Chapter 63: Prom Queen
Nagpapasalamat talaga ako sa pocket watch kasi nabigyan ako ng chance bumalik sa mga panahong sana mabalikan ko talaga. Hindi ko man gustong balikan ang prom night pero talagang tuwang-tuwa ako kasi ang daming pumupuri na ang ganda ko nga raw ngayon. Ang kaso, dumating na ang pinakamalaking problema ko ngayon.
"Gelo."
"O? Problema?" tanong pa niya nang nagtitipon-tipon na ang lahat sa may tabi ng stage.
"Hindi ko alam yung step," nag-aalala ko pang sinabi. Diyos ko! Hindi ko talaga alam ang gagawin ko ngayon, bad trip lang!
"Anong hindi mo alam yung step?" tanong pa ni Gelo na parang sinisisi pa ako sa katangahan kong ito. "Tuwang-tuwa ka ngang ang bilis mong nakabisado yung step. Ikaw nga yung nag-ga-guide sa mga ka-row mo tapos biglang hindi mo alam?"
Napaurong ako pagkarinig ko niyon. Wow, ha? Ang yabang ko naman, uy! I mean, si Stella na bagong Stella na rin.
"E, hindi ko nga alam," katwiran ko pa na may pagsusungit kasi ito na naman si Gelo sa attitude niyang barumbado. "Hindi na lang ako sasayaw." Imbis na sumama sa mga pumipila, tumalikod ako para bumalik sa upuan ko.
"Hoy, hoy, hoy, sexy, dito ka." Bigla niyang hinatak ang kamay ko at puwersahan akong hinila palapit sa kanya. Halos magkandatapi-tapilok ako kasi ang tarantado talaga niya kahit kailan, kita na ngang naka-heels ako! Ito, may panahon talagang gusto kong hampasin din ito si Gelo ng dos por dos e.
Mabuti na lang, bago pa ako matumba, sinalo niya ang baywang ko at mabilis akong itinayo nang maayos. Idinikit niya ako sa katawan niya saka kinaladkad papuntang stage habang alanganing yakap ako para lang hindi ako makatakbo.
"Gelo kasi, hindi ko nga kasi talaga alam yung step!" bulong ko pero nilakasan ko nang kaunti kasi ang iingay na nila habang papalapit kami.
"Kinakabahan ka lang, hija." Bigla niyang sinapok nang mahina ang kanang sentido ko. "Tigilan mo 'ko sa inarte mo."
Puwedeng magmura? Gusto ko na talagang sikmuraan ito si Gelo e!
HINDI KO ALAM ANG PESTENG STEP DAHIL HINDI AKO SI STELLA NG PANAHONG ITO!
Kaso, ang nakaka-bad trip, as if namang kapani-paniwala iyon, di ba? Di ba? Putek.
Bandang likod pala kami—ako at ang partner ko kasi nga matangkad kami. Inilapit ako roon ni Gelo at kinuwelyuhan niya si Sebastian—ang third year na ka-partner ko. Kasingtaas ko lang dapat ito pero mas matangkad na ako ngayon dahil sa heels ko. Ang awkward tuloy.
"Hoy, ungas," pambungad niya na hindi ko alam kung tatawanan ko ba o maiinis ako kasi ang bully pa rin niya.
"K-Kuya, ba't po?" kinakabahang sagot ni Sebastian. Kawawa naman, na-bu-bully nang dahil sa akin.
"Tigilan mo nga si Seb!" inis ko pang sinabi sabay palo sa kamay ni Gelo para mabitiwan niya ang kuwelyo ni Sebastian.
Tiningnan lang ako nang masama ni Gelo pero tinigilan na rin niya ang pamimisikal. "Nag-iinarte 'tong girlfriend ko," babala pa niya habang dinuduro ang mukha ko. "I-guide mo raw 'to sabi niya. Kapag ito napahiya, kahit graduate na 'ko, paabutin ko pa rin hanggang next year yung kahihiyang aabutin mo sa 'kin."
"Siraulo!" sigaw ko sabay hampas sa balikat ni Gelo. "Ikaw, bully ka talaga! Walang pagbabago, ha? Wala? Wala?"
Hindi sumagot si Gelo. Hinalikan lang niya ako sa sentido saka pumunta sa puwesto niya na tatlong tao ang layo sa akin.
Naghalo na ang kilig, hiya, at inis dahil sa kanya. Walang imik ang mga nasa paligid namin. Para bang normal na normal lang na may PDA moments kami ni Gelo. Diyos ko, buti na lang talaga at hindi ako ang Stella ng panahong ito kundi umbag ang aabutin ni Gelo sa akin kahahalik niya. Ang dami na, ha! Quota na! At hello? Alam ko, sa panahong ito, 17 going 18 pa lang siya ngayong taon. Ako, kaka-15 ko lang. Ano? Malandi? Maharot? Diyos ko, day!
Tiningnan ko si Sebastian. Hindi siya iyong super guwapo na kayang lumebel kay AJ, o kahit kay Carlo man lang. Hindi naman siya pangit. May itsura pero hindi pansinin. Siguro kasi, tahimik lang kaya hindi nga kapansin-pansin. Mukha pang duwag at nerd.
Pinaayos na kami ng puwesto. Nasa kanan ako ni Sebastian. Hinawakan ko ang kanang kamay niyang nakataas bago ako nagpasabi ulit. "Seb, seryoso, nakalimutan ko yung step. Guide mo 'ko, ha?"
"Hala, Ate Ste," sabi pa niya at mukhang mas kinakabahan pa siya kaysa sa akin. "Akala ko, kabisado mo na talaga yung steps? Ikaw nag-ga-guide sa akin e, di ba?"
Puwedeng magmura ulit raised to the tenth power? Ano ito? Patangahan moment na naman ba ito? Bad trip. Dapat pala, sinabi ko na lang na si Gelo na lang ang partner ko. Anak ng patolang tungaw, oo.
Hugot-buga ako ng hangin habang nakikita kong pabawas na kami nang pabawas sa pila kasi nag-fo-formation na sa gitna ng quadrangle. Putek, kahit hinddi malamig, nanginginig ako.
Sinundan ko ang pattern ng mga nauna sa akin. Mukha pa akong tangang panay ang tanong sa mga nasa paligid ko kung ano na ba ang susunod na steps.
Ewan ko ba pero masaya ako kasi talagang this time, guided talaga ako ng mga nasa paligid ko . . . at walang nagsabi sa aking ang tanga ko lang para makalimutan ang steps na practiced naman nang ilang linggo.
"Dito na, 'te. Magpapalit-palit ng partner na," paalala ni Sebastian kasi nagkanya-kanyang bilog na. Ito yata iyong iikot-ikot tapos magpapalit-palit ng partner.
Anim na pares kami sa iisang bilog. Tatlong pares ng third year tapos tatlong pares ng fourth year.
Binitiwan na ako ni Sebastian tapos ipinaikot papunta sa katabi niyang lalaki—si Allen.
"Ganda mo ngayon, Ste," pambungad agad ni Allen habang sinusundan ko ang steps na left-right-left tapos ikot lang. Inikot na naman ako para ilipat sa katabi.
"Hi, Ate Ste!" bati ni Lewis. Ito ang may crush kay Chim dati sa third year, at siya rin ang tinanghal na Prince of the Night. "Ang pretty mo tonight."
Oh my golly wow. Totoo ba talaga ito? Kilala niya ako? At hindi lang kilala! Pinuri pa! Ang sweet ng boses niya. Hindi na kataka-takang sumunod ito sa yapak ni AJ. After ng step, ikot-lipat na naman sa katabi.
"Mukha kang bold star," sabi ni JC pagkahawak na pagkahawak sa akin.
"Mukha mo bold star," sagot ko sabay tadyak sa kanya.
"Hahaha! Kaya ayaw ka pahawakan ni Castello e. Baka maagaw yung kayamanan niya."
Mukha tuloy akong timang na nagpipigil ng ngiti dahil sa narinig ko nang iikot niya ako sa kabilang partner. Kalokohan ni JC! Putek! Pagka-ikot niya sa akin, ipinasa niya ako kay Erish na nginitian lang ako habang isinasayaw. Nginitian ko na lang din. At ipinasa ako sa classmate ko—si Mark.
"Ano na'ng next step nito?" agad na tanong ko pagkahawak ko sa kanya.
"Totoo?" tanong din niya.
"Nakalimutan ko yung step," sabi ko na lang.
Tinawanan niya ako nang mahina saka tumingin sa kabila. "Iikot na."
Na-shock ang sistema ko nang mag-ikot-ikot na naman tapos mukha akong timang na palinga-linga habang napako sa kinatatayuan ko.
Put—ong masarap naman talaga, putek iyan! Ano na, hoy!
"Ate Ste, dito! Dito!" naririnig kong sigaw ni Seb sa kung saan. Pusang galang hindi ko na siya makita!
"Seb! Hala, Seb!" tili ko pa, mukha na akong tanga. "Partner, oy! Saan ka na, oy!"
Nagulat na lang ako kasi biglang may humatak sa akin sa kung saan tapos hinawakan ako sa baywang habang nakataas ang kanang kamay kong hawak niya.
"Makukutusan talaga kita, Stella," sabi pa niya habang sinasayaw ako. Nakatingin lang siya sa akin nang . . . masama? Natatawa? Nang-iinis? Hindi ko alam!
"Sabi na kasi sa 'yong hindi ko alam yung steps!" pabulong ko pang sermon sa kanya. "Saka, hindi ikaw yung partner ko!"
"Yung partner mo, hayun! Iniwan mo kasi," sabi pa niya. Itinuturo ng nguso niya si Seb na nasa kabilang grupong nakabilog at ang ka-partner na ay ang partner dapat ni Gelo.
Puwede ulit magmura nang unli? Putek naman kasing—ugh! Ayoko na talaga! Ang tagal matapos!
Inikot niya ako at ipinasa sa kabila. Ganoon pa rin ang step at hindi ko na alam ang nagaganap.
"O? Ba't nandito ka?" tanong pa ni Mikael pagkasalo sa kamay ko.
"Hindi ko rin alam!" sigaw ko pa sa kanya. Isinayaw lang din niya ako sabay lipat sa kabila. Puro pala sila fourth year na lalaki rito sa bilog nila.
"Stella?" tanong pa ni AJ nang siya na ang makasalo sa kamay ko. "Sa kabila ka, a?"
"Tanong mo kay Angelo," irap ko agad at ipinasa na niya ako sa kabila.
"Kasi naman, lutang na naman," sermon pa ni Jasper ni katabi lang din ni AJ at inaasahan na ako.
"Di ko nga kasi alam yung steps!" pag-uulit ko ng issue ko sa mundo. Inilipat na naman niya ako at si Carlo ang nakasalo sa akin.
"My loves! Miss mo 'ko?" At talagang ang OA niya nang iugoy-ugoy ang kamay ko habang bigay na bigay sa steps niya. Si Carlo talaga, oo.
Inikot niya ako at ibinalik kay Gelo. Nagkumpulan pa talaga silang lima sa bilog na ito.
"Pipila na, last na itong line," paalala ni Gelo at sapilitan niya akong inurong pakaliwa hanggang mapantay kami sa linya. Napunta na ako sa bandang likod dahil kay Gelo. Nilingon ko si Seb na nililingon din ako. Pasimple akong kumaway sa kanya para sabihing doon ako napunta sa likuran. Nag-thumbs up naman siya para sabihing okay lang.
Diyos ko, kahihiyan. Nag-iipon lang ako ng napakaraming kahihiyan sa buhay.
Matapos ang ilang left-right-left step at ikot-ikot sa puwesto, nag-bow na kaming lahat at naglakad na isa-isa para sa exit.
At isa lang ang laman ng utak ko habang nilalakad ang papuntang likuran habang akay-akay ng kamay ni Gelo.
HINDI KO NA UULITIN ITO KAHIT NA KAILAN.
Pagkabalik namin sa table naming six-seater, kompleto ang apat at kami lang dalawa ni Belle ang babae.
At ang nakakainis, pinagtatawanan ako ng tatlo—si Carlo, si Jasper, at itong Angelo Castello na boyfriend ko raw pero bully pa rin ang tarantado.
"Sigaw nang sigaw! Ay, sows!" pang-asar pa ni Gelo.
"Ikaw, bully ka e! Nakaka-bad trip kang lalaki ka!" sermon ko sabay hampas sa balikat niya. "Saya ka? Saya ka?"
"Hahaha! Ginagawa mo naman kasi sa buhay mo?" Hahawakan sana niya ako pero hinampas ko agad siya.
"Lubayan mo 'ko!"
"Oow!" malakas na kantiyaw nina Jasper sa kanya dahil sa ginawa ko.
"I-break mo na 'yan, Ste!" sulsol ni Belle at uminom na sa water goblet niyang kanina pa bawas ang laman.
"Talaga!" segunda ko pa. Tiningnan ko si Gelo at halos matahin ko siya dahil sa kalokohan niya. "Boyfriend daw tapos binu-bully ako? Naku! Tantanan n'yo nga ako!"
"Ako! Ako, puwede ako!" tuwang-tuwa pang sinabi ni Carlo at nagtaas pa ng kamay. "Ako, puwede akong boypi mong bago, Ste!"
"Hoy, tukmol!" banta na naman ni Gelo sabay turo kay Carlo. "Ano'ng karapatan mo?" Inakbayan agad ako ni Gelo at halos idikit ako sa katawan niya para ipagdamot ako—sa lahat. "Ang kay Pedro, kay Pedro. Ang kay Juan, kay Pedro pa rin."
"Ito, buwakaw talaga 'tong demonyitong Angelo na 'to e," sabi pa ni Carlo kay AJ na akala naman, walang ibang nakakarinig sa kanila.
"Tukmol!" asar na naman ni Gelo sabay bato ng table napkin kay Carlo.
Nakahinga na ako nang maluwag kasi tapos na ang kahihiyan ko kanina. Ngayon, may memorable moment na ako sa prom—nakalimutan slash hindi ko alam ang steps at mukha akong tangang nawala sa kalagitnaan ng cotillion.
Nag-announce si Ma'am Amy ng kung ano-ano at maagang nagpasabi ng mga award na puwedeng makuha ng kahit sino. Matapos ang kaunting paalala, hinainan na kami ng pagkain ng mga waiter.
Dala ni Jasper ang digicam niya kaya wala kaming ibang ginawa kundi kumuha ng pictures kada minutong magkakaroon ng pagkakataon. Karamihan ng picture sa digicam niya, hindi na ako magtataka kung puro kami ni Belle. Si Belle kasi, sobrang demanding na kesyo, picture-an daw siya, picture-an daw kaming dalawa, picture-an kasama sina AJ. Lalo na si AJ. Iinggitin daw niya nang matindi si Chim.
Inanunsyo ni Ma'am Amy na may King and Queen of the dance floor—at alam ng lahat na si Carlo ang nakakuha niyon dati. Hindi na rin ako magtataka kung kahit ngayon, siya pa rin ang makakuha. Wala pa nga ang tugtog, nasa gitna na siya at nag-aayang sumayaw kami kasama siya.
"Tara na, My Loves!" pag-aya pa niya at kinuha ang kamay ko saka ako pilit na pinatatayo.
Nilingon ko si Gelo na nakamasid lang sa paligid. Nag-isang tango lang siya at hinayaan na akong tangayin ni Carlo.
Nagsasayawan na ang lahat. Slow dance lang, pang-mag-jowa.
"Mananakit paa mo nito," paalala ni Carlo. At napatingin agad ako sa kanya kasi . . . ang tono niya, hindi ang typical Carlo na maingay. Ang seryoso pero sincere. Iyong klase ng Carlo mood na bihira niyang ipakita. Iyong exclusive for serious talk.
Maliban sa floral long sleeves niya, alam ng lahat na kahit hindi kapantay ni AJ ang itsura niya, sobrang charming niya talaga kasi joker siya. Tipong ma-i-in love na lang ang kahit sinong babae kasi funny man siya e. Mapapangiti niya ang kahit sino, kahit lugmok na sila.
"Happy ka naman ngayon?" tanong niya at pansin kong hindi ganoon ka-intense ang hawak niya sa baywang ko compare kay Gelo na parang gigil na gigil, akala kakaripas ako ng takbo.
"Siyempre," sagot ko agad habang dahan-dahang tumatango. Napahigpit ang hawak ko sa magkabilang balikat niya at napatingin sa ibang nagsasayaw. "Mas masaya ngayon."
"Ganda ngayon ng My loves ko," bati na naman niya habang nakangiti.
Hindi ko tuloy alam kung ano ang isasagot ko. Tinitigan ko lang siya.
"Maganda ka naman daily. Pero siyempre, mas maganda ka nang matindi ngayon."
Nagpigil lang ako ng ngiti saka tumango na naman nang dahan-dahan. "Thank you, Carlo. Alam mo, kung di ko boyfriend si Gelo, baka ikaw talaga yung boyfriend ko."
Natawa naman siya nang mahina. "Okay na ako na My loves kita. Kay Gelo ka kasi talaga."
"Hmp, walang sama ng loob?" tanong ko pa.
"Gusto naman kita, Ste, pero hanggang tropa-tropa lang talaga tayo. Alam ni Gelo 'yon kahit nagkukupalan kaming dalawa."
Natawa na lang ako sa sinabi niya. So, clear na kaming dalawa ni Carlo. Hanggang friends lang pala talaga. I-ta-tag ko na siya as my best friend ever. Kasi kahit noong hindi pa ako nakakabalik sa past, best person na talaga siya.
"Baka naman o," parinig sa tabi namin. Si Jasper, kasayaw si Carisa.
Ah, ito pala ang girlfriend—magiging pa lang pala—ni Carlo. Tropa-tropa nga naman.
"Ito na nga! Isa ka pang swapang e!" singhal ni Carlo at nagbalik na siya sa Carlo mode niya. "Dito ka na kay kapre, My loves. Baka umiyak pa 'to e." Inilipat na ako ni Carlo kay Jasper at matamis na ngiti agad ang bumungad sa akin.
"Si Gelo mo, nag-e-emo na naman sa sulok," natatawang sabi ni Jasper at itinuro ng tingin si Gelo na pinanonood lang kami—o ako? Sa akin nakatingin e.
"Baka nahihiyang mag-aya," katwiran ko na lang.
"Sus! Nahiya? Kapal ng apog niyan, nahiya? Meron siya n'on?" panlalait ni Jasper kaya napahagikhik kami. Ang sama ng ugali, mga backstabber.
Di-hamak na mas matangkad si Jasper kaysa kay Gelo. Mga two inch yata. Sumi-six- footer din kasi si Jasper. Mukha tuloy kaming tower na nasa likuran nagsasayaw dahil kitang-kita namin lahat.
"Kailan pa naging kayo ni Belle?" usisa ko kahit alam ko ang sagot—ang dating sagot. "Valentine's Day? No'ng naging Mr. Valentines ka?"
Natawa siya sabay iling nang marahan. "Ang weird mo, Ste. Alam mo naman yung sagot, tinatanong mo pa."
"Mabilis naman kasi. Ilang araw lang 'yon after ng birthday ko e."
"Matagal naman na kasi kaming textmate ni Isabelle."
Halos manlaki ang mga mata ko dahil sa inamin niya. Hindi ko iyon alam!
"Tapos di mo sinasabi sa lahat?" sabi ko pa, di-makapaniwala.
"Sabi kasi niya, magagalit si Chim kapag nalaman n'on na magka-text kami. Kaya hayun, secret lang yung amin."
"Ano?" iyon na lang ang nasabi ko. Ibig bang sabihin, talagang pinipigilan kami ni Chim na magkaroon ng relationship sa iba noon pa man? Bakit? Kasi ayaw lang niya?
"Baka bitter kasi ayaw ni AJ sa kanya. Kaya kung wala siyang boyfriend, dapat wala ring boyfriend yung mga friend niya."
Oh, I think tama ang hinala ko.
"Buti na lang talaga, umalis na si Belle sa grupo nila kasama si Chim. At least, masaya kaming dalawa ngayon."
Pero alam kong hindi rin magtatagal ang kanila ni Belle. Sa panahon ko kasi, taken na si Belle at iba ang boyfriend niya. Pero hayaan na. Sa future pa iyon, hindi pa ngayon.
Grabe. Ibang level din pala ang pagiging kontrabida ni Chim na later ko lang na-realize. Ang toxic niya palang kaibigan.
Kung sino-sino ang nag-aya sa aking sumayaw. At habang umaandar ang gabi at tugtog, unti-unti ring ipinakikilala ang mga binibigyan ng award.
Nanatili ang tingin ko kay Gelo habang kasayaw ako ng isang third year. Nang matapos ang kanta, nagsabi na akong magpapahinga muna kasi masakit na ang paa ko. At hindi ko masabing gawa-gawa ko lang kasi nakapitong kanta na at nakarami na ang nag-aya sa akin. Halos mangalay ang hita at mamanhid ang sakong ko kasasayaw. Pag-upo ko sa tabi ni Gelo, nag-usisa agad ako.
"Bakit di ka sumasayaw?" tanong ko pa. "Nahihiya kang mag-aya?"
Nakatingin lang siya sa malayo nang sumagot sa akin. "Hinihintay ko yung last song."
"Bakit? Para di ka mapagod?"
"Para maaya ko na yung gusto kong isayaw."
Hindi naman sa nag-a-assume pero malamang na ako iyon. Hindi ko maiwasang mapangiti kasi . . . hello? Willing to wait si Gelo ng last song para lang isayaw ako. Assuming na kung assuming. Girlfriend ako e, bakit ba?
"Pero bakit nga ayaw mong mag-aya muna ng iba?" pagpipilit ko pa. "Ikaw lang yung wala pang sinasayaw."
"Pake ko sa kanila," sabi pa niya at iyon na naman siya sa tono niyang parang inis na inis na naman.
"Si Chim, ayaw mong ayain?"
Doon lang niya ako tiningnan. At ang talim pa ng tingin, parang mananapak.
"Aayain ko na lang si Tita Anna para matahimik ka," sabi na lang niya kaya natawa ako at nasuntok siya nang mahina sa kanang braso.
"Sakit ng paa ko," reklamo ko habang pinapadyak-padyak ang paa ko sa ilalim ng mesa.
Nagulat ako at napatingin sa kanya nang iurong niya ang upuan niya palayo sa akin sabay kuha sa kaliwang paa kong nakaladlad at ipinatong sa hita niya.
"Huy, Gelo, abnormal ka!" sigaw ko pa at inambahan siya ng palo. Bigla niyang inalis ang heels ko at inilapag sa sahig.
"Kasi, kung kani-kanino nagpapasayaw," paninisi niya habang hinihilot ang paa ko.
Hindi na ako nakaimik. Kulang na lang, umusok ang ulo ko sa sobrang init. Mabuti na lang madilim, baka mapansin ng iba na obvious na kinikilig ako.
Diyos ko, Angelo, totoo ka ba? Naku, Stella ng past, ang swerte mong gaga ka!
Kabilaang paa ko ang hinilot ni Gelo. At marunong siyang maghilot, nakakaloka talaga! Grabe, puwede bang bawiin siya sa present girlfriend niya?
Nagpaalam siyang mag-aayos ng buhok kaya pumunta siya ng restroom at saglit akong naiwan sa mesa namin.
"Gelo," pagtawag ko pagkabalik niya matapos mag-restroom.
"Bakit?" sagot niya at tinabihan na naman ako. Magsasalita dapat ako kaso natameme na naman ako kasi inalis niya ang ilang hibla ng buhok kong nasa mukha ko na at inipit niya sa likod ng tainga ko.
Naalala ko ang ginawa niya noong nag-pa-practice kami para sa Christmas presentation tapos nagpapabebe siya.
Traydor ang puso ko, walang pakisama. Nakiki-jive sa speaker na tumutugtog ng Always ng Erasure.
"Ano? Tulala lang?" asar pa niya. "Naguguwapuhan ka naman sa 'kin?"
Oo, pero pake mo? Iyan sana ang sasabihin ko sana sa kanya kaso wala, tulala nga lang talaga ako. Bakit wala akong Angelo Castello sa future? Ano ang pinalampas ko?
"Mahal mo ba 'ko?" tanong ko na lang. Na-curious ako kasi grabe ang effort niya kahit bully siya.
Akala ko, tatawanan niya ako pero hindi. Hinalikan lang niya ako sa kaliwang sentido tapos sa pisngi tapos biglang sa labi pero mabilis lang lahat.
Parang pinutol nang saglit ang paghinga ko dahil sa ginawa niya. I know, mentally speaking, twenty na ako at wala nang kaso kung gawin man niya ito. Pero kasi ngayon? Alam ba naming dalawa kung ilang taon pa lang kami?
Hindi niya sinagot ang tanong ko. Sa halip ang sinabi niya, "Isasandal sana kita sa balikat ko kaso naka-foundation ka e."
Napatingin naman ako sa balikat niya. Diyos ko, baka mamuti ang damit niya dahil sa makeup ko. Conscious pa rin sa damit kahit kailan. Inirapan ko na lang siya. Paglingon ko sa mga nagsasayaw, napamulagat na lang ako kasi hinawakan niya ako sa ulo at idinantay nga ang pisngi ko sa balikat niya.
"Hoy, gagi ka! Baka—" Hindi na ako nakapalag pa. Nakita ko kasing tinakpan niya ng towel ang kanang balikat niya.
Tahimik lang si Gelo, wala pa ring imik. Pero iyong pakiramdam na kahit hindi siya magsalita, damang-dama ko ang sagot sa tanong ko.
Oo, Stella. Mahal na mahal ka ni Gelo kahit bully siya. At kung kulang pa sa iyo ang special treatment na nararanasan mo ngayon, mahiya ka naman kung humiling ka pa ng sobra.
Ewan ko, ang saya-saya ko ngayon. Nakaka-bad trip. Bakit ba kasi sobrang limitado ng oras ko?
Unang beses bilang ako, ang Stella ng future, niyakap si Gelo habang nakaupo kami at pinanonood ang lahat.
Kaming nasanay na kinaaayawan ng lahat. Na iniilagan. Na iniiwasan. Na mga nagpakatangang minsan kay Chim. At naka-survive sa kaisipang si Chim ang babaeng nasa pedestal na dapat sinasamba.
Si Chim, hayun, kung sino-sino ang nag-aayang isayaw siya. Masaya naman siya. Hindi ko lang alam kung sa paanong paraan kami pinagbati ng lahat gaya ng sinasabi nina AJ. At kung ano ba ang dahilan kung bakit gigil sa akin si Chim noong graduation day namin.
"Ito na ang pinakahihintay ng lahat!" sabi ni Ma'am Amy sa stage. At kami lang yata ni Gelo ang hindi kasali sa lahat na tinukoy ni ma'am kasi wala kaming pake sa hinihintay nila. Announcement lang naman ng Prom King and Queen e obvious na sina AJ at Chim iyan.
Niyakap ko lang nang mahigpit si Gelo habang pinanonood ang lahat na huminto sa gitna ng quadrangle habang nakaabang sa announcement.
"And the Prince of Night is no other than . . ."
"Sean Lewis Ibarrientos," sabi ko.
"Sean Lewis Ibarrientos!" anunsyo ni ma'am.
Nagtilian ang mga babae. May mga sumisipol at sumisigaw ng "Go, Lewis!"
Umakyat si Lewis sa stage at sinuotan na siya ng sash.
At kasunod malamang ay ang Princess of the Night.
"The Princess of the Night is . . ." Itinutok ni Ma'am Amy ang mic sa crowd.
Sabay-sabay ang sigawan ng "Diana Grace Fabellon!"
Natawa nang mahina si ma'am. "Alam na alam a."
Umakyat na rin sa stage si Diana at tumabi siya kay Lewis. Sinuotan siya ng sash at manipis na korona.
"Ito na. Yung mga anak ko, excited 'to e," sabi pa ni ma'am sa aming lahat.
"Si AJ pa rin naman yung Prom King," sabi ko na lang habang nag-aabang.
"The King of the Night is . . ."
Sabay-sabay na sumigaw ang lahat ng girls na classmate ko. Kahit ang mga third year. "Arjohn Velasco!"
Natawa nang medyo malakas si Ma'am Amy kaya inilayo niya agad ang mic at may sinabi pa kay Sir Albert na nasa stage din at nagsasabit ng sash at nagsusuot ng korona.
"Eto na si AJ," sabi ni ma'am habang pinanonood si AJ na umakyat ng stage.
Si Ma'am Amy ang nagsuot kay AJ ng crown na manipis lang. Wala namang nagtaka sa amin na siya ang napili. Tanggap na ng lahat ng boys na siya lang ang deserving doon in all aspect.
"Okay! Ito na ang ating Queen of the Night!"
Medyo pa-suspense pa si ma'am, obvious namang si Chim ang babanggitin.
"Our Queen of the Night is . . ."
"Ate Stella!" sigawan nilang lahat na ikinalaki ng mga mata ko.
"Stella Daprisia!"
Nagtinginan ang lahat sa direksyon namin ni Gelo kaya napabitiw agad ako sa pagkakayakap sa kanya.
Put——ha?
"Stella! Ano? Lutang pa rin?" sigaw ni Belle. Siya na ang lumapit at inakay ako patayo na para akong imbalidong ewan.
"'La, Belle, uy!" sabi ko pa habang nakatitig sa kanya at akay-akay ako papuntang stage.
Para akong nawawalang bata habang paisa-isang hakbang sa stage at nakatingin sa kanilang lahat.
Bigla akong namingi. Parang nawala ako sa mundo. Nakatingin lang ako kay ma'am para kuwestyunin siya kung tamang pangalan ba ang sinabi niya.
Si Chim kasi dapat e. Bakit ako?
Pinatabi ako kay AJ tapos sinuotan ako ni Sir Albert ng sash at si Ma'am Amy ang sa crown.
May mga sinabi pa silang hindi ko ma-digest kasi nakatuon lang ang tingin ko kay Chim na nanlilisik ang tingin sa akin mula sa inuupuan niya. Katabi niya si Jane na dismayado ang mukha. Si Arlene, hindi ko makita kung nasaan.
"Ste," tawag ni AJ at kinuha na ang kamay ko. "Sasayaw raw."
Tumango lang ako at ipinatong ang mga kamay ko sa balikat niya at siya sa baywang ko.
Nag-aalala ako, kinakabahan, halo-halo na. Pero alam kong hindi ako masaya.
"Bakit ganyan yung mukha mo, Ste?" tanong pa ni AJ kaya napatingin ako sa kanya.
"Galit si Chim," sabi ko. "Siya dapat yung queen e."
"Stella . . ." pagtawag ni AJ sa paraang gusto akong sermunan.
"Bakit ako?" tanong ko pa. "Di naman ako deserving, a."
"Sinong may sabing hindi?"
"Ikaw, oo. Pero ako?"
"Stella, narinig mo silang lahat. Alam nilang deserving ka."
"Pero si Chim kasi . . ."
"Si Chim na naman? Bakit ba iniisip mo na naman siya?"
"Kasi gusto kong makipagbati. Kita mo ngayon, mas lalong nagalit."
Nagbuntonghininga si AJ. Kahit ako, nadamay na rin.
Ilang saglit pa, natapos na ang sayawan portion namin tapos nag-picture-an na. Pinilit kong ngumiti kahit hindi umabot sa mata.
Si Chim ang ipinunta ko rito at ang dahilan ng galit niya. Ngayon, alam ko na ang dahilan.
Ako pala.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top