Chapter 49: Remembering Me

Natural lang naman siguro na minsan, sa sobrang dami ng gusto nating sabihin sa isang tao, wala nang lumalabas sa bibig natin kasi hindi natin alam kung saan magsisimula.

Sinusundan ko lang siya ng tingin habang inilalatag niya sa mesa naming pandalawahan ang mga pinamili niya.

"Malamang, ginugutom ka na. Lumabas ka na ng bahay e."

"Alam mo kung saan ako nakatira?" tanong ko pa.

Nginitian lang niya ako habang hinahanda ang one-piece chicken na binili niya para sa aming dalawa.

"Philip . . ."

"Hm?"

"Kung sakaling hindi mo 'ko nakilala . . . paano mo 'ko maaalala?"

Napahinto siya sa paghahanda at saglit na kinagat ang daliring napatakan ng gravy. Tiningnan niya ako nang may matipid na ngiti.

"Akala ko ba, ayaw mo ng mga ganyang tanong kaya palagi kang nag-wo-walkout 'pag nag-uusap tayo?"

Saglit na umawang ang bibig ko para magsalita. Kaso hindi na lumabas ang kahit ano sa akin kasi hindi ko na alam kung ano pa ang dapat sabihin.

Oo nga pala. Parati nga pala niya iyang tinatanong sa akin.

"Kain na," alok niya.

Nagbuntonghininga na lang ako at ginalaw na ang pagkain ko. Pasulyap-sulyap ako sa kanyang tutok sa kinakain niya. Kamukha naman niya si PJ pero matured kasi talaga ang mukha niya. Pero kasi, masyado na siyang matanda para sabihing mas bata siya sa akin—saglit.

"May kuya ka ba?" tanong ko pa.

"Uhm-hm," pagsang-ayon niya habang tumatango.

"Nasaan na siya?"

"Doktor siya. Surgeon. Nasa ospital." Biglang tumipid ang ngiti niya at ipinagpatuloy ang pagkain.

Tumango na lang din ako sa sagot niya.

Ang awkward. Hindi naman kasi ako sanay na tinatanong si Philip dahil siya ang palaging nagtatanong sa akin.

Alanganin ang oras, wala na halos taong nasa labas. Hindi naman kasi sobrang matao sa lugar namin. Hinayaan ko na lang ang kanta sa convenience store na mangibabaw sa awkwardness.

"I love you, I have loved you all along. And I miss you, been far away for far too long . . ."

"Ano pala'ng ginagawa mo rito?" tanong ko na lang ulit habang paisa-isang sumusubo.

"Gusto ko lang makita ka."

Matamis ang ngiti niya sa akin. Nailang tuloy akong isubo ang kinakain ko kaya ibinalik ko sa lalagyan.

"Ako ba yung nagsabi sa 'yong puntahan ako sa may punong santol sa Santa. Clara?"

Hinintay ko siyang sumagot. Parang wala siyang narinig. Nagpatuloy lang siya sa pagkain.

"PJ . . . ?"

Wala na naman siyang sinabi. Kahit mag-react, wala rin. Nagbibingi-bingihan ba siya?

"Hindi mo kailangang magsinungaling sa akin, Philip—PJ."

Hindi ko na namalayang ubos na niya ang kinakain niya. Samantalang ako, ni hindi pa nga nakakadalawang subo.

Sumandal siya sa kinauupuan at nakita ko na naman ang facial expression niya tuwing nagkikita kami. Nakangiti, maaliwalas siyang tingnan, parang walang problema.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa nakaraan, ano ang gagawin mo?"

Agad ang kunot ng noo ko sa tanong niya.

May gusto ba siyang palabasin?

"Noong una kong narinig 'yan, nagbalik ako ng tanong. Bakit 'Ano'ng gagawin ko?' Di ba, dapat ang tanong 'Kailan mo gustong bumalik?'"

Ginaya ko na lang din ang ayos niya. Sumandal ako sa upuan ko at tiningnan siya nang diretso sa mata.

Hindi rin nagtagal ang titig ko sa kanya kasi napaisip din ako sa tanong at napatingin ako sa labas. Oo nga. May point naman siya. Kasi ang tanong, kung bibigyan ako ng chance. So, malamang, isa sa mga pangyayari sa past ko ang puwede kong mabalikan. Pero bakit ang tanong: Ano ang gagawin ko?

Ngayon ko lang natatagalan ang mga ganitong usapan namin ni Philip. Ito pa naman ang dahilan kung bakit panay ang iwas ko sa kanya kasi ang weird niya at ng mga sinasabi niya.

"Ikaw, Stella, ano'ng gagawin mo?"

Doon lang nagbalik ang tingin ko sa kanya. "Gusto kong baguhin ang nakaraan ko."

Ngumiti na naman siya at saka tumango. Doon naman ako nagpahabol ng tanong. "Ikaw? Ano'ng gagawin mo?"

Natawa na siya nang mahina at saka napailing. Iyong iling na parang umiiwas sa tanong.

"Babaguhin mo rin ba ang nakaraan mo?" tanong ko pa. Makatanggap man lang ng oo o hindi sa kanya.

"Tanggap ko kung ano ang nakaraan ko. Lahat ng maling nagawa ko noon, parte 'yon ng kung ano ako ngayon."

"Pero bakit bumabalik ka?"

Para akong nagising dahil sa sinabi ko. Hindi ko sinasadyang sabihin iyon, bigla na lang dumulas sa dila ko. Natawa tuloy siya nang may kalakasan at tumango pa na parang tama ang sinabi ko.

Naiirita na ako rito kay Philip. Hindi ko mahuli.

"Makikilala mo pa kaya ako 'pag hindi mo 'ko nakilala ngayon?" tanong lang niya.

Sa daming beses niyang sinabi iyan, ngayon lang ako hindi nakasagot—o ngayon ko lang siya hindi nasagot.

Hindi ko sinabing may saltik siya sa utak. Hindi ko sinabing malay ko. Hindi ko sinabing ang weird niya. Kasi ngayon, kapag iniisip kong paano kung hindi ko nakilala si PJ . . .

O kung hindi ko sinabi sa kanya noon na puntahan ako sa may punong santol . . .

Pupuntahan pa kaya niya ako?

"Bakit ngayon lang?" malungkot ko pang tanong. "Alam ko nang ikaw si PJ. Hindi mo na kailangang ikaila. Bakit ka nandito? Dahil ba sinabi kong puntahan mo 'ko? Pero alam ko, mas bata si PJ sa akin. Bakit ngayon lang?"

Biglang tumipid ang ngiti niya sa akin. Umiwas din siya ng tingin at saglit na yumuko. Ilang segundo rin at nag-angat na siya ng tingin na parang may handa na siyang sabihin sa akin.

"Naaalala mo pa ba ang kuwento ko? 'Yong babaeng nakilala ko sa tulay?

Mabilis akong umiling. Hindi ko kasi matandaan. "Sorry, nakalimutan ko."

Magsasalita na sana siya kasi inunahan ko na nang maalala ko. "'Yon ba 'yong masungit na gustong baguhin ang buhay niya tapos nagtangkang magpakamatay? 'Yong nag-aagaw-buhay sa ospital na gusto ko sanang dalawin?"

Ngumiti siya. Mukhang tama ako. At kung tama ang naiisip ko . . .

"Ako ba 'yon?"

Pilit ang naging ngiti niya. Ngiti na nagsasabing "Oo e."

Napapikit na lang ako at humugot na naman ng sobrang lalim na hininga.

Putek.

Ganoon na ba ako ka-hopeless para mag-suicide?

"Siya yung pasyente ngayon ng kuya ko."

Tumango na lang ako. Ngayon, naintindihan ko na ang ibig niyang sabihin sa kung nahabol ko na ang oras niya.

"Bumabalik ka para sa 'kin." Panay na lang ang tango ko kahit na hindi pa nag-si-sink in sa akin ang lahat. "Okay. Mamamatay na ba 'ko?"

"Kung babaguhin mo ang nakaraan, hindi. Hindi mo 'ko makikilala. Hindi mo 'ko makikita. Hindi kita makikita. Hindi tayo magtatagpo kahit na kailan kasi wala nang dahilan para bumalik ako."

Naitukod ko ang magkabilang siko ko sa mesa at naisuklay ko ang mga daliri ko sa buhok ko.

"Kung sakaling maayos mo ang buhay mo . . . kung sakaling maayos ko ang buhay mo . . . kung sakaling hindi mo na ako makilala . . . matatandaan mo pa ba ako . . . Stella?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top