Chapter 52: Last Day Remembered
Hindi talaga ako sanay sa nangyayari ngayon. Mukha lang akong ewan habang nakasandal sa upuan sa kusina tapos pinanonood ko si Philip na lutuan ako ng pagkain.
Makalipas ang higit apat na taon, nasayaran ng ibang pagkain ang kaserola ko sa bahay na hindi noodles o kaya pagkaing instant.
"Alam mo ba'ng ginagawa mo diyan, ha, Philip?" tanong ko pa sa kanya. Marunong din naman akong magluto, pero kasi aksaya sa oras, aksaya sa pera, tapos ako lang saka si Miminggay ang kakain.
"Malamang," sabi pa niya. "Baka chef."
Iba rin ang confidence nitong taong ito. Malamang daw.
"Chef ka? Talaga ba?"
Humarap siya sa akin tapos tiningnan niya ako na parang handa na siyang sermunan ako buong maghapon.
"Philip Jacinto, Batch 2016 graduate of College of Hospitality Industry Management, Royal Carribean International Chef. Okay ka na?"
Imbis na sumagot ako, tinulalaan ko na lang siya bago siya bumalik sa niluluto niya.
Ano raw ang sinabi niya? Batch 2016 saka Royal lang ang naintindihan ko sa mga sinabi niya.
Wait.
"Huy!" Binato ko agad siya ng display na plastic apple sa mesa.
Lumingon siya tapos tiningnan ang gumugulong na mansanas sa sahig bago ibalik ang tingin sa akin.
"2016?"
"Bakit? May problema ka?"
"Nasaan ka ngayon?"
Tinawanan niya ako nang mahina na parang ang joke ng sinabi ko. Pinulot na lang niya ang mansanas tapos ipinatong sa tabi ng kalan.
Well . . . obviously, nandito siya sa bahay ko. Pero kasi, nasaan siya ngayon na siya? Argh! Ang baliw pakinggan.
"Di nga kasi, Philip! Ikaw, nasaan ka ngayon? Yung ikaw na ngayon ngayon?"
Tumawa na naman siya habang umiiling tapos doon lang talaga nakatingin sa niluluto niya.
"Isa, Philip. Itong mesa na ibabato ko sa susunod. Saan ka nga ngayon? Di ba, ikaw si future PJ? 'Pag bumabalik ako sa past, nagiging past Stella ako. Di ba, dapat, gano'n ka rin?"
"Iba kasi yung gamit ng pocket watch ko," sagot niya. Kumuha siya ng plato sa cabinet bago iyon hinugasan saka pinunasan.
Kabisadong-kabisado niya ang bahay ko, parang dito nakatira. Ayos din talaga itong lalaking ito.
"Pa'nong iba?"
Hindi na naman niya ako sinagot. Nilapagan lang niya ako ng pagkain sa harapan ko.
Kanina ko pa naman naaamoy na mabango ang luto niya. Pero mas bumango noong nasa mesa na.
Putek, after so many years, makakakain ako ng pagkaing pantao!
Umupo siya sa kaharap kong upuan tapos ipinatong niya roon ang magkabilang braso niya saka ako nginitian.
Naiinis ako sa confidence niya ngayon. Parang ipapahiya ako anytime kapag may sinabi akong hindi maganda.
"Kain ka na," alok niya.
Sinimangutan ko na lang siya. Malamang kakainin. Ano ba dapat gawin?
"Kumain ka na rin." Inirapan ko siya tapos tiningnan ko na ang plato ko.
Ang bango talaga ng sauce. Sabi niya, de-latang tuna saka kaunting macaroni lang daw ito kasi wala siyang time mamalengke. Pero bakit parang hindi naman nagmula sa de-lata itong tuna na gawa niya. Napalunok tuloy ako. Mukha kasing iyong sine-serve sa mga mamahaling hotel tapos presyong tuition ko na sa isang buong taon.
"Wala 'yang lason," sabi pa niya. Napansin yatang natagalan akong titigan ang luto niya.
"Sinabi ko bang may lason?" mataray ko pang sagot bago ko tikman. "Hmp!"
"Sabihin mo lang 'pag kulang sa lasa, ha?" paalala niya tapos kinain na rin niya ang gawa niya.
Pagtikim ko, grabe, heaven ang lasa. Kulang pa ito? Kumakain din naman ako ng mga de-latang pagkain, pero bakit itong luto niya, parang bagong hango sa dagat ang lasa?
Ngayon lang ako nakakain ng ganitong pagkain. Parang ang sarap umiyak sa sobrang sarap. O ang sarap umiyak kasi ang sarap pala ng pagkain ng tao.
"Palagi mo ba 'tong ginagawa?" tanong ko pa kay Philip.
"Ngayon ko lang niluto 'yan. Wala naman kasing ibang mabili rito sa inyo."
Hindi na naman ako nakapagsalita. Ang ibig ko kasing sabihin, parati ba niya akong nilulutuan, pero parang mas nagulat ako sa ngayon lang niya ito niluto kasi walang mabili sa amin.
Noong unang luto ko nga, nasunog ang kawali sa akin, kinailangan ko pang buhusan ng tubig pati ang niluto ko.
"Sige na, wala nang duda," pagsuko ko na lang tapos ninamnam ko na ang luto niya.
Kung hindi nga lang nakakahiya, magpapaluto pa sana ulit ako, kaso baka sabihin niya, inaabuso ko siya.
"Ming!"
Siyempre, hindi puwedeng ako lang ang kakain. Dapat pati ang pusa ko. Nilapagan ko siya nang kaunti ng kinakain ko. Mga isang kutsara lang, tikman lang niya. Kulang pa nga sa akin kaya hindi ko siya mabigyan nang marami.
Sorry, Miminggay. Bawi tayo mamaya sa noodles. Bigyan kita ng isang buong cup.
Noong naubos niya, pinaikutan na naman ang binti ko.
Oo, Ming. Alam kong masarap saka lasang kakaunti. Pero wala tayong magagawa. Ngayon lang iyan.
May mga pagkain talagang sa sobrang sarap, parang ayaw mo na lang kainin ang huling subo kasi alam mo na sa sarili mong kapag kinain mo iyon, wala ka nang pagkain.
Nakakainis naman kasi itong si Philip. Nilutuan pa ako ng masarap. Ano na lang magiging lasa sa akin ng pancit canton at instant beef mami?
"Kulang?" tanong agad niya noong mapansin akong nakatulala sa huling kutsara sa plato ko. "Gusto mong magluto ulit ako?"
"'Wag na. Maabala ka pa," sagot ko na lang saka dismayadong kinain ang huling subo.
Pakiramdam ko tuloy, para akong tagabundok na hindi pinakain sa loob ng isang buwan. Nakakainis.
"O, baka puwede mo na 'kong sagutin," masungit kong sinabi sa kanya. "Nasaan si PJ ngayon."
Iyon na lang ang sinabi ko para malinaw kami.
"OJT," sagot niya. "Pero malamang na tapos na siya sa rendering. Nag-aasikaso na lang ng requirements."
"Wait. OJT? As in on-the-job training?"
"Yes," sagot pa niya at inubos na ang laman ng plato niya.
"Di ba, pang-graduating lang ng college 'yon?"
"Yes."
"E di . . ."
"Yes."
"Wala pa nga! Yes ka agad!" Excited, putek.
"Graduating nga ako ngayon ng college. Next month na. Busy days kasi last year na."
"Pero paano 'yon? E di, dalawa kang nandito ngayon?"
"Yes."
"Ang daya! Dapat gano'n din ako!"
"Fair lang 'yon. Based kasi sa pocket watch mo sabi ng nagbigay sa 'kin, mas tama lang 'yang nasa 'yo ngayon. Wala akong babaguhin sa past ko, ikaw meron. Di mo naman magagawa yung drastic changes kung hindi ikaw ikaw."
Nakaka-bad trip. Iyan lang ang gusto kong sabihin sa kanya. Nababaliw na ako sa mga ganitong usapan.
"Sino ba yung nagbigay ng pocket watch? Kilala mo?"
"No."
"Hindi mo kilala tapos nagtiwala ka."
"Ikaw? Bakit nagtiwala ka?"
Nakaka-bad trip na naman. Itong Philip na ito, palalayasin ko na talaga ito sa bahay ko e. Kanina pa ako nito binabara.
"Stella, may pakiusap pala ako."
"Hmp! Ano na naman 'yan?" Inirapan ko siya tapos ipinaling ko na lang ang tingin ko sa kanan.
"Ito na kasi ang huling beses na makakabalik ako rito sa panahong 'to."
Imbis na barahin siya, tinitigan ko na lang siya sa dulo ng mata ko. Hindi ko alam kung bakit bigla akong napahugot ng hininga doon sa sinabi niya.
Ibig bang sabihin niyon, sa mga susunod na araw, hindi ko na siya makikita?
"Alam ko, may chance ka pang makabalik nang ilang ulit. Sana, this time, maayos mo na ang lahat ng kailangan mong ayusin."
Pinakinggan ko na lang siya nang maigi. Ano'ng sasabihin ko? Pipigilan ko ba? E di, tinawanan na naman niya ako.
"Sana mapili mong mabuti yung mga panahong gusto mong balikan. Yung kayang baguhin ang buhay mo ngayon saka sa mga susunod na taon."
Napalunok na lang ako. Nakalista naman na kasi ang mga panahong gusto kong mabalikan. Nasayang lang ang isang beses kasi inalam ko kung sino ba siyang talaga.
"Kapag nabago mo ang past mo, mababago mo rin ang future mo. Kung sakaling magtagumpay ka, baka 'tong lahat ng 'to . . ." Inikot niya ng tingin ang buong bahay kong malungkot tingnan. "Lahat ng ito magbabago." Ibinalik niya ang tingin sa akin. "Hindi na kita kailangang balikan sa Santa Clara. Hindi na kita kailangang iligtas sa future. Hindi na kita makikita sa park tuwing malungkot ka."
Napahugot na naman ako ng paghinga habang dina-digest ko ang lahat ng niluto at sinabi niya.
"Ibig sabihin . . ." Sinigurado ko pa sa sarili ko ang sasabihin ko. "Hindi na kita makikilala."
"Kilala mo naman na si PJ. Di na natin mababago 'yon."
"Pero kung mabago ko ang past tapos pagbalik ko, nagbago na lahat, e malay ba ni PJ! Sabi mo, nasa OJT siya ngayon, di ba? Di na niya 'ko mapupuntahan sa may punong santol."
"Di naman na niya kailangang pumunta kung wala nang dahilan para pumunta."
"Ang sabi ko, puntahan niya 'ko!"
"Pinuntahan ka ba?"
"Pinuntahan mo 'ko, di ba? Ngayon nga, nandito ka!"
"Nandito ako hindi dahil sinabi mo. Nandito ako kasi binalikan kita."
"Pero kasi . . ."
"Kung sakaling hindi mo 'ko makikilala, paano mo 'ko maaalala?"
"Ano ba 'yan, Philip! 'Yan na naman tayo e!"
Dinabugan ko na lang ang mesa. Paikot-ikot na lang kami. Nakaka-bad trip lalo.
Malamang na maaalala ko siya kasi pinuntahan niya ako e! Mali ba iyon? Tama naman ako, di ba?
"Ayokong maging selfish, Stella," malungkot niyang sinabi. "Kasi kung magpapaka-selfish ako, hindi ako makikiusap sa 'yo ngayon. Sa future, kasama kita. Nakilala kita kasi malungkot ka. Kung hindi ka ganoon, hindi tayo magkakakilala. Pero kasi . . . ayoko n'on. Kaya kitang iligtas, physically. Pero hindi kita kayang iligtas sa sarili mo. Hindi ko kayang makiusap sa 'yong mabuhay ka para sa iba. O kahit mabuhay ka para sa 'kin kasi hindi puwede. Gusto kong mabuhay ka para sa sarili mo."
"Pero kasi pinipilit mo na di nga kita makikilala e."
"Mas okay na 'yon."
"Unfair 'yon!" Dinuro ko pa ang mesa. "Unfair 'yon sa 'yo!"
"Tungkol ito sa 'yo, Stella."
"Pero ikaw yung tumulong sa 'kin, di ba? Ano na lang ang mararamdaman mo kung yung taong tinulungan mo, di ka na maalala?"
"Kapag binago mo naman ang lahat, magiging parte ka na lang ng kaunti kong alaala. Hindi bilang ako kundi bilang si PJ na lang."
Biglang sumakit ang lalamunan ko, nakakainis. Bakit ngayon pa naisipan ng mata kong maluha.
Kadramahan, nakaka-bad trip talaga.
Hindi na ako nagsalita muna. Baka bigla akong humagulgol dito. Sabihin pa ni Philip, iniiyakan ko siya.
Hindi siya nagsalita. Hindi ako nagsalita.
Ang unfair. Sobrang unfair talaga.
"'Pag nawala ba 'ko . . . hahanapin mo 'ko?" tanong na naman niya.
Na lagi kong sinasagot noon na . . . na trabaho iyon ng . . . ng mga pulis. O kaya . . . kaya ng pamilya niya.
Agad ang punas ko ng pisngi nang may kumawalang isang patak ng luha sa mata ko.
"Puwede namang di ko baguhin yung past ko," sabi ko na lang sa kanya. "Lugi ka kasi talaga, Philip e. Effort mong tulungan ako e."
"'Wag nang matigas ang ulo, Stella."
"Hin . . . hindi ka na . . . hindi ka na pupunta sa may santol?" naluluhang tanong ko.
Umiling na lang siya.
"Gusto mong . . . gusto mong sa 'yo na lang yung . . . yung pocket watch ko?"
"Stella . . ."
"Paano kita makikita ulit . . . ?" mahinang tanong ko pa.
"Kapag nahabol mo na ang oras ko."
"Philip naman e . . ."
"Kaya nga binibigyan kita ng dahilan para maalala mo 'ko."
Ang mga sinasabi niya noon sa akin sa may punong santol, ngayon ko lang nakukuha.
Kaya pala parati niyang inuulit sa akin ang pangalan niya.
Tinatanong niya kung hahanapin ko ba siya kapag nawala siya.
Kung paano ko siya maaalala kapag nawala siya.
Kasi ganito pala ang nangyayari.
"Hahanapin kita," pangako ko na lang habang tumatango. "Promise, Philip, hahanapin kita. Maaalala kita, promise ko sa 'yo, maaalala kita."
"See you again, Stella."
"Meow."
Sinilip ko sa ilalim ng mesa si Miminggay. Paikot-ikot lang siya sa paanan ko. Ibinalik ko ang tingin ko sa blangkong mesa.
Sandali. Ano'ng ginagawa ko rito?
Ang weird ng feeling ko. Bakit parang bigla kong na-miss si Philip. Holiday nga pala ngayon. Alam kaya n'on na walang pasok?
Nakalimutan ko, mamimili nga pala ako ng stock.
"Ming, bantayan mo 'tongbahay, ha? Aalis lang ako saglit."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top