Chapter 68: Her Last Chance

Wala na 'kong dahilan para bumalik, sa totoo lang, kahit na marami pa 'kong chance. Naisip ko kasing masaya na 'ko ngayon. Itong na-realize ko na kaya ko palang mabuhay ulit sa paraang gusto ko. 'Yong tanggap ko na ang past ko at wala nang reason para ulitin pa ang mga bagay na matagal naman nang tapos. Kasi bakit ko pa babalikan kung kahit anong gawin ko, iyon at iyon pa rin ang magaganap?

Nakatingin lang ako kay Philip habang nagkukuwento siya ng mga pinagdaanan niya sa nakaraang anim na taon ng buhay niya—yung anim na taon kung kailan hindi ko siya nakita. Mukha ring masaya siya. May nasasabi siyang malulungkot na bagay pero binabawi niya sa pagtawa at sasabihin niya na lang na "Ganoon talaga ang buhay."

Siguro nga, ganoon talaga ang buhay. At nakikita kong hindi gaya ko, wala siyang pinagsisisihan sa mga naranasan niya.

Natigilan ako bago pa ang terminal nang makita ko ang isang jeep na may signboard na papuntang sementeryo.

"Philip," pagpigil ko. Hinawakan ko pa siya sa braso para huminto rin siya.

"O, bakit? Walang sakayan dito, huhulihin tayo." Inginuso niya agad yung mga traffic enforcer na nakabantay sa likuran lang namin. "Unless, gusto mong makulong kasama ako. Why not?"

"Sira!" Natawa ako nang mahina at napalo agad siya sa braso. "Ga-graduate ka pa!"

"Joke lang, ito naman!" Nakitawa lang din siya sa 'kin.

Ang lalim ng buntonghininga ko nang titigan siyang mabuti. Hindi ko ma-explain pero sobrang na-miss ko siya. Para ngang mas na-miss ko pa siya kaysa kina Gelo.

O siguro kasi hindi ako nakakaramdam ng insecurity kasi pareho pa kaming estudyante. Yung hirap ko, hirap pa rin niya kahit pa-graduate pa lang siya. O baka kasi pakiramdam ko . . . hindi siya ahead sa 'kin di gaya kina Gelo na parang ang hirap nang habulin.

"So, uuwi ka na?" pagbabago niya ng topic.

Nginitian ko siya saka ako tumango—kahit may gusto pa muna akong daanan bago ako dumeretso sa bahay.

"May pasok ka pa rin ba bukas?" tanong niya.

"Wala na."

"Hindi na pala kita madadaanan sa may santol, pa'no ba 'to?" Napakamot siya ng ulo.

"Okay lang, Philip. Ganito na lang . . ." Huminga ako nang malalim at tinanaw ang jeep na nag-aabang ng pasahero—yung jeep na dadaan ng sementeryo. "Hihintayin na lang kita."

"Saan? Dito?"

"Sa McDo."

"Sure! Kita tayo bukas!"

"Sure." Pilit na ngiti ang ibinigay ko sa kanya bago ako tumakbo papuntang sakayan.

"Ingat ka pauwi, Philip!" sigaw ko sa kanya habang kumakaway. "Kita tayo bukas, ha!"

"Ingat din, Stella!" paalam niya. Hindi lang siya makakaway kasi marami siyang dala. "See you bukas!"

Sumakay na ako ng jeep na may daan papuntang sementeryo. Nanatili lang si Philip sa dulo ng terminal at pinanood ang sinasakyan kong makalayo.


*****



Bumili ako ng kandila sa labas ng sementeryo kaya naipagtirik ko pa ng kandila ang puntod ni Mama.

Walang gaanong dumadalaw sa sementeryo. Alas-tres na pero tirik pa rin ang araw. Nagtakip na lang ako ng notebook sa ulo kasi wala akong dalang payong.

Pinunasan ko ng binili kong tig-dos na basahan ang puntod ni Mama habang nakaupo ako sa damuhan.

"Ma . . . may mga kaibigan na 'ko," kuwento ko pa sa kanya. "Alam ko, kilala mo na sila kahit hindi ko alam kung paano 'yon nangyari, pero ikukuwento ko pa rin."

Malamig ang ihip ng hangin sa school pero mas malamig sa puwesto ko kahit walang lilim.

"Ma, iniisip ko, kung hindi ako huminto sa pag-aaral, siguro may trabaho na rin ako ngayon gaya nina Gelo. Siguro, may sarili na rin akong pera saka di na 'ko nanghihingi kay Papa."

Tinanaw ko ang buong sementeryo. May nakita akong ilang nakapayong na bagong dating lang. Sa bandang gitna pa naman ang puntod ni Mama.

"Sina Gelo . . . Ma, bakit parang kasalanan ko kung bakit nangyari sa kanila 'yon? Bakit parang ako yung dahilan kaya sinisisi nila ang mga sarili nila sa desisyon ko?"

Napabuga ako ng hininga habang ninanamnam ang katahimikan. Nakakapayapa. Nakakakilabot din.

"Kumusta?"

Napaangat ako ng tingin dahil sa nagsalita. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ulit ang naka-amerikanang lalaki—ang lalaking nagbigay ng pocket watch!

Dali-dali akong tumayo para harapin siya.

"Kuya, ikaw yung nagbigay ng pocket watch, di ba?" madali kong tanong habang tinitingnan ang mukha niya. Nakatanaw lang siya sa kabuuan ng sementeryo at nakangiti.

"Angel ka ba? Demonyo? Magician? Engkanto? Totoo ka ba?" sunod-sunod kong tanong kasi hindi siya nagsasalita. Mukha naman siyang mabait para maging demonyo. Maamo ang mukha, baka nga anghel. Hindi ko na masabi. Pinagmamasdan lang niya ang paligid.

"Naging masaya ka ba sa paggamit ng orasan?" tanong niya at noon lang ako tiningnan.

Mas bata talaga siya sa paningin ko. Parang kaedad lang ni AJ sa panahong 'to o mas matanda nang isang taon.

"May tatlong chance pa 'kong natitira." Saglit akong napayuko at nakaramdam ng lungkot. "Babawiin mo na ba?"

Nagusot ang magkabilang dulo ng labi niya at nagkibit-balikat. "Kusang babalik sa akin ang orasan kapag tapos nang gamitin."

Napaisip ako roon at pinagmasdan ang reaksiyon niya. May tatlo pa kasi akong chance para bumalik . . . paanong tapos na?

"Bakit ako?" tanong ko na lang. "Marami namang tao sa mundo, bakit ako yung napili mong bigyan n'ong relo?"

Bigla siyang ngumiti at saka tumango. "Maraming tao sa mundo. Maraming oras na maaaring baguhin. Maraming pagkakataong maaaring mabalikan." Nagpamulsa siya at tumanaw ulit sa malayo. "Kung mabibigyan ka ng isang pagkakataong makabalik sa nakaraan, kailan mo nais bumalik?"

Hindi ako nakasagot sa tanong na 'yon.

Isang pagkakataon. Hindi dalawa, hindi labindalawa.

Isa lang.

Napatanaw na lang din ako sa malayo gaya niya—iniisip ang sagot sa tanong na 'yon.

"May mga bagay na nakatadhanang mangyari at may mga bagay na maaari pang mabago. Ngunit kung nabigyan ka ng pagkakataon subalit wala namang nagbago, kung ikaw ang tatanungin, para saan pa ang pagbalik?"

Nilingon niya 'ko na parang nag-aabang ng sagot sa 'kin.

"Bumalik ka ba upang maranasan iyong muli? Upang sariwain ang pakiramdam? Kung nais mong may baguhin sa kahapon at may magbago nga sa kasalukuyan, kailan ang tamang panahon sa nakaraan upang balikan?"

Ang lalim ng hugot ko ng hininga at saka nag-isip. Hindi ko kasi alam kung kailan. Parang lahat ng oras ko noon para magdesisyon, sinayang ko lang, kaya gusto kong mabalikan lahat kung puwede.

Nagtaas siya ng kamay at napatuwid ako ng tayo nang makita ang isa ring pocket watch na nakasabit sa kamay niya.

"Bibigyan kita ng isang pagkakataong makapunta sa hinaharap, kapalit ng natitirang pagkakataon sa pagbabalik mo sa nakaraan. Isang pagkakataong makita ang dahilan kung bakit nga ba ikaw ang napili sa dami ng tao sa mundo, at isang pagkakataong makabalik sa nakaraan upang patunayang karapat-dapat ka ngang piliin higit sa kanilang lahat. Tatanggapin mo ba?"

Pakiramdam ko, saglit na pinutol ang paghinga ko ng alok niya. Pinakatitigan ko ang hawak niyang pocket watch, sunod ang mukha niya. Naghihintay siya ng sagot.

Tatanggapin ko ba?

"Ano . . . kapag ba . . ." Tiningnan ko ulit ang relo. "Kapag ba nakita ko lahat . . . mababago ko na ba ang buhay ko?"

"Desisyon mong baguhin ang buhay mo. Kung maibabalik kita, babaguhin mo ba?"

Hindi na 'ko nagdalawang-isip pa sa alok niya.

"Oo. Babaguhin ko na."

Ngumiti siya at sinusian na ang hawak niya.

"Paano? Dadalhin na kita sa hinaharap."

At gaya ng nangyayari, walang pagkinang sa paligid, walang kahit anong mahika. Nakita ko na lang ang sarili kong kasama ang lalaking naka-amerikana at nakaharap kami sa isang tulay.

Halos manlambot ako habang nakikita ko siya—nakatayo roon sa harang ng tulay, sa gitna ng ulan habang may hawak na pusa.

"Stella!"

Umuulan pero hindi kami nababasa ng lalaking naka-amerikana. Pinanonood lang namin siya—o ako? Nakatayo ako sa harang ng tulay. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Na kahit gusto ko siyang takbuhin para pigilan pero hindi ko magawa kasi para kaming nasa lumang pelikula. Parang panaginip lang ang lahat. Parang palabas sa sine.

"Stella!"

Basang-basa na ang suot niyang T-shirt saka mahabang palda. Sobrang ikli ng buhok niya—'yong halos panlalaki na ang gupit. Karga-karga niya si . . . si Miminggay.

Napakagat ako ng labi habang pinipigilan ang pag-iyak.

"Stella!" Napatingin ako sa kabilang panig ng tulay. Kanina pa ang boses ng lalaking sumisigaw pero hindi ko maaninag dahil sa dilim ng paligid.

Pagbalik ko ng tingin sa kanya . . .

"Saglit!" Napasigaw agad ako kasi bigla siyang tumalon.

Diyos ko. Ano ba'ng . . .?

Umawang na lang ang bibig ko at hindi ko na napigilang lumuha. Parang bumigat ang ulo ko at nanlambot ang tuhod ko kaya bigla akong napaupo.

Naririnig ko ang lakas ng ulan, pati ang sigaw na papalapit.

"Stella! Hindi!"

Nakikita ko ang isang lalaki—pamilyar na lalaking parang nakita ko na noon. Hindi siya mapakali. Pagpunta niya sa kanang panig ng harang, lumipat naman siya sa kaliwa. Parang may hinahanap sa ilalim ng tulay—hinahanap siya.

Nabitiwan na rin niya yung dala niyang payong kaya nabasa agad ang suot niyang puting T-shirt at shorts. Mabilis niyang tinakbo ang direksiyon namin. Habang papalapit siya, tumama ang liwanag mula malapit na lamp post sa mukha niya.

"Philip . . ."

"Sa parte ng buhay ng tao, may mga bagay talaga tayong pinagsisisihan," narinig kong sinabi ng katabi ko. "Mga kamaliang gusto nating itama. Mga kamaliang gusto nating baguhin."

Nagpunas ako ng mata para hawiin ang mga luha ko at nagulat ako kasi pagmulat ko, nasa ibang lugar na kami.

Mahabang pasilyong kulay puti ang pintura ng pader at mga ilaw. Ang daming tao. Nakarinig ako ng boses sa likuran kaya napalingon ako.

"Bakit . . . bakit kasi . . ." Ito na naman siya—si Philip. Basâng-basâ siya at hindi mapakali sa kinatatayuan. Kagat-kagat niya ang kuko at nakayuko lang. Paroo't parito siya sa kinatatayuan. "Dapat inagahan ko e . . . dapat binilisan ko e . . . dapat di ko siya iniwan e. E di sana, okay pa siya. Sana, wala siya rito. Sana . . . sana . . ."

Sinubukan ko siyang lapitan para pakalmahin pero natigilan ako nang bigla siyang naalerto.

"PJ."

Sabay kaming napatingin sa kabilang direksiyon ng pasilyo at nakita roon ang lalaking kahawig niya pero mas matanda pa ang itsura. Mukha siyang doktor base sa ayos niya.

"Kuya? Kuya! Ayos na si Stella?" Dali-daling lumapit si Philip sa tinawag niyang kuya at halos magmakaawa siya sa doktor. Naaawa ako sa kanya. Hindi deserve ni Philip na mahirapan dahil lang sa 'kin—dahil lang naging mahina ako sa mga oras na 'yon. Dahil lang ginusto kong mamatay sa hindi ko malamang dahilan.

"Sa buhay ng tao, hindi maiiwasang magkaroon ng pagsisisi. Mga bagay na katumbas ng bawat sana at dapat. Mga bagay na kahit sariling buhay ay gagawing kapalit, maibalik lang ang sandaling pinagsisisihan."

Lumuluha akong napatingin sa lalaking katabi ko. "Kasalanan ko lahat."

"Isa si Philip sa mga taong walang dahilan upang bumalik sa nakaraan niya. Naniniwala siyang lahat ng pinagdaanan niya ay parte ng kung ano siya sa kasalukuyan. Walang pinagsisisihan sa kahapon. Positibong tao. Naniniwalang mas mahalagang ayusin ang kasalukuyan kaysa balikan ang nakaraan para sa magandang kinabukasan. Dahil ang kahapon ay tapos na. Ang ngayon ay makokontrol pa."

Napasinghot ako at napapunas na naman ng luha.

Positibong tao? Pero ngayong nakikita kong umiiyak si Philip dahil sa 'kin, lalo lang akong nakonsiyensiya.

"Pinupuno tayo ng mga alaalang kung may pagkakataon, gusto nating balik-balikan. Mga alaalang kung mababalikan man, gagawin natin ang ilan pang posibilidad upang baguhin ang mga alaalang iyon."

Noon siya humarap sa 'kin at hinawakan ako sa kanang balikat.

"Ang orasang ito . . ." Inilahad niya ang pocket watch sa 'kin. ". . . ay hindi gaya ng relong mayroon ka na ibinabalik ka sa nakaraan at matatapos din sa pagbabalik mo sa kasalukuyan."

Umaalon ang luha sa mata ko nang tagpuin ko ang tingin niya.

"Ang orasang ito ay ibabalik ka sa nakaraan at muli mong uulitin ang lahat mula sa araw na iyon. Iiwan ka nito roon at hindi ka na ibabalik pa sa ibang panahon—hindi sa panahon mo, hindi sa panahong ito."

Nanginginig ang kamay ko nang kunin ko ang pocket watch sa kanya.

"Stella, kung bibigyan ka ng huling pagkakataong makabalik sa nakaraan at magsimula ulit sa umpisa . . . babalik ka ba?"

Mabilis akong tumango. Kahit ano, gagawin ko. Mabago ko lang ang lahat. Maayos ko lang ang lahat. Lahat-lahat ng mga pagkakamali ko. Lahat-lahat ng nagawa ko na puno't dulo ng lahat ng ito. Lahat-lahat.

"Kung desidido ka na, pihitin mo ang orasan sa ikalabindalawa. Isipin mo ang panahon kung kailan mo nais bumalik. Isang panahon, isang pagkataon."

Kahit nanginginig ang kamay ko, pinilit ko pa ring susian ang relo.

Kailangan kong baguhin anglahat. At handa na 'kong ulitin ang lahat.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top