang wooden bench sa tabi ng pinto at doon ako naupo.

Gabi na pala. Hindi ko alam kung ano'ng oras, pero sa puwesto ko, ang ganda ng buwan kahit hindi buo.

Nangingilabot ako. Lamay ni Mama. Ito ang panahong sinabi ko sa sarili kong gusto ko na ring mamatay. Si Mama na lang kasi ang mayroon ako.

Walang mga kaibigan.

Wala si Papa.

Wala kahit sino.

Wala na akong dahilan para mabuhay pa dahil napapagod na akong ipagsiksikan ang sarili ko sa mga taong hindi naman ako tanggap.

Ito ang panahon kung kailangan inisip kong para saan pang magpatuloy kung wala nang dahilan para magpatuloy pa.

Ayoko nang mag-aral.

Ayoko nang magpakita sa lahat.

Ayoko nang magtagal sa mundo.

Ito ang panahong sumuko na ako at inisip na hanggang dito na lang ang lahat sa buhay ko.

"'Nak?"

Boses iyon ni Papa pero hindi ko na nilingon. Napansin ko na lang siya sa dulo ng mata ko na umupo sa tabi ko.

"Hindi ka pa kumakain. Dalawang araw na. Gusto mo ng biskuwit?" alok pa niya at inabutan ako ng isang pack ng crackers.

Tinitigan ko iyon nang matagal bago ko kinuha.

Nagbuntonghininga ako at ibinalik ang tingin sa buwan.

Ang liwanag ngayong gabi, wala pa gaanong ulap. Summer kaya hindi na ako nagtaka. Ang ganda ng mga bituin, nakakapayapa sa pakiramdam.

"Akala ko, walang pupunta," sabi ko sa garalgal na boses. "Hindi ba magagalit si Grace?" tanong ko pagtingin ko kay Papa.

"Nandito naman siya, 'Nak. Hindi mo ba napansin?" tanong ni Papa. Saglit siyang nag-iwas ng tingin, yumuko, saka ibinalik ang tingin sa akin.

Tumango lang ako sa sinabi niya. "Wala na si Mama . . ." May bumara na naman sa lalamunan ko at tumulo na naman ang mga luha ko nang walang pasabi. "Pa, wala na si Mama . . ."

Tumango lang si Papa at lalong lumapit sa akin para yakapin ako sa gilid. "Nasa magandang lugar na ang mama mo, 'Nak."

Ito ang panahong galit na galit ako kay Papa. Iniisip kong namatay si Mama dahil sa sama ng loob kay Papa. Tapos wala pa siya sa lamay para damayan ako. Hanggang sa nalaman ko na lang na matagal nang may sakit si Mama. Na lahat, sinisisi ko sa maling tao.

Alam kong iniwan kami ni Papa. Pero, siguro nga, kung hanggang doon na lang talaga sila, hanggang doon na lang talaga. Ngayong wala na si Mama, may karapatan din naman nang sumaya si Papa sa piling ng iba.

"Pa . . ." maluha-luha kong tawag sa kanya. "Mahal ko kayo ni Mama . . ."

Pinunasan ni Papa ang pisngi ko saka siya tumango. "Mahal ko rin kayo ng mama mo, Stella." Niyakap niya ako at idinampi niya ang pisngi niya sa ulo ko. "Pahinga ka na muna, 'Nak."

Sobrang tagal na panahon na mula noong niyakap ko si Papa. Nakakagaan ng pakiramdam. Parang lahat ng problema ko sa nakaraang apat na taon, nawala na rin sa wakas.

Lahat ng dinaramdam ko. Lahat ng galit. Lahat ng pagsisisi. Lahat, naglaho na. Kasi lahat ng iyon, tanggap ko nang mangyayari at mangyayari talaga kahit anong balik ko pa.

Huling araw na bukas ng lamay ni Mama, nakikita kong halatang naglamay sina Carlo. Sobrang laki ng eyebags nila at halata na rin sa kanila ang pagod. Nakatulog na nga sila sa sulok at sa upuan. Hindi rin ako makatulog nang diretso pero nakakaidlip naman paminsan-minsan. Nagigising lang ako kapag may maingay. Lalo na sa hilik ni Jasper.

Napapangiti na lang ako nang matipid kapag naiisip kong nandito sila at tumutulong. Sayang lang kasi wala si Gelo. Hindi rin naman daw makatawag kasi walang roaming number. Hindi pa raw sigurado kung kailan makakauwi pero tatawag daw agad kapag nasa Pilipinas na.

Sa panahong ito, wala pa raw siyang FB account noong nagtanong ako kina Carlo. Pero may Gmail na raw siya. Sabi ko nga, baka puwedeng mag-email para makagawa na siya ng FB account.

Lumapit ako sa kabaong ni Mama. Napaiwas agad ako ng tingin kasi lalo lang akong naiiyak kapag nakikita ko siyang wala nang buhay. Pero alam kong masaya na siya kung saan siya naroroon ngayon

"Ma . . ." panimula ko habang nakatingin sa tahimik na loob ng chapel. "Hindi na 'ko nag-iisa ngayon . . ." Ngumiti ako nang matipid. "Promise, babaguhin ko na ngayon lahat."

***

Kinaumagahan, lalong dumami ang tao. Kahit paano, makakahinga na kami nang maluwag kasi makakapahinga na rin kami sa wakas, lalo na sina Carlo.

"Kumusta'ng pakiramdam mo?" tanong na naman ni Belle habang hinahawi ang mga buhok sa mukha ko. "Ang laki na ng eyebags mo, o!" Saglit siyang natawa at niyakap na naman ako. Niyakap ko na lang din siya pabalik. Iyong mas mahigpit pa.

"Belle, thank you talaga," pasasalamat ko at pansin ko nang mas buo na ang boses ko ngayon.

"Wala 'yon, ano ka ba?" Kumalas din siya at hinawakan ako sa mga kamay.

Tiningnan ko siya nang taimtim. Siguro, sa lahat ng nangyari, hindi ko inaasahang mag-s-stay sila. Kahit na nagkaaway-away kami. Kahit na halos magalit ako sa kanila nang sobra. Habang nakikita ko siya ngayon, iniisip kong kahit ano pala ang mangyari, kapag kaibigan ka talaga, mananatili sila kahit lugmok na lugmok ka na.

"Stella," pagtawag ni AJ kaya napatingin kaming lahat sa kanya. Napansin naming may itinuturo siya ng tingin. Sinundan namin iyon at nakita ang pamilya ni Chim na kausap si Papa. Manager nga pala sa trabaho ni Mama ang daddy ni Chim. Mukhang nakikiramay ngayong huling araw.

Napansin kong lumabas si Chim ng chapel habang busy yung parents niya sa pagkausap kay Papa.

"Saglit lang," sabi ko at sinundan ko sa labas si Chim para kausapin.

Alam kong naiinis ako sa ugali ni Chim, pero masyado nang maraming nangyari para manatili ang inis ko sa kanya. Susugalan ko itong pagkakataon ngayon para makipag-ayos. Kung hindi man niya tanggapin, ayos lang. Ang mahalaga, sumubok.

Ang ganda ng sikat ng araw, damang-dama ang summer. Sinundan ko si Chim sa harap ng chapel sa may halamanan.

"Chim?"

Napalingon siya sa akin at tumaas ang kilay niya. Pero agad din namang bumaba iyon saka siya nag-iwas ng tingin. Umakto siyang para hindi ako nakita.

"Salamat kasi pumunta ka," sabi ko na lang.

Bumuga siya ng hangin at saka umirap na naman. "Sinamahan ko lang sina Daddy."

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Kung ano ba ang dapat sabihin sa kanya.

"Chim, gusto ko lang makipag-ayos," sabi ko at hinintay siyang sumagot pero wala naman siyang kibot. "Alam kong galit ka sa 'kin. Wala naman akong magagawa kung ayaw mo talaga sa 'kin."

"Buti alam mo," sabi niya sabay irap.

Gusto kong mainis pero tiniis ko na lang. Kailangan kong magparaya ngayon.

"Alam mo . . . no'ng elementary tayo, talagang idol kita. Idol na idol talaga kita. Sabi ko nga sa sarili ko . . . ang ganda mo na, ang talino pa." Napasinghot ako at napatingin sa malayo. "Inggit na inggit nga ako sa 'yo kasi gusto ka ng mga teacher. Gusto ko ring magustuhan ng mga teacher e. Gusto ko ring mapansin ng lahat ng classmates natin."

Nanginginig na ang labi ko kaya napahugot ako ng hininga at dahan-dahang bumuga.

"Kaya nga no'ng nag-first year high school tayo. Di ba, noong unang kilala natin kay Belle, talagang follower n'yo akong dalawa kasi sobrang cool n'yo? Bilib na bilib ako sa inyo. Gusto kong maging kagaya n'yo."

Napansin kong napalunok siya at napapikit-pikit. Lalo siyang nag-iwas ng tingin.

"Kahit sina Arlene at Jane no'ng second year tayo, bilib sa 'yo kaya nga naging grupo tayo, di ba? JACS pa nga yung name ng grupo natin kasi sabi mo, dapat initials natin yung name ng grupo."

Napasinghot siya bigla saka siya tumingala saglit.

"Pinilit kong maging ikaw, Chim. Ginusto kong maging ikaw kasi gusto ka ng lahat. Kasi sikat ka sa lahat. Kasi ang bait mo sa lahat. Kasi bilib sa 'yo lahat. Kasi ang ganda mo, kasi ikaw yung first honor, kasi ikaw yung bibo."

Pagtingin niya sa akin, napansin kong lumuluha na rin siya. Pero kitang-kita kong nagagalit siya. "Alam mo ba kung bakit ayoko sa 'yo, hm? Kasi naririnig ko sila dati. Kasi wala silang ibang bukambibig kundi 'Ang ganda ni Stella. Ang bait ni Stella. Ang sipag ni Stella.' Naiirita ako." Agad ang pawi niya sa luhang pumatak sa pisngi niya. "Naghihintay akong mag-sorry ka kasi inagaw mo lahat sa 'kin. Yung atensyon nilang lahat. Yung mga kaibigan kong iniwan ako dahil sa 'yo. Sina AJ. Kahit yung pagiging Prom Queen. Lahat!"

"Sorry . . ."

"Stel—"

"Shh, Carlo."

Bahagya akong napalingon sa likuran kasi mukhang nariyan na sila at nakikita kami.

"Kung nagagalit ka sa 'kin, okay lang, tanggap ko," sabi ko kay Chim. "Pero gusto ko lang malaman mo na masaya akong nakilala kita. Na kahit minsan, tinuring mo 'kong kaibigan."

Ang sama ng tingin niya sa akin kahit na umiiyak na siya. Kuyom-kuyom niya ang kamao at pilit niyang pinipigilan ang nanginginig niyang labi.

"Sina Belle? Hindi naman kami galit sa 'yo. Hinihintay lang naming maging kompleto ulit tayo. Kasi kahit na gano'n ang nangyari sa 'tin, hinihintay ka pa rin namin—"

Hindi ko na natapos ang sinasabi ko nang mapansin kong may dumaan sa kanang gilid ko. Sinundan ko ng tingin si Belle at niyakap si Chim na umiiyak.

"Tama na nga 'yan," naiinis na sinabi ni Belle. Nilingon niya ako at napuna kong naiiyak na rin siya. "Tara na nga rito, Stella, magbati na kayo!"

Natawa ako nang mahina at lumapit na rin sa kanilang dalawa.

"Kayo, ang dadrama n'yo!" sermon pa ni Belle. "Mag-move on na nga tayo!"

Pagkalas ni Belle ng yakap kay Chim, tumawa lang siya rito at ito na ang nagpunas ng luha sa mukha ni Chim. "Girl, pare-parehas lang tayong maldita rito. Tama nang iyak, mahuhulas ang makeup mo."

Natawa na lang din si Chim kay Belle at pinalo ito nang mahina sa braso. "Na-miss kita, Isabelle."

"Girl, na-miss ka namin, akala mo."

Biglang lumapit sina Arlene at Jane sa kanya at nakiyakap na rin.

"Na-miss ka namin, Chim!"

At nagsiiyakan na silang tatlo.

"Stella! Ano na?" tawag pa ni Belle. Hinatak na niya ako at nagyakapan na kaming lima. Para kaming mga baliw na umiiyak tapos tumatawa.

"Pasali! Pasali!" Nagulat na lang kami kasi nakiyakap na rin si Carlo sa amin.

"Carlo, ba 'yan! Tsansing!"

Pinagtutulak namin si Carlo palayo saka kami nagtawanan.

Alam kong hindi ganoon kadaling mawala ang lahat sa isang sorry lang, pero alam kong kahit may ilangan pa rin sa pagitan namin ni Chim, ang mahalaga naman ay buo na ulit kaming lima.

"Nasaan si Gelo?" tanong pa ni Chim sa akin habang nagpupunas ng luha.

Matipid akong ngumiti sa kanya. "Nasa Italy. Hindi ko alam kung kailan uuwi."

"Hmp!" Umismid siya sa akin. "Iiwan ka rin pala niya, ang dami pa niyang drama dati!"

Natawa na lang ako sasinabi niya. Lumapit ako sa kanya at tinangka ko siyang yakapin. Mas lalonggumaan ang pakiramdam ko kasi nayakap ko na siya nang magaan, sa wakas.Makalipas ang sobrang habang panahon, dama ko nang okay na kaming dalawa. Hindiman sobrang okay pero, at least, ang kaso naming dalawa, sarado na.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top