Chapter 62: She's the One

Junior-Senior Prom Night ang isa sa pinakawalang kuwentang parte ng high school life ko, sa totoo lang. Lalo pa't cancelled ang prom night namin noong third year kami dahil tumanggi ang mga dating Senior year. Minsan na nga lang mangyari, hindi pa ako nag-enjoy. Pero ngayon?

Nagpapasalamat talaga ako nang sobra sa pocket watch na meron ako.

Forty ang population namin at apat na tao lang ang kulang sa bilang ng mga Juniors. Wala pang pitong minuto ang biyahe mula sa bahay nina Gelo papuntang school. At pagbaba na pagbaba namin sa van, bumungad na agad ang mga naka-gown and suit na mga classmate namin at ibang third year. Nagtinginan tuloy ang lahat sa amin pagtapak namin sa lupa.

"Kuya AJ!" tili agad ng ibang third year. Hindi na rin naman ako nagtaka kasi . . . hello? Si Arjohn Velasco iyan. Salutatorian namin, member ng school paper, Vice-President ng Student Council, one of the best students ng school, at sobrang ma-PR pa. Para ngang mapapatanong na lang ang kahit sino kung wala bang may crush sa kanya kasi imposibleng ni minsan, walang nagkagusto sa kanya, sa totoo lang.

"Hi!" pagkaway naman ni AJ sa kanila at siya pa ang nagsara ng pinto ng van.

Ang weird ng feeling na para akong si Shan Cai sa Meteor Garden, aside from the fact na dama kong purita talaga ako in real life at hindi naman mala-Dao Ming Si si Gelo. Magkaugali sila, puwede. Parehas silang barumbado. Si Jasper kasi talaga ang sobrang yaman sa kanila—sa buong school at buong year namin.

"Hi, girls!" bati ni Carlo at nagdire-diretso na sa mga tambay sa gate. Pinag-aakbayan niya ang mga babaeng naroon at nakipagkuwentuhan pa. Hindi na rin ako nagtaka. Si Carlo kasi ang pinaka-friendly slash pinakawalanghiya sa amin na kahit di niya naman ka-year, kino-close niya.

"Itakip mo 'to," utos pa ni Gelo sa akin at ibinalot niya sa itaas ng dibdib ko ang nakaladlad na pulang face towel niya. Malaki lang nang kaunti ang blazer niya sa akin tapos binalutan pa ako ng tuwalya.

"'Tol, kumutan mo na lang kaya si Stella, hahaha!" asar pa ni Jasper matapos kausapin ang driver ng van na paalis na.

"Tarantado!" sigaw pa ni Gelo at inambahan ng sipa si Jasper.

Tawa lang nang tawa si Jasper na patungo na sa gate at nagpatiuna na sa aming pumasok.

"Dami-dami naman kasing damit, 'yan pa isusuot mo," inis na binubulong ni Gelo habang inaayos niya ang towel at blazer niyang nakasuot sa akin.

Alam ko namang masama ang ugali ni Gelo ever since I knew him, pero ewan ko ba? Ito ang klase ng sama ng ugali na ang cute lang panoorin.

Inakay na rin niya ako papasok ng school. At hindi gaya sa ibang nakaangkla ang kamay sa braso ng lalaki, si Gelo naman, nakaakbay lang sa akin para suportahan ang towel na huwag malaglag mula sa pagkakatakip sa itaas ng dibdib ko. Naiilang tuloy ako na natatawa na lang. Mukha pa rin kasi akong tanga kahit hindi rainbow ang suot ko dahil sa ginagawa niya.

"Angelo, wala bang damit 'yang si Stella?" pang-asar pa nina Allen pagkakita sa amin.

"Oo, wala! Buwisit," bad trip na sagot ni Gelo sabay hatak sa akin para makaupo roon sa pinakatago-tago at dulong parte ng mga naka-arrange na table. Sa pinakalikod na nga, doon pa sa malayo sa kung nasaan ang mga tao.

"Diyan ka lang," utos na naman niya sa akin habang dinuduro ako. "Kakausapin ko lang si Tita Anna. Kapag may nag-aya sa 'yong umalis diyan, uumbagin ko, sige ka."

Pinigilan ko namang tumawa habang kagat-kagat ang labi ko. Pinanood ko lang siyang umalis at papuntang Dean's building. Ang cute ni Gelo maging overprotective. Ang suwerte naman ni Stella ng panahong ito. At masuwerte rin ang girlfriend niya sa future.

At dahil mag-isa na naman ako, ngayon ko lang na-appreciate ang arrangement ng quadrangle namin. Parang kanina lang bago kami umalis, naglalapag pa lang ng mga mesa, ngayon, sobrang ayos na.

May mga nakasampay na banderitas na gawa sa flowers sa itaas namin. Maganda ang pagkakaayos sa stage. Red, white, and gold ang motif. Sa likuran namin—ilang hakbang lang mula sa mesa kung nasaan ako—naroon ang long table para sa buffet at ang fountain din na pinaka-display. Ang mga table at upuan, halinhinang white and sky blue saka white and pink. Sa mesa naman, may naka-arrange na vase na may artificial flowers at nakabaon sa colorful pearls na lumalaki kapag nabababad sa tubig. Sa malayo naman, pinanonood ko lang silang lahat na mag-picture-an.

Nandito ako para malaman ang nangyari sa pagitan namin ni Chim, pero mukhang hindi na lang iyon ang hahabulin ko ngayong gabi. Ma-e-experience ko na naman ang once-in-a-lifetime moment ko noong high school.

"Balot na balot, a?" puna ni Mikael nang maupo siya sa kabilang table kaharap ng akin.

"Nagagalit kasi si Gelo, ang pangit daw ng suot ko," katwiran ko na lang.

"E di, sana pinag-uniform ka na lang niya, hahaha!" Ang abnormal, pinagtawanan lang ako. May dating naman talaga si Mikael noon pa man—naging crush ko nga—at bumagay sa kanya ngayon ang long-sleeved white shirt na pinatungan ng checkered vest. Mukha siyang matalinong estudyante sa Harvard, gaya ng nakikita ko sa online ads.

"Hubarin mo yung blazer, tingin kung pangit nga," alok pa niya. At may pagka-dandy rin siya kaya alam kong hindi siya gaya ng iba kong classmate na pasimpleng manyak din kapag may chance. Siguro, Virgo lang kasi siya kaya ganyang napaka-judgmental niya madalas.

Tumayo naman ako at inilapag ko sa mesa ang towel na nasa dibdib ko saka hinubad ang suit ni Gelo.

"Feeling ko, mas okay kung nag-rainbow dress na lang ako," sabi ko pa habang ipinakikita sa kanya ang suot ko.

Nagusot lang nang kaunti ang magkabilang dulo ng labi niya saka tumango. "Ibalik mo na lang yung suit," utos niya na sinunod ko naman agad pero dahan-dahan lang habang hinihintay ang side comments niya.

"Pangit ba talaga?" asiwang tanong ko. Nagdududa na ako kasi dalawa na sila ni Gelo'ng nagsasabing mag-suit na lang ako. "Sabi kasi nina AJ, maganda raw."

"Maganda naman," katwiran na lang niya sabay tingin nang diretso sa mga mata ko. "Kaso baka i-bully ka ng iba."

Napabuga na lang ako ng hangin at lalong nadismaya. "Binu-bully naman talaga ako noon pa man kasi pangit ang ayos ko—"

"Kasi masyadong maganda ang ayos mo," putol niya sa akin. "Alam mo namang may insecure kang karibal," panapos niya saka ako tinalikuran.

Insecure na karibal? Don't tell me, si Chim ang tinutukoy niya?

Pagtingin ko sa paligid, nanlaki ang mga mata ko kasi pinanonood pala kami ng ibang nasa table. Lahat sila, nakatitig lang sa akin at mukhang nagulat. Putek, ito na nga ba'ng sinasabi ko. Ako na mismo ang nagtakip ng towel sa dibdib ko at bumalik sa pagkakaupo.

"Stellaaa!" malakas na sigaw ni Belle habang tumatakbo papalapit sa akin. Medyo hirap pa siya kasi ang taas ng suot niyang brown na wedge. Nakasunod sa kanya si Jasper, at . . . si Jasper? Wait!

"Kayo ba?" tanong ko agad nang ibeso niya ako.

"Anong kayo ba?" tanong pa niya at tumayo sa harap ko habang hawak-hawak ako sa magkabilang kamay.

"Ni Jasper. Kayo ba?" takang tanong ko at bigla siyang natawa sabay lingon kay Jasper na nakatayo sa likuran niya.

"'By, lutang na naman 'to," sabi pa ni Belle sabay tingin ulit sa akin. "Malamang! Ano ka ba? May amnesia, Ste? Hello?" Puwersahan niya akong hinatak patayo at saka siya umikot-ikot sa puwesto niya. "How do I look? Ganda ko, 'no?"

Hinaguran ko siya ng tingin. Magkasingtaas lang kasi kami ni Belle at mas slim lang siya nang kaunti kaysa sa akin. Bagay sa kanya ang cocktail dress niyang navy blue na may manipis na strap at hanggang tuhod ang haba. Kinulot din ang buhok niya tapos binagayan sa makeup niyang blue rin ang eyeshadow at eyeliner. Pink din ang lipstick niya at nilagyan ng kaunting glitters sa may collarbone hanggang itaas ng dibdib. Buti pa si Belle, okay lang na rumampa nang nakaganyan. Hindi nagagalit si Jasper—na hindi ko alam kung masosorpresa pa ba ako kasi naging sila naman talaga dati pa, minus the trayduran with Chim nga lang ngayon.

Oh, wait! Trayduran with Chim? Wait . . . naging friends kami ngayon kasi ang sabi ni Chim, traydor siya. Ibig sabihin, nangyari pa rin. Hindi man gaya ng dahilan noon pero nangyari pa rin!

"Huy, Ste! Kanina ka pa lutang. Nag-lunch ka ba?" Tumingin siya sa likod—kay Jasper. "Nag-lunch ba kayo? Bakit lutang 'to?"

"Baka na-te-tense," katwiran na lang ni Jasper sabay kamot ng ulo.

"Tensed? 'Susme!" Binalingan na naman ako ni Belle at napansing balot na balot ako. "Ano ba 'yan! Si Angelo ba may gawa niyan?" tanong niya at walang habas na inalis ang towel na nasa dibdib ko at binato sa mesa. "'Wag kang makikinig doon sa retarded na 'yon! Ganda-ganda ng pinili kong gown sa 'yo tapos ibabalot ka lang? Suman ka ba?" Hinaltak niya ang suit ni Gelo at ibinato sa katabi niyang upuan.

Ibig sabihin, siya pala ang salarin dito sa gown na suot ko ngayon. Dios mio, Marimar. Kaya pala.

"Ay, bongga mo, Ste!" tili pa niya habang inuugoy ang mga kamay ko. "Sabi sa 'yo, bagay e! Kel! Kel, tingin ka!" pagtawag pa niya kay Mikael. "Bagay, di ba?"

Tumango lang si Mikael. Nahihiya na ako sa ginagawa ni Belle. Matagal naman na siyang maingay, noong kami-kami pa nina Chim ang magbabarkada, pero grabe. Nakakahiya na talaga, pinagyayabang na niya ako sa lahat.

"Ipakita mo kay Chim mamaya na di ka papakabog," bulong pa ni Belle sa akin kaya nakuha na niya ang buong atensyon ko. "Pangit ka raw? Puwes, tingnan natin ngayon kung sino'ng pangit sa inyong dalawa?"

Mukhang alam ko na kung bakit ito ang pinili niyang gown para sa akin. At tingin ko, may nangyari na naman sa pagitan namin ni Chim bago ang araw na ito. At kung ano man iyon, iyon ang hindi ko alam at dapat kong alamin.

"Isabelle!" malakas na sigaw mula sa direksyon ng stage kaya nagtinginan kaming lahat doon. Putek, nakapaeskandaloso talaga nitong ni Angelo! Iyong sigaw niya pa naman niya ang klase ng sigaw na parang maghahamon ng rebolusyon.

Kumaripas ng takbo si Gelo papunta sa amin.

"Jaspeeer!" tili rin ni Belle sabay tago sa likod ng boyfriend niya.

"Ano na namang ginagawa mo kay Stella!" sigaw pa ni Gelo at akmang susugurin si Belle na panay ang tago sa likod ni Jasper.

"'Tol, girlfriend ko 'to! 'Wag kang ano diyan!" banta pa ni Jasper na hindi ko alam kung natatawa ba o papalag kay Angelo.

"'Yan, dinedemonyo niyan yung utak ni Stella e!" bintang pa ni Gelo habang dinuduro si Belle na tawa na nang tawa habang kuyom-kuyom ang tuxedo ni Jasper.

"Hahaha! Ang KJ-KJ mo naman kasi!" sabi pa ni Belle na parang batang nakikipagtaguan kay Angelo. "Ganda ni Stella ngayon tapos ginagawa mong turon!"

"Ikaw nagsabing 'yan suotin niya, 'no!" bintang na naman ni Gelo habang pilit na hinuhuli si Belle—na dedepensahan naman ni Jasper.

"Bagay naman, a! Ang sexy nga e! Ano? Papakabog kami kay Chim? Tapos kakawawain na naman niya si Stella? No way! Manigas siya!"

Doon kami nagkanya-kanya ng hinto. Kahit si Gelo, napahinto rin at sumeryoso ang timpla ng mukha.

Ngayon, mas nahihiya na ako sa nangyayari. Halos ipagsigawan ba naman ni Belle ang hidden agenda niya kaya ganito ang suot ko.

Pinanood ko lang si Gelo. Tiningnan niya si Jasper. Mukhang nakuha naman ni Jasper yung mensahe niya—na malay ko ba kung ano, sila lang ang nagkaintindihan e. Kinuha na ni Jasper ang kamay ni Belle at inakbayan ito.

"Hayaan mo na, 'tol," sabi na lang ni Jasper na parang sumuko na sa kung anong bagay. Umupo na rin sila ni Belle sa upuang katabi ko.

Napabuga ng hininga si Gelo at sinamaan ako ng tingin. Hindi ko alam kung galit siya e. Ilang saglit pa, kinuha ko na lang ang suit niya at isinuot na. Isang braso pa lang ang nasusuot ko, hinatak na niya iyon agad. "Akin na 'yan," seryoso niyang utos at binawi na ang suit niya sa akin.

"Gelo."

"Padilim na rin naman," sabi na lang niya sa mababang tono. "Di ka na nila makikita mamaya."

Pinaupo na niya ulit ako at sinundan ko lang siya ng tingin habang papaupo sa tabi ko.

Wala akong nasusundan sa nagaganap pero mukhang may nangyari talaga bago ito kaya ganito sila mag-react.

"Galit ka ba?" tanong ko na lang kay Gelo kasi kunot na kunot ang noo niya habang nakatingin sa kung saan.

"Hindi," sagot niya sa pinakamalamig na paraang magagawa niya. Hindi raw pero kitang-kita sa mukha niya. Kulang na lang, ma-engrave doon ang salitang "GALIT AKO" in all capital letters.

"Gusto mo, uwi na lang ako tapos magpapalit ako ng damit?" alok ko na lang. Hindi ko alam kung paano aamuhin itong taong ito. Hindi naman ako bumalik dito sa past para sa LQ.

"Ate Chim!"

"Hi, Ate!"

"Ate Chim! Ate, dito ka na lang, Ate!"

Kanya-kanya kami ng lingon sa direksyon ng stage. Ang ganda ng ngiti ni Chim sa mga sumalubong sa kanya. Maganda rin si Chim sa ayos niya. Pink na pink ang long gown niyang abot hanggang sahig. Glittery sa bandang baywang pababa. Tube gown pero may nakapalibot na pink fur sa balikat niya na tumatakip doon. Straight na straight ang buhok niya tapos may pink na flower na design sa itaas ng kanang tainga niya pang-ipit sa buhok. Ipinakikita niyon ang ear cuffs niyang hindi ko pa masabi ang eksaktong design, basta ear cuff. Simple lang ang makeup niya at para ngang natural lang na mukha niya sa pang-araw-araw. Kasama niya sa likuran sina Jane at Arlene na hindi pansinin kasi takaw-pansin siya kaysa roon sa dalawa. Ang dull ng color ng gown nina Jane—na alam kong hindi nila fashion style. Malay ko kung bakit ganyan ang pinili nilang damit.

"Oh well," nasabi na lang ni Belle at pagdako ng tingin ko sa kanya, inikutan lang niya ng mata ang pagdating ng tatlo. "Mas maganda ka pa rin sa kanya, Ste."

Kating-kati na talaga akong magtanong kung bakit gigil na gigil si Belle kay Chim ngayon. Kung ako lang, hindi na magtataka. Matagal na akong gigil kay Chim. Pero si Belle?

"Alam mo, di talaga ako nagsisising pinili kita over her," kuwento pa ni Belle sa akin. "Alam mo, ka-text ko kagabi si Arlene. Sabi niya, naiinis na siya kay Chim. Siya kasi yung pinagbubuntunan ng galit. May pasa nga raw siya ngayon sa braso kasi binato siya ni Chim ng pigurin. Kita mo ngayon, ang pangit ng ayos nila. Ayaw kasing mapasawan ng reyna."

"Ano?" di-makapaniwalang tanong ko. Napasimangot ako dahil doon. Namimisikal talaga ng iba. Though, noon pa man, ako ang pinipisikal niya kasi hindi naman ako pumapalag. Nagkapasa na rin naman ako before dahil sa kanya. Binato niya rin kasi ako pero tennis racket naman iyon.

"Sabi ko nga, iwan na nila si Chim. Kita mo ngayon, at least, ako, masaya ako kahit wala siya. Mas masaya ako na di ko na siya friend."

Tingin ko, dito nagsimula ang tinalikuran nila si Chim. Kinakawawa na ni Chim ang lahat ng nasa paligid niya. Dahil ba sa akin? O baka dahil wala na ako para kawawain pa niya kaya iba na ang pinagbubuntunan niya ng galit niya sa mundo.

"Sila pa rin ni AJ ang King and Queen of the Night ngayon," sabi ko habang sinusundan ng tingin si Chim na halos dumugin ng mga panatiko niya. At kung ako ang Stella noon, malamang na isa ako sa dumudumog sa kanya ngayon.

"Di rin," kontra agad ni Belle.

Hindi rin? E, kung si AJ, mukhang prinsipe sa white suit niya; si Chim naman, mukhang prinsesa.

Napailing na lang ako. Kahit ayaw ko, kailangan ko pa ring maayos ang sa aming dalawa. Hindi ko rin naman kasi inaasahang mababago ko ang past niya dahil lang binago ko ang past na Stella.

"'Wag mo na lang pansinsin," sabi ni Gelo. Hinawakan niya ang baywang ko at halos iurong ako sa kanya. Hinalikan din niya ako sa sentido kaya napatingin ako sa kanya.

Crush niya si Chim. Iyon ang alam ko at alam naming lahat. Ngayon, girlfriend niya ako at hindi ko na alam kung ano pa nga ba ang natitirang feelings niya kay Chim dahil sa akin. Gusto ko tuloy mag-usisa at sinulit ko naman ang confidence ko para sa limitado kong oras ngayon.

"Ang ganda ni Chim ngayon, 'no?" sabi ko nang harap-harapan kay Gelo. Gusto ko ng sagot mula sa kanya. Kahit hindi na siya magsalita, basta makakita man lang ako ng sagot sa kilos at reaksyon niya.

Nakatitig lang siya kay Chim. Pero napansin ko ang klase ng titig na parang may mali sa nakikita niya. Iyong parang nanantiya. Iyong nagdududa.

"Di ka ba nagagandahan sa kanya ngayon, Gelo?" tanong ko pa. Gusto ko lang i-provoke, baka magsalita na.

"Wala naman siyang ipinagbago," sagot na lang ni Gelo sa mga sinabi ko.

"Kasi maganda pa rin."

Doon lang ako tiningnan ni Gelo at parang na-bad trip yata sa tanong ko. Hanggang ngayon pa rin ba, ang laki pa rin ng angst niya sa mundo?

"'Wag mong ipilit 'yang gusto mo, Stella. Kukutusan kita," banta niya.

Napakasungit naman talaga, oo. Inirapan ko na lang siya. Baka nga kutusan ako, kayang-kaya pa naman niyang gawin iyon.

Nagulat na lang ako kasi kinalabit niya ako sa kaliwang balikat kaya napalingon ako roon gawa ng reflex ko. Hindi ko lang in-e-expect na bigla niya akong sasalubungin ng halik. Mabilis lang pero para na namang may humugot ng kaluluwa ko sa malayo tapos mabilis ding ibinalik. Mukha akong tangang pipikit-pikit habang nakatitig kay Gelo na seryoso pa rin matapos ng ginawa niya na parang wala lang.

Ako na si Stella na twenty years old, wala pang nagiging first kiss, okay! Pero nagawa akong halikan ni Gelo noong second fifteenth birthday ko. At ngayon? Sa maraming tao? Seryoso ba siya!

"'Wag mo nang itanong kung mas maganda ba siya kaysa sa 'yo ngayon," pangunguna na niya kahit wala pa akong sinasabi. "Ikaw lang yung pinakamaganda sa mata ko araw-araw kaya tigilan mo na 'ko sa mga drama mo."

Hindi ko alam kung sa paanong paraan ba ako na-in love kay Gelo sa panahong ito kasi hindi ko talaga alam. Pero ngayon? Putek, sana nga, puwedeng magtagal dito ngayon. Siguro nga, ganoon ako katanga at katapang para sagutin at maging boyfriend ang isang bully na gaya ni Angelo Castello. Pero ang tanga pala at ang duwag ng iba para hindi makita ang side niyang ito.

Naalala ko tuloy ang sinabi niya noon.

"Kung may deserving sa special treatment ko, sa tingin ko, ikaw iyon at hindi siya. 'Wag mong sasabihin sa 'king walang may gusto sa 'yo kasi, alam mo . . . gusto kita."

Sana nga, sa future kami pa ring dalawa.

Kung sana lang talaga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top