Chapter 65: Homecoming
"Meow."
"Ito na nga, kakain na tayo."
Nilapagan ko si Miminggay ng tuna omelet na sinubukan kong lutuin pagkatapos kong maligo. Ilang araw ko ring hindi binalikan ang pocket watch. Ewan. Siguro kasi hindi ako maka-move on sa Prom Night at ayokong may mabalikang makakasira ng moment ko. O baka kasi kailangan kong unahin ang mga final project ko. O pareho.
At isa pa, maliban sa alok ni AJ na pumunta ako sa CNJ kasama sila, meron talaga akong naaalalang hindi ko matandaan kung nangyari ba. Para talaga siyang makati na hindi ko alam kung saan ko kakamutin kaya ako naiinis. Ilang araw din 'yon at talagang nababagabag ako.
Last day na ng finals namin at Homecoming na mamaya. Naalala ko ang usapan namin ni AJ habang pinapasa ko sa Edmodo ang term paper ko sa Humanities para sa last project sa finals. Pinipilit kasi nila akong pumunta. Sabi ko namang pupunta ako, ang kaso nga lang kasi, ayaw nilang maniwala. Baka raw kasi mang-indian ako.
Ayoko sanang pumunta, kasi sa totoo lang, nahihiya akong magpakita. Pero kasi, gusto ko rin silang makita.
Papalubog na ang araw. Maayos naman ang bihis ko. Pinafore dress na denim tapos brown na T-shirt bilang pang-ilalim saka rubber shoes. Nakatalungko lang ako sa harapan ni Miminggay habang pinanonood siyang kumain.
"Ming, bantayan mo yung bahay, ha? Pupunta lang ako sa school," paalala ko. Hinimas ko ang ulo niya habang inuubos niya ang niluto ko.
Tumingala siya at saka ako tiningnan. "Meow."
"'Yan, marunong dapat sumagot." Tumayo na 'ko at kinuha ang backpack kong ang laman lang ay wallet na may isandaang piso, mga resibo galing sa mart na pinagbibilhan ko ng noodles, saka ang android phone kong lumang modelo pa at gusto ko na sanang palitan kung may pera lang ako. Malamang sila, magaganda ang mga gadget nila. Mukha na silang mga asensado.
Sa bagay, sa batch namin, isa ako sa pinakabata kahit isa sa pinakamatangkad. Karamihan kasi sa kanila, mas matanda nang isa hanggang tatlong taon sa 'kin.
Malapit lang ang dati kong school sa bahay kaya wala pang fifteen minutes, nakarating na agad ako. Ang dami na agad taong naroon. Ang tagal ko ring hindi nakapunta kasi kabilang daan naman ang college ko, hindi rito. Pero yung matagal na 'yon, parang last week lang.
"Hi po! Anong batch po sila?" bungad sa 'kin ng isang estudyanteng bata pa. Siguro, nasa Grade 8 o kaya Grade 9 pa lang. Sinabi ko ang batch ko tapos binigyan ako ng ticket. May number, at ewan ko kung may pa-raffle sila.
Bigla kong naalala ang Prom Night. Ang kaibahan lang, iba na ang school ngayon. Mas lumungkot ang atmosphere kahit may malakas na sounds sa quadrangle. Pinutol na ang puno ng makopa kung saan ako dati nagtago noong Graduation Day—o si Chim. Naroon pa rin naman ang waiting shed na katabi ng makopa kung saan kami nag-stay matapos kaming mapalayas dahil kay Edison. Ang kaibahan lang, hindi na pula at puti ang kulay n'on. Pink at green na. May nadagdag na ring ilang maliliit na kubo malapit sa gate. Ang stage na katabi ng waiting shed, naka-ready na rin at may spotlight na.
"'Yon, o!" Sabay-sabay na kantiyawan ang narinig ko sa kanang gilid kaya napalingon ako roon.
"O! Kanina pa kayo?" sabi ko na lang. Nagkukumpulan pala sina AJ doon malapit sa may canteen.
"Stella!" Agad ang yakap ni Carlo sa 'kin at inugoy-ugoy pa 'ko—gaya ng ginagawa niya noong bumalik ako sa past bilang bagong Stella. "Akala ko, di ka pupunta e." Bumitiw na rin siya at tumabi agad sa kasama niyang babaeng chinita saka umakbay.
"Hi, Stella," mahinhing bati ng kasama ni Carlo.
"Hi," bati ko, at pasimpleng kumaway. "Friend kami niyan ni Carlo n'ong high school."
Bigla silang natawa sa sinabi ko.
"Ano ka ba, Ste?" sita ni AJ. "Kilala ka naman ni Mai."
"Ha?" Nagtaka agad ako sa sinabi niya. Kilala ko? Itong asawa ni Carlo? E sa FB ko lang sila nakikita. Ngayon, kilala ko na?
"Papsy Gels!" malakas na tawag ni Carlo, at kumaway-kaway pa sa malayo. "Stella!" Itinuro pa niya 'ko.
Napalingon ako. Naroon si Gelo. Ang ganda ng postura, naka-red checkered shirt at jeans. At may hatak-hatak siyang babaeng maganda.
"Oh, great! I thought, hindi ka pupunta," bati ni Gelo, at saglit akong niyakap tapos tinapik sa likod saka binalikan ang kasama niyang babae. "This is Thea," pakilala niya sa kasama niya.
"Thea . . ." pag-ulit ko habang nakatingin sa . . . girlfriend niya. Ngumiti na lang din ako kahit pilit at kumaway rin. "Stella," tipid kong pakilala.
"Hello, Stella," sabi ng boses niyang solid at mabigat. Hindi mahinhin, masyadong mababa, at sobrang mature and professional. Ngumiti rin siya at biglang niyakap mula sa gilid si Gelo. "AC told me a lot about you. You look sweet in person."
"Mah nose! Humaygad!" biglang sabi ni Carlo habang nagtatakip ng ilong. "Aym blood!"
Natawa tuloy nang mahina ang iba kasi nang-aasar pa si Carlo.
"Caloy," banta ni Gelo sabay taas ng kamao.
Lalo tuloy kaming natawa. Pero agad ding nawala ang akin. Nakatitig lang ako kay Thea. Nakasuot siya ng pulang sleeveless blouse tapos peplum skirt na white. Mukha siyang mayaman tapos ang ganda pa ng curls niya saka may makeup pa nang kaunti. Kitang-kita kapag naiilawan ng spotlight na nakatutok sa bandang puwesto namin.
Bagay sila ni Gelo. Tanggap ko nang talo na 'ko. Ang perfect nila.
"Stella!" tili sa likuran namin, at nagulat na lang ako kasi may yumakap sa 'kin mula sa likuran. At hindi lang 'yon, bigla pa 'kong hinalikan sa pisngi na ikinasimangot ko. "Uy, ikaw, ang KJ-KJ mo! Akala ko, rejected na naman kami! Taon-taon mo na lang kaming nire-reject, grabe ka talaga, as in! Tampo na 'ko!"
Napaatras ako habang sinisigawan ng babaeng ang tangos ng ilong tapos halos mahigitan ang height ko. Blonde din ang buhok niyang wavy tapos ang kapal ng makeup. Hindi naman awkward tingnan pero makapal talaga, lalo na sa lipstick na violet.
"Belle! Ako si Isabelle! Ano? May amnesia?" sermon pa niya.
Nanlaki ang mga mata ko sabay tili ng "Belle! Hala, oy!" Hinagod ko siya ng tingin. Ang sexy niya sa suot niyang polka dots na long-sleeve dress, sobrang fit pa naman sa katawan, at hanggang ibabaw ng tuhod ang haba. Kaya pala lalong tumangkad, kasi naka-stiletto na kulay dilaw. Inangat ko ang tingin at nakitang nagpapa-cute pa siya.
"'Ganda ko, 'no!" sabi niya sabay yakap na naman sa 'kin.
"Wow," iyon na lang ang nasabi ko habang hindi pa rin makapaniwala sa lahat ng nagaganap.
I know, iniwan ko ang past ko na friends na ulit kami, pero past 'yon e. Present time ko na ngayon at . . . hindi ito ang inaasahan kong present.
Pumunta na kami sa isang round table gaya noong Prom Night, pero tabi-tabi na ngayon ang mga mesa at occupied ang buong quadrangle. Wala naman yatang sasayaw ng cotillion dito kaya ayos lang.
Ang iingay nila, tapos ako, nakikinig saka nakikitawa lang. Nagkukuwentuhan sila ng mga naging career nila.
Nabanggit naman noong birthday ko na call center agent si Carlo sa Manila at may pamilya na. Si Jasper, nasa Davao na pero napabalik ng Manila para sa Homecoming. Si Gelo, pinuna na naman namin ang pagiging manager lang, at isa ring operations manager si Thea. Si AJ, sa Makati ang work at single pa rin hanggang ngayon. Si Belle, CPA na nitong huling licensure exam. Late na ngang dumating sina Arlene at Jane na nakisiksik sa table namin para makipagkuwentuhan. Nutritionist si Jane at supervisor naman sa insurance company si Arlene.
Lahat sila, graduate sa magandang schools. Lahat sila, successful na.
"Ikaw, Stella? Kumusta ka naman?" tanong ni Jane na ikinatahimik nilang lahat para mag-abang ng sagot sa 'kin.
Matipid lang akong ngumiti at dahan-dahang tumango. Aaminin ko, nanliliit ako. Naa-out of place kasi . . . wala e. Patapon pa rin ang buhay ko hanggang ngayon.
"Eto, nag-aaral pa rin," malungkot kong sagot.
"O?" gulat na reaksiyon ni Belle. "Buti nag-school ka na ulit! Akala talaga namin, hindi ka tutuloy!"
"Ng anong course?" tanong ni Thea kaya napatingin ako sa kanya.
"Education. Secondary."
"Ooh . . ." sabay-sabay sila.
"Teaching as a profession is nice, ha?" sabi ni Thea saka uminom ng nakahain sa aming orange juice. "My mother is a high school teacher, by the way. She's teaching sa P-Sci."
Naiilang ako sa boses niya. Parang boses ng boss sa kompanyang kahit hindi ka naman empleyado, papayag kang mautusan kaysa mapagalitan ka. Buo kasi, hindi masyadong feminine. Authoritative pa.
"Sabi ko kasi sa 'yo, 'wag ka nang mag-stop e," sabi ni Jane sa 'kin na dahilan ng kuwestiyonableng tingin ko sa kanya.
Wala naman kasi akong matandaang nagsabi siya—o sila, kahit sino sa kanila.
"Ano ka ba?" mahinang sabi ni Arlene sabay siko kay Jane. "Wala ngang mag-aalaga sa Mama niya, makulit ka rin e. Alangang iwan niya 'yon?" Inilipat sa 'kin ni Arlene ang tingin niya. "Di ba, Ste?"
"Okay lang naman kung mag-stop," sabi ni AJ. "Di naman karerahan 'to." Napatingin kaming lahat sa kanya. "Priority niya before si Tita Lyn e. Of course, uunahin niya yung mama niya. Saka ang importante naman, nag-continue pa rin siya sa pag-aaral. 'Yon naman ang mahalaga."
"Oo nga, tama, tama," segunda ni Carlo.
"You'll gonna miss school once nagka-work ka na, trust me," dugtong ni Thea sabay ngiti nang matamis. "Oh, you're supposed to work at school nga pala!"
Aaminin ko, gumaan ang pakiramdam ko sa mga sinabi nila.
Hindi ko ine-expect na sa pagbalik ko ngayon sa panahon ko, at sa muling pagsasama-sama namin, ganito ang kalalabasan ng lahat. Na parang welcome ako. Na parang isa ako sa kanila. Na parang hindi ko nararamdaman ang mag-isa.
Paglingon ko sa kanan, nahagip ng tingin ko ang babaeng nakasuot ng black and white dress na knee-length ang haba at naka-sandals lang. Pantay sa balikat ang haba ng blonde niyang buhok na straight, at simple lang ang makeup. Bigla tuloy akong kinabahan. Pagkatapos ng mahabang taon . . . ito na naman kaming dalawa.
At hindi ko na alam kung ano ba ang meron kami ngayon matapos ang lahat.
"Si Chim, nandito rin pala," sabi ko habang nakatingin sa kanya.
Naglingunan din silang lahat sa tinitingnan ko.
"Nasa HR siya ngayon, di ba?" kuwento ni Jane sa 'min na parang wala lang. Hindi gaya noon na may bitterness o kaya galit o kahit kaunting inis man lang.
"Psych major nga," sabi ni AJ.
"Oo, ka-batch ko 'yan sa FEU e," kuwento pa ni Gelo kaya napatingin ako sa kanya.
Sila? Ni Chim?
Halos mapaurong ako sa upuan nang bigla siyang lumapit sa 'min nang nakangiti. "Hey, guys!"
"Yo!"
"Hi!"
"What's up?"
"Long time no see."
Ang casual ng bati, walang tilian, walang snob-an.
Pagtingin niya sa 'kin, feeling ko, mukha akong tangang nakatulala sa kanya. "How are you?"
"A-Ako?" Itinuro ko pa ang sarili ko. "O-Okay lang." Mabilis pa akong tumango.
"Good. Puwedeng makiupo?"
"Okay lang," sabi nila nang hindi pa sabay-sabay.
"Mukha na kayong mga mamâ," bati niya sa mga lalaking nasa mesa.
Naiilang ako. Parang noong nakaraan lang—o nakaraang balik ko sa past, halos panggigilan niya 'ko kasi ako ang Prom Queen. Tapos ngayon, kasama na namin siya sa iisang mesa lang. Tumabi siya sa pagitan nina Jane at Arlene.
Kung titingnang maigi, kompleto kaming magbabarkada ngayon.
"Hey, Angelo. I was expecting the file last Saturday, bakit hanggang ngayon, wala pa rin?" reklamo ni Chim.
"Saka na nga yung trabaho. 'Ba 'yan?" inis na sinabi ni Gelo sabay irap at inom ng juice. "Homecoming ho ito, madam. You can follow that up on my email later or by tomorrow."
Putek. Hindi ako nakakasunod. Magka-close ba silang dalawa? Close na ba silang dalawa?
"Di ba, nasa Japan ka?" tanong ni Arlene kay Chim.
"I went home agad kasi sabi ni Belle, may homecoming daw."
"Mabilis lang naman biyahe niyan!" sabi ni Belle na bahagyang nakasimangot. "Ginagawa nga lang niyang palengke yung Hongkong."
Nagtawanan sila at hindi ako maka-relate. Bakit close na silang lahat? May nangyari bang hindi ko alam? O baka hindi ko lang talaga alam.
Nag-start na ang program at bahagya akong lumayo sa kanila. Sabi ko, gagamit lang ako ng restroom, pero ang totoo, gusto kong magtago sa kanilang lahat. Ito na naman kasi ako at na-i-insecure sa kanila. Halos lahat sila, successful na sa career nila. Tapos ako? Ito, nagsisimula pa lang ulit.
Doon ako tumambay sa katapat na room ng mga grade one na malapit sa restroom at naupo sa sementadong upuan para sa nagse-service sa mga bata.
Maingay sa mesa, at hindi ko ine-expect na mami-miss ko ang katahimikan.
"Huy," biglang gulat ng kung sino, at naupo pa sa tabi ko. May-kadiliman sa puwesto namin pero naaaninag ko ang mukha niya gawa ng ilaw sa stage.
"Teka. P . . . J?" takang tanong ko.
"Ba't mag-isa ka?" tanong din niya.
"Ayoko r'on. Maingay," sagot ko na lang.
"Gusto mo?" alok niya ng Sprite sa can na tinanggap ko naman. "Ilan lang kami sa batch ko na pumunta. Malamang, busy sa pag-aayos ng school documents. Mga graduating e."
"Kami, medyo marami."
"Bakit ayaw mo r'on?" tanong ulit niya habang tinuturo ng nguso ang mesa namin.
Umiling ako. "Parang hindi ako belong."
"Bakit naman?" Humigop siya sa inumin niya. Pagtingin ko sa kanya, nakatingin na pala siya sa 'kin at nag-aabang ng sagot.
Nagkibit-balikat ako at tumanaw sa iniwan kong mesa. "Kasi malayo na sila e. Tapos ako, ito lang. Nagtatrabaho na sila. Ako, nag-aaral pa lang."
"O? Issue ba 'yon?"
Nagkibit-balikat na naman ako. "Medyo. Kasi wala akong maipagyabang e. Asa pa rin ako hanggang ngayon sa magulang."
"Mababawi mo naman 'yon pagka-graduate mo," sabi niya, pampalubag yata ng loob. "Saka wala naman 'yon sa kung ano ka ngayon bago ito. Ang mahalaga naman, di ba, ay yung kung ano ka bukas pagkatapos nito?"
Natigilan ako at napatingin ulit sa kanya. Tinitigan ko ang mukha niya mula sa malabo at kakarampot na ilaw. Medyo gumuwapo siya sa ganitong anggulo sa tabi ko. At . . . ewan ko, pero feeling ko, nangyari na 'to dati.
"Philip Jacinto," banggit ko sa pangalan niya na sobrang pamilyar talaga. Siguro dahil siya si PJ, pero parang hindi rin.
"Yes?" sagot niya, at napatingin na naman sa 'kin.
"Buti natatandaan mo pa 'ko." Tumipid ang ngiti ko sa kanya.
"Siyempre!" natatawang sabi niya. "Matatandaan mo naman ang tao kapag may dahilan ka para maalala siya. Ilang taon kaya kitang hinintay."
Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, bigla akong natulala sa kanya.
"Philip . . ."
Hindi ko malaman kung bakit nakikita ko siyang nakangiti sa tabi ko, pero hindi siya na ngayon—mas matured pa. Iyon bang kamukha ng kuya niya. May sinasabi siyang hindi ko marinig. Sa may punong santol. Naka-formal siyang damit.
"Huy, okay ka lang?"
Nagtitindigan ang mga balahibo ko at parang gusto kong umiyak habang nakatitig sa kanya.
"Paano kung—kung hindi pala kita binigyan ng . . ." Napalunok ako at napapikit nang mariin bago yumuko. ". . . ng dahilan para maalala ako?"
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Gusto kong umiyak habang sinasabi kong nami-miss ko siya. Pero nalilito ako kung bakit ko naman gagawin 'yon. Bakit ko gagawin 'yon?
Natawa siya nang mahina saka napatingin sa mga taong nagsasaya sa quadrangle. "Bakit mo naman iisipin yung what if mo sa isang bagay na nangyari na? Nagsisisi ka bang binalikan kita?"
Kahit gusto kong umiyak, napatawa pa rin niya ako kaya nasuntok ko nang mahina ang braso niya. "Sira."
Naghimas na lang ako ng palad habang iniisip 'yon. Kung bakit ko nga ba tinatanong ang isang bagay na pinilit kong mangyari kahit may pagka-imposible.
"Ikaw, nagsisisi ka bang bumalik ka para sa 'kin?" tanong ko nang sulyapan siya.
Humilig siya palapit sa 'kin at tinapik ako nang marahan sa bumbunan. "Sabi ko, di ba, babalikan kita. Bakit ko naman pagsisisihan ang mga desisyon ko e choice ko 'yon?"
Sa mga sandaling iyon, ewan ko ba kung bakit bigla ko siyang niyakap saka ako umiyak.
Ang weird. Sobrang weird na na-miss ko nang sobra si Philip—o si PJ.
'Yong ilang araw nang bumabagabag sa 'kin—'yong bagay na parang nakalimutan ko, biglang naglaho na lang pagkayakap ko sa kanya.
Parang kahit wala na sina Gelo, siya lang ang makausap ko, ayos na.
Ang weird talaga.
----
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top