Chapter 67: The Pocket Watch
Akala ko talaga, nawalan ng malay si Gelo. Nakaidlip lang siya gawa ng hilo pero nagising din agad dahil sa tili ko. Naakay ko pa siya sa may sofa at pinaupo roon bago ko kunan ng tubig.
"Meow."
"Ming, mamaya ka na," sermon ko kay Miminggay kasi ngayon pa naisipang harutin ang binti ko. "Pinakain na kita kanina, di ba?"
Bumalik ako sa sala para ibigay na kay Gelo ang tubig.
"Meow."
"O, tubig." Ako na ang kumuha ng kamay niya para hawakan niya ang baso.
"Meow."
"Ming!" Pinalo ko agad si Miminggay kasi umakyat sa hita ni Gelo at doon pa naisipang maupo. Kapal talaga ng mukha ng pusang 'to, nakaka-bad trip.
"Hayaan mo na yung pusa," mahinang sinabi ni Gelo, at saka uminom. Iniabot din niya sa 'kin ang baso at inilapag ko rin agad sa mababang mesa bago ako umupo sa katapat niyang monobloc.
"Bukas ka na umuwi," paalala ko. Alanganin siyang umuwi ngayon. Halos bumagsak na nga siya kanina habang yakap ako. Baka mapag-trip-an pa siya ng mga siraulo sa labas kapag mag-isa siyang umalis. "Ililigpit ko lang yung kuwarto ni Mama. Doon ka matulog."
"Galit ka ba?" tanong niya habang nakapikit at nakasandal ang batok sa sandalan ng sofa.
"Bakit naman?"
"Kasi iniwan kita."
Napaisip ako sa tanong niya. Hindi ko matandaan kung kailan ang sinasabi niyang iniwan niya 'ko. Umpisa pa lang naman, wala akong kahit sino para iwan ako, maliban kay Mama. At kahit ano'ng isip ko, wala talaga siya sa listahan ng mga nang-iwan sa 'kin.
"Gelo, 'wag mong isiping iniwan mo 'ko. Sanay akong mag-isa."
Pero kahit sinabi ko 'yon, parang hindi pa siya naniniwala.
"Nagsisisi akong iniwan kita," mahinang sabi niya. "Kung puwede lang mabalikan yung mga taon na sana nag-stay ako sa tabi mo no'ng kailangan mo 'ko. E di sana . . ."
Napabuga ako ng hininga saka napatungo. Matipid akong ngumiti at saka siya tiningnan ulit. "Di mo na maibabalik ang kahapon, Gelo."
"Sana lang, puwede . . ."
Ang bigat ng pagbuga ko ng hininga sa sinabi niya.
"Sana lang, puwede . . ."
Kung kahit puwede pa, hindi ko rin 'yon babalaking balikan. Ilang chance na lang ang meron ako. At isa pa, may Thea na siya. Gusto ko mang sabihing sana puwede pa kami, pero kapag naiisip kong sa 'kin lang siya babagsak, nanghihinayang na agad ako sa career niya. Successful si Thea, estudyante pa lang ako. Mukha ring intelehente kumpara sa 'kin. Ano ba'ng laban ko roon?
"'Wag mong saktan si Thea," sabi ko na lang bago siya iniwan para ayusin ang kuwarto ni Mama.
****
Ang weird na may mga number ako nina Jasper sa phone. Naka-receive ako ng text kay Carlo, nagtatanong kung nasaan si Gelo. Sabi ko, nasa bahay, nakatulog. Nag-chat na lang daw si Carlo sa girlfriend ni Gelo na doon sa bahay nila ito natulog para hindi magtaka kung paano napunta sa bahay ng babae ang boyfriend niya—specifically, sa ex pa.
Ang hindi ko lang din inaasahan ay si AJ na pumunta pa talaga sa bahay nang dis-oras ng gabi. May dala pa siya pagdating: pagkain saka inumin. Sa kusina muna kami tumambay kasi mukhang nakainom din siya, pero hindi naman gaya ni Gelo na lasing na lasing.
"Ang lungkot talaga rito sa bahay mo," puna niya habang pinaiinit ang magkabilang kamay sa cup ng hot coffee na binili niya sa Ministop.
"Nasaan na sila?" tanong ko, at humigop nang kaunti sa binili niyang hot choco para sa 'kin.
"Si Jasper, sa makalawa na raw babalik ng Davao. Doon muna siya sa bahay nila rito sa Manila. Sina Belle, umuwi na rin."
"Ba't di ka pa umuuwi?"
Saglit siyang ngumiti at umisang iling. Natawa siya nang mahina at umisang iling na naman. Parang may isasagot pero hindi masabi-sabi. "Alam mo yung sabi ni Chim kanina?" panimula niya habang nakatitig sa mesa. "No'ng pinagbati namin kayo four years ago, no'ng lamay ng mama mo, masama pa rin ang loob niya sa 'yo. Pero naawa rin siya sa 'yo. Dalawang taon mong inalagaan yung mama mo . . . mag-isa." Natawa na naman siya nang mahina, 'yong pilit saka umisang iling na naman. "Wala si Gelo e. Tapos may kanya-kanya rin kaming priorities. Pressure sa school, wala na nga halos time sa sarili, kaya wala na ring time para sa ibang tao."
"AJ . . ."
"Sabi mo kasi, okay ka lang." Nakagat niya ang labi at napahimas ng noo. Natawa na naman siya nang mahina pero pansin kong sobrang pilit na. "Stella, hindi ka okay e." Nagtakip siya ng mata at yumuko na. Nasilip ko pa ang dulo ng labi niyang nanginginig, nagbabadya ng pag-iyak. Nagbara na naman ang lalamunan ko habang pinanonood siya.
"AJ, ayos lang talaga. Masaya ako kasi successful kayong lahat ngayon."
"Sana nandoon kami sa tabi mo no'ng nahihirapan ka," sabi niya sa mas mahinang boses.
Biglang nanuyo ang labi at lalamunan ko habang pilit na nilalabanan ang iyak. Hindi ko alam na magkakaroon kami ng ganitong pag-uusap ni AJ, lalo na ngayon.
"Para kasing napakawalang kuwenta naming kaibigan . . ."
Kinagat ko agad ang labi ko at saka tumayo para yakapin siya mula sa pagkakaupo. Idinantay ko ang ulo niya sa bandang tiyan ko saka hinagod ang likod niya. "Ayos lang talaga, AJ." Pilit din akong ngumiti at tinapik-tapik ang likod niya. "Masaya ako kasi hindi ako mag-isa ngayon."
"Kung puwede lang bumalik sa mga panahong mag-isa ka, kahit busy ako, sasamahan talaga kita."
Napahugot na naman ako ng hininga dahil sa sinabi niya. Ngumiti lang ako at saglit na tumingala para pigilan ang pagbagsak ng luha ko.
"Okay lang, AJ. Salamat." Hinagod ko na naman ang likod niya saka ako bumitiw. "Gabing-gabi na. Dito ka muna. Sabay na kayong umuwi bukas ni Gelo."
****
Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa nakaraan . . . ano'ng gagawin mo?
Bigla ko na namang naisip ang tanong na 'yon.
Sa sala na piniling matulog ni AJ. Ayos lang naman daw sa kanya. Ala-una na ng madaling-araw at hindi naman ako makatulog. Matagal-tagal ko na ring hindi nagagamit ang pocket watch. Hindi ko rin maisip kung kailan ko pa ba ulit gagamitin 'yon.
Hindi ko maiwasang isipin ang lahat ng sinabi nina Gelo at AJ.
Sa dami ng ginawa ko sa past kahit limitado lang ang pagkakataon ko, alam kong marami ring nagbago magmula noong unang bumalik ako.
Gusto ko lang baguhin ang nakaraan ko pero nabago ko rin ang nakaraan ni Gelo. Hindi lang 'yon. Nabago ko rin ang nakaraan ni Chim.
Buong akala ko, kapag buhay ko lang, buhay ko lang talaga. Malay ko bang sa kabila ng pagiging walang kuwenta ko sa kanilang lahat, aabot ako sa ganito na malaking bagay pala ang existence ko para sa kanila.
'Yong alam kong wala lang ako pero hindi pala talaga. Kasi minsan sa buhay nila, nagkaroon ako ng impact.
Ewan ko ba. Wala rin namang nagbago sa buhay ko kahit nabago ko ang buhay nila. Patapon pa rin naman ako hanggang ngayon.
****
Pinalipas ko ang mga araw hanggang mag-clearance kami. Ilang linggo rin akong subsob sa paperworks at final projects. Sa sobrang dami ng mga deadline ko sa school, wala na 'kong time para mag-isip ng hindi school-related problems. Kaya nga nagpapasalamat ako kasi last day na namin para makapag-clearance. Ang bilis ng araw at March na. Bakasyon na rin sa mga susunod na araw. Matagal-tagal ko ring hindi makikita itong punong santol sa likuran ko.
Ilang minuto ko nang hinahalo ang laman ng cup na hawak ko. Babad na babad sa suka ang kwek-kwek at fish ball na magkakasama sa clear na baso. Ito na ang lunch ko. Ang ganda ng sikat ng araw, dama ko na ang summer. Malakas din ang hangin at medyo malamig pa rin naman. Pasalamat talaga sa lilim ng punong santol, hindi ako nabibilad sa init ng tanghaling araw.
"Hi, Stella!"
Napaangat ako ng tingin at halos tulalaan ko lang si Philip na patakbong lumapit sa 'kin saka umupo sa tabi ko. Nasasanay na 'ko sa Philip niya. Inaasar daw kasi siyang totoy kapag PJ ang tawag sa kanya. Ayos lang naman sa 'kin kahit ano pa ang pangalan niya.
"Ba't narito ka?" takang tanong ko habang nakatingin sa kanya. Ang lapad ng ngiti kahit ang dami niyang dalang clear book at naka-chef uniform pa.
"Katatapos ko lang magpasa ng final requirements," sagot niya habang nakangiti at nagpupunas ng noo. Nagtanggal din siya ng suot na salamin at nagpunas ng mata.
"Talagang dinadalaw mo 'ko rito, ha," nakangiting sabi ko.
"Siyempre, di ba, sabi ko nga, babalikan kita."
Natawa ako nang mahina sa sinabi niya. "Hindi mo naman kailangang araw-arawin."
"Uy, hindi naman araw-araw, a?" kontra niya agad. "Ngayon na nga lang ulit kita nadaanan! Kailangan ko pa kasing mag-render ng 20 hours sa school. Akala ko, tapos na. Request ng prof."
"Pero tapos na nga?" usisa ko pa habang sinisilip ang mukha niya pagkasuot niya ng salamin.
Mabilis naman siyang tumango. "Siyempre! Ako pa ba?"
"E di ga-graduate ka na."
Tumango na naman siya habang malapad ang ngiti. "Of course! Yey!" malakas niyang sigaw sabay taas ng magkabilang kamao sa ere. "Haaay! Ayoko nang mag-school. Sa wakas, makaka-graduate na rin!" Bigla siyang sumandal sa bench at tumingala saka nginitian ang punong santol sa itaas namin.
Natawa na lang ako sa kilos niya. Sana lahat makaka-graduate din.
"Congrats, Phillip."
"Makaka-graduate ka rin someday, Stella. Kita mo, second year ka na after lang ng isang summer. Tapos after ng dalawang sunod pang summer, graduating ka na. Kailangan mo lang tumuloy. Para din naman 'to sa future mo."
Tumipid ang ngiti ko roon. Tama naman siya. Kailangan ko lang magpatuloy sa present kasi hindi ako makakausad kung lagi akong bumabalik sa past. Bigla ko tuloy na-realize na ilang linggo ko rin palang hindi nagamit ang pocket watch at mas na-enjoy ko ang present ko this time. Kahit yung mga panahon na gusto kong mabalikan, hindi ko na hinahabol mabalikan kasi . . .
"Philip."
"Yep?"
"Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa past . . ." Saglit akong natigilan. Noon lang niya 'ko nilingon. ". . . ano ang gagawin mo?"
Tinitigan lang niya 'ko. Kumibot siya nang bahagya para akmang sasagot pero hindi rin niya itinuloy. Ibinalik niya ang pagtingala sa santol saka ngumiti nang matamis. "Parang mali yung tanong."
Doon ako nagtaka. "Paanong mali?"
"Mali kasi . . ." Umayos siya ng upo at saka ako tiningnan. "Ewan ko lang, ha. Kasi bakit Ano'ng gagawin ko? Di ba dapat ang tanong, Kailan mo gustong bumalik? We're not talking about what e. It's about when."
May sasabihin sana ako pero nawala sa isip ko. Bigla akong napangiti kasi ang witty naman ni Philip para maisip 'yon. Sa bagay. Panahon nga naman ang pinag-uusapan namin.
"Pero kung sakaling bigyan ka ng pagkakataon, may babalikan ka ba?" tanong ko pa rin.
Natawa siya nang mahina saka umiling. "Wala."
Kumunot ang noo ko roon. "Bakit wala? Wala kang gustong baguhin?"
Umiling na naman siya. "Wala, kasi imposibleng makabalik sa past. Saka wala rin naman akong balak na baguhin ang past ko kasi may mga bagay na dapat iniiwan na lang doon."
Lalo akong nalito sa kanya. "Wala ka bang pinagsisisihan?"
Nakangiti na naman siyang umiling. "Wala naman. Maloko ako dati saka ang dami kong kalokohan, pero hindi ko naman pinagsisisihan 'yon. Kasi alam ko sa sarili kong in-enjoy ko ang mga ginawa ko. Magsisisi ka lang naman kung hindi mo gusto yung ginawa o hindi mo ginawa, di ba?" Nagtataka siyang tumingin sa 'kin. "Bakit mo pala naitanong?"
Ako naman ang nawala sa mga sinabi niya.
Mukhang masaya si Philip sa mga nangyari sa buhay niya.
Sa bagay, kahit noon pa man noong una ko siyang makilala, masayahin naman na talaga siya.
"Wala rin naman akong balak na baguhin ang past ko kasi may mga bagay na dapat iniiwan na lang doon."
Siguro nga, may mga bagay na dapat iniiwan na lang sa past.
Napabuga tuloy ako ng hangin at napatanaw sa malinis na langit.
"Lalim n'on a?" bati niya sa buntonghininga ko. "May problema ka?"
Nanatili ang tanaw ko sa langit saka nagsalita. "Philip, bakit mo 'ko binalikan?" Binaling ko agad ang tingin ko sa kanya. Nakatingin din pala siya sa 'kin, naghihintay yata ng sasabihin ko.
"Dito?"
Tumango ako. "Oo."
Natawa siya nang mahina saka napayuko. Pag-angat niya ng tingin, tiningnan lang niya ang campus namin. "Alam mo, dati, may lalaking pumunta sa school. Yung araw na una kitang nakilala—sa Immaculate. Akala ko nga, si Kuya Patrick. Nagbigay siya sa 'kin ng picture." Bigla siyang tumango. "Ang nakasulat sa likod: Habulin mo ang oras niya kapag nawala na 'ko. Ang weird, di ba?"
Naningkit ang mga mata ko sa sinabi niya. Bakit pakiramdam ko, narinig ko na 'yon sa kung saan?
"Hindi ko na siya nakita ulit." Tumango siya at saka lang ako tiningnan. "Kamukha mo nga yung nasa picture."
Agad ang taas ng magkabila kong kilay sa kuwento niya. Bigla akong nangilabot sa narinig ko. Natakot? Nagulat? Hindi ko ma-explain.
"Kaya ba . . . narito ka?" alanganing tanong ko. "Dahil sa picture na 'yon?"
Mabilis siyang umiling habang nakasimangot. "Di a! Kamukha mo lang naman. Saka paanong magiging ikaw 'yon e mukhang nasa 30 na 'yon. Wala ka pa namang 30, di ba?"
Nakahinga naman ako nang maluwag doon. Akala ko, ako na.
"Nakita ko 'yon sa family album namin last Christmas. Kasama n'on yung note mo na may nakasulat na puntahan kita rito sa Santa Clara. No'ng naalala ko 'yon, hinanap agad kita n'ong nagka-time na 'ko."
"Hindi ka ba nagdalawang-isip? I mean, paano kung hindi mo pala ako nakita rito? E di nagsayang ka lang ng oras mo."
Tinawanan na naman niya 'ko. "Bakit mo naman iisiping sayang ang oras mo kung bukal sa loob mong gawin ang isang bagay? I mean, walang nagdikta sa 'kin na pumunta rito para hanapin ka. Decision ko 'yon. Di ba mas sayang yung time kung hindi ako nag-attempt na puntahan ka?"
Natawa lang din ako at tumanaw na naman sa campus naming wala halos estudyanteng nakakalat dahil sa tirik na tanghaling-araw.
Mas sayang ang time kung hindi siya nag-attempt?
Ang pait ng ngiti ko nang mapag-isip-isip 'yon.
"Kahit hindi ka sure na makikita mo 'ko rito, nag-attempt ka pa rin," sabi ko sa kanya, pero nakatulala lang ako sa harapan.
"Wala namang problema kung sakaling wala ka nga rito. Kasi isipin mo, hindi ko na mababalikan yung time na 'to kung pinalampas ko."
Hindi ko na mababalikan ang time na 'to . . . kung pinalampas ko.
Grabe, ang lakas naman ng impact sa 'kin n'on.
"Thank you, Philip." Matipid ang ngiti ko sa kanya. "Thank you kasi hinanap mo pa rin ako kahit pakiramdam ko, sayang lang ang time mo sa pagpunta mo rito."
"Nge?" Ngumiwi naman siya sa sinabi ko. "Ano ka ba? Di naman ako nagsasayang ng time! Ang dalas ko nga rito para sa 'yo tapos sasabihin mo, sayang ang time ko? 'Wag gano'n, Stella. Dapat thankful tayo na may dumadamay sa 'tin, may problema man tayo o wala." Mabilis naman siyang nag-angat ng kamay saka iwinagayway 'yon sa harap ng mukha ko. "Pero di mo naman kailangang mag-thank you sa 'kin! Ano lang, dapat isipin mo rin na hindi ka lang mag-isa. Kasi meron at meron pa ring mag-e-effort para mag-reach out sa 'yo kahit na . . . alam mo 'yon? Kahit medyo imposibleng ma-reach ka."
Tinawanan ko siya kahit mapait. Tinanguan ko na lang siya saka ako bumalik sa pagtanaw ko sa malayo.
Bigla kong naalala sina AJ. Naalala ko yung mga bagay na hindi ko natatandaang nangyari pala.
"Sana nandoon kami sa tabi mo no'ng nahihirapan ka . . . Para kasing napakawalang kuwenta naming kaibigan . . ."
"Bakit pinili mong mag-isa? Bakit hindi mo sinabing may problema ka? Bakit hindi mo 'ko hinanap kung kailangan mo pala 'ko?"
"Nagsisisi akong iniwan kita. Kung puwede lang mabalikan yung mga taon na sana nag-stay ako sa tabi mo no'ng kailangan mo 'ko. E di sana . . ."
Nagsisisi akong pinabayaan ko ang sarili ko noong mga panahong 'yon, pero ayoko ng pakiramdam na parang sinisisi nina Gelo ang sarili nila sa mga bagay na ako ang may kasalanan.
Akin lang dapat yung bigat. Hindi naman dapat kanila. Pero bakit naman kasi pati sila, dinamay ko pa?
O baka may paraan para hindi nila sisihin ang sarili nila gaya ng paninisi ko sa sarili ko sa pagkamatay ni Mama.
Tama. May paraan nga pala.
"Siguro kailangan ko nang bumalik, Philip." Tumayo na 'ko at itinapon ang pinagkainan ko sa malapit na basurahan.
"Babalik saan?" Tumayo na rin siya at nagtatakang tiningnan ako.
"Sa bahay," sagot ko na lang. "Uuwi na 'ko."
Hindi ko talaga inaasahan na si Philip pa ang magbibigay sa 'kin ng panibagong dahilan para bumalik . . . ulit.
"Gusto mong samahan kita?" alok niya.
Kung puwede lang talaga, isasama ko siya.
"O kahit sa sakayan na lang. Hatid kita."
Tumango na lang ako. "Sure.Tara."
---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top