Chapter 64: All's Well That Ends Well

Nasisilaw ako sa mga flash ng camera. Ilang beses din kaming kinuhanan ng picture ni AJ. Nag-pa-party ang lahat—lahat masaya. Hindi nawala ang tingin ko kay Chim na kitang-kita kung gaano ka-dismayado sa resulta ng pagpili ng Prom Queen.

Wala naman akong pake kung maging Queen of the Night ako, kung alam lang ng lahat. Nandito ako dahil gusto kong malaman kung ano'ng nangyari sa pagitan namin ni Chim at kung bakit mas lalong tumindi ang galit niya sa akin.

Matapos ang picture-taking, pagkababa namin ni AJ, nagpaalam akong magpupunta sa restroom. Pumunta kasi roon sina Chim at Jane at gusto ko lang sundan.

Nakarinig ako ng pagbukas ng gripo kaya binuksan ko na rin ang pinto.

Sabay na napalingon sa akin ang dalawa. Bigla ring bumigat ang paghinga ni Chim at pinilit akong basain ng tubig sa gripo gamit ang malakas na paghawi niya ng kamay.

"Ano? Masaya ka na, mang-aagaw!" sigaw niya sa akin. Ang talim ng tingin niya at halata namang galit na galit siya.

"Lahat na lang, inaagaw mo e. Masyado kang nagpapabida," dagdag niya at naglakad papalapit sa akin.

"Chim, hindi naman ako yung pumili—"

"Wala akong pakialam, malandi ka!" Huminto siya isang braso lang ang layo sa kinatatayuan ko. Nagpamaywang siya at hinamon ako ng tingin kahit na halos tingalain niya ako dahil hindi rin naman siya ganoon katangkaran.

"Ano? Masaya ka na? Inagaw mo na nga si AJ, inagaw mo pa si Belle, inagaw mo pa pati atensyon ng lahat, pati yung pagiging Prom Queen, inagaw mo na rin!"

Napakunot ang noo ko sa sinasabi niya. Hindi ko naman intensyon ang lahat. Bumalik lang naman ako para ayusin ang buhay ko. Wala roon ang mang-agaw ng atensyon ng kahit pa sino—maliban kung si Gelo na ang pinag-uusapan.

"Nilalandi mo lahat! Pokpok ka kasi! Kapal ng mukha mo!"

Gusto kong mainis, gusto ko siyang kuwestiyunin sa mga pinagsasasabi niya kung saan niya iyon nakukuha, pero ewan ko. Gusto kong marinig lahat ng problema niya sa akin at kung bakit siya nagkakaganito.

"Nagagalit ka dahil kinuha ko lahat?" takang tanong ko pa. "Aling mga bagay na pagmamay-ari mo ang kinuha ko?" Itinuro ko yung labas ng restroom. "Si AJ? Bakit? Ang alam ko, si Gelo yung boyfriend ko." Tumayo ako nang diretso at nagpamaywang din. "Si Belle, inagaw ko? Sa paanong paraan? Kasi pinili niya si Jasper? Desisyon ko ba 'yon? Desisyon ko bang umalis siya sa ka-toxic-an mo?" Nagtaas ako ng tingin. "Inagaw ko ang atensyon ng lahat? Sa paanong paraan? Kasi nagpakatotoo ako sa sarili ko at hindi kita sinunod? Hindi na 'ko pumayag sa pang-aalila mo sa 'kin? Iyon ang inagaw ko? Huh!" Napailing na lang ako habang hindi ako makapaniwalang nakatingin sa kanya. "Si Belle, gusto niyang maging masaya kaya humiwalay siya sa 'yo. Si Arlene, sinasaktan mo. Si Jane?" Tiningnan ko si Jane na nasa likod namin at pinanonood kami. "Naging kaibigan sila sa 'yo. Naging kaibigan kami sa 'yo. Pero ano? Ano'ng iginaganti mo? Sinasaktan mo kami! Nilalayo mo sa 'min lahat ng ikasasaya namin! Kung pinili kita at hindi ako nagpakatotoo sa sarili ko, oo nga! Baka ikaw pa ang Prom Queen ngayon! Baka ikaw ang nagustuhan ng lahat! Baka nga girlfriend ka pa ni AJ e! Pero di mo ba nakikita ang sarili mo?" Napasimangot ako. "Ipinipilit mo yung sarili mo sa tao kahit ayaw nila sa 'yo."

Hindi ko lubos maisip na darating ako sa puntong lahat ng pinagdaanan ko, sasabihin ko nang harap-harapan kay Chim—ang dahilan kung bakit ko pinagdaanan ang lahat ng iyon noon.

"Kung puwede lang, binawi ko rin sina Arlene at Jane sa 'yo." Tiningnan ko si Jane sa likuran na kaiba noon, mukhang nasaktan din siya ni Chim ngayon kaya ayaw niyang tumulong.

Nilingon ni Chim si Jane at dali-dali niyang hinatak ang kanang braso nito. "Ano? Isa ka rin, ha? Pare-parehas lang kayo nina Arlene na traydor!"

"Chim . . ." natatakot na tawag ni Jane habang nangingilag. "M-masakit."

"Tigilan mo nga si Jane!" pag-awat ko agad at hinatak ko papunta sa likuran ko si Jane para itago. "Alam mo, ikaw, sumosobra ka na e!"

"A, talaga!" Bigla na niyang hinigit ang buhok ko na nagpahakbang sa akin paabante. "Ito ang bagay sa 'yo, malandi ka!"

"Ano ba, Chim!" sigaw ko kasi talagang gusto niya yatang tanggalin ang buhok ko sa pagsabunot niya. "Tumigil ka na!"

"Chim! Stella!" naririnig kong tili ni Jane.

Nagkagulo-gulo na ang tingin ko. Nagulat ako kasi naitulak ko nang malakas si Chim at sabay kaming bumagsak dahil natisod ako ng sarili kong heels. Kumalansing ang nalaglag na koronang suot ko sa tiles at doon ako napatingin.

Narinig ko na lang na bumukas ang pinto ng restroom at may sumigaw.

"Stella!"

"Ste!"

"Nasaan si Stella!"

Bigla na lang may bumuhat sa akin para makatayo nang maayos. Ipinaharap niya ako sa kanya at doon ko lang nakita si Belle na hinahawi ang buhok kong magulo.

"Okay ka lang, Ste?" tanong pa niya at niyakap ako saglit sabay tingin kay Chim na nanatiling nakalugmok sa tiles na sahig ng restroom. "Inaaway mo na naman si Stella, Chim? Bakit? Naiinggit ka na naman?"

Magmula nang maging kaibigan ko sila, o kahit noong bumalik ako sa past, hindi ko lubos maisip na hahantong kami sa ganitong pagkakataon na tatalikuran namin ang nag-iisang taong iniidolo namin noon.

Perfect si Chim. Maganda, matalino, mabait, friendly, gusto ng lahat.

Pero ngayon? Alam kong fake ako, pero hindi ko in-e-expect na may mas fake pa pala sa akin.

Hindi siya ang Chim na nakilala ko. Siguro nga, maganda siya. Matalino? Siguro, malakas lang sa teacher. Mabait? Wala nang makapagsasabi niyon. Friendly? Matapos ang mga nangyari, hindi ko na alam. Gusto ng lahat? Ngayong nakatitig lang ako sa kanya?

"Jane!" pagtawag ni Belle. Nasa tono niyang inuutusan niya si Jane na pumanig sa amin.

Kinuha ako ni Gelo at hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko. "Ano'ng ginawa niya sa 'yo?" galit na tanong ni Gelo.

"Wala . . ." Pilit kong tinabig ang kamay niya pero lalo lang niya iyong ikinagalit.

"Sinaktan ka niya, ha?"

"Tsk!" Ayoko nang magkagulo pa. Hinatak ko na lang si Gelo palabas ng restroom at nakita kong ang dami pala nilang nakaantabay roon.

"Stella!" sigaw na naman ni Gelo at pinigilan ako sa paglakad. "Ano'ng ginawa niya sa 'yo?"

"Wala nga!" Nadako na naman ang tingin ko sa pintuan ng restroom at nakita kong lumabas doon si Chim at tumakbo palayo habang umiiyak.

Naglingunan silang lahat sa direksyong tinahak ni Chim. Humakbang ako para sumunod pero pinigilan ako ni Angelo.

"'Wag mo nang sundan," babala pa niya.

Masamang tingin lang ang ibinigay ko kay Gelo. "Kasalanan ko kaya siya nagkaganoon. Inagaw ko kasi lahat ng kanya."

"Wala kang inagaw. Bakit ba lagi mong iniisip 'yan?"

"Ikaw," panimula ko, "di ba, siya naman talaga yung gusto mo noon pa man? Si AJ? Sila dapat ni AJ ang magkakatuluyan e. Sina Belle? Dapat buo pa rin sila. Kahit itong pagiging queen? Dapat, siya 'to e! Pero ngayon . . . ?" Napatingin ako sa kung saan. Nanlalambot ako. Napatalungko na lang ako kasi talagang nanghina ang tuhod ko dahil sa panghihinayang. Napatakip ako ng mukha gamit ang magkabila kong kamay at hindi ko na inisip na may makeup akong magugulo. Naiinis ako sa sarili ko. Ito pala ang tinutukoy nila noong graduation. Kagagawan ko nga talaga.

"Stella, tumayo ka diyan," narinig kong utos ni Gelo pero hindi niya ako inakay patayo. Naramdaman kong nakiupo lang din siya sa tabi ko at ipinatong ang suit niya sa katawan ko. "Di mo kasalanan kung masama ang ugali niya, okay?" Hinagod-hagod ni Gelo ang likod ko, na hindi ko maipaliwanag pero nakakagaan ng pakiramdam, sa totoo lang. "Ano ngayon kung gusto ko siya noon? Siya ba yung pinili ko? Kahit nga si AJ, hindi siya pinili. Kasalanan mo ba 'yon?"

Doon lang ako napalingon sa kanya. Totoo ba ito? Si Angelo, marunong mag-comfort—at ako pa? Kung sino pa ang palagi niyang binu-bully?

"'Wag ka nang magdamdam, hm? Si Chim ang may problema, hindi ikaw." Doon lang niya ako inakay patayo at nagpaakay naman ako. Pagtingin ko sa harap, nandoon pala sina Belle na pinanonood kami—ako na mag-drama. Nadako ang tingin ko kina Jane at Arlene na nandoon.

"Hindi ko sila pinasunod kay Chim," sabi agad ni Belle bago pa man ako makapagtanong. "Sumosobra na talaga siya e."

"Okay ka lang ba, Jane?" iyon na lang ang naitanong ko kay Jane na malungkot sa nangyari.

Bigla na lang siyang umiyak habang himas-himas ang braso niyang halos bugbugin ni Chim kanina.

Ako na ang lumapit para yakapin siya.

"Gusto ko lang namang maging okay kami . . ." sabi ni Jane sa pagitan ng mga hikbi niya.

"Shh, okay lang 'yan." Pinatahan ko siya habang hinahagod ang likod niya. "Palamigin muna natin yung ulo niya."

"Ba 'yan!" biglang sabi ni Carlo. "Ganda-ganda n'yo, nag-aaway-away kayo." Bigla siyang nakiyakap sa amin ni Jane. "Hug ko na lang kayo lahat."

"Hoy, tukmol, kanina ka pa!" Bigla siyang hinatak ni Gelo palayo sa amin. "Ikaw, tsina-tsansingan mo naman girlfriend ko e!"

"Akala ko, break na kayo! My loves, di pa ba kayo break? Di ba, binu-bully ka nito?"

"Utot mo! Doon ka nga!"

"My loves, inaaway ako ni Gelo o! Sapakin mo nga!"

Nagtawanan na lang kami dahil sa kalokohan nila. Alam talaga nila kung kailan pagagaanin ang sitwasyon.

Binawi ni Arlene si Jane at nag-sorry sila sa aking dalawa. Sabi ko na lang, walang kaso roon. Iyon din naman ang closure na gusto kong mangyari sa aming dating magkakaibigan.

"Yes naman!" sabi ni Belle nang magyakap-yakap kaming apat. "Ang ganda ng tapos ng prom!"

Napangiti na lang kami. Pero sa loob-loob ko, alam kong may isang taong hindi maganda ang prom night dahil sa akin.

Nag-announce na si Ma'am Amy ng last slow song para sa last dance. Nagkanya-kanyang akay na sila ng mga ka-partner. At sino pa nga ba ang last dance ko? Siyempre, ang kanina pang naghihintay ng last song.

"Kita mo, ang bruha mo na tuloy," sabi ni Gelo habang hinahawi sa mukha ko ang mga dumikit na hibla ng buhok. "'Pag makikipag-away ka kasi, dapat di ka sumusugod mag-isa. Dapat nagtatawag ka ng resbak."

"Sira," sabi ko sabay sampal nang mahina sa kaliwang pisngi niya. "Napaka-war freak mo talaga kahit kailan."

"Bakit mo naman kasi sinugod mag-isa si Chim sa CR? Kita mo, inaway ka tuloy. Buti, nakita kayo ni Belle."

Napaiwas ako ng tingin sa kanya at napasimangot. "Gusto ko lang namang makipagbati."

"Makikipagbati ka, e alam mo nang ayaw sa 'yo n'on."

Napayuko ako. Alam ko naman. Pero hindi naman masamang sumubok.

Ang sabi nila, pinagbabati nila kami ni Chim. Pero mukhang hindi iyon nangyari. At mukhang lalo lang naging imposible iyong mangyari.

Naramdaman ko na lang na hinalikan ako ni Gelo sa ulo kaya napatingala ako. Hanggang ngayon, nahihiwagaan pa rin ako kasi sobrang clingy pala talaga niya.

"Di ka ba naiilang na hinahalikan mo 'ko sa harap ng lahat?" tanong ko na gusto ko talagang itanong magmula nang bumalik ako.

"Bakit naman ako maiilang?" sabi pa niya at hinalikan na naman ako sa noo.

Ang weird na ito na naman ang sikmura kong parang may blackhole sa loob at ang puso kong nagsasarili ng beat kahit slow ang kanta.

"Di ako makapaniwalang clingy ka," sabi ko pa habang pinipigilang ngumiti pagtingin ko sa kanya. "Parang ang weird kasi bully ka e."

"Sa 'yo lang naman ako ganito," sagot niya at hinalikan ako sa kanang pisngi.

Napangiti na naman ako. Seryoso ba si Gelo sa ginagawa niya?

"Di ba awkward sa 'yo na dati, binu-bully mo 'ko, tapos ngayon, girlfriend mo 'ko?"

Hindi siya agad sumagot. Hinalikan na naman ako sa kabilang pisngi. "Ikaw nga lang yung tumanggap sa akin kahit alam mong binu-bully kita. Dapat nga, ikaw yung tinatanong ko kung bakit ka nagtiyaga sa akin kahit ilang beses kitang ipinagtabuyan."

Napangiwi tuloy ako sa kuwento niya. So, talagang pinursige siya ng Stella ng past? Wow, ibang klase. I'm proud of you, past Stella. Good move.

"Alam ko naman kasing mabait ka naman talaga kahit bully ka." Nginitian ko siya nang matamis. At kahit medyo madilim sa puwesto namin sa dulo, alam kong nakikita niya ang ngiti ko. "Ang suwerte ng girlfriend mo."

Bigla niyang itinulak ang noo ko nang marahan. "Talaga. Suwerte mo."

Doon nawala ang ngiti ko. Alam ko naman kasi ang totoo. Sa darating na panahon, mananatili na lang alaala ang lahat ng ito. Mga bagong alaalang ipinagpapasalamat ko kasi nabigyan ako ng pagkakataong maulit pa.

Saglit akong huminto sa pagsasayaw at tumingkayad nang kaunti para mahalikan siya sa labi. Magaan lang, mabilis.

Natigilan din siya dahil doon at tinitigan ako nang maigi.

"O?" tanging banggit niya.

"Ma-mi-miss kita nang sobra, Gelo," sabi ko na tagong-tago ang lungkot. "Sobrang thankful ako kasi hindi lang sarili ko yung nabago ko. Pati ikaw."

Gumapang ang kilabot sa katawan ko habang pinipilit kong huwag umiyak. Sobrang saya ko kasi . . . kasi hindi ko in-e-expect ito. Ang mga kaibigan. Ang atensyon. Lahat.

Alam kong ngayon lang ito at babalik ako sa panahon ko na isa na naman akong malaking wala. Pero kahit na ganoon, gusto ko lang malaman ni Gelo na sa lahat ng pagkakamali ko, siya lang ang nagawa kong tama.

"O, ano 'yan?" tanong pa niya at bigla akong niyakap. "'Wag mo 'kong iiyakan dito, Ste, babatukan talaga kita."

Niyakap ko na lang siya nang mahigpit hanggang matapos ang tugtog.

Sa susunod na magkita kami, gusto kong sabihin sa kanyang siya ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Na hindi ako nagsisisi sa lahat ng pagpipilit ko sa sarili ko. O kahit doon sa tatlong beses kong pagbalik sa worst day ever ko.

Siguro nga, walang kuwentaang prom night noon, pero hindi na iyon ganoon ngayon. At may babaunin na akongmagandang alaala pagbalik ko. Mga alaalang kapag maiisip ko, masasabi ko sasarili kong hindi ako nagsisising binalikan ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top