Chapter 59: He Came

"Meow."

"Oo, alam ko." Dinampot ko si Miminggay at inilapag sa mga hita ko habang nakatapat ako sa computer ko. Nadagdagan ang mga picture ko. Kasama ko ang mga classmate ko noong high school. Si Gelo, sina Jasper, kahit sina Arlene, kasama ko rin. At sa kung paanong dahilan, pakiramdam ko, may natatandaan ako pero hindi ko ma-recall nang malinaw. Malamang kasi, hindi ako ang talagang nandoon. O baka masyado ko lang binalewala para alalahanin pa matapos ang lahat ng nangyari.

Pinalipas ko ang buong gabi at hinarap ang bagong umaga nang binabagabag pa rin. Ano kaya ang nangyari noon sa prom na tinutukoy nina Gelo?

Last day na ng exam sa pre-finals at mabuti na lang dahil may ilang photocopied notes na binenta ang mga classmate ko para may reviewer kami. Bago ako pumasok, nakapag-review pa ako kahit paano at may naisagot sa worksheets.

Friday na at nakipagsabayan na naman ako sa mga estudyante sa lunch time pagkababa ko para mananghalian. Siomai at kwek-kwek ang binili ko at dumiretso na agad ako sa may punong santol para kumain. Pero bago pa man ako umupo, ito na naman ako sa weird na feeling ko. Iyong pakiramdam na may inaabangan akong tao sa bench na puwesto ko naman palagi pero wala akong matandaang kasama ko roon.

Umupo na ako at para akong tangang nakatingin sa kaliwa ko. May gusto akong sabihin na nasa dulo ng dila ko at hindi ko mabanggit-banggit. Nagsimula na akong kainin ang binili ko at tiningnan ko ang campus.

Ang daming estudyante, exam day kasi kaya masisipag ang lahat na pumasok. Napahawi ako ng buhok kong maikli kasi humahampas sa mukha ko gawa ng malakas na hangin. Kapag February, ibang klase ang windy days. Makalipad-palda talaga. Kaya nga panay ang hawak ng ibang estudyante sa mga skirt nila para hindi umangat.

"Ang hangin!" reklamo ng isang estudyante nang huminto sa dulo ng bench. Napaangat ako ng tingin nang makita na naman ang estudyante ng kabilang school. May dala na naman siyang mga folder at clear book. Hindi naman na nagkalat ang mga dala niya pero inirereklamo niya ang hangin.

Nginitian niya ako pagtama ng mga tingin namin.

"Hi!" bati niya at inilapag sa tabi ko ang mga dala niya. Mabilis niyang dinukot sa bulsa ng green pants niya ang isang white hanky sabay punas sa pawisang mukha. Nakasuot siya ngayon ng salamin na inalis din niya para makapagpunas nang maayos. "Nandito ka ulit?" tanong pa niya habang alanganin ang ngiti sa akin. Nakasimangot siya dahil sa liwanag ng araw na bahagyang tumatama sa mukha niya.

Ewan ko ba pero parang nakita ko na siya noon.

"Puwedeng makiupo?" tanong niya at itinuro ang kaliwang gilid ko. Tumango naman ako kaya inalis din niya ang mga folder at saka siya umupo sa tabi ko.

"Nandito ka na naman," puna ko pa. "Kilala mo na yung hinahanap mo?"

Tumango naman siya kaso napansin kong dismayado siya. "Oo, kaso wala siya sa graduating list e."

"Aw, sayang," iyon na lang ang nasabi ko saka ako sumubo ng kinakain ko. Nahiya naman ako kaya inalok ko na rin siya kahit ayoko naman talaga siyang hatian. "Kain tayo."

"A, sige, thank you," sabi na lang niya at tumanggi naman. Buti na lang.

May awkward silence sa pagitan namin. Sino kaya ang hinahanap nito eito sa school namin? Pangalawang araw ko nang nakikita siya rito, a.

"Sino yung hinahanap mo?" usisa ko at saglit siyang sinulyapan habang hinahalo ko ang kinakain kong nakalubog sa sawsawan.

"A, ano . . . crush ko no'ng first year high school ako," nahihiya niyang sagot.

Natawa tuloy ako kasi hindi ko inaasahan ang sinabi niya. "Seryoso 'yon?"

Napakamot siya ng ulo at saka tumango habang naiilang na nakangiti. "Sabi kasi niya puntahan ko siya rito sa may punong santol. In-e-expect ko namang nandito siya. May permission naman niya, hindi naman ako stalker."

"Ah . . ." Napatango na lang ako. Bigla ko tuloy naalala si PJ sa kanya. Saan na kaya ang batang iyon ngayon?

"Ngayon ka lang ba pumunta rito sa school namin para sa kanya?" usisa ko na naman.

Mabilis siyang tumango. "Ngayon lang kasi ako nagkaroon ng kaunting time. Tapos na kasi yung rendering hours ko sa OJT. Pero matagal na kasi no'ng last kaming nagkita. More than five years na rin."

"Ooh, graduating ka na pala." Napatango naman ako. Matagal na rin sana akong graduate kung hindi lang ako huminto. "Congrats."

"Thank you," sagot niya at nginitian ako nang matipid.

Inubos ko na ang pagkain ko. Tahimik lang kaming dalawa habang pinagmamasdan ang campus at ang mga estudyanteng paroo't parito. Ang weird ng feeling na parang kompleto na ang araw ko ngayon pa lang samantalang wala pa namang nangyayari.

"May tanong ako," pagputol ko sa katahimikan namin. "Kahapon, noong hinahanap mo yung . . ." Saglit akong nailang kaya natigilan ako bago ako tumuloy. "Yung crush mo. Hindi ka ba nahirapan? Hindi mo alam yung full name niya."

Sinulyapan niya ako tapos bahagyang nagbuka ng bibig. Hindi nga lang nagsalita agad. Tumingin pa muna siya sa kung saan na parang sa ere niya makukuha ang sagot sa tanong ko.

"Nakuha ko naman yung name niya sa year book na hiniram ko sa ka-batch niya noong high school."

"Ooh, maparaan. Ayos din," sabi ko habang tumatango.

"Ang totoo, medyo hawig kayo," sabi pa niya at matipid na namang ngumiti. Napangiti tuloy ako sa kuwento niya. "Ano lang, long hair kasi siya tapos medyo chubby nang kaunti. Pero hindi naman mataba. Tama lang. Tapos buhay na buhay yung mga mata niya saka masayahin din siya. Mabait. Sobrang bait niya."

"Ah," iyon lang ang lumabas sa bibig ko at napaisip nang kaunti. Long hair din naman kasi ako dati at medyo malaman. Kung sakaling iyon pa rin ang ayos ko, puwede kong isipin na baka ako yung hinahanap niya. Kaso hindi e. Lalo na sa parteng masayahin at buhay na buhay ang mata. "Wala kang pasok?" tanong ko na lang. Baka lang nagtatagal na siya sa school namin.

Umiling siya at natawa. "Wala na. Nagpapasa na lang ako ng requirements saka reports."

Tumango na lang ako. Habang tumatagal, pa-awkward nang pa-awkward ang usapan namin.

"Makikilala ka kaya ng crush mo?" pagbabago ko ng usapan. "Hindi ba medyo hopeless sa case mo 'yon? Hindi mo alam yung full name tapos wala pa sa graduating class sabi mo."

Napansin kong dismayado siya sa sinabi ko pero ngumiti pa rin siya nang pilit.

"Okay lang." Tumango na naman siya. "Ang mahalaga naman, alam ko sa sarili kong pinuntahan ko siya. Hindi lang siguro kami . . ." Ipinaling-paling niya sa magkabilang gilid ang ulo niya para sabihing "Alam mo 'yon?"

"E di, hindi ka na babalik dito," sabi ko pa. "Hindi mo nakita e."

Dahan-dahan siyang tumango. Parang oo ang sagot na parang hindi niya alam.

"Siguro, baka nakalimutan lang niya yung sinabi niya noon," malungkot niyang sinabi at saka bumuntonghininga.

"Sinabi na alin?" pag-iimbestiga ko na naman. "Na pumunta ka rito?"

Tumango siya para sabihing oo.

"Ang sama naman niya kung pinangakuan ka tapos siya ang di tutupad."

"Di naman siguro," depensa niya agad. "Malinaw naman sa akin yung sinabi niya. Puntahan ko siya rito sa may santol sa Santa Clara after six years."

Natawa tuloy ako sa kuwento niya. "Alam mo, may pinagsabihan din ako ng ganyan noong senior year ko noong high school. Ewan ko kung seseryosohin niya."

"Na alin? Nangako ka ring puntahan ka?"

Tumango ako. "Na puntahan ako rito sa may santol after six years." Nagkibit-balikat ako. "Patpatin pa siya noong huling kita ko sa kanya. Saka maliit pa. Hanggang balikat ko lang. Ewan ko kung nasaan na siya ngayon. Wala na." Umiling ako. "Wala na akong balita. Baka nag-abroad na, malay ko."

Sinulyapan ko siya. Nakangiti lang siya sa harapan naming dalawa at pinanonood ang mga dumadaan.

"Minsan, mahirap ding mangako," sabi na lang niya.

"Minsan, mahirap din namang tumupad," sagot ko na tinawanan niya nang mahina. Tinipon na niya ang mga dala niya at akmang aalis na.

"Thanks sa small talk. Siguro, nakalimutan lang niya yung sinabi niya noon," sabi na lang niya kahit dismayado pa.

Tumango lang ako at pinanonood siyang maglakad palayo. Kawawa naman siya. Dalawang araw din siyang bumalik para sa wala.

Itatapon ko na sana ang kinain ko sa basurahan sa dulo ng bench nang mapansin ko ang isang piraso ng yellow pad na hinati sa one-fourth. Malamang, nalalaglag iyon ng estudyanteng kausap ko.

"Philip Jacinto . . ." pagbasa ko sa pangalang nasa papel. Biglang bumagsak ang balikat ko nang mabasa ko yung pangalang iyon. "Philip?"

"Ah—excuse me." Napatalikod agad ako pagkarinig ko ng boses na iyon. "Naiwan ko pala. Puwedeng . . ." Itinuro niya yung hawak ko habang mukha akong tangang nakatitig sa mukha niya.

"Okay lang, kunin ko na? Nandiyan kasi yung grades ko . . ."

"Philip?" tanong ko pa habang nangingilid ang luhang nakatingin sa kanya.

"Uh, yes?"

"Philip Jacinto ang pangalan mo?"

Tumango lang siya.

Napalunok ako. Bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit parang nalungkot ako?

"Kunin ko na, ha?" sabi pa niya at naiilang na kinuha ang hawak ko. "Thank you."

Pinanood ko lang siyang maglakad palayo.

Pilit kong inaalala kungsaan ko narinig ang pangalang Philip Jacinto. Parang alam ko pero hindi ko alamkung saan ko narinig iyon. At bakit ganito ang nararamdaman ko? Bakit akonalungkot?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top