Chapter 56: Graduation
Pre-final exam namin ngayong araw at masaya ako dahil na-survive ko ang exam day nang hindi man lang nagrereklamo. Marami na ring ibinigay na projects para sa finals at inaasahan ko naman na iyon dahil iyon naman talaga ang binayaran para sa pag-aaral ko.
Alas-dose at may dala-dala akong pagkain papuntang punong santol. Kwek-kwek lang naman saka fishball na tig-sampung piso na nasa clear cup. Hindi ko ma-explain kung bakit pero feeling ko, may taong dapat nakaupo ngayon sa bench sa ilalim ng puno.
Napahinto ako sa paglalakad nang may umupong matangkad na lalaki roon. Marami siyang dalang folders, nakasuot ng green na trouser tapos naka-chef uniform—uniform ng kabilang university. Ano kaya'ng ginagawa niya rito sa school namin?
Lumapit ako kasi malaki naman ang puwesto. At wala rin naman akong ibang makakainan maliban doon. Lalo pa, lunch time, puno ang canteen.
Pasulyap-sulyap ako habang sinisilip ang mga folder at mga clear book na dala niya. Parang nag-pa-panic pa siya at may hinahanap sa kada page.
Palipat-lipat ang tingin ko sa mukha niya at sa kinakalkal niya.
Wavy ang buhok niyang itim na malinis ang cut. Cute din, neat-looking. Tama lang ang kulay ng balat, hindi brown pero hindi rin naman sobrang maputi. Katamtaman lang. Ang tangos ng ilong. Mas mahaba pang tingnan ang pilik-mata niya kapag yumuyuko siya.
"Saan na ulit 'yon?" paulit-ulit niyang ibinubulong. Panay ang pagpag niya sa folder kaya nagkalaglagan na ang mga papel. "Ay, shit!"
Lalo lang siyang nag-panic at dinampot nang walang habas ang mga papel. Wala nang pakialam kung magkalukot-lukot, basta makuha niya lahat.
Nakidampot na lang din ako. May nakita pa akong gusot na papel na mukhang hindi kasama roon sa mga papel na maayos naman. Parang page ng pinilas na notebook.
Habang binabasa ko ang nakasulat, bigla na lang niyang inagaw kahit hindi ko pa nabubuong basahin. Ang nakita ko lang: Santa Clara, after six years.
Itong school namin ang Santa Clara.
"Thank you!" nagmamadali niyang sinabi pagkaagaw sa akin ng lukot na papel. Iniligpit na rin niya ang mga gamit niya at hinawi pa ang buhok niyang bahagyang dumikit sa noo niya dahil sa pawis. Tinipon niya ang mga folder at clear book saka tumayo. Nilingon-lingon pa niya ang paligid na parang may hinahanap siya.
Ewan ko ba kung bakit pero feeling ko, parang pamilyar siya. Pag-alis niya, kinain ko na lang din ang pinaka-lunch ko. Tumingin pa ako sa kaliwa ko.
Ang weird ng feeling na may hinahanap akong tao pero hindi ko kilala kung sino.
"Miss, puwedeng magtanong?"
Napaangat ako ng tingin. At ito iyong lalaking nag-pa-panic kanina.
"Uh, a-ano 'yon?"
"May floor ba rito sa school n'yo para sa mga graduating student?"
Hindi ako agad nakasagot. Nakatitig lang ako sa kanya. May gusto akong banggiting pangalan pero hindi ko mabanggit-banggit.
"May floor ba?" pag-uulit niya ng tanong.
"Um . . ." Doon lang ako nag-iwas ng tingin at napaisip sa sagot. Teka, saan ba ang room ng mga graduating? "Ano'ng course?"
"Ah . . ." Kahit siya, napaisip din sa tanong ko. "Ano kasi . . . hindi ko rin alam."
Nginiwian ko agad ang sinabi niya. Alam ba niya kung ano ang hinahanap niya sa school namin?
"May hinahanap kang estudyante?" tanong ko pa.
Mabilis naman siyang tumango. "Hindi ko kasi alam kung ano'ng course niya. Bawal daw manghingi ng student profile sabi sa registrar kapag walang permission."
"Ano'ng full name?" tanong ko habang pinagmamasdang maigi ang mukha niya.
"Hindi ko rin alam, sorry."
"Mahihirapan kang maghanap kung di mo alam yung full name niya."
Napakamot na lang siya ng ulo at napatingin sa paligid na parang naghahanap doon ng isasagot sa akin. Sumimangot na lang siya saka tumango. "Sige, miss. Siguro, babalik na lang ako next time kapag alam ko na yung full name niya."
Tumango na lang din ako. "Alamin mo muna para mas madaling hanapin. Hindi naman sobrang dami ng graduating ngayon, basta alam mo yung course."
Matipid lang ang ngiti niya nang tumango ulit bago naglakad papunta sa direksyon ng gate.
Isa pang weird. Paano niya hahanapin ang taong hinahanap niya, hindi niya alam ang full name?
Inubos ko na lang ang kinakain ko at tumingin na naman sa tabi kong blangko pa rin pero pakiramdam ko, parang may kulang.
"May nakalimutan ba 'ko?"
* * *
Pagkauwi ko sa bahay, masaya akong sinalubong ni Miminggay na panay ang ikot sa paanan ko. Mas masaya siya ngayon. Bumili kasi ako ng isang pack ng cat food para sa kanya.
"Gusto mo 'to, Ming?" alok ko habang ipinakikita sa kanya ang pakete.
"Meow."
Inilapag ko na rin sa mesa ko ang mga de-latang binili ko at nagsalang na rin ako ng kanin sa maliit kong kaldero para may pang-hapunan ako mamaya.
Ilang beses na lang ang chance kong makabalik sa nakaraan. Sana ngayon, sa tamang oras na ako dalhin ng pocket watch.
Pagkatapos kong maghapunan, inisip kong mabuti kung kailan ko ba gustong bumalik. At isa lang ang naiisip ko. Sa araw ng graduation ko.
Walang pumunta para sa akin noon. Wala si Mama kasi malungkot pa rin siya dahil nga wala rin si Papa at kasama si Grace.
Hindi naman sa gusto kong pilitin silang um-attend ngayon, pero kung nagawa kong papuntahin si Gelo noong Christmas party namin. Malamang, kaya ko ring gawin iyon kina Mama.
"Ming . . ." pagtawag ko pa sa pusa ko habang hawak ang pocket watch.
"Meow." Nakatayo lang siya sa ibaba ng kama at kinakawag-kawag ang buntot niya nang napakarahan.
Nginitian ko lang siya at saka ko sinusian ang orasan.
* * *
Gusto ko lang baguhin ang nakaraan ko. At alam ko namang marami akong nabago. Pero alam ko na ring may mga bagay na kahit ano'ng gawin kong pagbabalik, kung iyon ang nakatakdang mangyari, iyon talaga ang mangyayari.
"Ma?"
Graduation ko ngayon at alam nina Mama kung ano'ng araw ngayon. Pero kasi . . .
"Ma, ayos ka lang?" tanong ko agad pagpunta ko sa kuwarto niya.
"'Nak, pakuha ng gamot sa drawer," utos agad niya.
Ang putla ni Mama pagkakita ko sa kanya. Tuyot ang labi niya saka namamawis siya. Halos hindi siya makabangon sa kama. "Ma, ang taas ng lagnat mo, a!"
Hinanap ko agad ang gamot na sinasabi niya sa drawer.
Namatay si Mama sa sama ng loob—iyon ang alam ko. Kung ano man ang sakit niyang totoo na galing mismo sa doktor, hindi ko alam dahil wala akong pakialam noon. Basta ang alam ko, masama ang loob ni Mama dahil kay Papa.
Pero ngayon, parang gusto kong sisihin ang sarili ko nang higit pa sa paninisi ko kay Papa. Ako kasi ang kasama niya e. Pero bakit hindi ko alam?
Mabilis akong pumunta sa kusina para kumuha ng tubig at inakyat sa second floor. Malaki ang kuwarto ni Mama, para kasi sa kanila iyon ni Papa. Master's bedroom ng bahay. At sobrang lawak niyon para sa nanay kong mag-isa lang magmula nang hiwalayan siya ni Papa.
"Ma, ito, o." Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Mas lalo akong kinakabahan kasi parang ngayon lang nag-si-sink in sa akin na matagal na palang may sakit si Mama, pero mas inuna ko pang ipagsiksikan ang sarili ko kina Chim kaysa alagaan siya.
"'Nak, pahinga lang ako saglit tapos hahabol ako sa school mo," sabi pa niya. "Mag-ayos ka na, graduation mo pa naman ngayon."
"Di, Ma! Dito ka lang," kontra ko agad at ito na naman ako. Ang aga-aga, iiyak na naman ako. "Aalagaan kita, okay? Hindi ako aalis."
"Stella . . ."
"Ma."
"Lagnat lang 'to, 'nak. Mawawala rin 'to maya-maya."
Kinagat ko ang labi ko para pigilang umiyak. Wala akong pakialam kahit lagnat lang iyang sinasabi niya. Hindi lang iyan lagnat! Alam ko, hindi!
"Ma, hindi na lang ako a-attend ng graduation. Dito na lang ako sa bahay. Hindi kita iiwanan dito."
"Stella, graduation mo ngayon . . ." Umubo si Mama, lalo tuloy akong kinabahan. "Kunin mo ang diploma mo . . . minsan lang 'to."
"Ma!" Hinagod-hagod ko agad ang likod niya. Pakiramdam ko, kahit two years pa ang lilipas, parang ngayon na siya mawawala. "Tatawagan ko si Papa! Sasabihin ko, dito muna siya kahit ngayon lang!"
"Stella naman . . ."
Wala akong pakialam kahit magalit siya. Kailangan niya ng kasama. Hindi ko ito kayang mag-isa.
Pumunta ako sa kuwarto at kinuha ang phone ko. Mabilis kong tinawagan si Papa kahit sobrang aga pa ng alas-sais para istorbohin siya. Sabado ngayon, alam kong wala siyang pasok sa opisina.
"Stella?" narinig kong sagot ni Papa na mukhang nagising ko pa yata.
"Pa, emergency lang, paalaga muna kay Mama. May sakit ngayon e."
"Pero Sabado ngayon, wala kang pasok?" Lalo kong narinig ang basag niyang boses, kagigising nga lang talaga ni Papa. Pero wala akong pakialam kahit dis-oras pa ng gabi ngayon. Kailangan siya ng nanay ko.
"Pa, graduation day ko ngayon," sabi ko nang may pag-aalala sa boses. "Okay lang kahit walang pumunta sa inyo ni Mama sa school, basta alagaan mo muna siya hangga't hindi pa ako nakakauwi. Pa, kung kailangang magmakaawa ako sa 'yo, gagawin ko. Basta si Mama—"
"Papunta na 'ko. Sabihin mo sa Mama mo, pupunta ako."
Ibinaba na rin ni Papa ang tawag at hindi ko na napigilang maiyak nang tahimik.
Alam ko masakit. Na wala akong kasama sa kanila sa araw ng graduation day ko. At mararanasan ko na naman iyon sa pangalawang pagkakataon. Pero ngayon, kung ano man ang dahilan kung bakit wala sila, kahit masakit sa puso, tatanggapin ko kasi alam kong may mas malaki pang problema.
Binalikan ko si Mama na panay ang ubo. Hindi niya ako maaasikaso ngayong araw. Mabilis akong nagluto ng lugaw para sa kanya at nag-init ng tubig. Habang nagluluto, ako na ang nag-plantsa ng toga kong nakasabit sa may bintana sa sala. Panay ang pahid ko sa pisngi ko habang lumuluha kasi nag-aalala ako, naririnig ko si Mama sa itaas—inuubo pa rin.
Tumunog ang cell phone ko. Pagtingin ko may text, galing kay Gelo.
"See you later, Ste! Congrats sa atin! I love you!"
Napahugot ako ng hininga at napapunas na naman ng mata. Alam ko, pagkatapos ng graduation, mawawala na rin sa buhay ko si Gelo dahil pupunta na siya sa Italy. At pagkatapos niyon, magkakaroon na siya ng ibang girlfriend.
Tanggap ko naman na. Pero masakit pa rin kasi nakikisabay sa mas mabigat kong problema.
Pabalik-balik ako sa kusina at kuwarto. Alam kong dapat ay nakaayos na ako at naka-makeup, nagpapaganda para sa espesyal na araw na ito, pero hindi ko magawa. Pagtingin ko sa salamin, namumula ang ilong ko dahil sa tahimik na pag-iyak.
"Ma, kain ka muna . . ." nanginginig ang boses kong alok kay Mama ng niluto kong lugaw.
"Stella, bakit di ka pa nagbibihis?" sermon niya kahit hirap na siyang magsalita.
"Ma, mag-aasikaso na 'ko. Tinawagan ko si Papa, sabi ko, alagaan ka muna."
"Anak . . ." halatang nainis siya. "Kaya ko namang mag-isa."
"Hindi! Ma naman! Kahit ngayon lang, unahin mo muna yung sarili mo!"
Halos manlabo na ang mga mata ko dahil sa luha. Ang aga-aga, pagod na agad ako.
"Ma, gusto kong . . . gusto kong makapunta kayo ni . . . ni Papa sa graduation day ko . . ." naiiyak ko pang sinabi sa kanya. "Pero . . . Ma, pahinga ka na lang muna, hm? Kasi . . . kasi mas mahalaga ka sa . . . sa diploma ko . . ."
Pinunasan ko agad ang luha ko at saka siya saglit na iniwan. Mabilis akong naligo at nagbihis ng uniform. Binalikan ko ulit si Mama para punasan siya at palitan ng damit dahil basang-basa siya ng pawis.
"'Nak, nakabihis ka na," reklamo pa niya kahit mahina ang boses.
"Ma, wala akong pakialam," sabi ko pa at pilit kong tinatatagan ang loob ko habang inaasikaso siya. "Ma, kung dati, di kita naasikaso nang ganito, ngayon ako babawi, hm?"
"Stella . . ."
"Uuwi ako nang maaga. Ako ang mag-aalaga sa 'yo."
"Stella, anak?"
Napatingin ako sa direksyon ng pinto ng kuwarto. Nandito na si Papa. At halatang kagigising lang din dahil hindi na siya nag-abalang maligo pa. Kita sa gulo ng buhok niya. Hindi rin naman malayo ang bahay nina Grace sa amin, isang sakay lang din.
Binalikan ko ng tingin si Mama na halatang hindi gustong naroon si Papa sa bahay.
"Ma, babalik ako nang maaga. Tiisin mo munang nandito si Papa, hm?" Hinalikan ko si Mama sa ulo bago ako tumayo at tumungo sa may pinto.
May galit pa rin ako kay Papa, pero tama nang alam kong dalawa rin silang mawawala sa akin kalaunan. Nagpahid na lang ako ng luhang pumatak sa pisngi ko at lumunok kahit parang may nakabarang kung ano sa lalamunan ko.
"Pa, kahit ngayong araw lang, huwag mong iwang mag-isa si Mama. Babalik din ako agad," sabi ko na lang at halos isama ko na ang pride sa paglunok ko.
Alanganing tumango si Papa at napayukong saglit bago ibinalik ang tingin sa akin. "Wala kang kasama sa graduation mo."
"Hindi ko kailangan ng kasama sa graduation ko. Si Mama ang mas mahalaga ngayon. Siya ang may kailangan ng kasama."
Siguro nga, mababago ko ang kahit ano sa nakaraan. Pero mukhang itong araw na ito, kahit paulit-ulit ko itong balikan, gaya ng nangyari sa worst day ever ko, ni isa sa mga magulang ko, hindi pala talaga ako magagawang samahan.
At kailangan ko nangtanggapin ngayon ang masakit na katotohanan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top