Chapter 51: Surprises


Hindi ko alam kung anong oras ako nakatulog. Hindi ko na rin sinilip yung orasan. Basta nagising na lang ako, mataas na ang sikat ng araw.

Mukha pa naman akong tanga kakamadali sa pagligo at pagbihis, ni hindi ko na nga nagawang mag-almusal pa tapos malaman-laman ko na lang sa kapitbahay namin na holiday pala.

Lugo-lugo akong bumalik sa bahay na nanlalaki ang butas ng ilong. Lakas pa ng loob kong lumabas ng bahay na hindi na nagsuklay habang tumutulo pa ang buhok tapos wala pala akong pasok.

"Meow."

"Oo na, 'wag mo na 'kong sermunan," sabi ko pa kay Miminggay saka ko siya dinampot at niyugyog. "Bakit di mo sinabi sa 'king wala pala 'kong pasok, ha? Alam mo ikaw pusa ka, sio-siopao-in na kita e." Inilapag ko na rin siya sa tapat ng pintuan tapos inambahan siya ng sipa kaya dali-dali siyang pumasok sa loob ng bahay.

Knock! Knock!

Napatingin agad ako sa may gate dahil doon sa kumatok. Agad ang atras ko ng ulo nang makita si Philip na nakasampay ang braso sa gate at nakangiti sa akin.

"Good morning!" masayang bati pa niya.

"Hoy! Ano'ng ginagawa mo rito, ha?" bulyaw ko pa sa kanya sabay pamaywang.

"Holiday ngayon e. Di ka makakapasok."

"Ba't di mo sinabi sa 'kin?" paninisi ko pa sa kanya.

"Akala ko kasi alam mo. Di ba, 'pag estudyante, mas updated pa sila sa mga araw na walang pasok."

Binugahan ko na lang ng hangin yung sinabi niya. E malay ko ba kasi kung may pasok o wala.

"O, ano nga'ng ginagawa mo rito, ha? Pa'no mo nalaman 'tong bahay ko?"

Nginitian na naman niya 'ko. Alam mo, ako naiinis na rin ako sa ngiti nito ni Philip e. Di ba 'to marunong mamroblema?

"'Wag mo 'kong ngitian diyan," naiinis na sinabi ko. "Di nakakaganda ng araw 'yang ngiti-ngiti mo."

Imbis na tumigil, lalo lang siyang ngumiti.

Alam ko namang maganda ang smile niya, pero hindi pa rin ako natutuwa. Tinatanong kung ano'ng ginagawa rito, ngingitian lang ako? Ang tino rin kausap e.

"Akala ko ba, kakausapin mo 'ko?" tanong na lang niya. "Di ka makakapunta sa may santol ngayon kaya pinuntahan na lang kita."

"Ah—" Matapos kong magulat kasi may usapan nga pala kami, pinaningkitan ko na lang agad siya ng mata. "Paano mo nalaman 'tong bahay ko?"

Imbis na sumagot, tinawanan lang niya 'ko.

Ito, babatuhin ko na talaga ng sapatos 'to e. Sarap ding kausap e.

"Wala ka bang ibang isasagot kundi ngiti at tawa, ha, Philip?"

Inalis niya yung ngiti niya kaso halata namang sapilitan pa. Nakangiti pa rin kahit na gusto niyang itago. Natanaw ko sa may bakod yung kapitbahay naming nagwawalis sa tapat at nakatingin kay Philip.

Naku, naku! Di ko naman puwedeng palayasin 'tong siraulong 'to, ako pa naman ang nagsabing mag-uusap kami ngayon.

Lumapit na 'ko sa may gate para papasukin siya.

"'Wag kang gagawa ng kung ano sa loob ng bahay ko, ha?" banta ko pa sa kanya sabay duro sa kanya. "'Pag ikaw talaga, nako!"

Nagtaas lang siya ng magkabilang kamay para sabihing wala siyang gagawing kahit ano.

Gusto ko sanang alukin ng pagkain si Philip kaso wala akong maaalok maliban sa instant pancit canton. Kaso pagsilip ko sa cabinet, lalo ko lang naramdaman ang katangahan ko kasi kaya nga pala ako lumabas kagabi e dahil wala akong stock na pagkain.

Sure bang nabuhay pa ako ng sampung taon kagaganito ko sa sarili ko?

"Magtubig ka na lang," sabi ko kay Philip saka naglapag ng isang basong tubig sa center table sa sala. "Wala pa 'kong pagkain. Huwag ka nang maghanap ng ibang inumin kasi di ako nagkakape saka mahal ang juice."

Nginitian lang ako ni Philip at di rin ginalaw yung tubig.

Kahit din naman ako, kung tubig lang iaalok sa akin, di ko rin agad gagalawin.

"O, paano mo nga nalaman 'tong bahay ko?" tanong ko pa habang nakapamaywang at nakatayo sa harapan ni Philip.

Nagbuka siya ng bibig kaso hindi naman nagsalita. Isinara na lang niya ulit yung bibig niya at yumuko.

"Meow."

"Hoy! Pusa ka!" sermon ko pa sa pusa ko kasi tinalunan si Philip sa hita tapos doon pa yata balak magtulog-tulugan.

Kapal naman ng mukha ng pusang 'to.

"Ba't nandiyan ka!" sermon ko pa at akmang kukunin yung alaga ko kaso pinigilan agad ni Philip yung kamay ko.

"Hayaan mo na."

"Anong hayaan? Magkakalat lang 'yan ng balahibo sa 'yo!" Umamba pa ako ng batok kay Philip kaso tinaboy-taboy lang din yung kamay ko para di ko mabawi yung pusa kong epal.

"Mabait naman si Miminggay. Hayaan mo na sa 'kin."

"Anong haya—paano mo nalaman pangalan niya, ha?" takang tanong ko na naman sabay pamaywang na naman.

At mukhang di nangangawit kangingiti 'to si Philip. Ako, masasampal ko na talaga 'to e.

"Tumatambay ka ba rito sa bahay ko?" usisa ko agad.

Imbis na sumagot, nginitian na naman ako.

Sisipain ko na talaga 'tong taong 'to e. Gumaganti ba 'to kasi di ko siya sinasagot n'ong siya yung nagtatanong?

"Hindi naman kita boyfriend sa future, di ba?"

"Hahaha! Saan mo nakuha 'yan?"

Letse siya.

"Ano ba kasi, Philip! Nakakainis ka na, ha? Gusto mo, palayasin kita rito?"

"Nag-breakfast ka na?" tanong na lang niya.

"Ako yung nagtatanong. Sagutin mo muna 'ko bago kita sagutin."

"Sige, sinasagot na kita."

"PHILIP! Kakalbuhin na talaga kita, nakakainis ka na talaga!"

"Hahaha!"

Gusto ko na talaga 'tong sipain, kanina pa 'to! Aga-aga sinisira na ang araw ko!

"Di ka ba titigil kaka-asar mo sa 'kin, ha? Puro ka ngiti, nakakatuwa? Nakakatuwa?"

"Di naman. Masaya lang ako."

"Masaya na ano? Masaya kasi naaasar ako?"

"Masaya kasi may emosyon ka na."

"Natural may emosyon! Buang ka ba?" Ibinagsak ko na lang ang sarili ko sa monobloc na upuan na kaharap niya.

"Kung makikita mo lang ang sarili mo sa future, kahit ikaw matutuwa rin na may emosyon ka na. Ngayon lang naman kita nakitang ganiyan."

"Nakitang ano? Nakitang mainis? Saya mo, 'no?"

"Mas okay na yung marunong ka palang mainis kaysa naman yung parati kong naririnig sa 'yong wala ka nang maramdaman. Di ka na marunong tumawa. O ngumiti. O magalit."

Tumipid na naman yung ngiti niya. Bumigat na rin nang kaunti yung boses niya sa sinabi niya. Na parang ganoon talaga ako ka-hopeless sa future.

Pero parang ganoon nga ang naramdaman ko nitong nakaraang mga taon. Nagbago lang noong naranasan ko nang magkaroon ng mga kasama sa buhay gaya nina Gelo . . . o kahit nitong si Philip.

"Pero seryoso na, dinadalaw mo ba 'ko rito sa bahay?" tanong ko pa ulit. At 'pag nginitian na naman niya 'ko, bahala na siya, palalayasin ko na siya agad-agad.

"Minsan. Dinadalhan kita ng dinner."

Nanlaki agad ang butas ng ilong ko sa sinabi niya at pinaningkitan siya ng mata.

"Umamin ka nga, nanliligaw ka ba sa 'kin?" tanong ko agad. "I mean, sa future, ha."

Nginitian na naman niya 'ko. Palalayasin ko na talaga 'to e.

"Di naman," sabi na lang bago ko pa sigawan.

"Ano? Naawa ka lang sa 'kin?"

"Hindi rin naman."

"E ano nga?"

Kaya ayoko kausap 'to si Philip e. Nakakaubos ng braincell. Kung hindi magtatanong ng nakakabaliw na tanong, di sasagot kapag tinatanong ng matinong tanong.

"Hindi ka pa nag-breakfast," pagbabalik na naman niya ng usapan kanina. At yung tanong niya, siya na rin ang sumagot.

"Wala pa 'kong stock ng pagkain. Di pa 'ko nakakabili."

"Nakakabili ng ano? Instant noodles."

"Oo—teka, ano? Nagkakalkal ka rin ba ng cabinet ko kapag pumupunta ka rito?"

Tinawanan na naman niya 'ko. "Store owner ako. Kumikita yung mart ko kaka-noodles mo."

Ayun! Suki pala 'ko ng tindahan niya. Nag-de-kuwatro ako sabay krus ng mga braso.

"E bakit nga dinadalhan mo 'ko ng dinner?" usisa ko na naman.

"Kasi mag-isa ka lang dito."

"Katwiran mo. Tagal ko nang kumakain mag-isa."

Tinawanan na naman niya 'ko. Ano? Walang pagod kakatawa? Walang sawa kakangiti?

"Di ba, sabi mo, may gusto kang babae? Di ba, ako 'yon?" tanong ko agad. Kaso, nginitian na naman ako ng Philip na 'to.

Ano? Magngingitian na lang kami maghapaon, gano'n?

"Ang saya mong tao, 'no?" sarcastic ko pang tanong sa kanya. Babatuhin ko na 'to ng unan 'pag di pa 'to tumigil e.

"Masaya lang ako kasi mukhang okay ka na ngayon."

"Okay naman ako e. Mukha bang hindi?"

"Oo. Noon." Ngumiti na naman siya, kaso iba na. Parang may pahiwatig na.

"Okay na ba 'ko sa future?"

Ngumiti na naman siya pero mas matipid sa mga nauna. Mukhang sure na siyang oo pero alam niyang hindi pa rin.

"Gusto mong mag-breakfast?" tanong na lang niya.

Noong nag-ingay yung tiyan ko, hindi na ako nagkaroon ng chance humindi.

Akala ko, pusa ko lang yung papansin kay Philip. Pati rin pala yung sikmura ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top