Chapter 6: Freedom Speaks Louder

"Good morning, class."

Pumasok na si Ma'am Amy sa room. Tumayo siya sa harap at tiningnan kaming lahat.

"I'm Amalia Dizon. You can call me Ma'am Amy, and I'm your adviser ngayong school year. At welcome back to school!"

Bagong teacher si Ma'am Amy kaya hindi pa niya 'ko kilala. Kung alam lang niyang isa ako sa mga naging sakit ng ulo niya noon—o magiging sakit ng ulo niya ngayon—hinding-hindi siya makakangiti nang ganyan sa harapan.

"Ako rin ang magiging teacher ninyo sa tatlong subject kaya mabuting kilalanin natin ang isa't isa. Alam ko naman na ang karamihan sa inyo, magkakakilala na, pero ang iba, gaya ko, ay transferee lang din dito sa school na ito."

Ito na naman kami sa Introduce Yourself ritual every school year. Kailan ba hindi nangyari 'to? Kilala ko naman na silang lahat. Ewan ko lang sa kanila kung kilala pa ba nila 'ko.

"Kaya mag-start tayo sa iyo," sabi ni Ma'am sabay turo sa 'kin. Ang ganda ng ngiti niya—na alam kong mawawala rin pagkatapos ng ilang buwan lang.

Confident akong tumayo sa harapan.

Noong una akong nagpakilala dati, nanginginig ako pati na ang mga binti at kamay kong pasmado. Damay na pati ang boses ko at mukha pa 'kong magha-hyperventilate. Takot kasi ako sa harap ng maraming tao noon kaya naman ganoon ang reaction ko. Natatakot at nahihiya. Tapos ang ginawa nina Chim, binatukan lang ako pagkatapos kong magpakilala. At ang engot ko kasi tumawa lang ako sa ginawa niya sa 'kin.

Ngayon, wala na ang ganoong Stella. Hindi naman sa makapal na ang mukha ko, malakas na lang talaga ang loob ko. At sure akong wala nang Chim na babatok sa 'kin. Subukan lang niya at makakatikim din siya ng isa.

"Hi, good morning. I'm Stella Daprisia, twen—" Hindi pa nga pala ako twenty ngayon. Muntik na. "Fourteen years old. Nakatira ako sa Evergreen Village at student ako sa school na 'to since grade five. Masaya akong makita kayong lahat . . . ulit," pagpapakilala ko at saka ngumiti sa kanilang lahat. "Iyon lang, thank you."

Matagal na rin akong hindi ngumingiti sa harap ng marami kaya masaya ring makita silang lahat pagkalipas ng maraming taon.

"Thank you, Miss Daprisia," sabi ni Ma'am Amy.

Umupo na 'ko. Confident na 'ko sa sagot ko. Bagay na gusto kong ulitin kung sakaling makakabalik ako sa past. Puwede na rin dito sa panaginip, hindi na rin masama. Naubos ang oras namin sa pagpapakilala lang. Nagbigay ng ilang notes si Ma'am dahil magsisimula na ang klase namin bukas. Nag-check daw siya ng mga enrollee sa year namin at marami pa ang hindi pumapasok. Obvious naman kasing hindi pa kami makokompleto sa first day.

Umalis na rin si Ma'am pagkatapos naming magpakilala. Pinag-break kami pagsapit ng alas-nuwebe. Ilan na lang kaming natira sa loob kaya sinubukan kong tanawin ang view sa may bintana para makita ulit ang buong block ng lugar namin mula sa room.

Maganda talaga ang araw kapag first day of class, parang bagong simula ng buhay matapos ang matagal na bakasyon. Tiningnan ko ang orasan sa itaas ng kaliwang green board, 9:14 a.m. Masyadong matagal ang panaginip na 'to. Very realistic pa.

"Stella."

Lumingon naman ako sa tumawag. Si Mikael. Siya ang pinaka-sarcastic kong classmate pero first year high school pa lang kami, crush ko na siya. Hindi ko nga alam kung bakit, basta naramdaman ko na lang. Siguro kasi ang tapang niya. Crush ko siya pero naiinis din ako sa kanya. Siguro, the more you hate, the more you like lang din talaga.

"Bakit?" tanong ko sa kanya.

"Tama lang kay Belle ang ginawa mo sa kanya pero, di ba, masyado kang fanatic ng apat na 'yon? Makakaya mo kayang tumagal na hindi sila kasama?"

Natawa na lang ako sa sinabi niya.

"Makakaya ko? Tinatanong mo kung makakaya ko? Bakit? Nasa kanila ba ang buhay ko?" kontra ko pa sa kanya. "Natural, tatagal ako nang wala sila. Nakatagal ako nang wala sila sa buhay ko kaya aanhin ko sila? Sila ba ang nagpapakain sa 'kin?"

Totoo namang "No man is an island." Pero kung sina Chim lang din naman ang sasamahan ko, "No, thank you" na lang.

Bumalik na lang ako sa upuan ko at kumuha ng pagkaing inilagay ni Mama sa bag. Alam ko namang binabaunan niya 'ko ng kung anong pagkain na ayokong ilabas kasi aasarin ako nina Chim.

"Brownies at fruit juice. Wow, kindergarten?"

Ang totoo, nakakahiya para sa 'min ang magbaon ng ganito kasi mga bata lang daw ang nagbabaon ng fruit juice with matching biscuits or brownies. Kaya nga pinag-trip-an ako dati nina Chim noong nakita nila sa bag ko itong baon ko.

"Ayos a. Ano ka, pre-school?" pang-asar pa ni Mikael nang makita ang kinakain ko.

Inalok ko na lang siya ng kinakain ko. "Gusto mo? Masarap 'to. Lasang di-mo-pagsisisihan."

Napansin kong natawa na lang ang ibang natira sa room.

Simula noong nag-college ako, kahit pa nilagang saging ang baon ko, solb-solb na 'ko. At walang pake ang kahit sino, kahit pa bubog na ang kinakain ko.

Walang nakikialam sa 'kin,walang pumapansin, walang may gusto—isa akong malaking wala.


---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top