Chapter 48: Family Problems

Inaasahan ko nang magtatalo sina Papa at Mama sa hapunan namin tungkol sa pagpapadala ng pera ni Papa sa mga kamag-anak niya. Nabuhusan ako ng putik pero hindi ako umuwi sa bahay agad-agad. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit iba na naman ang pinagtatalunan nila ngayong pagbalik ko.

"Puro ka overtime! Overtime! Overtime! Bakit no'ng tumawag ako kanina sa opisina n'yo, ang sabi, maaga ka namang nag-out?"

Nagagalit si Mama dahil puro OT si Papa. Ang kaso, tumawag siya kanina sa boss ni Papa at sinabing parati namang maagang umuuwi ang tatay ko.

"Bakit ba pati 'yan, pinakikialaman mo? Bawal na bang sumama sa mga kumpare ko?"

"Pero bakit kailangang idahilan mo ang OT mo? Bakit? May tinatago ka ba?"

Naiirita ako sa sigawan nila. Ni hindi ko makain nang maayos ang paksiw na luto ni Mama.

"Ngayon, pinagbibintangan mo na 'ko? 'Yan ang hirap sa 'yo e! Napupundi na 'ko sa mga ganyan mo!"

Ibig bang sabihin nito, kahit na ano'ng balik ko, kung marami pala talaga silang dahilan para mag-away, magtatalo at magtatalo sila?

O baka naging selfish lang talaga ako, to the point na hindi ko na pinansin itong issue nila kasi mas inuna ko pang magpasikat at magpaka-trying hard gayahin si Chim?

"Gusto ko lang na sabihin mo kung saan ka pumupunta at late ka nang umuuwi! Ano? Araw-araw ka sa mga kumpare mo?"

Padabog kong ibinagsak ang kutsara't tinidor ko sa plato hanggang sa mapahinto sila sa sigawan nila.

"Pa! Ma! Tigilan n'yo na nga 'yan!"

Dinuro na ako ni Mama pero kalmado siyang nagsalita. "Ikaw, Stella, 'wag ka munang mangialam dito, ha."

Padabog din akong tumayo at hindi ko pinakinggan si Mama.

"Ikaw, Pa, kung aalis ka, umalis ka na lang!"

Nakita kong nagulat si Papa sa sinabi ko.

"Tanggap ko na! Matatanggap din 'yon ni Mama! Pa, hindi na 'ko bata! Hindi perfect ang family na 'to! Puwede, magpakatotoo na lang tayo sa mga sarili natin, ha? Kasi naiinis na 'ko, kahit na ano'ng pagbabalik ang gawin ko rito sa bahay na 'to, ito at ito pa rin ang naaabutan ko!"

"Stella!" tili ni Mama. Hindi yata matanggap ang lahat ng lumalabas sa bibig ko.

"Pa, kung si Grace ang dahilan, sabihin mo na lang!"

Napatayo agad si Papa sa kinauupuan niya. Mukhang tama nga ako. Dito nag-umpisa.

"'Wag mo nang pahirapan si Mama kaiisip kung saan siya nagkamali! Hindi si Mama ang nagkulang! Ikaw ang may problema, hindi siya!"

Pak!

Natulala na lang ako nang dumapo ang palad ni Mama sa pisngi ko.

Agad ang hugot ko ng paghinga at hindi ko alam kung iiyak ba ako o magagalit o sisisihin silang pareho.

"Anak . . ." Pagtingin ko kay Mama, gusto na niya akong abutin na parang sising-sisi siya sa ginawa niya. "Stella . . ."

Bigla na lang kumilos ang kamay ko at tinapik ang kamay ni Mama para hindi niya ako mahawakan.

"'Nak, sorry . . ."

Umiling na lang ako. "Ma, kahit ilang sampal pa ang ibigay mo sa 'kin, 'pag ayaw na sa 'tin ni Papa, hindi pa rin niya tayo pipiliin."

Tiningnan ko na lang nang masama si Papa.

"Pa, kung hindi tanggap ni Mama kasi hindi pa niya alam ang totoo; ako, tanggap ko na. Ipaliwanag mo na lang agad para pare-parehas na tayong hindi nahihirapan," paalala ko bago ako umalis doon at umakyat sa kuwarto ko.

Matagal na akong walang tiwala sa mga lalaki. Magmula nang kaayawan nila ako sa school. Magmula nang isipin nilang trying hard ako. Magmula nang ilayo sila sa akin ni Chim. Tapos itong ginawa ni Papa sa Mama ko. Inisip kong lahat ng lalaki, pare-pareho.

Pipiliin nila ang maganda. Ang matalino. Ang sexy. Hindi lahat, pipiliin ka kasi tanggap ka niya kahit na puro ka kulang.

Gusto kong umiyak pero mas nangingibabaw sa akin ang galit. Dumiretso ako sa dresser table at kinuha roon sa holder ang highlighter ko saka isang colored paper.

"Stella, hindi mo kailangan ng makeup para mapansin ka ng lahat. Maganda ka. Tandaan mo, hindi ka si Chim at hindi mo kailangang maging si Chim. Maging si Stella ka lang at matatanggap ka rin nilang lahat."

Pagkatapos kong isulat iyon, kumuha na naman ako ng isa na namang papel at nagsulat ulit.

"Stella, kailangan mong tanggapin na may ibang babae na si Papa. Pero kahit na ganoon, kailangan mong maging matatag para kay Mama. Tama na ang pagiging selfish mo. Unahin mo si Mama kasi—"

"Meow."


* * *


Masyado nang mahaba ang araw ko. Tinulalaan ko na lang ang kisame ng kuwarto ko. Wala namang nagbago. Ganito kong iniwan ito, ganito ko pa ring binalikan. Hindi ko alam kung may nabago ba ako sa labas ng bahay na ito o wala. Pero may ilang bagay akong na-realize.

Bakit ko nga ba kailangang baguhin ang past? Bakit hindi ko na lang tanggapin ang katotohanang nangyari na ang lahat ng iyon?

Ilang pagkakataon na ang ibinigay sa akin pero nangyari pa rin ang dapat mangyari.

Ngayong pagbalik ko, naisip kong siguro nga, ang laking bagay ng acceptance, na hindi basta-basta nakukuha hangga't hindi mo naiisip na para maka-move on sa kasalukuyan, huwag na lang balikan ang nakaraan.

Kaya siguro parati akong malungkot. Kasi iyong mga bagay na nagpapalungkot sa akin, palagi ko lang binabalik-balikan.

Pero hindi ko naman sinasadyang bumalik sa worst day ever ko. Si Philip kasi . . .

Si PJ.

Hindi ko pa rin talaga makuha. Kaya ba ako kinausap ni Philip dahil sinabi kong puntahan niya ako sa Santa Clara?

Bigla akong napabangon dahil sa naisip ko.

Oo nga. Kung sinabi ko kay PJ na puntahan niya ako sa Santa Clara after six years, malamang ngang nakuha niya ang mensahe ko sa past.

Ako rin ba ang dahilan kung bakit niya ako nilapitan sa may punong santol?

Pero hindi e! Mas matanda si Philip sa akin ngayon nang higit sampung taon. Paano nangyaring—? Ugh! Nakakabaliw.

Ano'ng oras na, pasado alas-diyes na ng gabi. Nagugutom na ako.

Nakaligtaan ko na namang mamili ng pagkain. Kung ano-ano kasi ang una kong iniisip. Napilitan tuloy akong lumabas para pumunta sa Ministop para bumili ng noodles.

Lalo lang tumatahimik sa may amin. Nabawasan ang mga tambay sa labas. Nagpalit sila ng puting ilaw sa light post. Parang noong isang araw lang, halos pundido na ang bombilya niyon. Mas lumiwanag tuloy sa paligid. Nakailang himas din ako sa braso kong nagtatayuan ang balahibo dahil sa lamig. Saglit akong humikab at nagtakip ng mukha. Pagtanggal ko ng kamay ko . . .

"Hi, Stella."

Unti-unting nagbago ang ekspresyon ng mukha ko.

"Gusto mong kumain?" turoniya sa Ministop na nasa kaliwang gilid niya. "Libre ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top