Chapter 61: Fairest of Them All

Linggo at ginawa ko na ang mga dapat kong gawin bago ko pa maisipang bumalik sa araw na sinasabi ni Gelo noong graduation namin. Alas-dose nang gabi ko pinihit ang kamay ng orasan at umaasang gaya ni Cinderella, alas-dose nang gabi rin ako magbabalik sa kung saan ba ako nararapat—dito sa tunay kong panahon sa kasalukuyan.

"Tara na!"

"Caloy!"

"Kabagal kumilos! Ay, siya!"

Nakailang pikit-pikit pa ako bago ko ma-digest na wala na pala ako sa kuwarto ko.

"Ste! Huy!"

Lalong bumilis ang pagpikit-pikit ko nang bumungad ang mukha ni Angelo na tinitingalaan ko.

"H-ha?" sagot ko sa kanya. Saglit, ano ba kasing nangyayari bago ako bumalik dito sa past?

"Tara na sabi ko," mahinahon pang ulit ni Gelo sa akin.

"Tara saan?" tanong ko pa kasing litong-lito na ako. Ang alanganin ng balik ko, may nangyayari palang hindi ko alam.

"Magpapaayos ka pa kay Ate Hazel, di ba?"

"S-sino si Ate Hazel?" Putek, lalong gumulo buhay ko, a. Hindi naman ganito kagulo noong last prom namin, uy!

Napatindig nang diretso si Gelo at parang takang-taka sa ikinikilos ko nang magpamaywang. "Lutang ka ba?"

Agad ang iwas ko ng tingin. Putek naman kasi, malay ko ba! Ang nangyari naman kasi noong prom ko last time, umuwi ako nang alas-onse para i-ready ang nirentahan kong gown na rainbow-colored na may malaking pink flowers sa magkabilang balikat. Ako na nga ang nag-makeup sa sarili ko—na super kapal pa, as usual. Ang buhok ko, ako na rin ang nagkulot. Yung klase ng kulot na tinirintas lang nang maliliit tapos binuhaghag ko pagkatapos. Saka ko inipitan ng butterfly clips mula bumbunan hanggang bandang batok. Ini-imagine ko pa lang, ikinahihiya ko na ang sarili ko.

"Stellaaa . . ." pakantang tawag pa ni Gelo sa akin. "Gutom ka ba? Kanina ka pa lutang."

Napailing agad ako para gisingin ang sarili ko. Nasa quadrangle na pala kami at inaayos na ang lugar para sa prom mamaya. Dito rin naman kasi sa school gaganapin ang prom namin dahil kami rin ang nag-decide na dito na lang kaysa sa mamahaling hotel pa.

"Castello!" malakas na sigaw ni Carlo na nandoon na pala sa may gate at kumakaway sa amin para pumunta na roon.

"Saglit!" sigaw rin ni Gelo at inakbayan na ako. "Tara na nga. Mamaya ka na magmuni-muni diyan."

Nagpaakay na lang ako sa kanya dahil hindi ko na rin alam kung ano ba'ng nagaganap. Kasi kung ako lang, uuwi akong mag-isa sa bahay at mag-aayos ng sarili ko. At kung sino man si Ate Hazel, pakialam ko sa kanya dahil hindi ko siya kilala.

Ang habol ko lang naman ngayong araw ay ang tungkol kay Chim at sa nangyari kung bakit abot-langit ang galit niya sa akin noong graduation. Kaya nga hindi ko na mawari kung para saan pa ang nagaganap ngayon.

"Pikit ka, 'be," utos pa ng babaeng kasing-edad ko lang siguro—I mean, ang twenty years old na ako. Kaka-fifteen ko pa lang naman ngayong taon. Pumikit naman ako at pagkatapos niyon, nilagyan niya ako ng light eyeshadow at eyeliner.

Kaya kong mag-makeup ng sarili ko—at alam nilang lahat iyan. Ngayon lang ako nahawakan ng ibang makeup artist para ayusan ako.

"Okay na, 'be. Dilat ka na," utos na naman ng babaeng maganda. Chinita siya, maputi rin. Hindi pa uso ang gluta nito kaya malamang na alaga sa papaya soap. Pagsilip ko sa salamin, simple lang ang makeup ko pero maganda. Mas gusto ko ang gawa niya sa mukha ko.

At hindi gaya noon na ang kulot ko, pang-witch ang peg; ngayon, full waves na maganda ang volume at pang-artistahin ang ayos. Professional makeup artist daw si Ate Hazel sabi ni Gelo. Anak din ni Ma'am Anna na naghahanap ng pagpa-practice-an para sa cosmetology course. Hindi ko alam kung magpapasalamat ako kasi libre makeup ako o magdududa kasi ginawa akong guinea pig. Nandito pa naman ako sa bahay nila kasi nandito raw ang complete makeup kit niya para ayusan ako.

At first time kong makatapak sa bahay nina Gelo—na ikinagulat ko kasi hindi naman super laki gaya ng kina Jasper na mansyon, pero ang ganda naman kasi halatang may-kaya ang may-ari. Tatlong floor at ang daming glass decor sa paligid.

"Ayan! Saglit, 'be, ayusin natin yung hair. Ayaaan!" Panay ang puri niya sa akin matapos kong isuot ang gown kong . . . well, happy ako kasi hindi na rainbow. At ewan ko ba kung matutuwa ako o ano, medyo revealing kasi. Hindi naman bastusin, pero kasi, malaman pa kasi ako ngayong fourth year self ko compare sa katawan ko sa future na halatang poverty at depression ang dahilan ng weight loss. Hindi ako pinagsuot ng bra kasi may sariling push-up bra itong gown. Deep V ang gown kaya medyo plunging ang neckline na kita talaga ang cleavage at backless pati kaya awkward talaga kapag may bra akong suot. Mabuti at wala akong bilbil kasi nakakahiya, bodycon pa naman. Mahaba naman sana na abot sa paa, kaso ang slit, mula sa gitna ng hita ko hanggang sa laylayan na lampas sakong. Kumikinang din ang glitters ng maroon and black gown na suot ko pagsilip ko sa salamin habang sinusuot ang pulang heels ko na regalo ni Mama noong birthday ko last year—I mean, last year ngayong fourth year ako.

"Ganda mo talaga, 'be!" papuri na naman ni Ate Hazel at siya na ang nagsuot ng dangling earrings ko na mahaba masyado. Mabuti at hindi mabigat kundi huhubarin ko talaga kung sakali.

Tara, rampa ka sa labas, 'be!" Halos kaladkarin niya ako palabas ng kuwarto. Kung hindi pa ako nakahawak sa kanya, malamang nasubsob na ako sa pink tiles na sahig. Four inches ang heels ko, tapos kakaladkarin ako? Kung hindi lang siya bago sa paningin ko, itinulak ko na siya para ilayo sa akin e.

"Cha-raaan! Look at my creation!" proud pa niyang intro sa akin habang sapilitan akong inikot-ikot na parang tanga.

"Ate, ate, wait, nahilo ako," pagpigil ko pa at halos magkanda-gewang-gewang ako sa puwesto ko sa ginawa niya.

"O! O!"

May mga kamay agad na sumalo sa akin. At ang daming kamay, in all fairness.

Pero imbis na kumapit sa isa sa mga kamay na iyon, nagtaas lang ako ng parehong kamay at iniling kong saglit ang ulo ko para mabalanse ang sarili ko.

"Okay lang ako!" sabi ko pa agad at saka ako napahinga nang malalim sabay buga. "Okay lang ako." Doon ko lang sila natingnan lahat.

"Mga 'be, ayusin ko lang gamit ko sa taas, ha? Ingat sa biyahe and enjoy the night!" Narinig na lang namin ang yabag ng paa ni Ate Hazel. Nakatingin lang din sa akin ang tatlo. Inaalam kung okay ba talaga ako kasi mukha akong hilong-hilo kanina.

"Okay na kayo?" tanong ko na lang. "'Yan ba ba yung ayos n'yo?"

Sabay-sabay naman silang tumango.

Ang totoo, hindi ko matandaan ang ayos nilang lahat noong prom night. Wala akong pinansin sa kanila kasi wala rin namang pumansin sa akin. Wala nga ring nag-ayang isayaw ako, sa totoo lang. Hindi siya memorable. At kung memorable man, iyon na siguro ang pagiging walang kuwenta ng event.

Pero ngayon?

Si Jasper, nadagdagan ang pagiging tall, dark, and handsome. Pero umangat ang pagiging handsome niya ngayon dahil sa black and red combination ng tuxedo niya. Mukha siyang Arabic prince.

Si AJ, alam kong maputi na siya noon pa man, at sa kanilang apat, siya ang pinakaguwapo—aminado naman ako, sorry kay Gelo—kaya lalo siyang naging attractive sa all-white two-button down suit niya. Para siyang prinsipe sa mga fairytale. At makikipagpustahan ako kahit alam ko na ang sagot, siya ang magiging Prom King mamayang gabi—and, as usual, si Chim na naman ang Queen.

Si Carlo, hayun. Carlo being Carlo, naka-floral shirt siya! At gusto kong matawa kasi mukha siyang boss ng mga gangster at yakuza. Mukha namang pormal kaso kasi . . . bakit naman niya naisipang mag-summer theme? February pa lang! At prom pa! Mukha lang siyang magbabakasyon sa beach habang naka-suit!

"Si Gelo?" tanong ko agad kasi siya lang ang hindi ko nakita.

"Kukunin lang daw yung cell phone niya sa taas," sagot ni AJ. "Pinu-full charge daw niya."

"Ah, okay," sagot ko na lang. Hindi ko alam ang itsura ni Gelo. At kahit anong alala ko sa nakaraang prom, wala talaga dahil wala si Gelo sa listahan ko ng lalaking titingnan noon para alamin kung guwapo ba o hindi sa suit niya.

"Gelo boy!" sigaw ni Carlo. "Ganda ni My Loves ko ngayon!"

"Sira!" sermon ko pa at umamba ng hampas sa kanya. "Ganda ka diyan."

"Di nga. Ang ganda mo ngayon, Stella," bati pa ni AJ. Doon lang ako napangiti sabay kagat ng labi. Si AJ, mataas ang standard niyan, alam ko naman. At never kong narinig na pinuri ako niyan noon pa man. Pero sa bibig na niya mismo nangggaling na maganda ako, so sino ba'ng hindi kikiligin, aber?

"Saan!" narinig naming sigaw ni Gelo kaya sabay-sabay kaming napatingin sa hagdanan. Bumaba roon si Gelo.

Feeling ko, parang ako ang prinsipeng naghihintay sa pagbaba ng prinsesa niya sa grand staircase.

Nakasunod lang ang tingin ko kay Gelo. Maganda ang pagkaka-wax ng buhok niya ngayon. Bagay sa suot niyang brown na turtleneck at black na blazer. Mukha siyang . . . ang guwapo talaga ni Gelo. Ang weird na ngayon ko lang na-feel ang malakas na heartbeat na nararamdaman ko lang sa crush ko noon.

Mukha akong timang na nakatitig sa kanya. Alam kong mukhang prinsipe si AJ, pero si Angelo . . . ang lakas ng appeal niya ngayon.

"Ano 'yan?" bungad agad niya pagkahagod ng tingin sa akin. "Ba't ganyan yung suot mo?"

Doon lang ako nagising sa pangangarap ko sa kanya dahil damang-dama naming ayaw niya sa ayos ko.

"Wala ka bang ibang gown?" reklamo pa niya.

"Huy, Castello, mahiya ka naman kay Stella!" kontra agad ni Carlo kasi nasisigawan na naman niya ako.

"'Tol, ang ganda nga ni Stella ngayon, ayaw mo pa?" sabi pa ni Jasper.

"Ayoko!" sigaw agad ni Gelo sabay duro sa suot ko. "Makikita 'to sa school na nakaganito?"

"O? Maganda naman, a! Sexy nga e!" puri din ni AJ.

"Kaya nga! Kayo pa lang tatlo, ang lagkit na ng tingin n'yo sa girlfriend ko, tapos ilalabas ko pa sa school nang nakaganito?"

"Ay, kaya naman pala . . ."

Kanya-kanya kaming atras sa sinabi ni Gelo. Napangiti na lang ako sa kanya. Aminado ako, kinilig ako roon. Masama lang ang bibig ni Gelo pero may pagka-gentleman din naman pala.

"Magbihis ka ng iba," utos niya sa akin.

"Tara na, guys!" alok ko na lang at naglakad palabas ng sala nila.

"Anong tara na? Hoy!" Agad ang hatak ni Gelo sa kanang braso ko. "Sabi ko, magbihis ka, di ba?" Dinuro na naman niya ang damit ko. "Kita mo 'yan? Nakikita ko yung dibdib mo rito, o!"

"Alam mo, Castello, ikaw rin, namboboso ka rin e!" kantiyaw pa ni Carlo sa kanya.

"Hoy, tukmol, kokonyatan kita diyan. Manahimik ka," sermon din niya kay Carlo. Pagbalik niya ng tingin sa akin, lalong tumaas ang kilay niya.

Hindi ako natatakot sa kanya ngayon. Naku-cute-an ako, sa totoo lang. Ganito pala maging overprotective si Gelo.

"Wala akong ibang gown," katwiran ko na lang nang mahinahon. "Saka late na. Five na nga, o!" Itinuro ko pa ang orasan sa sala nila.

Nakagat na lang niya ang labi niya sabay hilamos ng mukha dahil sa inis. Nakailang buga siya ng hininga habang nakasimangot sa akin. "Ba't kasi 'yan pa yung pinili mong gown?"

Natawa naman ako. Gusto ko sanang sabihing "Hindi ako yung pumili nito, okay!" Kaso malay ko ba kung bakit ito na ang suot ko ngayon.

"'Tol, punta na kami sa van, ha?" sabi na lang ni Jasper.

"Tuloy n'yo lang LQ n'yo diyan. Batse na kami," asar ni Carlo at nagtulakan na sila palabas ng bahay.

Nginitian ko na lang siya tapos nangatwiran nang kaunti. "Pangit ba 'ko? Nahihiya ka ba kasi di ako maganda ngayon? Di maganda yung gown ko?"

Napabuga na naman siya ng hangin. At ngayon, mas kumalma na ang mukha niya. Hindi na naiinis sa akin pero parang mas naiinis kasi . . . ewan. Parang gusto niyang sabihing "Hindi naman sa ganoon."

"Hindi ka pangit, okay?" mahinahon na niyang sinabi at parang suko na siya sa inis mode niya sa ayos ko. "Ayoko lang na . . ." Napalunok siya at napatingin sa labas ng nakabukas na pinto ng sala nila. "Magagandahan kasi sila sa 'yo ngayon. Mamaya, agawin ka pa ng kung sinong ipis d'on."

Ngayon ko na-appreciate ang heels ko kasi ilang inch na lang ang agwat ko kay Gelo. Halos kapantay ko na rin ang taas niya at kitang-kita ko ang pamumula ng buong mukha niya—at kung ano man ang eksaktong dahilan, for sure kadikit ako niyon, kung hindi man ako mismo.

"E di, maganda pala ako ngayon," sabi ko pa habang pilit na hinuhuli ang tingin niya. "Maganda ba 'ko?"

Doon lang siya tumingin sa akin. Naiinis pa rin pero kalmado na parang sumuko na rin sa init ng ulo niya. "Araw-araw ka namang maganda, nagtatanong ka pa."

Sa sandaling iyon, parang may biglang humugot ng kaluluwa ko mula sa kung saan tapos parang gomang piniltik pabalik sa katawan ko. Agad ang angat ng init sa mukha ko at parang may weird na kung ano sa sikmura ko.

"Tara na nga," aya na lang niya at isinuot muna sa akin ang blazer niyang hinubad pa niya para lang ipangtakip sa katawan ko.

Feeling prinsesa ako ngayon habang hawak-hawak lang ni Gelo ang kamay ko. Gamit namin ang Hiace nina Jasper papuntang school. Malapit lang naman pero kasi, mahirap rumampa sa kalsada habang naka-formal attire kaming lahat—lalo na ako.

Kinakabahan ako. Feeling ko, first time ko itong a-attend ng prom. At ang mas nakakakaba? Kapag sasayaw na kami sa cotillion na hindi ko alam ang step! Putek! Diyos ko, ano'ng gagawin ko? Baka magmukha akong tungaw mamaya sa ball nito? Paano na?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top