Chapter 53: Tracked Changes

Sobrang weird ng pakiramdam ko kanina pa. Hindi ako mapakali. Bakit kaya ang lungkot ko ngayon? Parang gusto kong umiyak nang hindi ko alam ang dahilan.

Kanina pa ako nakahiga sa kama. Pakiramdam ko talaga, pagod na pagod ako kahit wala akong ginawa buong maghapon. Papalubog na naman ang araw. May pasok na pala ako bukas.

Kinuha ko ang pocket watch at saka tiningnan ang kamay. Anim na beses na lang ang natitira sa akin.

Sinusian ko ulit. Uubusin ko na lahat ng chance ko.

"'Pag nawala ba 'ko . . . hahanapin mo 'ko?"

Weird. Bakit parang naririnig ko si Philip sa utak ko?

Ibinagsak ko na lang ang braso ko at saka pumikit.

"Kung sakaling hindi mo 'ko makikilala, paano mo 'ko maaalala?"

Ano bang meron at bakit naririnig ko sa utak ko si Philip?

"Stella, hindi ka ba papasok?"

Mama?

Napabangon agad ako nang marinig ko ang boses ni Mama.

Tumingin ako sa kanan.

Tumingin ako sa kaliwa.

Nasaan ako? Nakailan ako?

"Tanghali na, di ka pa ba mag-aasikaso?" tanong pa ni Mama nang silipin niya 'ko sa kuwarto ko.

"Ma, anong araw na?" iyon na lang ang naitanong ko sa kanya.

Tiningnan niya lang ako na parang gusto niyang sabihing sigurado ba ako sa tinatanong ko.

"Pupunta rito sina Gelo mamaya. Maghahanda ako."

Agad ang simangot ko dahil doon. "Dahil?"

"Anong dahil ka diyan? Bumangon ka na! Papasok ka pa!" Umalis na rin si Mama pagkatapos.

Anong araw na ba?

Tiningnan ko ang cell phone kong de-keypad pa. Halos lumuwa ang mata ko sa eye socket ko nang makita ko ang araw.

Ano? For the third time, nandito na naman ako?

Bakit nandito ako ngayon!


* * *


Tahimik si Mama habang naghahanda siya ng almusal. Papasok din kasi siya sa trabaho. Wala si Papa sa bahay. Hiwalay na nga talaga sila—sa pangatlong pagkakataon.

Nakatayo lang ako sa dulo ng mesa nang kumuha ako ng tinapay saka pinalamanan ng hotdog.

"Birthday ko pala ngayon, Ma," sabi ko na lang para makasigurado ako.

"Sabihan mo sina AJ, marami akong ihahanda mamaya."

Sinimangutan ko na lang ang sinabi ni Mama. Kasi noong huling balik ko rito, halos ipamudmod niya ang pinakamamahal niyang Tupperware kina Carlo.

"Tita Lyn!"

Hindi ko na naisubo pa ang huling kagat ng hotdog na kinakain ko at dahan-dahan pang napalingon sa likuran ko nang marinig ko ang sumigaw.

"O, Angelo! Mag-almusal ka muna!" masayang bati pa ni Mama.

"Itsura mo." Itinulak niya ng hintuturo niya ang noo ko sabay hawak sa pulsuhan ko. Ang huling kagat ko ng hotdog, siya na ang sumubo kahit hawak ko pa.

"Tita Lyn! Dalhin ko sila Caloy dito mamaya, ha?"

Sinundan ko lang ng tingin si Gelo na ang tamis pa ng ngiti kay Mama.

Ano'ng ginagawa ng lalaking ito rito sa bahay nang ganito kaaga? Lakas pa ng loob makikain!

"Mukha mo, Ste. Natatae ka ba?"

"Ba't nandito ka?" pag-iimbestiga ko agad.

"Baka sinusundo ka, 'no?"

"Ba't mo 'ko susunduin?"

"Ah! Ba't nga, 'no? Baka boyfriend mo 'ko, 'no?" sarcastic pa niyang sinabi sabay subo ng kung ano mang pagkaing inihain ni Mama sa mesa.

Seryoso ba ito? Totoo ba ito?

Ang huling memorya ko noong huling balik ko, binu-bully ako ni Chim. Hindi ko naman alam na ganito pala ang ganap noong umagang iyon.

"Bilisan n'yo nang dalawa. Male-late na kayo," paalala pa ni Mama.

* * *

"Wala akong ginagawang masama, ha," sabi pa ni Gelo habang nilalakad namin ang daan papasok sa school. Napansin siguro niyang masama ang tingin ko sa kanya.

E, paano namang hindi sasama ang tingin ko. Naglalakad kami at hawak-hawak niya ang kamay ko. Akala niya naman, mawawala ako sa kalsada kapag binitiwan niya ako.

"Ba't ganyan ka makatingin? Kanina ka pa, Ste," reklamo na naman niya. "May ginawa ba 'ko?"

Hindi ko siya sinagot. Tiningnan ko lang siya nang masama.

Bumuga siya ng hangin. Mukhang sumuko na siya.

"Okay, sige, sorry na. Ako yung nagtago ng notebook mo sa Economics. Ibibigay ko na mamaya. 'Wag ka nang magalit."

Lalo ko lang siyang sinamaan ng tingin.

Ano'ng pinagsasasabi nito? Binu-bully pa rin ba ako nito kahit kami na?

Nakarating na kami sa gate ng school. Saka ko lang binawi ang kamay ko sa kanya kasi sobra na kami sa PDA. Naiilang ako, hindi ako sanay. Bumitiw naman siya pero inakbayan naman ako.

"Kakantahan ka namin ng Happy Birthday mamaya nina Caloy para di na tayo mag-lesson," natutuwa pa niyang sinabi.

"Baliw! Ano? Isang buong araw kayo kakanta?" sabi ko agad. Abnormal talaga ito. Daming alam. Noong huli akong bumalik, halos sirain nilang lahat ang araw ko. Ngayon, bahala sila. Wala nang masisira sa akin.

Wala pang 7 a.m. nang makaakyat kami sa room. Marami na kami, naghihintay na lang ng bell.

Ayoko na talagang bumalik sa ganitong panahon maliban sa graduation day ko, pero bakit na naman ako nandito? Hindi naman ito ang inisip ko, a? Ano ba kasing inisip ko't napunta ako rito?

Inilapag ko na ang gamit ko sa upuan ko. Si Gelo, nag-stay sa labas kasi nandoon sina Jasper.

"Aray, pu—!" Halos kuwestiyunin ko ng tingin si Chim na banggain niya ako mula sa likuran.

"Hmp! Malandi," narinig ko pang sinabi niya habang nagmamataray sa akin.

Ang aga-aga, ang init na agad ng dugo sa akin nito? Ano na namang ginawa ko?

At malandi? Sino? Ako? Bakit? Kasi tropa ko ang crush niyang nam-busted sa kanya?

Pinaningkitan ko na lang ng mata ang apat na naglalakad sa aisle ng room papunta sa puwesto nila sa likurang row.

Maalala ko lang. Tumalikod ako saka hinubad agad ang kuwintas na regalo ni Gelo'ng suot ko. Baka durugin na naman niya at hindi ako makapagpigil, mukha na niya ang mababasag this time kapag nangyari ulit iyon.

Itinago ko agad sa bag ko ang kuwintas at tinarayan din si Chim na masama ang tingin sa akin.

Huwag niya akong aastahan ngayon, baka gusto niyang masakal ulit sa pangalawang pagkakataon.

"Steee!" malakas na pambungad ni AJ sabay akbay sa akin. Kulang na lang, i-headlock ako kasi ipinalibot sa leeg ko. "Punta kami mamaya sa inyo, ha?"

"May magagawa ba 'ko?" sabi ko na lang sa kanya. Inaabangan sila ng nanay ko, alangang pigilan ko pa?

Pagsulyap ko kay Chim, trumiple ang sama ng tingin sa akin. Malamang kasi, nakaakbay sa akin ang crush niya.

"Hoy," tawag ko pa, "ang sama ng tingin ng girlfriend mo sa 'kin."

"Sino'ng girlfriend ko?" tanong agad ni AJ. Ang reaction pa niya, parang may nabisto akong mali sa kaniya.

"Sino pa ba? E di, si Chim."

"Yuck! Ba 'yan, Stella!"

Ay, grabe sa reaction! Diring-diri? Hello? E, loveteam of the year nga sila noon tapos—

NOON.

Kaya siguro gigil na gigil sa akin si Chim. Binago ko pati ang nangyari sa kanya.

"Ehem! Kamay!"

Napatingin kami sa pintuan tapos nakita si Gelo'ng nakasimangot sa amin habang nakasandal sa hamba ng pinto. Nagtaas agad ng kamay si AJ para alisin ang pagkakaakbay niya sa akin.

"Easy, bro."

Riiing!

Nag-bell na. Nagtayuan na ang iba kong classmate para makababa na kami sa quadrangle.

Nakasimangot lang sa akin si Gelo sabay senyas na lumapit ako sa kanya.

Mukha niya. Siya ang may kailangan, ako ang lalapit?

Sumenyas na naman siya at lalong sumimangot ang mukha niya.

Nakipagsukatan lang ako ng tingin sabay pamaywang. Bahala siya sa buhay niya.

"Ano? Di ka bababa? Dito ka lang?" sabi pa ni Gelo. Mukhang naubusan na rin ng pasensya.

"Bababa ako."

"E di, tara na."

"Bakit di ka pa bumaba mag-isa?"

"Ibabalik ko na nga kasi yung notebook mo mamaya!" Siya na ang lumapit saka kinuha ang kamay kong nasa baywang ko. "Arte mo rin e. Para notebook lang. Di ko naman sinira!"

Ano ngang pakialam ko sa notebook na sinasabi nitong abnormal na ito?

Ang clingy niya masyado. Putek, naiilang ako.

Hinatak lang niya ako sa hallway. Hindi naman kaladkad. Tama lang para magpadala ako sa kanya.

Sa totoo lang, mukha siyang mabait ngayon. Mukha lang. Nakikita ko ang ibang estudyante sa corridor, hinahabol din siya ng tingin. Siguro kasi, hindi na messy ang buhok niya. Natabasan na sa magkabilang gilid—taper fade—at natuto na rin siyang mag-wax.

Alam ko namang guwapo si Gelo. Bully lang kasi talaga siya kaya ang hirap kausapin. Ewan ko na lang ngayon.

Ang weird ng pakiramdam ko ngayon, hindi ko ma-explain. Hiniling ko naman dating magka-love life, pero bakit ngayon, kahit na alam ko nang boyfriend ko sa panahong ito si Gelo, parang hindi naman ako kinikilig.

O baka kasi alam kong taken na siya sa future kaya hindi. Feeling ko, kasi nag-che-cheat siya sa girlfriend niya kahit pa sa future pa iyon at kami pa ngayon.

"Aw!"

"Sorry po!"

Napahinto kami pagbaba namin ng hagdan nang may pumatid sa amin kaya nabitiwan ako ni Gelo.

"Sorry po talaga!" Tatakbo na sana papuntang pila iyong pumatid sa amin kaso umatake na naman ang pagka-bully ni Gelo at nanghaltak agad ng uniform.

"Anong sorry, ha?" maangas na sinabi ni Gelo habang ibinabalik sa harapan niya ang patakbo na sanang estudyante. "Gusto mong umbagin kita, ha?"

"Sorry po talaga! Sorry po! Sorry!"

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko kung sino ang pumatid sa amin.

"PJ?"

"Sapak, gusto mo?" Umamba ng sapak si Gelo kaya hinatak ko agad si PJ papunta sa akin para itago.

"Sorry po talaga, Kuya!"

"Hoy! Ano 'yang—!" Dinuro ni Gelo si PJ sa likuran ko.

"Tigilan mo nga si PJ! Ikaw, bully ka talaga!"

"Kilala mo ba 'yan?"

"Kilala ko, bakit?"

"Pumila ka na r'on, PJ," utos ko sabay tulak kay PJ papunta sa pilahan. Hinarangan ko pa si Gelo para makatakbo pa siya.

Sinundan ko lang ng tingin si PJ na nag-aalala ang tingin habang nakalingon sa akin.

"Kapag binago mo naman ang lahat, magiging parte ka na lang ng kaunti kong alaala. Hindi bilang ako kundi bilang si PJ na lang."

Naguguluhan ako. Bakit naririnig ko ang boses ni Philip sa isipan ko? Hindi pa naman kami nagkikita, a.

Bakit nga ba ngayon akodinala ng orasan?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top