Chapter 58: Family. Friends.
Kaibigan? Pamilya? Sa loob ng apat na taon, wala ako ng mga iyan. At alam na alam ko ang pakiramdam ng mag-isa higit pa sa dapat kong maramdaman. Kaya may dahilan para mangilabot ako at manibago sa pakiramdam ko ngayon dahil mayroon na ako ng mga wala ako noon.
"I can't remember what I used to do. Who I trusted whom. I listened to before . . ."
Nakatingin ako kay Gelo. Sumesenyas sa aking magpunas ako ng mukha kasi umiiyak ako. Hindi ko na alam kung hanggang kailan ko pa siya makakasama. Pero kahit alam kong hindi iyon ganoon katagal sa pakiramdam ko bilang present Stella, masaya ako kasi alam ko—minsan sa buhay ko—hindi lang high school life ko ang nabago ko kundi pati ang high school life niya.
"I swear, you've taught me everything I know. Can't imagine needing someone so. But through the years it seems to me I need you more and more . . ."
Napatingin ako kina Carlo na nag-aakbayan pa habang kinakanta ang graduationg song namin. Kunwari, umiiyak pero tatawa naman at mag-aasaran pagkatapos.
"Through the years, through all the good and bad. I knew how much we had, I've always been so glad to be with you . . ."
Noong nakaraang graduation ko, sobrang lungkot ko. Iyon na nga yata ang pinakamalungkot na parte ng high school life ko kasi kasabay ng pagtatapos namin ang pagtatapos na rin ng pagkukunwari ko bilang trying hard na Stella. Noong graduation ko nga napagdesisyunang huwag nang mag-aral pa dahil sa nangyari.
"Through the years, it's better everyday. You've kissed my tears away. As long as it's okay . . ."
Pero ngayon? Kung may babaguhin ako sa past . . . ito na iyon. Ang desisyon ko ngayong araw.
"I'll stay with you through the years."
Natapos ang ceremony at nagkahagisan na ng graduation cap. Wala man sina Mama ngayon, si Ma'am Anna naman ang nag-akyat sa akin sa stage. Nakangiti pa rin akong nakipagkamay sa principal namin. Nakangiti rin silang kinamayan kami—masaya siguro kasi wala nang mga maiingay na fourth year na palaging ipatatawag si Ma'am Amy sa office.
"Stella, may party kami pagkatapos nito, sama ka?" alok ni Jasper sa akin.
Alam kong mayaman sila. Alam ng buong school iyon, sa katunayan. At masaya ako kasi naging bahagi siya ng panibagong high school life ko. Pero hindi ngayon.
"Sorry, Jas, may sakit si Mama. Kailangan ko pang alagaan," pagtanggi ko.
Napansin kong natigilan silang lahat na nag-aabang ng sagot sa akin. Nagkatinginan pa sila para tantiyahin ang susunod na gagawin. Wala si Gelo, nasa faculty room at pinatawag ng tita niya.
"Kakausapin ko muna si Chim," paalala ko sabay talikod sa kanilang lahat.
"Stella, wait!"
Hahabol sana ako sa may gate para makausap si Chim kaso huli na. Paglabas ko, nakita ko na lang ang kotse ng Daddy niyang umaandar na papuntang main road.
Hindi rin pala siya nagtagal ngayong araw. Alam ko, dapat kasama siya sa party nina Jasper kung meron man. Ako dapat ang maagang uuwi at siya dapat ang aayain.
May kung ano sa loob ko na nagpabigat sa lahat. Kasi kung nabago ko ang buhay ni Gelo, nabago ko rin nang sobra ang buhay ni Chim. At hindi ko matanggap na dahil lang gusto kong maayos ang past ko, sinira ko naman ang past niya. Nasa intensyon ko man ang sirain ang kanya o wala.
* * *
Kaibigan. Pamilya. Hindi ko alam na magiging ganoon pala sila kahalaga noong bigla silang nawala. At hindi ko rin malalaman ang halaga nila kung hindi sila dumating.
Ayaw sana nilang ituloy ang party dahil gusto nila akong tulungang alagaan si Mama, pero sabi ko na lang, ituloy nila ang party kahit wala ako. Maliban sa sanay naman akong hindi inaaya sa mga party, ayoko namang sirain ang plano nila dahil lang sa personal problems ko.
Pag-uwi ko sa bahay, naabutan ko si Papa'ng may dalang maliit na plangganang may tubig. Saglit siyang napahinto nang makita ako pagbukas ko ng pinto.
Hindi alam ni Papa ang sasabihin sa akin. Tinitigan lang niya ako. Matipid na ngiti lang ang ibinigay ko sa kanya at inilapag ang sling bag ko sa sofa.
"Ako na diyan, Pa." Inalok kong kunin ang planggana pero iniwas na lang niya.
"Ako na," tanggi niya saka nagtanong. "Kumusta ang graduation, 'Nak?"
Napahugot ako ng hininga at saglit na napailing. "Graduate na 'ko," iyon na lang ang nasabi ko at dumiretso sa kusina. Tanghali na at alam kong hindi marunong magluto si Papa. Sinilip ko ang rice cooker. May laman, at mukhang kumain lang ng kaunting kanin si Papa dahil hindi gaanong nabawasan ang sinaing ko kaninang umaga.
"Bibili na lang ako ng lutong ulam sa labas," alok ko kasi may laman naman ang ref pero hindi ko alam kung paano lulutin. Mabuti sana kung maayos ang pakiramdam ni Mama para siya ang magluto.
Pinanood ko si Papa habang pinapalitan niya ng tubig ang ipinanghilamos niya kay Mama.
"Alam ba ni Grace na nandito ka?" tanong ko na ikinatigil niya.
Two years pa ang aabutin bago niya ipakilala si Grace sa akin. Ilang linggo pagkatapos ng libing ni Mama. Pero wala akong pakialam. Hindi na ako bata para paglihiman ng mga bagay na alam ko na.
"Saan mo nakilala si . . ." Natigilan siyang saglit at saka humugot ng hininga.
"Pa, ayos lang. Matagal ko naman nang alam. At matagal ko na ring tinanggap," malamig kong sinabi. Nakadidismayang nasira ang pamilya namin dahil hinayaan niyang sirain iyon ng ibang babae. Pero ano pa ang magagawa ko? Hindi rin naman magtatagal, mawawala na rin si Mama at maghahanap na rin siya ng iba.
"Pa, kung may lalaking gagawa sa akin ng ginawa mo kay Mama, ano'ng gagawin mo?"
Nakailang yuko at tingala si Papa. Ilang beses din siyang umiling at napatingin sa kung saan.
Mahirap yatang sagutin ang tanong ko para matagalan siya sa pagsagot.
"'Nak . . . mahirap kasing ipaliwanag," sabi na lang niya at inilapag sa mesa ang bagong palit na tubig at kinusutang tuwalya na ipinanghilamos niya kay Mama.
Tinitigan ko siyang mabuti. Kuwarenta anyos pa lang si Papa ngayon, at alam kong bata pa siya kung tutuusin. Mas bata si Mama ng dalawang taon sa kanya. Sabi nga nila, mas kamukha ko ang Papa ko kaysa kay Mama. Sa kanya ko pa nakuha ang height ko saka halos buong mukha. Magandang lalaki si Papa. Kaya nga hindi na ako magtataka kung may magkakagusto sa kanyang iba. Pero kasi, may pamilya na siya para magkagusto rin sa iba.
Kung may hindi ako maintindihan na hirap siyang ipaliwanag, baka ito na iyon. Bakit niya kami iniwan? Bakit niya pinili ang babae niya? Bakit niya pinili si Grace? Bakit hindi kami? Bakit hindi si Mama?
"Pumunta ka rito kasi alam kong mahal mo pa si Mama," sabi ko. "Pa, hindi naman na 'ko umaasang babalikan mo pa siya."
"Stella . . ."
"Alam mo, Pa, gusto kitang sisihin," sabi ko. At hindi ko na naman maiwasang mapaluha. Napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya kasi naaawa rin ako sa kalagayan namin ni Mama. "Pa, kasi . . . masakit kasi. Yung . . ." Napalunok ako at napapunas ng pisngi. "Yung hindi ka . . . yung hindi ka piliin kasi . . . kasi parang wala ka nang halaga."
"Anak, hindi naman sa ganoon. Kasi yung sa amin ng Mama mo . . ."
Tumango ako na ikinatigil niya sa pagsasalita. Lalong nananakit ang lalamunan ko habang pinipigil ko ang iyak. "Si Mama, nagsisisi akong hindi ko siya inalagaan. Na bawat gabi, sinisisi ko lahat ng puwedeng sisihin kasi . . . kasi huli na."
Itinago ko na lang ang iyak ko sa mahinang pagtawa at pag-iling. "Pa, ayos lang kung wala na talaga yung inyo ni Mama. Wala na e . . . Wala na." Lumapit na lang ako sa mesa at kinuha ang planggana. "Salamat pa rin kasi pumunta ka ngayon." Sinulyapan ko siya pero hindi rin nagtagal kasi ayokong makita ang tingin niyang malungkot. "Pero hindi mo na kailangang ipilit ang sarili mo sa amin, Pa—kung nahihiya ka man sa ginawa mo kay Mama kaya hindi mo na kami mabalikan."
"Stella, anak . . ."
"Akyatin ko lang si Mama tapos bibili na ako ng ulam. Baka di ka pa kumakain."
Gusto kong maging masaya kasi pagkatapos ng anim na taon, magkakasama na naman kaming tatlo, pero masakit pa rin.
Masakit na pare-parehas na kaming sumuko sa pamilya namin. Na tanggap ko nang hiwalay na silang dalawa. Na mamamatay rin kalaunan si Mama. At ganoon din si Papa. Hindi ko na nga sinisisi ang sarili ko. Hindi ko na rin masisi si Mama. At ganoon na rin kay Papa. Pero kahit tanggap ko na, masakit pa rin pala.
At ito ang sakit na ayokong maramdaman kasi pagkatapos ng araw na ito, alam kong huli na. Limitado ang oras ko at wala na akong panahon para baguhin pa ang nakatakda na.
* * *
Nag-check ako ng cell phone ko at nakita kong may ilang missed calls galing kay Gelo. Nag-text na lang ako sa kanyang nauna na akong umuwi kasi nga may sakit si Mama. Sabi niya, nandoon daw siya sa party ni Jasper. Pupunta raw sila sa bahay pagkatapos doon. Naghanda raw kasi ang mommy ni Jasper at nakakahiya kung walang a-attend.
Sabi ko, i-enjoy lang nila. Kahit bukas na sila pumunta sa bahay—iyong wala na ako. Ayokong sirain ang masaya nilang araw dahil lang sa issues ko.
Bahagya nang umayos ang lagay ni Mama. Mahimbing na rin ang tulog niya at bumaba na ang lagnat. Pinauna ko nang pakainin si Papa dahil ako ang nag-asikaso kay Mama. Pagkatapos niyang kumain, ako naman ang sinabihan niyang kumain na. Nahihiya na rin siya kasi graduation ko pero wala man lang siyang regalo—at hindi nga rin niya alam na graduation ko na pala ngayong araw.
Alas-tres na. Ang tahimik sa bahay. Ilang notes din ang isinulat ko para sa past na Stella. Sinabi kong huwag siyang hihinto sa pag-aaral. Alagaan niya si Mama. Maglinis siya palagi ng kuwarto. Tutal, wala na si Papa, mag-ampon na siya ng pusa at pangalanan niyang Miminggay. Ang dami kong paalala.
Nakarinig ako ng katok habang nagsusulat ako. Pagbaba ko, nandoon sa may pintuan sina Gelo at may dalang mga pagkain na nasa Tupperware. Pero hindi gaya noong birthday ko, behave na sila ngayon. Siguro kasi, si Papa ang sumalubong sa kanila.
"Pasok kayo," alok ni Papa at itinuro ang kusina sa kaliwa niya. "Doon n'yo na lang ilagay sa mesa 'yang mga dala n'yo."
"Opo. Thank you po," sabi pa nila at panay ang yuko kay Papa para magbigay-galang. Mga nahihiya pa samantalang kapag kay Mama, walang hiya-hiya, ang iingay pa.
Nilingon ako ni Gelo mula sa kusina. Ang tipid ng ngiti niya. Siguro kasi, si Papa ang bumungad sa kanya pagbukas ng pinto.
Lumapit na ako sa kanila at tiningnan sila. Si Carlo, nakangiti lang sa akin. Pero kakaiba ang ngiti niya, parang hindi umaabot sa mata ang tuwa. Naiilang din siguro kay Papa. Sina Jasper at AJ, mas lalo na.
"Mga kaibigan mo, Stella?" tanong pa ni Papa sa akin at saka inilipat ang tingin sa apat.
"Opo," sagot ko at ipinakilala sila isa-isa. "Si AJ, si Jasper, si Carlo, saka si Angelo, Pa."
"Hi po, Tito," parang langaw nilang bulong at hindi pa sabay-sabay habang alanganing yumuyuko pa.
Tumango lang si Papa at inisa-isa sila ng tingin. "Si Angelo, kilala ko na."
Sabay-sabay pa naming tiningnan si Gelo. At kahit ako, nagtaka rin kung paano.
Nahiya namang yumuko si Gelo at sinulyapan ako.
Paano ulit siya nakilala ni Papa? Parang may natatandaan akong nabanggit ni Papa kung paano.
"Uh, ano po, Tito," si AJ ang matapang na bumasag sa awkward atmosphere namin. "May graduation party po kasi kami kaso hindi po nakapunta si Stella."
Nagsitanguan naman itong tatlo.
"Dinalhan na lang po namin siya ng handa rito," sabi pa ni Jasper. "Mama ko po yung nagpaluto."
"Pupunta po sana yung ibang classmates namin, kaso may sakit po kasi si Tita Lyn, baka maabala namin sa pahinga," panapos ni Angelo.
"Opo, tama po," sabi na lang ni Carlo habang tumatango nang mabilis.
Alam ko, seryoso ang mood naming lahat ngayon, pero ang cute lang nilang apat. Ang suwerte ko namang naging kaibigan ko itong mga ito. Nawala man sina Chim, sobrang suwerte ko naman sa mga ipinalit.
And speaking of Chim, bago ko pa malimutan, paano ko ba siya makakausap?
Pagkatapos silang kausapin nang saglit ni Papa, binalikan din nito si Mama sa taas. Asikasuhin ko raw muna ang mga bisita ko. Kami na lang tuloy lima ang naiwan sa kusina. Ako ang nasa kabisera at magkatabi sa kanan ko sina Gelo at Carlo, sa kabila naman sina AJ at Jasper.
"My loves, ngayon ko lang nakita yung papa mo," sabi ni Carlo. "Kamukha mo."
"Oo nga, Ste. Mukha namang mabait," sabi ni Jasper.
"Di tuloy makaingay si Carlo," natatawa pang sabi ni AJ.
"Utot mo. Nagsalita yung tahimik," sermon ni Carlo at nagpaluan pa ang dalawa.
"O? Ano? Ano? Mukha kang kuto, boy!"
"Mukha mo kuto!"
Imbis na magtanong ng tungkol sa dahilan ng pagpunta nila maliban sa dalhan ako ng handa, nagtanong na lang ako ng tungkol kay Chim.
"May nabanggit si Jane kaninang umaga. Pinagbabati n'yo ba kami ni Chim? Bakit? May parang mas lumaki yung galit sa 'kin n'on?" tanong ko na lang kaya napahinto sina Carlo sa pagkukulitan.
"Kailan 'yon?" tanong ko na lalong ikinataka nila.
"Nakalimutan mo na?" tanong pa ni Gelo.
Ang totoo, wala akong maalala. So, paano ba?
"Medyo? Oo," naiilang na sagot ko. "Kailan 'yon?"
Nagpasahan sila ng titig, inaalam kung tama ba ang tinatanong ko.
"No'ng prom night, Ste," sabi pa ni AJ. "Sure kang di mo natatandaan?"
Prom night. Actually, prom night ang isa sa pinakawalang kuwentang event sa high school life ko. Sabi nila, memorable daw. Sabi lang nila. At kung ano ang dahilan? Dahil na naman sa pagiging fake ko at kay Chim.
"Ano'ng nangyari no'ng prom?" usisa ko.
At kung kanina, nagtataka na sila, hindi ko naman in-expect na mukhang may nangyari ngang malaking pagbabago sa pinakawalang kuwentang event ng high school life ko para mabasa sa mga mukha nila na masyado iyong memorable para lang makalimutan ko.
At mukhang isangpagkakataon na naman ang kailangan kong balikan para malaman ang sagot.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top